[Narito ang panayam ko sa seminar na “Pagsipat sa mga Akdang Pampanitikan” na inorganisa ng mga estudyanteng kasapi ng Language Society-Filipino ng Southern Luzon State University ng Lucban, Quezon. Salamat sa mga tagapayo nilang sina Jake Principe at Niles Jordan Breis sa pag-imbita sa akin. Pagbati rin sa mga kapuwa kong tagapagsalita: Si Dr. Mike Coroza ng Ateneo de Manila University na siyang tagapangulo ng UMPIL at ako naman ang sekretaryo heneral; sa mga graduate student ko sa De La Salle University na sina Pat Baloloy at Mark Philip Paderan; at kina Pejay Padrigon at Raul Barcela. Naging malawak, malalim, at masaya ang mga talakayan. Mabuhay ang Literaturang Filipino!]

Kulelat ang Literaturang Filipino sa mga literatura ng mundo. Kapag sinabing World Literature, parang hindi tayo kasama. Sa tingin ko, backstroke tayo hindi dahil sa kulang sa galing ang ating mga manunulat kundi dahil tayo mismo ay hindi binabasa ang mga manunulat natin. At kung babasahin man natin, hindi natin alam kung paano basahin ang ating mga akdang pampanitikan dahil wala pa rin tayong klarong pamamaraan ng pagbasa. Hiram pa rin ang karamihan sa mga teoryang ginagamit ng ating mga kritiko na kino-quote lamang nila sa mga salin sa Ingles dahil kakaunti lang naman sa ating mga mahilig sa literary theory ang nakakabasa ng French at German, ang dalawang pangunahing wika ng mga paborito at iniidolo nating mga literary theorist, naiintindihan man natin ang idea nila o hindi, pakapa-kapa o nagpapanggap lamang para magmukha tayong matalino o scholarly.
Noon pa mang 1970s sinasabi na ni Bienvenido Lumbera ang problema natin. Sa kaniyang artikulong “The Rugged Terrain of Vernacular Literature” na unang nalathala sa The Review noong August 1977, inilatag na niya ang tatlong problema kung bakit madawag, lubak-lubak, at magulo ang kalagayan ng ating mga literatura sa mga wikang bernakular: “(1) Those pertaining to materials; (2) Those pertaining to men; ang (3) Those pertaining to methodology.” Hindi pa naiipon, nasasalin, at nalalathala ang mga sinulat ng maraming manunulat. Kulang ang mga kritiko at tagasalin. At wala tayong sariling pamamaraan upang basahin ang ating mga akda. Ginugol ni Lumbera ang buhay niya bilang guro tungo sa gawaing ito.
Isa si Isagani R. Cruz sa mga naunang tumugon sa panawagan ng guro niyang si Lumbera. May magandang metapora ang guro kong si Cruz hinggil sa problema ng Philippine Kritika: “hika.” Hinihika ang ang wika ng ating Kritika, ang pantapat niya sa Literary Criticism, dahil hiram sa kanluran ang mga salita at konseptong ginagamit ng mga kritiko nating sumusulat sa Filipino. Heto ang kaniyang sinabi sa kaniyang panayam para sa Linguistic Society of the Philippines sa De La Salle University (DLSU) noong 1992 na pinamagatang “Kung Bakit Hinihika ang Wika sa Kritika.” Ani Cruz, “[M]alaking problema para sa ating kritika ang panghihiram ng konseptong banyaga. Dahil sa pag-iisip ng karamihan sa ating kritikong hinulma ng banyagang gahum at bumabalu-baluktot o nagsisirko-sirko ang wika bago nito masakyan ang ating sariling literatura. Kung baga sa kuryente ay 110 ang nabili nating kagamitan mula sa America pero 220 ang sasaksakan nating boltahe.”
Sa kaniyang panayam propesoryal sa DLSU noong Nobyembre 1989 na pinamagatang “The Other Other: Towards a Postcolonial Poetics” tinalakay niya ang problema ng kritisismo sa bansa na masyadong nakasandal sa kanluraning pag-iisip. Mayroon umanong “Eurocentricity” at “Western hegemony.” Problema umano ang pagiging “undertheorized” ng Literaturang Filipino ma-precolonial, colonial, at postcolonial man. “[T]his undertheorization may be shown to stem from the internalization of a hegemonic universalization of culturally imperialistic, pre- or anti-theoretical, quasi-formalistic, mechanically reflectionist, white patriarchy.” Sabi pa ni Cruz, kung ang mga kritikong Filipino ay nabasa sina Aristotle at Jacques Derrida, hindi man lang daw nababasa ng mga kritikong British sina Jose Rizal at Lumbera. Nababasa umano ng mga Filipinong kritiko ang mga nabasa ng mga Americanong kritiko ngunit hindi man lang daw nabasa ng mga Americanong kritiko ang kahit kalahating nababasa ng mga kritikong Filipino. May imbalance talaga. At nagtaray si Cruz, “If a literary theory is only as good as the literary texts that give rise to it, how can theories that take into account only half the world’s literature be taken seriously?” Pero iyon nga, kung ang mga silabus ng kursong literary theory and criticism sa mga unibersidad natin ang pagbabasehan, siniseryoso talaga ng mga kritiko at gustong maging kritiko ang Western literary theories.
Sa introduksiyoni ni Cruz sa libro ng mga tula ni Rio Alma na Muli, Sa Kandungan ng Lupa (DLSU Press, sinabi niya kung bakit magaling na makata, “mahirap makakita ng lalamang pa,” kay Rio Alma. Aniya, “Makabuluhan at masining ang karamihan sa kaniyang mga tula, bukod pa sa nakaaaliw, nakapagpapasigla, at nakapagtuturo. Sa pamantayan ng mga ninuno natin ay papasa siya, dahil may aliw at aral ang kaniyang mga likha. Papasa rin siya sa pamantayan ng ating mga kapanahon, dahil nagpapayaman ng wika, nagpapatindi ng karanasan, at nambubulabog ng kamalayan ang kaniyang mga berso.”
