Grace Hsieh-Hsing

Una kong narinig ang pangalang Grace Hsieh-Hsing o Grace Lee sa isang professiorial lecture ng guro kong si Isagani R. Cruz sa De La Salle University noong 1995 o 1996. Estudyante ako noon ng Master of Fine Arts in Creative Writing at nagpapalawak pa ng kaalaman hinggil sa literatura lalo na sa panulaan. Ang panayam na iyon ni Dr. Cruz ay tungkol sa literaturang Tsinoy at nang binasa niya ang kaniyang salin sa Filipino ng tulang “La Generala” ni Hsieh-Hsing ay agad na akong na-in love sa panulaan nitong Tsinoy na makata.

Labis akong nalungkot sa nabasang balita kahapon sa Facebook, sa wall ng mga manunulat na kaibigang sina Joaquin Sy at Jameson Ong, ang pagtaliwan ni Grace Hsieh-Hsing. Subalit gaya ng sinabi ni Jameson (na isa ring hinahangaan kong makatang Tsinoy) sa kaniyang post, naway mabuhay nang walang hanggan si Grace Hsieh-Hsing sa kaniyang mga tula. Makapangyarihan ang sining tulad ng tula, nagiging imortal ang makata o ang artist sa kaniyang kamatayan.

Agad kong hinanap sa bookshelf sa tabi ng kama ko rito sa aking silid sa bahay namin sa Pasig ang kopya ko ng libro ni Hsieh-Hsing, ang Halo-Halo: Poems of the Philippines (Chinese-English-Filipino na inilathala ng Philippine Chinese Literary Arts Association noong 2015. May salin ito sa Ingles nina John Shih at Rita C. Tan, at sa Filipino nina Joaquin Sy at Isagani R. Cruz.

Nakakahiya mang aminin pero dalawa ang kopya ko ng librong ito. Isa rito sa Pasig at isa roon sa Tore ko sa Taft Avenue. Gina-justify ko na lamang sa sarili ko na ang kopya ko sa Taft ay ang ginagamit ko sa pagtuturo at ang kopya ko rito sa Pasig ay ang pang-reading for pleasure ko. Ang mga kopya kong ito ay regalo sa akin ni Sir Joaquin ilang taon na ang nakararaan. Marami siyang binigay sa akin at sabi niya ipamigay ko sa iba. Well, dalawa ang ibinigay ko sa aking sarili. Pero salamat sa mga extra copy dahil tuwang-tuwa ang Chinese naming PhD in Literature na estudyante na nang mag-enrol sa klase kong Introduction to Scholarship noong bago mag-pandemya ay binigyan ko siya ng librog ito.

Kapag nagtuturo ako ng Philippine Literature o ng Literary History of the Philippines laging kasama ang Chinese-Philippine Literature o Literaturang Tsinoy sa aking silabus at ang binabasa at tinatalakay namin sa klase ay ang mga tula nina Hsieh-Hsing at Ong. Maraming estudyanteng Tsinoy sa La Salle at karamihan sa kanila nagugulat din na mayroon palang mga Intsik na manunulat at nagsusulat sa Mandarin. Nagugulat sila kapag sinasabi kong mayroong Literaturang Filipino na nakasulat sa Mandarin.

May dalawang tulang Hsieh-Hsing akong paborito: “La Generala” at “Kalye Ongpin.” Si Gabriela Silang ang nagsasalita sa tulang “La Generala” at sino pa nga ba ang generalang tinutukoy kundi siya. Sa tula estatwa na ni Gabriela ang nagsasalita at ang direktang kinakausap nito ay ang banang si Diego. Narito ang pangalawa sa huling saknong na salin ni Sy: “Mahal kong Diego, / muli’y nakapaligid sa estatwa ko ang mga turista. / Nakatingala, pinupuri nila / ang mahabang buhok na inililipad ng hangin, / ang mukhang kababakasan ng maalab na damdamin, / ang kamay na matatag ang hawak sa tabak, / ang magilas na sakay sa dambuhalang kabayo. / Sinasabi nila: / Isang napakagandang estatwa! / Isang napakagandang babaing bayani!” Dito nakikinig si Gabriela sa mga papuri sa kaniya bilang bayani at sa ganda ng pagkagawa ng eskultura niya. Tulad ng isang tunay na bayani, hindi naman siya nagpakabayani para lamang sarili. Hindi niya kailangan ang mga papuring ganito.

Sa huling saknong, ito ang sabi niya kay Diego: “Mahal kong Diego, / sapat na ang lahat nang ito, / hayaang kalimutan nila ang digmaan, / kalimutan ang patayan at kalupitan. / Hayaang humanga sila sa akin, / gaya nang paghanga sa isang likhang-sining. / Hayaang habampanahong tamasahin nila / ang kalayaan, ang pagkakapantay-pantay, / ang pananaig ng kagustuhan ng taumbayan. / Hayaang maghari sa kanilang kalooban / ang kagandahan at ang pagmamahalan. / Hayaan silang maging maligaya, gaya natin noon, / sakay ng kabayo, magkasamang paroo’t parito, / sa maliligayang mga araw natin sa Vigan…”

Sayang at hindi ako nagkaroon ng pagkakataong tanungin si Hsieh-Hsing kung bakit niya naisulat ang tulang ito. Ito ang tipo ng tula na kung hindi mo alam kung sino ang sumulat at salin lamang pala ito mula sa Mandarin ay hindi mo iisiping isang Tsinoy ang sumulat nito. Lagi kong sinasabi sa aking mga estudyante na ang tulang ito ay patunay na ang mga Tsinoy ay Filipino talaga dahil kagaya ni Hsieh-Hsing, naiimadyin din nila na bahagi sila ng pamayanang Filipino kung susundan natin ang sinasabi ni Benedict Anderson na ang bansa ay isang “imagined community.” May iba pang tula hinggil sa kasaysayan ng bansa si Hsieh-Hsing tulad ng “Manila 1984,” “Maria Clara,” “Tandang Sora,” at “Isang Liham ni Lapu-Lapu kay Magellan.”

Naiiyak ako kapag binabasa ang tulang “La Generala” dahil sa puno ng pag-ibig na tinig ni Gabriela—pag-ibig sa Filipinas at pag-ibig kay Diego. Ang ganitong dalisay na pagmamahal ay laging nakaaantig sa aking damdamin bilang isang hopelessly romantic na makata. Naiiyak naman ako sa tulang “Kalye Ongpin” dahil sa dalisay na pangungulila sa iniwang tahanan (homesickness) sa tinig ng persona sa tula. Narito ang pambungad na saknong (salin pa rin ni Sy): “Nasa Chinatown ang Kalye Ongpin. / Tuwing naiisip ko ang Tsina / Sa Ongpin nagpupunta.” Susundan ito ng mga saknong na iniisa-isa ng persona ang mga dahilan ng pagbisita niya sa Ongpin sa Chinatown tulad ng pagbili ng Chinese medicine, kumain ng lutong Tsino (na malamang sa President’s Tea House na paborito ko rin!), para magbasa ng magugulong karatulang Tsino, makinig ng mga awiting Tsino, at iba pa.

Subalit matatanto, o matagal na talagang alam ng persona, na hindi Tsina ang Ongpin kundi Filipinas. Mabigat ang lungkot na dulot ng huling dalawang maikling saknong: “Tuwing naiisip ko ang Tsina / Sa Ongpin nagpupunta, / Nasa Chinatown ang Kalye Ongpin. // Ang Chinatown ay hindi sa Tsina, / Ang Chinatown ay hindi Tsina.” Sa panahong mainit ang isyu hinggil sa mga isla natin sa West Philippine Sea na inaagaw ng China, magandang talakayin ang tulang ito ni Hsieh-Hsing upang maibsan o maitama ang racism na pati ang mga kababayan nating Intsik o Tsinoy ay nagiging target din. Marami sa atin ang nalilito sa kaibahan ng Tsino at Tsinoy/Intsik. Malaki ang maibabahaging leksiyon sa atin hinggil dito ng mga tula ni Hsieh-Hsing.

Si Grace Hsieh-Hsing at ang Sirena sa awarding ng Pambansang Alagad ni Balagtas sa Ateneo de Manila University noong 2013.

Si Hsieh-Hsing ay ipinanganak sa Shanghai ngunit lumaki sa Taiwan. Nag-immigrate siya rito sa Filipinas noong 1964 at ito na ang naging kaniyang tahanan. Apat na beses napiling “poem of the year” ang kaniyang mga tula sa Taiwan noong mga taon ng 1984, 1985, 1989, at 1992. Ilang beses din nakasama sa listahan ng mga pinakamagadang tula na nalalathala kada buwan ang mga akda niya sa kolum na Critic-at-Large ni Isagani R. Cruz sa Starweek Magazine. Noong 1992 nanalo ng unang gantimpala ang kaniyang librong Meditation in the Stone Forest sa patimpalak na itinaguyod ng Federation of Overseas Chinese Associations. Ginawaran din siya ng Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas (UMPIL) ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas para sa Panulaan noong 2013. Doon ko siya unang nakita at talagang na-starstruck ako. Napakaganda, grasyosa, at eleganteng babae niya. Kung naging babae lamang ako, gusto kong maging katulad niya sa aking pagtanda!

