John Iremil Teodoro: Ang Maikling Sariling Talambuhay ng Isang Sirena

Ang logo ng Sirena Books na gawa ni Manix Abrera

ANG ALAMAT NG SIRENA

Uumpisahan ko ang kuwento ng aking buhay sa alamat ng aking pagiging sirena: Ipinaglihi ako ng aking ina sa isang larawan ng sirena. Sirena na ang katawan ay isda at ang mga paa ay paa ng isang seksing babae. Ang larawang ito ang pinagmamasdan ni Nanay habang kumakain sila ni Tatay sa isang restawran sa Lungsod Tacloban. Tripulante ang marino kong ama ng isang barko ng Petron noon.

Ipinanganak ako alas-siyete ng umaga noong Nobyembre 14, 1973 sa hospital ng probinsiya ng Antique sa bayan ng San Jose de Buenavista sa Isla Panay sa kalagitnaang bahagi ng arkipelago ng Filipinas. Lumaki ako sa baryo ng Maybato na nasa tabi ng karagatan sa pagitan ng Panay at Palawan. Nanggaling ang pangalan ng baryo namin sa ruins ng isang lumang simbahan na itinayo pa noong siglo 17.

Ang aking inang si Milagros Diaz Erine ay taga-Digos, Davao del Sur. Ang kaniyang ama na si Candido ay taga-Samar at ang ina niyang si Isabel ay taga-Leyte. Si Candido ay isang land investigator sa Bureau of Lands sa Davao del Sur. Ang aking ama namang si Ireneo Serrano Teodoro ay taga-San Jose de Buenavista, Antique. Ang kaniyang amang si Graciano ay isang drayber ng pison sa konstruksiyon ng mga kalsada ng gobyerno sa Antique. Ang kaniyang inang si Matea a ng siyang taga-Maybato. Ang second name ko na Iremil ay pinaghalong Ireneo at Milagros.

Ang sanggol na Sirena at ang nanay niyang si Milagros.
Sina Milagros at Ireneo sa kanilang honeymoon sa Lungsod Baguio

Naabutan ko pa ang bahay na yari sa kahoy, kawayan, at nipa nina Lolo Graciano at Lola Matea noong maliit ako. Natatandaan ko pa ang balkonahe na maraming halaman. Nakatanaw ito sa kalsada. Naabutan namin ang bahay na ito ng kapatid kong lalaki na sumunod sa akin na si Graciano II o si Gary. Sa kinatatayuan ng bahay na ito nakatayo ang simentong bahay namin ngayon na ipinatayo ng aming ama noong 1982. Sa simentong bahay na ito nagkamalay ang dalawa ko pang nakababatang kapatid na babae na sina Marie Irmi o Mimi, at Ma. Esperanza Matea Sunshine o Sunshine for short.

Ang bahay ng pamilya ni Captain Ireneo S. Teodoro sa Maybato Norte na itinayo noong 1982.

EDUKASYON AT ANG SIMULA NG PAGIGING MANUNULAT

Serado Katoliko ang aking edukasyon. Nag-Kinder 1 at 2 ako sa ilalim ng kumbento ng Katedral ng Antique. Nag-elementarya ako sa San Jose Academy na paaralan ng mga Assumption Sister. Nag-hayskul sa St. Anthony’s College na pinatatakbo ng mga pari ng Diocese of Antique. Nagkolehiyo sa University of San Agustin ng mga prayleng Agustino sa Lungsod Iloilo. Nag-Master of Fine Arts in Creative Writing at Doctor of Philosophy in Literature bilang iskolar sa De La Salle University sa Manila.

Lumaki ako sa tabingdagat at napapaligiran ng mga kamag-anak at kababaryo na mangingisda. Nag-umpisa akong binansagan ng mga kaibigan at kakilala bilang sirena nang mag-volunteer ako bilang peryodista sa Badillo ng Palawan, isang non-profit na NGO na nakabase sa Lungsod Puerto Princesa sa Palawan. Naging founding editor ako ng lingguhang diyaryong Bandillo ng Palawan mula 2008 hannggang 2000. Sa Palawan ko nadiskubre ang kagandahan ng kalikasan at nabuksan ang aking mga mata sa mga pagkasira ng gubat at dagat at aktibong nakilahok bilang manunulat na mapreserba ang kapaligiran ng Palawan. Sa Palawan ko nadiskubre ang ligayang hatid ng pag-snorkel at pag-scuba diving—ang simula ng aking pagiging certified sirena.