Magagamit natin ang mga pamantayang binanggit ni Cruz sa pagbasa at pagtasa natin ng mga akda sa Literaturang Filipino (Mga akdang sinulat ng mga Filipino sa iba’t ibang wika at alin man sila sa mundo. Hiram ko kay Lumbera ang depenisyon na ito.). Kapag nagbabasa tayo ng isang akda maaari nating itanong ang mga sumusunod: (1) May aliw at aral bang ibinibigay ang akda? Nakaaalliw, nakapagpapasigla at nakapagtuturo ba ito?; (2) Nagpapayaman ba ito ng wika? Mas lalo bang gumada at nagkadangal ang wika kung saan nakasulat ang akda na ito?; (3) Nagpapatindi o nagpapatingkad ba ito ng karanasan natin bilang tao? Nabubuhay ba ang katawang lupa natin—ang ating limang pandama—ng akdang ito?; at(4) Nambubulabog ba ng kamalayan ang akdang ito? May nabago ba sa kamalayan ko habang binabasa ko ang akda? May kakayahan bang baguhin ng akda ang ating lipunan?
Si Lumbera naman ay binubuong estetika na tinatawag niyang “datíng.” Sa kaniyang sanaysay na “’Datíng’: Panimulang Muni sa Estetika ng Panitikang Filipino,” sinabi niyang “layunin kong simulan para sa aking sarili na saliksikin at suriin ang ilang kaisipang magagamit na batayan sa pagbubuo ng kritisismong akma sa mga akdang likha ng mga Filipino sa konteksto ng aktuwal na mga kondisyon sa lipunang Filipino.” Ano ang akmang pagbasa ng ating mga akda? Ito ang hinahanapan ni Lumbera ng sagot ang ang “datíng” ay isa sa nakikita niyang maaari nating gamitin.
Kung idadagdag natin itong datíng ni Lumbera sa apat na pamantayang inilatag ni Cruz, mukhang may sapat na tayong paraan upang basahin nang maayos ang ating mga akda.
Espesipiko dapat sa ating lipunan ang datíng ng akda. Sabi ni Lumbera, “Pangunahin ang kultura ng Pilipinas bilang puwersang tumitiyak sa datíng ng isang akda. Pinapakahulugan ang salitang ‘kultura’ bilang kabuuan ng mga pagpapahalaga, kaugalian at pananaw sa buhay na tinanggap noon at tanggap pa rin, sa iba’t ibang anyo, hanggang ngayon sa mga institusyon, kapisanan at pormasyong sosyal sa ating lipunan. Ang alinmang paksain, kahit ang pinakapersonal, ay hango sa pakikipag-ugnayan ng manlilikha sa mundo. Ito ang dahilan kung bakit maisasaad nang walang pasubali na ang datíng ng akdang Filipino ay espesipiko sa ating lipunan, at ang estetikang nagtatakda ng mga pamantayan ay laging nakaugat sa konteksto ng lipunang Filipino.”
May ilang mga kritikong Filipino na rin namang naghahanap at naglalatag ng pamamaraan ng pagbasa ng ating mga akda. Halimbawa, nariyan ang “taludtod at talinghaga” at “balagtasismo versus modernismo” ni Virgilio Almario. Nariyan din ang “the romance mode in Philippine popular literature” ni Soledad Reyes. Gayundin ang “gitnang uring fantasya” ni Rolando Tolentino at ang “pungsod” ni Isidoro M. Cruz. Hindi na rin naman tayo magsisimula sa wala. Kailangan lang pasiglahin at patingkarin pa.
Inaamin kong hindi madali itong pagdevelop ng sariling pamamaraan ng pagbasa ng ating literatura. Ako rin naman bilang kritiko ng mga akda mga babaeng Bisaya, ang hilig kong mag-quote ng “The Laugh of the Medusa” ng Pranses na si Helene Cixous. Kapag nagtuturo ako kung paano magbasa ng tula, hindi ko talaga mapigilan ang sarili ko na magsimula sa mga konsepto ng “persona” at “addressee.” Kapag nag-i-intro ako sa klase ko sa Literatures of the World man o Literatures of the Philippines, nagsisimula talaga ako sa “dulce et utile” ni Horace para ipaliwanag ang halaga ng pagbabasa ng literatura. Siguro dahil produkto talaga ako ng mga workshop na sinalihan ko noong nagsisimula pa lamang ako magsulat at talagang new critics ang mode ng aking mga guro.
Mahirap man kailangan pa ring gawin. May dalawang guro akong seryosong pinag-isipan kung paano tayo makagawa ng metodo sa pagbasa ng ating sariling literatura. Magandang gabay ang “datíng” ni Lumbera at ang naumpisahang gawain ni Isagani R. Cruz sa tinatawag niyang “kritika.” Patay na si Lumbera at may sakit na si Cruz. Tayo naman ang mag-isip at magtrabaho ngayon. Nahawan na nila kahit konti ang landas tungo sa mas tama at mabisang paraan ng pagbasa ng ating mga akda para hindi na tayo magiging kulelat. Hindi seseryosohin ng mundo ang ating literatura kung tayo mismo ay hindi siniseryoso ito.
[Disyembre 18, 2021 / Manila]

salamat po sa mga sinusulat nyo. 🙂 Happy new year!!
LikeLike
Manigong Bagong Taon din sa ‘yo! God bless. 🤓💕🧜🏽♀️🎆
LikeLike