Usapang Baboy

Ikalawang araw ng dalawang linggong term break namin ngayon kayâ hindi ako nagi-guilty na namalengke at nagluto lang ako buong umaga ngayong araw. Nagluto ako ng sikat kong adobong baboy na laging inaabangan ng mga kamag-anak at kaibigan. Naisip ko na medyo matagal-tagal na rin akong nagluto nito dahil mas gulay at isda na ang mga kinakain ko.

Ang sikat na adobong baboy ng Sirena at piniritong bilong-bilong.

Bago ako makaidlip kagabi iniisip kong bumangon nang maaga, mga alas-sais, upang makapagkape’t makapagpandesal agad at pagkatapos ay pupunta na ng Choice Market sa labas sa Ortigas Extension upang bumili ng baboy na aadobohin at ng isda, tuna o kaya’y galungong, na piprituhin. Papadalhan ko si Sunshine sa hotel na titirhan niya sa Antipolo. Naka-lock-in shooting siya ng dalawang linggo at ilang araw na siyang nagrereklamo na pangit ang pagkain na ibinibigay sa kanila. Nag-post siya sa Messenger Group naming magkakapatid at naglalambing na iluto ko siya ng aking adobong baboy at padalhan siya.

Nagdesisyon nga ako kagabi na magluluto ako ng adobong baboy ngayong araw kesehodang may shortage ng baboy sa Metro Manila at nagkakagulo sa mga palengke dahil maraming nagtitinda ng baboy ang hindi makasunod sa price cap na itinakda ng pamahalaan nitong mga nakaraang araw lamang. Maraming tindera’t tindero din ang nagdeklara ng kaniya-kaniyang pork holiday. Ibig sabihin, tigil muna sila sa pagtitinda ng karneng baboy dahil wala naman silang kikitain sanhi umiiral na price control.

Ang African swine flu (ASF) ang itiniturong dahilan ng kakulangan ng baboy. Marami kasing namatay at pinatay na mga baboy noong nakaraang taon dahil sa nakahahawang sakit na ito sa sangkababuyan. Noong Enero lang umabot hanggang PhP400 ang kada kilo ng baboy. Ka-level na ng karneng baka. Naloloka si Sunshine kasi noong nakaraang taon nakakabili pa siya ng tig-PhP250 per kilo na karneng baboy para sa negosyo niyang imbutido at KBL.

As useless, gumalaw na lang uli ang mga inutil sa pamahalaan nang medyo maingay na sa midya at internet ang abnormal na pagmahal ng mga bilihin sa palengke lalo na ng karneng baboy. Ito ang problema kapag populist ang gobyerno. Walang ginagawa kung hindi maingay ang mga nagrereklamong apektado. Gagalaw lang kapag mainit na ang isyu at siyempre kailangang makahanap kaagad sila ng masisisi at murahin para pagtakpan ang katamaran at kabobohan nila. This time mga nagtitinda ng karneng baboy. Pero ang totoo, noong Marso 2020 naibalita na ang tungkol sa outbreak ng ASF sa bansa at mahigit 250,000 na mga baboy na ang pinatay para masawata ang pagkalat nito. Mag-iisang taon na at obvious na walang ginawa ang Department of Agriculture (DA) na tiyakin na hindi magkukulang ang karneng baboy sa mga palengke para maging stable ang presyo nito. Sinabayan pa talaga ng pagmahal ng baboy ang pandemya!

Noong Pebrero 1 nagpalabas si Presidente Duterte ng Executive Order 124 na nagtatakda ng price ceiling na PhP270 para sa kada kilo ng kasim/pigi, PhP300 para sa liempo, at PhP160 para sa kada kilo ng karneng manok. Tambling ang mga tindera’t tindero dahil itong price cap na ang presyong kuha nila sa kanilang paninda. Alangan namang magbenta sila na walang kita. Magbabayad pa sila ng puwesto at trabahador nila.

Handa na akong magbayad ng mahal para sa karneng baboy na aadobohin ko. Ganoon ako ka determinado. Pero pagtanong ko sa tindera, PhP240 ang kilo ng kasim nila at PhP260 naman ang liempo! Isang kilo at kalahating liempo ang binili ko. Tinanong ko siya kung saan nanggaling ang paninda niyang baboy. Sa Mindanao raw. Medyo malayo ang pinanggalingan ng ulam ko kanina sa pananghalian.

Nitong nakaraang mga araw laman na ng mga balita ang libo-libong mga baboy na galing Mindanao ang dumating na dito sa Metro Manila at ibebenta sa mga palengke. Mukhang nakarating na nga sa palengke namin dito sa Pasig. Bumili pa rin ako kahit na ayaw ng ganito ng idolo kong si Barbara Kingsolver na isang locavore.

Itong “locavore” ang bagong natutuhan ko sa pagbabasa ng libro niyang ‘Animal, Vegetable, Miracle: A Year of Food Life’ (HarperCollins, 2007) na tungkol sa pag-uwi nilang mag-anak sa farm ng kaniyang bana upang magtanim at mag-alaga ng mga kakainin nila. Bibili lang din sila ng iba pang kakainin nila sa mga katabing farm o sa mga farmer’s market sa kanilang lugar. Hindi sila kakain ng mga produktong galing sa ibang lugar dahil malaki ang carbon footprint nito dahil kailangan pang ibiyahe. Hindi rin sila kakain ng mga GMO (genetically modified organisms) na produkto na kadalasan mabibili sa mga grocery stores. Dedma din sila sa mga produktong karne mula sa mga CAFO (concentrated animal feeding operation) farm. Organic dapat ang kakainin nila at hanggat maaari ay tanim at alaga nila. Ang locavore ay kumakain lamang ng mga pagkain na lokal (ibig sabihin nasa vicinity lang at hindi binabiyahe na litrong-litrong krudo ang kailangan) na produkto. Bukod sa mas masarap ang mga ito at nakatutulong pa sa lokal na ekonomiya, mas healthy pa ito para sa katawan at sa kapaligiran.

Ang isa sa mga solusyon ng DA upang magkaroon ng sapat na karneng baboy rito sa Metro Manila ay ang hakutin ang mga sobrang baboy mula sa Visayas at Mindanao, at mag-import ng mga frozen meat na siyang tuluyang papatay sa industriya ng pagbababoy sa bansa. Dapat magsipag pa ang DA na tulungan ang mga hog farmer natin at ipalaganap pa ang backyard na pag-aalaga ng baboy sa mga probinsiya.

Noong maliit pa ako sa Antique gustong-gusto kong tinutulungan si Lola Flora, ang matandang dalagang tiya ng aming ama, na may laging may dalawang patabaing baboy na alaga sa likod ng bahay at mga bis’ya na manok na nakatira sa malabay na punong chesa sa tabi ng tangkal o kural ng kaniyang dalawang baboy. Tinadtad na kangkong na niluluto sa malaking lata ng mantika kasama ng pinong darak at binlid ang paborito ng kaniyang mga baboy. Nagtatago ako sa kuwarto niya kapag dumating na ang tagabayan na bibili ng kaniyang baboy upang katayin ito at ibenta sa palengke. Parang sinasaksak ang puso ko habang pinapakinggan ang eskandalosong pag-iyak ng dalawang baboy na hinihila pasakay ng traysikel.

Iniisip ko na kapag retired na ako titira ako sa isang maliit na bahay pero napapaligiran ng malawak na hardin at mga alagang hayop. Magtatanim ako ng mga gulay na pangkunsumo. Magkakaroon din ako ng tilapia pond, mga alagang native chicken, at native na baboy (yung maitim) na organic ang mga kinakain. Hindi ko pa kasi magagawa ito ngayon sa maliit na hardin ko rito sa Pasig at lalo na sa Tore ko sa Taft Avenue.

Hindi lamang si Sunshine ang natuwa dahil nagluto ako ng adobong baboy. Ang ipinadala ko sa kaniya ay may kasama pang apat na piraso ng piniritong bilong-bilong na binili ko rin sa Choice kanina. Tuwang-tuwa rin si Prince. Eversince naman kapag adobo ko ang ulam niya ay talagang simot na simot ang lagayan ng kaniyang pagkain. Hinihingal pa siya at lawit ang dila sa bilis ng pagkain niya na akala mo naman may mang-aagaw sa adobo toppings niya. Kapag kasi hindi niya type ulam hindi niya inuubos at hinahayaan na lamang niyang ubusin ito ng mga pusa. Yung tatlong pusa kasi namin kahit binibigyan na sila ng cat food nila inaabangan pa rin nila kung may matitira sa kainang mangkok ni Prince.