Painting ni Jonathan Benitez

Hindi ako takot sa dagat dahil bukod sa lumaki ako sa tabingdagat, anak ako ng kapitan ng barko. Si Lola Graciano nga noong binata pa siya ay tripulante rin ng isang barko na bumibiyahe hanggang Australia. Gustong-gusto ko ang mga kuwento niya tungkol sa pag-ahit ng balahibo ng mga karnero sa Australia. Si Tatay ang isa sa nga unang seaman at kapitan sa Isla Panay. Noong 1960s siya nag-aral sa Iloilo Maritime Academy sa Muelle Loney sa Lungsod Iloilo. Bata pa lamang ako kapitan na siya ng barko. Kayâ lumaki kaming magkakapatid na nakakaluwag sa buhay.

UNANG BIYAHE SA EUROPA

Nagbakasyon ako sa Sweden noong tag-araw (Tag-araw sa Europa) 2016. Noong 2013 kasi nakapag-asawa ang kapatid kong si Mimi ng isang Swedish na si Jonas Magnuson. Nakatira sila sa Lenhovda, isang maliit at matanawing distrito sa timog na bahagi ng Sweden, sa Smäland kung saan nanggaling ang siyentipikong si Carl Von Linné at ang sikat na children writer na si Astrid Lindgren. Sa lugar ding ito nakaugat ang Ikea.

Sa hardin sa likod ng bahay nina Mimi ay may isang maliit na cottage. Dito ako nagsusulat buong umaga at binansagan namin ang maliit na bahay ba ito sa Sirenahus, o bahay ng sirena. Kapag tag-araw may tumutubong makapal na puno ng mga raspberry na parang hindi nauubusan ng mga bunga.

Ang Sirenahus

Mga limang minuto na lakad mula sa bahay nina Mimi ang Lawa Lenhovda. Sa paligid nito, sa lilim ng gubat ng mga punong pino, ang jogging path kung saan ako naglalakad araw-araw. Dahil tag-araw, tumutubo sa tabing kalsada at sa ilalim ng mga pino ang blueberries at mga ligaw na bulalak.

Sa pagbakaskon kong iyon sa Sweden, namasyal din kami sa iba pang bahagi ng Scandinavia at Europa: Copenhagen sa Denmark; Lübeck, Berlin, at Heidelberg sa Germany; Prague sa Czech Republic; at Kraków sa Poland. Mula Gynia sa Poland ay nagroro kami pabalik ng Sweden nang isang gabi. Dumaong kami sa piyer ng Karlskrona at namasyal muna kami roon bago bumalik sa Lenhovda. Bago rin ako umuwi sa Filipinas, ipinasyal din nila ako sa Stockholm, ang kapital ng Sweden. Sa lahat ng mga lungsod na napuntahan ko sa Europa, Stockholm ang pinakapaborito ko dahil napaka-gentle, artistic, at intelektuwal ang vibes ng lungsod na ito na napakaganda at napakaelegante rin ng arkitektura ng mga lumang gusali. Maraming hardin sa lungsod na ito.

MGA PAGPAPALA SA PROPESYUNAL NA BUHAY

Simula noong Setyembre 2016 bumalik ako sa De La Salle University bilang full-time na guro sa Departamento ng Literatura na may ranggong Associate Professor. Naging Graduate Program Coordinator rin ako ng aming departamento. Sa La Salle naging aktibong Associate for Regional Literature ako mg Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Affiliate din ako sa Southeast Asian Research Center and Hub.

Masaya ako at lubos na nagpapasalamat sa Mahal nga Makaaku sa aking pagtanggap ng The Southeast Asian Writers (SEAWRITE) Award para sa taong 2019. Nakaiskedyul sana ang pormal na pagtanggap nito mula sa Kaharian ng Thailand sa Bangkok noong Nobyembre 2020 subalit nagka-COVID-19 pandemic at nag-lockdown ang mga bansa sa buong mundo noong Marso 2020 kayâ hindi ito natuloy. Naging pormal ang pag-anunsiyo ng gawad na ito noong Setyembre 2021 sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga akda ng mga awardee sa isang online na program sa Zoom.

