NAGING hobby na yata namin ng partner kong si Jay ang maglakad sa dalampasigan ng San Jose de Buenavista Esplanade. Libreng pasyalan sa tabing-dagat na safe at kaunti ang mga tao. Nag-e-enjoy din akong mamulot ng mga puti at berdeng bato, at ilang kabibe.
Napagkasunduan namin ni Jay na three times a week ay magmo-morning walk kami roon. Puwedeng Tuesday, Thursday, at Saturday para makita namin ang pagdating ng eroplano. Ang runway ng Evelio B. Javier Airport na nasa Barangay Funda Dalipe ay parallel sa Esplanade. Kitang-kita ang Esplanade kapag naglalanding ang eroplano lalo na kung ang approach nito ay mula sa norte. Sa ngayon three times a week pa lamang ang biyahe ng eroplano dito sa amin mula at pabalik ng Manila.
Maganda rin sa kalusugan ko ang pagwo-walking. Pagdating ko kanina dito sa bahay gintsek ko sa aking i-phone kung nakailang steps ako: 8,767. Not bad! Ideally dapat maka-10K steps a day tayo. Pero may mga pag-aaral na nagsasabing healthy na rin ang 5K steps.
Dahil siguro naka-sabbatical leave ako, walang stress dulot ng teaching at admin work, at garden galore ako rito sa Antique at palagi kaming naglalakad ni Jay, kontrolado na ang diabetes ko at laging happy ang doktor ko sa aking blood pressure. Noong Diyembre bukod sa blood sugar ko ay tumaas din ang aking uric acid. Kain kasi kami nang kain ng tuna, baboy, at hot dog nang nandito sina Mimi. Nahidlaw kasi si Mimi sa mga pagkaing ito. Palagi rin kaming nagko-Coke at bumabaha ang red wine.
Sabi ko sa doktor ko, bigyan niya ako ng isang buwan at magda-diet at mag-e-exercise ako. Niresetahan niya rin ako ng gamot na pampababa ng uric acid for one month. Pagdating ng Enero normal na uli ang uric acid ko. Ang blood sugar ko ay bumaba rin pero nasa diabetic level pa rin. Ang maganda lang, ipinatigil ni Doc ang gamot para sa uric acid at binawasan niya ng isang tableta ang maintenance meds ko para sa diabetes. Sabi pa niya, “Your diabetes is not that bad.”
Kayâ lalo akong na-inspire na mag-walking sa Esplanade three times a week. More than happy naman si Jay na sinasamahan ako dahil alam kong nagwo-worry din siya sa diabetes ko. Saka kailangan din niya mag-exercise. Mag-iisang taon na siyang nakatira dito sa Antique at lumalaki na rin ang tiyan niya!
Normally, mga isang oras kaming naglalakad sa dalampasigan at mga isang oras ding naglalakad sa Esplanade. Kanina maraming nakabilad na mga dinadaing na abansi o flying fish at maraming bahagi ang Esplanade ay malangsa. Organic naman ang amoy na ito sa environment ng dagat at visual treat naman ang mga biniyak na isdang binibilad sa araw na nakalagay sa parang papag ng mga biniyak na kawayan. May nadaanan kaming dalawang matandang babae na binabasa ng dagat ang mga isda gamit ang springkler na pandilig ng halaman. Ngumiti sila sa amin.
Sa mga kubo roon may nagbebenta ng mga daing. Tag-PhP180 ang kilo. Yung isang nagtitinda may dekorasyon pang bulaklak ng gumamela. “Bakal kamo, Sir,” sabi ng tindera. Naku, sabi namin, allergic kami sa daing. Totoong allergic si Jay sa daing at seafood. Ako naman, hindi ko masabi sa ale na Sirena ako at hindi puwedeng kumain ng mass murdered na isda!
Nang masyado nang mainit ang sikat ng araw dahil pasado alas-nuwebe na, nagkasundo kami ni Jay na sasakay na kami sa unang traysikel na dadaan papuntang palengke sa Trade Town Funda Dalipe para mag-brunch sa karinderya doon. Madalang mapadaan ang mga trysikel doon kayâ nagpatuloy muna kami sa pagwo-walking. Hanggang sa may dumaan ngang traysikel at sumakay na kami.
Ilang beses na rin na kapag inaabutan kami ng pananghalian sa banwa o town proper, sa karinderya sa palengke kami kumakain. Masarap naman kasi at mura pa. Doon talaga ang diretso namin pagkatapos mag-walking sa Esplanade. Although kanina, biglang nag-crave si Jay ng bindonggadas ng Don Don Snack Bar, na pagmamay-ari ng kababata at family friend naming si Don Don. Nanay talaga niya ang may-ari nitong restawran sa Funda Dalipe na minana niya kasama ang secret recipe ng bindonggadas ng kanilang pamilya. Kapag namamalengke noon si Tita Nening, madalas na may dala itong bindonggadas pag-uwi para sa pananghalian namin. Kaso sarado pala ang Don Don Snack Bar kapag Sunday. Kayâ sa palengke na rin talaga kami kumain.
Bago umuwi, bumili muna kami ng tinapay—ang paborito kong hugis bituin na matigas na tinapay na binababad ko sa kape bago kainin. Bumili rin kami ng saging. Arikundal at saba. Maglalaga kami ng hinog na saba para sa hapunan namin mamaya. Sa bungad ng palengke bibili sana si Jay ng pagkain para sa mga isda sa fishpond namin. Pero wala doon ang nagtitinda. Baka nagpapahinga rin kung Linggo o baka doon nagtitinda sa palengke ng Hamtic dahil market day doon ngayon. Ang nandoon lang ang nagtitinda ng mga goldfish at mga tanim na bulaklak. Bumili ako ng dalawang púno ng puting daisy.
Doon na kami sa harap ng palengke nag-abang ng traysikel na maghahatid sa amin diretso dito sa Maybato. Sabi ni Jay kapag siya lang mag-isa, PhP100 ang binabayad niya. Pero dahil galante ako, PhP150 ang binibigay ko at tuwang-tuwa ang drayber.
Ganito ang simpleng buhay ko rito sa Antique. Marami na ang nagsabi na, “The best things in life are for free.” Isa na nga rito ang San Jose de Buenavista Esplanade. Pati ang mga puti at green na bato, at mga puting kabibe, ay for free din. Upang hindi ako ma-engkanto at ma-guilty masyado, nagpa-promise na lamang ako sa mga Diwata ng Dagat na magsusulat ako ng tula tungkol sa dagat bilang bayad sa hinihingi kong mga bato at kabibe.
[Pebrero 25, 2024 Linggo / Maybato]
📷 Panay Viaje (July Farol)