Siyempre ako, kailangan ng superhuman self-control na huwag magsaing ng anim na tasa ng bigas dahil magpapa-laboratory test ako at magkukunsulta sa aking diabetologist sa darating na Sabado! Hindi kailangang magdagdag ng timbang at babuyin ang blood sugar ngayong term break.

Pagpapraktis ng Delayed Gratification

Mga maganda ngunit murang t-shirt sa Choice Market mall.

Patapos na ang unang linggo ng Pebrero at mukhang nagtatagumpay na ako sa aking new year’s resolution na may moratorium muna sa pagbili ng damit, sapatos, at bag. Imbes na gumastos sa mga ito, idadagdag ko ito sa aking savings para sa katapusan ng 2021 maa-achieve ko uli ang aking financial goal o FG. Nang magkuwenta kasi ako noong unang linggo ng Enero, achieve na achieve ko ang aking FG2020 sa kabila ng pandemya. Hindi dapat ipangalandakan dahil marami ang naghirap at lalong naghirap dahil sa mga community quarantine, subalit dapat ipagpasalamat sa Poong Maykapal.

Naisip ko siguro kung hindi pa ako namili ng mga damit noong Disyembre, mas bongga pa sana ang naipon ko. May plano kasi akong mag-early retirement kung kayâ ipon galore ako. Marami kasing sale bago mag-Pasko last year at minsan nang mapadaan ako sa H&M sa Robinsons Galleria naka-sale nang 50% ang mga t-shirt at polo nila. Sampu ang nabili ko! Masarap kasi sa katawan ang mga damit ng H&M at matibay pa. Ang mga polo na binili ko sa Sweden noong tag-araw 2016, para pa ring bago ngayon. Saka maganda talaga ang style, disenyo, at materyales ng mga damit sa H&M. Simple na elegante. Iba talaga ang taste ng mga Swedish.

Nang ipinakita ko kina Mimi at Juliet sa Facetime ang mga binili ko, shocked silang dalawa dahil dapat daw hinihintay ko muna ang balikbayan box na pinadala nila. May sampung t-shirt at polo daw ako roon na binili nila nang mag-end of season sale ang H&M sa Växjö, ang lungsod sa timog Sweden na malapit sa kanila sa Lenhovda.

Dahil sa pandemya na-delay ang pagdating ng ipinadalang box nila sa amin ni Sunshine sa Pasig. Dapat kasi unang linggo pa lamang ng Nobyembre ay dumadating na ito dahil kasama rito ang mga Christmas gift nila sa amin, mga panregalong chocolate at delata para sa mga kaibigan at kamag-anak, at ilang panghanda sa Noche Buena. Tapos na ang Pista ng Tatlong Hari nang makarating ito sa amin.

Nang makita ko nga ang mga damit para sa akin, parang gusto kong magsisi kung bakit nag-panic buying pa ako ng mga t-shirt at polo shirt noong nakaraang Disyembre. Nang tiningnan ko na isa-isa, may isang polo nga na pareho! Hayon binalot ko na lamang ito at itinabi. Naisip kong iuwi ko na lang ito sa bahay namin sa Antique kung puwede nang magbiyahe.

Bukod sa mga damit, mayroon ding tennis shoes, knapsack, at sling bag para sa akin. Branded ang mga ito! Káya ko namang bilhin ang mga ito pero dahil kuripot ako, hindi ko bibilhin na gamit ang sariling pera. Sa pagbili lang ng libro ako galante. Alam ito ng mga kapatid ko kayâ sila na ang kusang bumibili ng mga branded na gamit para sa akin. Siguro para hindi ako magmukhang mahirap kapag kasama ko sila.

Kapag nasa bahay ako sa Pasig sa Choice Market Ortigas ako nagwo-walking at sa kadugtong nitong LG Mall. Bongga ang palengke sa ground floor ng Choice na may bansag, “The cleanest palengke in the metro” na sa tingin ko ay totoo. Kung minsan kapag maaga pa at sarado pa ang ikalawang palapag ng mall, doon muna ako sa palengke nagwo-walking. Ito ang wet market na hindi wet at nanlilimahid ang sahig at hindi ito amoy-palengke. Ang maganda pa, halos pareho lang ang mga presyo nila sa mga tinda sa talipapa. Dahil kasi sosi tingnan ang palengke, aakalain mong mas mahal mamili roon pero hindi.

Mga murang branded na t-shirt.

Sa second floor ako kadalasang naglalakad at doon nati-test ang aking will power pagdating sa pagdisiplina sa sarili na maging tapat sa aking new year’s resolution at ipraktis ang delayed gratification. Marami kasing tinda roong mga damit na magaganda ang kalidad pero mura. Mga overrun ng mga branded na damit at mga class A na imitation. Galing daw ang mga paninda nila roon sa mga factory ng damit sa Cainta, Bangladesh, Cambodia, at China. Mahilig kasi akong magtanong sa mga tindero’t tindera kung saan nanggagaling ang mga produkto nila. May mga magandang t-shirt na tig-PhP100 lamang. Parang sa night market lang sa Cambodia na tig-one o two US$ lang kada piraso. Siyempre kapag ganito ka mura, alam mong may mga na-exploit na factory worker. Baka may kasama pa itong child labor issues.

Kahinaan ko kasi talaga na kapag may disenyong bulaklak ang mga damit, nati-trigger ang pagpapanic buying ko. At maraming ganito sa Choice. Dahil sa self-imposed moratorium ko, paulit-ulit kong sinasabi sa aking sarili na kahit gaano ka ganda (may tropical flowers and fruits, o mga bulaklak ng tag-araw ng Europa), ka mura, ka kasya para sa akin, hindi ko pa rin bibilhin. Kailangan kong i-embrace ang value ng delayed gratification. Hindi kailangang bilhin ang mga nagustuhang damit ngayon. Lalo na kung marami ka pa namang damit sa closet na hindi pa nga naisusuot. Puwede i-save muna ang pera para balang-araw, sa panahon na retired na, may pambili ka pa rin ng damit. Kaysa naman gastos tayo nang gastos ngayon at wala nang pera later. Sabi ng financial adviser na si Chinkee Tan sa kaniyang librong Diary of a Pulubi, “Shopping now, pulubi later.” Kahit kasi mura o naka-sale ang binibili mo kung maramihan naman o madalas mo itong ginagawa, masasaktan ang iyong bulsa at tiyak na madadamay pati credit cards mo at bank account.

Parang tumitibay na talaga ang dibdib ko pagdating sa delayed gratification. Noong isang araw pumunta ako ng Robinsons Manila para bumili ng pampalit sa nasirang charger ng Macbook ko. Na-resist ko ang temptation na pumasok sa H&M doon. May sale pa naman sila!

Siguro malaking tulong din ang pag-eehersisyo ko araw-araw dahil sabi nga nila nakakapagbawas ng nararamdamang stress ito at nakakapagpa-release pa ng endorphins o happy hormones. Ang sobra-sobra kasing pagsa-shopping ay baka sintoma rin ng mental health problems.

Paraiso ng mga murang bilihin!

Maraming pag-aaral din ang nagsasabing ang fashion industry ang isa sa mga pinaka-pollutant sa mundo. Maraming mga damit at tela sa tambakan ng basura. Kayâ hindi lamang maganda para sa finances ko ang self-imposed moratorium sa pagbili ng mga damit, sapatos, at bag ngayong taon. Makabubuti rin ito sa kapaligiran dahil hindi ako makadagdag sa paglikha ko ng mga basura. Bawat isa kasi sa atin ay may nililikhang basura araw-araw. Dapat conscious tayo na bawasan ito.

Kasabay ng pag-e-exercise ko araw-araw upang manatiling malusog ang aking katawang lupa, kailangan ko ring pangalagaan ang pangpinansiyal kong kalusugan. Ibig sabihin nito, kung nagbabawas ako sa mga kinakain kong matatamis at matataba, kailangan ko ring bawasan ang pag-acquire ng mga materyal na bagay o ang aking pagiging consumerist. Kapag ganito, napapangalagaan ko rin ang aking pera at ang kapaligiran sa kabuoan. Kapag may sapat kang pera, nagiging stable din ang iyong mental health dahil hindi ka namumrublema sa pera.

Ano ba talaga ang pinakamahalaga sa buhay natin? Sa tingin ko malusog na pangangatawan at masayang pakiramdam. At malaking tulong sa pagpapanatili ng kalusugan at kasiyahan kung may sapat kang pera at hindi sira ang iyong kapaligiran.