Noong nagsisimula pa lamang akong seryosong magsulat sa Lungsod Iloilo noong ako’y nasa kolehiyo at hanggang sa mag-MFA ako sa La Salle kung saan naging guro ko ang mga SEAWRITE Awardee na sina Isagani R. Cruz at B.S. Medina, Jr., hindi ko talaga naisip na isang araw matatanggap ko rin ang gawad na ito. Kayâ lubos ang aking pasasalamat at alam kong hindi lamang para sa akin ang gawad na ito. Isa rin itong pagkilala sa literaturang Kinaray-a.

Napakapalad ko sa aking propesyunal na buhay bilang manunulat at guro kayâ lagi akong nagpapasalamat sa Poong Maykapal. Tulad ng pagiging SEAWRITE awardee na hindi ko pinangarap o sumagi sa isipan ko noong bata pa ako, hindi ko rin naisip noon na balang araw magiging guro ako at maging ganap na propesor. Na-promote ako bilang Full Professor 5 noong Oktubre 2021 sa edad na 48.

Noong Setyembre 1, 2022 na-appoint ako bilang direktor ng The Bienvenido N. Santos Creative Writing Center (BNSCWC). Bagama’t hindi ako masyadong kumportable na tanggapin ang katungkulang ito dahil alam kong hindi ako kasing galing at kasing sipag ng dalawang minamahal kong kaibigan na sina Shirley Lua at Ronald Baytan na mga naging direktor ng sentrong ito, tinanggap ko pa rin ito bilang pagpupugay sa literary father kong si Cirilo F. Bautista na siyang unang direktor ng BNSCWC. Muli, ni sa hinagap ko noong 1995 nang tumutulong ako kay Dr. Bautista sa pag-organisa ng mga aktibidad para sa BNSCWC at binigyan pa niya ako ng susi ng opisinang ito, hindi ko talaga naisip noon na balang araw magiging direktor ako ng sentrong ito. Kayâ isang banal na karangalan para sa akin ang maging BNSCWC director kahit panandalian lamang.

MAYBATO, IGUHAG, TUBUDAN: HARDIN MAGNIFICAT

Matapos ng mahigit dalawang taon na hindi ako nakauwi sa Antique dahil sa pandemyang COVID-19, nakapagbakasyon ako noong Hulyo at Agosto, 2022. Medyo mahaba-haba dahil binigyan ng DLSU ng pagkakataong makapagpahinga ang mga guro at estudyante nito. Kinansel ang Term 3 upang makapagpahinga ang gustong magpahinga.

Umuwi ako sa Antique at binayaran ko na nang buo ang lupang binili ko sa Casay, Anini-y, Antique. Sa Sityo Iguhag ito sa katabi ng lupa ng dati kong estudyanteng si Elsed Togonon na isa ring manunulat. Anim na libong metro kuwadrado ang binili kong burol sa aking permaculture farm na tatawagin kong Hardin Magnificat dahil gusto kong maging pook ito ng pagpapasalamat ko sa lahat ng biyaya ng Diyos.

Ang pook kung saan bumili ang Sirena ng lupa sa Tubudan, San Remegio, Antique.

Wala sa plano subalit bumili rin ako ng lupa sa baryo ng Tubudan sa bayan ng San Remigio. Katabing barangay ito ng Aningalan na siyang “summer capital” ng Antique dahil malamig doon—di hamak na mas malamig kaysa Tagaytay at mas mainit lang nang kaunti kaysa Baguio. Walong daan at pitumpong metro kuwadrado lamang ito. Tamang-tama para patayuan ko ito ng summer house at tataniman ko ng mga pine tree, bulaklak, at istroberi. Makikita ang dagat mula sa property na ito.

Ngayong Nobyembre 14, 2022, magiging 49 na ako. Naghahanda na ako para sa aking early retirement mula sa DLSU. Ang plano ko, sa edad na 55 uuwi na ako sa Antique para maging isang magsasaka at maging full time manunulat. Siguro magtuturo pa rin ako pero dalawang araw na lamang sa isang linggo. May tatlo akong hardin na dapat asikasuhin—sa Maybato, sa Iguhag, at sa Tubudan. Mga pangalan pa lamang ng mga lugar na ito tunog binalaybay na.

[Updated: 11 Oktubre 2022]