[Pebrero 5-6, 2021 / Maynila]

Linggo sa Intramuros

Sa may Puerta Real sa Intramuros.

Para maabot ko ang aking goal na 10K steps ngayong araw ng Linggo, naisip ko kahapon na mag-walking ngayong umaga sa Luneta at pagkatapos mag-breakfast o brunch sa Intramuros. Gin-PM ko si Pietros kung gusto niyang samahan ako. At dahil kaladkarin siya agad naman siyang umuo.

Kayâ paggising ko kanina mga 5:00 AM, nagkape agad ako at nagpandesal. Gusto ko kasi may laman ang tiyan ko bago mag-walking. Kailangan ko ring magkape agad para makapag-CR ako nang maaga. Ayaw kong maghanap ng CR sa Luneta o Intramuros.

Mga 7:15 ako umalis sa aming condominium building na nasa tabi ng La Salle. Mga 7:45 ako nakarating ng Taft Avenue entrance ng Luneta. Sarado! Akala ko kasi binubuksan ito kung umaga para sa mga nag-eehersisyo. Naloka ako. Tiningnan ko ang phone ko. May text si Pietros. Nasa taxi na raw siya at sa Taft na. Tinatanong niya kung nasaan na ako. Sagot ko sa harap ng Luneta at hihintayin ko siya. Tiningnan ko rin ang pedometer ng iPhone ko. Naka-3,842 steps lang ako. 2.4 kilometro lang pala ang layo ng Luneta sa condo ko. Malapit lang.

Mayâ-mayâ pa dumating na rin si Pietros. Sabi ko sa kaniya dumiretso na kami ng Intramuros. Napansin namin na medyo marami rin ang nagwo-walking at nagdya-jogging na disappointed dahil sarado ang Rizal Park. Naisip ko, siguro naman ang Intramuros ay bukas. Dahil kung hindi, tatawagan ko si poging Yorme Iskô at aawayin ko. Charot!

Bukas nga ang Intramuros! Sa bungad ang Puerta Real Gardens. Ito ang sarado. Sayang at gusto ko pa sanang ipakita kay Pietros ang hardin na ito na magandang venue para sa mga party tulad ng kasal at birthday. Naiisip ko nga, dito kaya ako mag-50th birthday? Paula at Candida ang theme.

Pagpasok namin ng tarangkahan ng Intramuros na nasa harap ng Pamantasang Lungsod ng Maynila (PLM), ang kalye pakaliwa ang unang pinuntahan namin. Iyon kasi ang hindi ko masyadong dinadaanan. Nagulat kaming malaman na malaki pala ang PLM. Para kasing maliit lang tingnan. Isang block pala ang haba nito. At sa likod nasilip namin ang loob at maraming gusali pala ito. May isang building sila na may pinto sa tabingkalsada. Maganda ang disenyo nito na parang lumang bahay na pang-Intramuros ang arkitektura. Napakuha ako ng larawan dito dahil sabi ko kay Pietros, ipapagaya ko ito kapag magpagawa ako ng sarili kong bahay balang-araw.

Ang pintong gustong ipagaya ng Sirena.

Sa kabilang kalsada ng magandang gusaling ito ang hardin ng Balauarte de San Diego na isang venue rin para sa parties. Sarado rin ito ngayong may pandemic.

Hindi ganoon karami ang mga tao sa Intramuros kaninang umaga. To think na Linggo at pista pa ni Señor Santo Niño. May mga misa pa rin naman sa San Agustin Church at sa Manila Cathedral pero limitado lamang ang pinapapasok dahil ipinapatupad ang physical distancing. Naalala ko tuloy si Manang Sabel. Kapag nagdi-date kami, Saturday o Sunday at nagkikita kami sa San Agustin Church dahil ang una naming activity, bago kumain at magtsismis, ay ang pagsisimba muna. Hindi na muna kami nagkikita sa Intramuros ngayon dahil kabilang siya sa vulnerable sectors sa COVID-19. Senior citizen na siya at cancer survivor pa.

Wala ring mga banyagang turista ngayon. Madalas kasi ilang bus sila, at maiingay at magugulo. Lalo na ang nga Tsino na turista. May nahuli pa nga minsan na tumae sa isang pader. Kung walang pandemya, marami rin ang nagpi-field trip na mga estudyante at bus-bus din sila. Noong nagtuturo pa ako sa Miriam College, nagbo-volunteer akong maging faculty chaperon sa mga field tirp ng history classes at itong Intramuros ang laging una sa itinerary.

Maganda talaga ang Intramuros sabi namin ni Pietros. Sana i-restore pa ang ibang mga gusali at linisin pa ito. Kapag nagtuturo ako ng Philippine Literature, bago namin talakayin ang dulang “A Portrait of the Artist as Filipino” ni Nick Joaquin, pinapapunta ko muna ang mga estudyante ko sa Intramuros at pinapagawa ko sila ng isang dokumentaryo na ang pamagat ang “Looking for Paula and Candida in Intramuros.” Maraming mga estudyante ako na kahit ipinanganak at lumaki sila sa Metro Manila ay hindi sila nakapamasyal sa Intramuros. Ang ilan sa kanila talagang nagpapasalamat sa akin na ni-require ko sila na pumunta ng Intramuros dahil nagulat silang may ganito palang lugar dito sa Manila na mala-Europa ang peg. Siyempre marami pang pangit na part ang Intramuros. Pero ang malaking bahagi nito ay maganda nang pasyalan. Tulad halimbawa ng Fort Santiago na maganda na ang pagkaayos. Ang kaso, sarado rin ang Fort Santiago ngayong may pandemic.

Dahil sa Germany lumaki si Pietros madalas naming pag-usapan ang bansang ito at ang mga manunulat na German lalo na si Thomas Mann. Sabi ko nga sa kaniya, ang old town ng Lübeck ay parang Intramuros din. Walled city rin. Mas bongga nga lang ang gate at napapalibutan ito ng ilog. Siyempre mas well-preserved din ang mga gusali sa Lübeck tulad na lamang ng Buddenbrookes House na isang literary museum tungkol kina Thomas at Henrick Mann. Magkapatid na manunulat na parehong magaling. Sabi ni Pietros well-preserved ang Lübeck dahil hindi ito binomba noong World War II. Hindi tulad ng Berlin at Manila na nadurog talaga dahil sa pambobomba.

Nag-brunch kami sa Ristorante delle Mítre, ang restawran sa Catholic Bishops Conference of the Philippines na nasa tapat lang ng San Agustin Church. Ito ang paborito kong restawran sa Intramuros bukod sa Ilustrado. Breakfast ang inorder namin. Homemade longganisa ang sa akin at boneless bangus naman ang kay Pietros. Nag-order din kami ng bihon at apat na piraso ng malunggay pandesal. Nakatutuwa ang restawrang ito dahil buhay obispo ang motif. May mga naka-display na mga estatwa ng santo at mga mítre. May painting pa nga ni San Pedro Calungsod at naalala ko tuloy ang seksing basketball player na taga-Iloilo na naging model para sa image ni Calungsod para sa kaniyang beatification noong nasa kolehiyo pa ako sa San Agustin sa Iloilo. Ikinuwento ko kay Pietros ang trivia na ito.

Natutuwa rin ako sa menu ng Mítre. Ang mga pagkain nila ay nakapangalan sa mga obispo. Halimbawa may isang breakfast set na nakapangalan sa obispong kaibigan ng nasira kong Ina na tambay ng simbahan noong nabubuhay pa siya. “Bishop Jose Romeo Lazo’s (Bishop of Antique) Fried Danggit with Sunny side-up Egg and Garlic Rice.” Simpleng pagkain lang para sa isang mild-mannered at maliit na obispo na kahit Archbishop of Jaro na siya ngayon ay low profile at humble pa rin. Naalala ko noong obispo pa siya ng Aklan ay may guro ng Aklan Catholic College (nasa ilalim ito ng pamamahala ng obispo) na estudyante namin sa MA in Literature sa San Agustin na namatay dahil sa atake sa puso. Nag-attend kami ng misa sa Aklan at si Bishop Lazo ang nagmisa. Pagkatapos ng misa ay lumapit ako sa kaniya ang nagmano. Nagpakilala rin ako na anak ng kaibigan niyang si Bebe Teodoro at guro ako sa San Agustin ng namatay nilang faculty. Inakbayan niya ako at binulongan ng, “Naku, baka namatay siya dahil masyado mong pinahirapan sa klase mo.” Nagtambling ako sa joke niyang iyon!

Gayupaman, kahit pabalik-balik ako ng Mítre, hindi ko pa rin inoorder ang danggit ni Bishop Lazo dahil ayaw ko ng maalat na ulam. “Pietros, itong kay Bishop Lazo ang orderin mo. Kaibigan ng nanay ko ‘yan,” sabi ko. Ngumiti lang siya at bangus ang inorder. Hindi ko na inalam kung kaninong obispo nakapangalan ang bangus.

Pagkatapos naming kumain ay naglakad muli kami patungo sa Silahis Arts and Crafts sa General Luna St. Sa likod nito ang Ilustrado. Itong Silahis ang paborito kong pasyalan sa Intramuros. Ang first floor at mezzanine lang nila ang bukas. Simula nang mag-lockdown, isinara daw muna nila ang second floor kung nasaan ang Tradewinds Bookshop na nabibilhan ko ng rare Filipiniana, at ang third floor na kinalalagyan ng isang art gallery na palagi kong binabalikbalikan kahit wala naman akong binibili dahil gusto ko lang ang pakiramdam na pumasok sa mga silid na punô ng mga peynting.

Una kong tiningnan ang mga artwork nilang naka-sale. May nakita uli akong rubber cut print na gawa ni Jonathan Rañola. Afford ng wallet ko kayâ binili ko agad. Last year kasi, may isang rubber cut print din na ulo ni Jesus na binili ako na naka-sale din. Binili ko dahil maganda at afford ko. Nang mapa-frame ko ito, aba, naging mukhang mamahaling artwork! Tiningnan ko ang pangalan ng painter at nag-Google. Sikat pala ang artist na taga-Bulacan na nag-aral ng fine arts sa University of Santo Tomas at University of the Philippines Diliman. Maraming children’s book na pala siyang na-illustrate. Hayan, may pangalawa na akong Jonathan Rañola.

Nag-enjoy si Pietros sa pagtingin ng native products na basket. Enjoy din kami sa pag-examine ng mga muwebles na yari sa narra, kamagong, at molave. Mayroon pa rin silang set ng mesa at mga upuang batibot na matagal ko nang gustong bilhin. Ang nabili ko pa lamang sa Silahis na muwebles ay ang Maranao chest na ginagawa kong coffetable sa sala ko sa condo.

Ang Sirena sa labas ng Silahis.

Bago mag-alas-dose ng tanghali nang lumabas kami ni Pietros ng Silahis. Nag-abang kami ng taxi at sumakay pabalik sa condo ko. Dahil bawal pa rin magpapasok ng bisita sa condo building namin bilang pag-iingat sa COVID-19 hindi ko na siya inimbita na umakyat. Nagpaalam na agad siya at naglakad pauwi sa condo nila sa Pasay.

Nang tiningnan ko ang pedometer ng iPhone ko, naka-10,667 steps din ako! 7.2 kilometro din ang nilakad ko buong umaga. Masayang-masaya siyempre ako. Ito ang aktibidad na masarap ulit-ulitin.

Pagwo-walking

Matagal na akong mahilig maglakad. Hindi ako athletic na tao kayâ itong paglalakad na ang pinaka-sports ko. Nakakapagrelaks kasi ako kapag naglalakad. Nakakapag-isip lalo na kapag may gustong isulat o may sinusulat.

Ngayong unang araw ng taon masaya ako at naka-8,061 steps ako ayon sa pedometer ng aking iPhone. Katumbas rin ito ng paglalakad ng 4.9 kilometro.

Nitong Christmas break dito sa Pasig nadiskubre kong okey mag-walking sa pinagdugtong na dalawang mall na Choice at Lucky Gold na mga sampung minutong lakad mula rito sa bahay namin. Papunta pa lamang doon ay nakaka-1,200+ na ako. Masyado kasing maraming tao at sasakyan sa daan dito sa amin. Mahirap mag-walking sa sidewalk. May mga nagtitinda pa sa sidewalk. Kayâ sa loob ako ng mall naglalakad. Iniisip ko, required namang naka-facemask at faceshield ang mga pumapasok sa mall. Tinitsek din ng guard ang temperatura. Lumiliit ang chance ng hawaan. Pero siyempre, may ilan talagang hirap sumunod sa patakaran. Kapag nasa loob na ng mall, tinatanggal nila ang kanilang faceshield. Mayroon ding labas pa rin ang ilong sa facemask. Tulad kanina, may cute sanang lalaki pero ang faceshield niya ay nakasabit sa likurang bahagi ng leeg niya. Tempted ako na sabihan siya ng, “Hi Guwapo! Takot kang ma-COVID ang batok mo?” Kayâ lang baka batukan niya ako!

Kapag mag-Google ka tungkol sa kung ano-ano ang mga benepisyo ng pag-walking bilang ehersisyo, laging lumalabas na mabisa ang paglalakad upang maaiwasan ang mga sakit sa puso, labis na katabaan, dayabetes, alta presyon, depresyon, at ang kanser sa suso at colon. Ang maganda sa walking bilang ehersisyo, libre ito. Walang babayaran na mga membership fee.

Ayon sa isang pag-aaral na nalathala sa scientific journal na Nature noong 2017, mayroong “global pandemic of physical inactivity.” May kinalaman ang pandemyang ito sa 5.3 milyong pagkamatay kada taon sa buong mundo. Hindi lamang COVID-19 ang pandemyang pumapatay nang marami sa ngayon. Sabi nga nila, kailangang gumalaw-galaw upang huwag pumanaw!

Naging mas masigasig ako sa pagwo-walking nang ma-diagnose akong may dayabetes at alta presyon noong 40 taong gulang. Sabi kasi ng doktor ko kailangan kong mag-regular exercise.

Noong nagtatrabaho pa ako sa mga lungsod ng Puerto Princesa at Iloilo, pagwo-walking ang exercise ko. Gayundin nang nasa Miriam College pa ako nagtuturo. Maganda ang campus dahil maraming punongkahoy at mga halaman. Kayâ gustong-gusto ko sa Lenhovda kung tag-araw dahil lakad ako nang lakad at napakaraming mga ligaw na bulaklak sa daraanan. Masarap din maglakad sa mga lungsod ng Stockholm, Lübeck, Krakow, at Prague dahil may mga sidewalk sila at magaganda ang arkitektura. Hindi mo mapapansing ilang oras ka na palang naglalakad. Ang problema dito sa Metro Manila, hindi walking friendly ang ating mga lungsod.

Nitong nagdaang 2020 malaki ang epekto ng mga lockdown dahil sa pandemya sa paglalakad ko. Ayon sa aking iPhone ang average ng nilakad ko noong 2019 ay 5,920. Nitong 2020 ay 3,057. Mga kalahati talaga.

Noong Nobyembre napansin ko na wala pa sa kalahati ang average ng paglalakad ko sa taong 2020 kumpara noong 2019. Iyon ang goal na hinabol ko. Ang mangalahati man lamang. At nagawa ko naman! Sobra sa kalahati pa nga.

Grabe talaga ang impact ng pandemya sa paglalakad ko. Noon kasing may pasok pa sa kampus, madali lang para sa akin ang magka-5,000 steps sa pag-akyat-baba sa Department namin at paglilipat ng mga building para magklase. Kapag pauwi na ako at i-tsek ko kung nakailang steps ako, kung minsan isa o dalawang libo na lamang ang kulang at maabot ko na ang 10,000. Ayon sa healthline.com ang average na paglalakad ng mga guro sa Australia sa isang araw ay 12,564 steps. Siyempre, hindi ito totoo kung fully online ang mga klase.

Ayon sa mga pag-aaral, 10,000 steps a day raw ang rekomendado para healthy. Mayroon namang pag-aaral na nagsasabing sapat na ang 5,000 steps a day.

Ang New Year’s resolution ko for 2021 ay mas maraming hakbang araw-araw. Ang target ko, dapat at least maka-5,000 daily. At tatlong beses kada linggo, dapat maka-10,000. Kanina, naka-8,000+ ako. Not bad para sa unang araw ng taon.

Sobrang Kayabangan

Hindi naman kailangan pang ipangalandakan ni Presidente Duterte na nabakunahan na ng hindi aprobadong bakuna ang mga close in security niya, ilang kasapi ng kaniyang gabinete, at mukhang maging siya (dahil nagtanong siya na kung dumating ba ang bakuna ng Pfizer puwede raw ba uli siyang magpaturok?), sa isang pamiting niya live on national TV. Ngunit sinabi pa rin niya ito at ngising aso pa siya. Gusto kasi niyang ipagdiinan na makapangyarihan siya, na kaya niyang yurakan ang batas, at walang magawa ang sinuman dahil siya ang “the best president in the whole solar system” na may 91% trust rating ayon sa mga survey.

Na ikaw ang presidente at okay lang sa ‘yo ang iligal na gawain at ipangalandakan mo pa sa telebisyon ay sintoma lamang ito ng sobrang kayabangan. Sabi nga nila, “ang isda ay nahuhuli sa bunganga.” Pero sa pagkakataong ito, kusang bumukas ang bunganga ng mayabang na isda at nag-isplok tungkol sa isang bagay na dapat sinekreto na lamang kasi hindi naman kailangan o dapat ipagmalaki.

Nakamamanghang kayabangan!

Ang iligal na pagbabakunang ito ay inamin na ng Armed Forces of the Philippines. Inamin na rin ng Presidential Security Group (PSG). Ipinagtanggol na rin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na isang abogado.

Sa miting na iyon sa Malakanyang na tungkol sa bagong strain ng COVID-19 virus, naiimadyin kong labis na shakelya si Food and Drug Administration (FDA) director general Eric Domingo sa rebelasyong iyon ng presidente. Siyempre alam niya agad na hindi authorized ang bakunang ipinangangalandakan ng presidente. Ang anumang gamot o produktong pagkain na walang FDA approval ay iligal. Wala pang COVID-19 vaccine na inaprobahan ang FDA ng bansa.

As useless, clueless uli si Department of Health Secretary Francisco Duque III. Walang alam sa pagbabakuna sa bakuran ng Malakanyang. Kung ikaw ang health secretary at nagpaturok ng iligal na bakuna ang mga taong nakapaligid sa presidente at nasa gitna tayo ng pandemya, at nalaman mo na lamang ito na ipinagmamalaki na ng presidente sa isang miting live on national TV, may maiiwang dangal ka pa ba bilang DOH secretary?

Sabi ng PSG ginawa raw nila ang pagbabakuna ng hindi aprobadong bakuna sa ilang tauhan nila na palaging kadikit ng presidente para protektahan “at all cost” ang commander in chief at para sa ngalan ng “national security.” Kung aprobado at ligal ang bakuna kontra COVID-19, wala naman talaga sanang masyadong problema. Senior citizen ang presidente at bahagi ng vulnerable sector, at maaaring ituring na frontliner ang mga PSG. Ang problema, iligal nga ang ginawa nilang pagturok ng hindi aprobadong bakuna at gin-smuggle nila ito papasok ng bansa.

Ang pagyurak sa FDA at DOH ng iligal na pagbabakunang ito ang tototong threat to national security. Sa katunayan, banta ito sa kabuoang rule of law sa bansa. Ang pagyurak at bantang ito ay nanggagaling mismo sa Malakanyang! Patapos na ang administrasyong Duterte at isa sa mga iiwan nitong legacy ay ang pagsira sa mga institusyon ng pamahalaan.

Nitong Disyembre nag-umpisa nang magbakuna sa Inglatera, Estados Unidos, at mga bansa sa Europa. Silang mayayamang “Western countries.” Bakunang inimbento nila at uunahin nila siyempre ang kanilang mga sarili. Tayo dito sa Filipinas at iba pang mga purita kalaw na bansa, mamatay na lang muna sa inggit habang nanonood sa telebisyon.

At gaya ng inaasahan, sa mga mahirap na bansa tulad natin, uunahin siyempre ng mga nasa kapangyarihan at mayayaman ang sarili nila. Ito ang pinatunayan ng iligal na pagbabakunang ito sa Malakanyang.

Ngayong nabakunahan na laban sa COVID-19 ang ilang mga taga-Malakanyang, nganga lang muna ang mga Dutertard at Yellowtard habang nagkakandarapa pa ang pamahalaan kung saan makabili at makautang ng bakuna kontra COVID-19. Yung aprobado at ligal na bakuna siyempre. “Mask, Hugas, Iwas” lang muna tayo at magdasal nang mahigpit na huwag ma-COVID.

Ang mga sinaunang Griyego ay may kataga para sa sobrang kayabangan: “hubris.” Sa Greek Tragedy ito yung karakter na sa sobrang yabang ay nagmamalaki kahit sa harap ng mga diyos. Siyempre parurusuhan siya ng mga diyos at padadalhan ng nemesis o kalaban na magpapabagsak sa kaniya.

Babagsak ba si Duterte dahil sa isyung ito ng iligal na pagbabakuna? Siyempre ipagdadasal ng mga oposisyon at Yellowtard na sana, “wish ko lang.” Magdadasal din siyempre ang mga Dutertard na iadya sa lahat ng masama si “Tatay” nila. Ang siguradong bagsak ay ang pag-iral ng batas sa ating minamahal na bansang isinumpa na yata ng mga diyos.

Parol sa Aking Tore

Isang bituin ang naggiya sa Tatlong Maaram upang matunton nila ang isang kamalig ng mga hayop sa Bethlehem kung saan ipinanganak si Hesus, ang tagapagligtas ng sangkatauhan. Ang bituing ito ay naging mga parol na ginagawang palamuti tuwing panahon na kapaskuhan. Ang bituin ding ito ang sinisimbolo ng bituin sa tuktok ng mga Christmas tree.

Bumili ako ng parol nitong linggo sa para sa aking Tore at isinabit sa bintana.

Hugis pinag-isang dalawang bituin ang aking parol. Isang bituin ng mga berdeng dahon, at pulang buko ng rosas naman ang isa. Sa gitna may dilaw na bulaklak at sa loob nito ay isang dilaw na bituin. Yari ito sa capiz kung kayâ elegante ang kulay kapag may ilaw. May hatid na malumanay na hagod sa damdamin kapag pinagmamasdan ko ito. Hatid ay saya ng Pasko at pag-asa ngayong panahon ng pandemya.

Binili ko ito sa Kultura sa Mall of Asia. Nang mag-date kasi kami ni Alice noong nakaraang buwan, may nakita akong puting parol na yari sa Capiz at naiimadyin ko na maganda itong isabit sa bintana ko sa aking Tore. Pero dahil pinapraktis ko ang delayed gratification sa aking pamimili, inisip kong babalikan ito pagkatapos ng dalawang linggo at tingnan ko kung gusto ko pa rin ito at saka bibilhin. Nitong medyo matanda na ako, nakokontrol ko na kahit papano ang aking pagiging impulsive buyer.

Hindi nawala sa isipan ko ang puting parol. Pinalipas ko ang dalawang linggo bago binalikan ito. At noong Martes sinadya ko ang MOA para dito. Nadismaya ako na walang nang natirang puting parol na capiz. Nabili na raw sabi ng sales lady na tinanong ko kung may stock pa sila. Limited lang daw ang deliveries ng mga parol sa kanila. Ang natira ay dalawang parol na lang na kulay berde at pula. Dahil nakapagpalagay na ako sa karpintero ng building namin ng hook sa aking bintana, binili ko na ang isa. Laking tuwa ko pagdating sa Tore dahil nang isinabit ko ito sa may bintana, bagay pala ang kulay nito sa Christmas curtain ko na green na may mga pulang poinsettia!

Gayunpaman naiisip ko, parang kalabisan na ang pagbili ko sa medyo may kamahalang parol na ito sa panahon na marami ang naghihirap dahil sa pandemya at mga nagdaang bagyo. Parang ako lang ang nakaisip gawin ito. Kapag tinitingann ko ang nga katabing gusali, isang unit lang sa katapat na building ang may nakasabit na Christmas lights sa balkonahe. Kahapon bumaba ako upang tingnan ang parol ko mula sa kalsada. Maliit ito masyado dahil nasa 18th floor ang unit ko subalit klaro ring namang makikita na parol ito. Sa aming building, bintana ko lang ang may ilaw.

Medyo nagi-guilty rin ako na bumili ako ng parol dahil noong nakaraang buwan, nang magkonsulta sa akin ang PhD student na dissertation mentee ko na si Joyce ay niregaluhan niya ako ng capiz na parol. Taga-Pampanga kasi siya at mga taga-Pampanga naman talaga ang magaling gumawa ng may ilaw na parol. Doon ko naman ito isinabit sa ibabaw ng maliit na fishpond ko sa harap ng gate ng bahay namin sa Pasig.

Pero ngayon habang pinagmamasdan ko ang parol sa aking bintana, hindi ako nagsisisi kung bakit ko binili ito. Bukod sa maganda, maganda itong paalala kung bakit may Pasko. Ipinagdiriwang ng Christian world ang pagkasilang sa dakilang Manunubos. Sa panahon ng pandemya marami ang kumakapit sa Panginoong Hesus tulad ko. Ang Pasko ay Pag-asa at ang parol ang isang paalaala nito.

Noong kabataan ko sa San Jose de Buenavista, Antique, inaabangan ko ang pagsulpot ng isang bituing parol kada Linggo ng Adbiyento sa katedral. Nakasabit ito sa kisame malapit sa altar. Yari ito sa papel de hapon. May kulay dilaw, pula, berde, at puti. Parami ito nang parami hanggang sa pagdating ng Pasko.

Noong maliit pa kaming magkakapatid palaging may malaking parol sa terrace ng aming bahay sa Maybato kapag Disyembre. Gawa ito ng mga preso at binibili ni Nanay sa Provincial Jail para makatulong.

Ngayong Pasko hindi kami makakauwi ni Sunshine sa Antique dahil sa pandemya. Kayâ itinayo namin ang Christmas Tree at nagkabit ng mga pamaskong dekorasyon sa bahay namin sa Pasig. Kayâ rin siguro parang naging obsessed ako na masabitan ng parol ang bintana ko rito sa aking Tore.

Magiging simple ang mga Christmas celebration ngayong taon. Simple lang naman talaga ang kapanganakan ni Hesus sa Bethlehem noon. Sana ang bawat butuing parol na makikita natin, maging paalala ito ng pag-asang malalampasan din natin itong pandemya sa ngalan at bugay ng ating Panginoon.

[Disyembre 4, 2020 / Malate, Manila]

47

Hindi naman talaga ako mahilig mag-celebrate ng birthday. Palagi ko kasing naririnig kay Nanay noon na ang ika-7 at ang debut lang ang sini-celebrate, 18 sa mga babae at 21 para sa mga lalaki. Kayâ malaking party sa aming pamilya kapag may mag-seven sa aming magkakapatid. Isang baka at dalawang baboy ang itinutumba literally.

Sa likod ng bahay namin pinapatay ang panghandang hayop. Requirement na nandoon ang birthday celebrant kapag ginigilitan ang leeg ng baka at baboy na sinasahod sa baldi ang dugo para gawing dinuguan. Kukuha kasi ang lolo ko o lola ng dugo na ipapahid sa noo, mga pulso sa kamay, at tiyan para pampasuwerte yata at mailalayo ka sa mga madugong aksidente. Maligamgam pa sa balat ang malapot na dugo. Hindi puwedeng umayaw kasi kukurutin ka ni Nanay kahit birthday mo!

Noong Sabado, Nobyembre 14, ay 47th birthday ko. Noong nakaraang buwan nag-request ako sa kaibigan kong si Shirley na mag-breakfast kami sa birthday ko sa Café Ilang-Ilang sa Manila Hotel. Kayâ lang medyo risky pa ring kumain sa labas lalo na para kay Shirley na nag-aalaga sa matanda niyang ama. Kayâ last week ipinag-online shopping na lamang niya ako sa Landers. At nagulat ako, na tuwang-tuwa rin siyempre, na sa dami ay pang-Spiral na ng Sofitel ang worth o sobra pa nga. Kapag gusto kong mag-gitnang uring fantasya, si Shirley ang kasama ko.

Masuwerte raw ang numerong 7 kayâ iniisip kong masuwerte dapat ang ika-47 kong kaarawan. Pero ngayong taon ang COVID-19 pandemic. Ilang linggo bago ako mag-birthday, sunod-sunod ang pagdating ng bagyo sa ating arkipelago. Ilang araw bago ang birthday ko binaha nang bongga ang malaking bahagi ng mga lungsod ng Marikina, Quezon, at Pasig dito sa Metro Manila. Gayundin ang mga lalawigan ng Pampanga, Rizal at Bulacan. Sa araw mismo ng birthday ko, binabaha ang Cagayan at Isabela. Bisi si Sunshine sa pagtulong sa pangangalap ng mga donasyon para sa mga binaha. May asosasyon silang mga artista na Aktor at may mga katrabaho silang nabahaan na tinutulungan nila.

Si Sunshine ang ka-birthday date ko noong Sabado. Nag-lunch kami sa isang Vietnamese restaurant sa Eastwood City. Pero bago iyon, dumaan muna kami sa Padre Pio Shrine sa Libis upang magsindi ng kandila at magdasal. Tradisyon sa pamilya namin na magsimba ka kapag birthday mo. Bago umuwi, binilhan ako ni Sunshine ng chocolate cake sa Tous les Jours. Nag-i-insist siya na dapat sosyal ang cake ko dahil sa amin magla-lunch the next day ang ilang mga dating estudyante ko sa University of San Agustin.

47th Birthday Photo ng Sirena. Kuha sa Padre Pio Shrine sa Libis, Quezon City. Kuha ni Sunshine Teodoro.

Kinagabihan, nag-e-numan kami via video chat ng dalawang kaibigan kong journalist at isang economist. Siyempre hindi pang-birthday party ang usapan namin. Ang pandemya; ang baha sa Cagayan at Isabela; ang mga politikong magnanakaw mula noon hanggang ngayon; ang government officials na walang K kayâ lang malakas sa presidente, tuloy kung ano-ano ang pinanggagawa, pinagsasabi sa radyo at telebisyon, at pino-post sa social media; ang presidente na patulog-tulog at hindi talaga alam ang pagpapatakbo sa bansa; at ang mga bayarang trolls na nagpapakalat ng mga fake news na pinaniniwalaan at kinakapitan naman ng mga Dutertard. Samakatwid, hindi na nakikita ng mga kaibigan ko kung paano pa maaayos ang ating bansa. Mind you, mga hard nosed jounalist ito na ilang kudeta at giyera sa Mindanao na ang na-cover nila. Sabi ko naman sa kanila, edukasyon ang nakikita kong solusyon. Yung totoong edukasyon na ang emphasis ay ang pag-develop ng critical at creative thinking skills ng mga estudyante at hindi memorization para pumasa o mag-top ng mga board exam. Napapansin kasi namin na maraming mga nakapag-aral pero hindi nila gets na inuuto sila ng mga sinungaling na politiko.

Kahapon, Sunday, may munting salusalo, mañanita de sirena, sa bahay namin sa Pasig. Lima lang naman ang bisita namin dahil nga GCQ pa. Nagluto si Sunshine ng KBL at pancit. Ako naman, kahapon lang uli ako nagluto ng isang family recipe namin, ang adobong baka ni Lola Flora. Simpleng lunch lang. Ang mahalaga muli kaming nagkita-kita in person.

Ang mga bisita ng Sirena. Mga dating estudyante niya sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo.

Overwhelming ang mga pagbating natanggap ko sa Facebook at Messenger. Sa dami, kaunting porsiyento lang ang nasasagot ko. Pero sinisikap kong i-heart lahat. Ito ang isang magandang dulot ng social media. Madaling bumati. Hindi ako nakakatanda ng mga petsa pero dahil sa FB, marami akong nababati ng Happy Birthday.

Suwerte nga siguro talaga ang numerong 47 para sa birthday ko. Kahit may pandemya at milyon-milyong Filipino ang nawalan ng trabaho, may trabaho pa rin ako. Kahit maraming lugar ang binaha kasama na ang Pasig, hindi binaha ang bahay namin. Kahit papaano, nakakatulong kaming magkakapatid sa mga kaibigan at kakilalang nangangailangan ng tulong.

Sa edad na 47 maraming libro na akong nasulat at nalathala. May PhD na ako at may permanent status na bilang guro sa De La Salle University. May kaunting ipon at mga investment na rin ako. Maraming bansa na ring napasyalan. May mga mapagmahal na mga kapatid at kaibigan. Bagamat may iniinom nang mga maintenance medicine para sa blood sugar at blood pressure, kontrolado pa naman ang mga ito. Hindi na masama na umabot ako ng 47 para sa isang bata noon na inakala ng marami na mamamatay nang maaga dahil na-diagnose ako ng rheumatic heart disease noong first year high school. Sabi ng isang teacher ko noon, “Kawawa ka naman hindi ka na makapag-asawa.” Hindi ko na matandaan kung sino siya. Ang nag-stick lang sa alaala ko ay ang sinabi niya. Kung alam lang ng titser kong iyon ang nangayayari sa love life at sex life ko ngayon, tiyak maiinggit siya!

Of course, may challenges pa rin naman sa buhay ko ngayon. Bilang panganay, marami pa akong dapat ayusin sa mga minana naming magkakapatid na mga ari-arian mula sa mga magulang namin. Kung tutuusin happy problem ito kayâ hindi ako dapat nagrereklamo.

Sabi nga nila kapag ang punong mangga maraming bunga, binabato talaga. Kayâ hindi talaga nawawala ang mga taong naiinggit sa ‘yo at gumagawa ng paraan na siraan ka. Pero dahil 47 na nga ako, cool lang ako. Lalo na’t kapag nag-i-inventory ako hinggil sa buhay ko, nakikita kong di hamak na mas maraming blessing ang natatanggap ko kaysa mga kabuwisitan sa buhay. Doon ako tumututok sa mga biyaya at pinasasalamatan ko ang Diyos araw-araw.

Hindi na ako masyadong vindictive at basagulera ngayon dahil nga 47 na ako. Naniniwala kasi ako sa karma. Lahat ng ginagawa mo, mabuti man o masama, bumabalik sa ‘yo. Kayâ trying hard akong maging mabuti para umani rin ng kabutihan. Nasaksihan ko kasi talaga ang nangyari sa mga taong gumawa sa akin ng masama. Talagang na-Carmi Martin sila. Nagiging Luz Valdez sa larangan ng buhay. Naniniwala pa rin talaga ako sa Divine Justice.

Masuwerte ako sa mga kapatid ko at sa mga kaibigan kong itinuturing kong mga kapatid. Mabait at generous sila sa akin. Kaligayahan na para sa akin ang makausap sila, makasama sa pagkain o sa pagkape.

Sa edad na 47, kaunti na lamang ang mga pangarap ko sa buhay o ang mga gusto ko para sa aking sarili. Maraming pagsubok na akong pinagdaanan. Survivor ako. Kuntento na ako sa buhay ko ngayon. Wala na akong apetite makipag-compete kahit kanino. Kilala ko na ang sarili ko. Bagamat mahalaga sa akin ang opinyon ng aking mga kapatid at kaibigan, hindi ko na kailangan pa ng validation mula sa ibang tao hinggil sa pagiging manunulat ko o sa buong pagkatao ko. Kilala ko na ang aking sarili at alam ko ang worth ko. Ang gusto ko na lamang ngayon ay magkaroon ng panahon upang makasama ang mga kapatid ko at ang mga totoong kaibigan. Ang definition ko ng “totoong kaibigan,” sila ang hindi nai-insecure at naiinggit sa ‘yo kasi nga kaibigan mo. Hindi ka nila sisiraan o sisirain para maiangat nila ang kanilang sarili.

Sa edad na 47, wala na akong pasensiyang makipagplastikan kahit kanino. Kapag gusto ko, gusto ko. Kapag hindi ko gusto, hindi ko gusto. Sa Diyos lang ako magpapa-impress.

Selfie kasama si Sunshine, ang bunsong kapatid ng Sirena. Sa Padre Pio Shrine sa Libis.

Pinagsisikapan ko rin ngayon na lalong pagtibayin ang personal kong relasyon sa Poong Maykapal. Hiling ko palagi sa Kaniya na biyayaan ako ng pusong mapagpakumbaba, mapagpatawad, masayahin, at mapayapa. Inaalay ko sa Kaniya ang lahat-lahat sa buhay ko, at sana bigyan Niya ako ng sapat na talino upang malaman at matanggap ang mga bagay na gusto Niyang gawin ko para sa Kaniya kasi alam kong may katigasan ang ulo ko at tagipusuon.

47 pa lamang naman ako. May panahon pa ako na magsumikap para mas maging mabuting tao upang mapagsilbihan nang mas mabuti ang Mahal nga Makaaku. Ito na ngayon ang priority ko.

[Nobyembre 16, 2020 Lunes /6:20 ng Tore kang Katáw]

Bagyong Ulysses

Pagising-gising ako buong magdamag dahil sa walang tigil na pag-ungol ng hangin. Naririnig ko rin ang ulan na bumabangga sa fiber glass na bintana. Hindi pa masyadong malakas ang hangin at ulan nang matulog ako kagabi mga alas-diyes.

Balita na sa TV ngayong umaga habang nagkakape ako ang pagbaha sa Marikina lalo na sa Tumana. Baha na rin ang ilang bahagi ng San Mateo, Rizal. Binabaha na rin ang Bulacan. Sabi ni Mayor Marcelino Teodoro (hindi ko siya tito) parang Ondoy levels na raw itong bahang dala ni Ulysses. Signal number 3 dito sa Metro Manila kahapon pa. Kanselado na ang mga klase kahapon pa lamang.

Two weeks ago lang nanalanta ang supertyphoon na si Rolly. Napuruhan ang Catanduanes at buong Kabikolan. Sabi ng PAGASA dadaan din si Rolly dito sa Metro Manila na nasa ilalim ng signal number 4 noong Nobyembre 1 at 2. Buti na lamang hindi tumama ng Metro Manila. Pero ngayon itong si Ulysses, kahit signal number 3 lang ay feel na feel ng buong metropolis. Maraming lugar na ang binabaha at marami na ang humihingi ng tulong sa mga post sa Facebook.

Pasado alas-otso na ng umaga pero tuloy pa rin ang pagbuhos na malakas na ulan. Medyo tumigil na ang pagbayo ng malakas na hangin. Mukhang maging mala-Ondoy na nga siguro ang pagbaha ngayong araw.

Hindi ako masyadong nag-aalala para sa bahay namin sa Pasig ngayon. Si Sunshine ang nandoon ngayon at ang dalawang aso at tatlong pusa. Survivor kasi ang bahay na iyon. Noong Ondoy, hindi ito inabot ng baha kahit na baha ang lugar namin at ang mga kapitbahay. Mas mataas pala ang sa amin na hindi naman obvious kung walang baha. Naalala ko noong unang umaga pagkadaan ni Ondoy at lumabas ako sa basketball court na cluster namin at tagatuhod ang baha roon, nakita kong nagtatanggal ng tubig ang mga kapitbahay namin. Tinanong nila ako kung gaano ka lalim ang baha sa aming bahay. Nahiya akong magsabi na hindi inabot ng tubig ang sahig namin. Sumagot na lang ako ng, “Konti lang po.”

Sa Lifehomes Subdivision sa labas namin at sa Barangay De Castro malapit sa amin ay abot hanggang second floor ang tubig nang mag-Ondoy.

Naiisip ko ngayon baka hindi naman mauulit yung baha tulad ng Ondoy sa amin. After Ondoy kasi, inayos ang drainage system sa Ortigas Extension at maging ang drainage sa amin sa Flexihomes at sa Life Homes. Nilakihan nang bongga ang drainage sa Ortigas Extension papunta sa Floodway.

Naalala ko noong apat na taong gulang pa lamang si Juliet, after Ondoy na iyon, may malakas na bagyo rin. Pinuntahan niya ako sa kuwarto ko. “John, may tanong ako,” sabi niya at napansin kong suot niya ang knapsack niyang si Dora. “Kung tuloy-tuloy itong ulan at bahamas na talaga aalis na ba tayo dito sa bahay at sa tent na tayo titira?” tanong niya.

Natawa ako. Sabi ko, “Hindi naman siguro, Bhe. May second floor naman tayo. Kung aabutin ng baha ang first floor natin e di dito muna tayo sa second floor.” Natatawa rin ako sa “bahamas.” Hindi ko alam kung saan niya ito kinuha. Baka kay Sunshine. “Bakit mo naitanong, Bhe? Natatakot ka ba? Mag-pray na lamang tayo na titigil na itong ulan. Marami na ang mga lugar na binabaha,” sabi ko.

“Hindi ako takot,” sagot niya. “Gusto ko lang malaman kung aalis tayo para maihanda ko na ang mga gamit ko,” paliwanag niya at bumalik na siya sa kuwarto nila ni Tita Neneng. Natawa ako. Para kasi siyang matanda kung magsalita dahil hindi namin siya bini-baby talk. At sa tingin ko, may mga lamang damit na at laruan ang kaniyang knapsack na Dora.

Halos walang dumadaang sasakyan sa Taft Avenue ngayon na may baha na rin. Tahimik na rin ang LRT. Inanunsiyo na sa TV kanina na titigil muna ang biyahe ng mga tren ngayong may bagyo. Saan kaya nagsisilong ngayon ang mga pulubing nakatira sa ilalim ng LRT? Sa baba, may sumisigaw na mga pedicab driver. Hindi klaro kung nag-aagawan ba sila ng pasahero o naghaharutan lamang sa ulan.

Sana tumigil na itong ulan. Dadami kasi lalo ang mga bahay na lulubog. Marami na ring lugar na walang koryente. Hindi pa naman brown out dito sa amin. Saka may sariling genereytor naman ang building kung sakaling mag-brown out nga. Isa itong privilege kapag nakatira ka sa isang kondominyum.

8:53 ng umaga may Emergency Alert na naman ang NDRRMC. Signal number 3 pa rin ang Metro Manila kasama ang Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Pangasinan, at Cavite. Ang sabi, “Asahan ang malakas na hangin na may kasamang pag-ulan sa loob ng 18 oras.”

Mukhang magiging mapaminsala pa itong si Ulysses. Pangalan ito na hiram sa isang bida ng epikong Griyego na matapos matagumpay na lusubin ang Troya ay inabot ng sampung taon ang paglalayag pauwi sa kaniyang kaharian sa Ithaca dahil masyado siyang pinahirapan ni Poseidon, ang diyos ng karagatan.

Sana huwag naman tayong masyadong pahirapan ni Ulysses ngayon.

(Nobyembre 12, 2020 Huwebes / 9:11 nu Tore ng Sirena, Malate)