Maria Karina A. Bolasco

Ang big winner talaga sa The 40th National Book Awards ay walang iba kundi si Maria Karina A. Bolasco, makata at ekstraordinaryong pabliser na naglunsad sa pagiging awtor ng maraming malalaking pangalan ngayon sa malikhaing pagsulat sa Filipinas.

Ipinagkalooban si Karina ng Lifetime Achievement Award ng Manila Critics Circle at National Book Development Board. Sorpresang award ito at bago pa man mag-umpisa ang programa sa The Metropolitan Theater, habang tumitingin ako sa mga tindang libro sa ikalawang palapag, may bumulong na sa akin na bibigyan si Karina ng award. Sa tingin ko napapanahon ito lalo na’t magreretiro na siya bilang direktor ng Ateneo de Manila University Press.

Nasa kolehiyo ako noong 1990s nang magsimula akong mangarap maging isang manunulat kayâ kasabay ng pagdalo ko sa mga lektura at palihan sa malikhaing pagsulat ni Leoncio P. Deriada sa Iloilo, namimili na rin ako ng pangilan-ngilang libro kahit na limitado ang allowance. Karamihan sa mga librong binili ko ay bahagi ng Contemporary Philippine Poetry na inilathala ng Anvil Publishing na si Karina ang direktor.

Kayâ ang mga naging modelo ko sa pagsulat ng tula ay ang mga libro sa seryeng ito ng Anvil: Palipalitong Posporo ni Benilda Santos; Skin, Voices, Faces ni Danton Remoto (1991); ang baligtarang libro na Mga Tula sa Pagsulong ni Romulo P. Baquiran, Jr. at Beneath an Angry Star ni Jim Pascual Agustin (1992); at Cartography: A Collection of Poetry on Baguio (1992) ni Luisa A. Igloria na iba pa ang pangalan noon.

Ang Palipalitong Posporo ni Ma’am Beni talaga ang naging modelo ko sa pagtula pero ang pinakapaborito ko sa lahat ng binili kong libro noon ay ang Cartography ni Luisa. Naalala ko may sinulat akong tula noon na ang pamagat ay “Tagpi-tagping Tela” dahil ginagaya ko ang alliteration (na hindi ko pa alam noon na alliteration pala ang tawag dito) sa pamagat ng libro ni Ma’am Beni. Dahil sa libro no Luisa, hindi pa man ako naka-akyat ng Baguio ay nainlab na ako sa lugar na ito. Nakikita ko lamang ang Baguio noon sa mga pelikula lamang ni Sharon Cuneta.

Ang unang nagbigay naman sa akin ng tapang na sulatin ang mga bading kong tula, kuwento, at sanaysay ay ang mga libro ng tula at sanaysay ni Danton na pawang inilathala rin ng Anvil.

Ilang beses ko na ring nasabi at nasulat na ang nagbago talaga ng buhay ko bilang manunulat at ang dahilan kung bakit ako naging gay writer ay ang ang serye ng antolohiyang Ladlad na inedit nina J. Neil C. Garcia at Danton. Na muli, si Karina ang tagapaglathala. May tula na nga ako sa Ladlad II (1996) at The Best of Ladlad (2014).

Kamanghang-mangha na silang lima—sina Ma’am Beni, Luisa, Joey, Danton, at Neil ay naging mga personal kong kaibigan ilang taon matapos kong basahin at hangaan ang kanilang mga akda.

Nahalina din ako sa pagsulat ng personal na sanaysay dahil sa mga librong How Do You Know Your Pearls are Real (1991) ni Barbara C. Gonzalez at A Different Love: Being Gay in the Philippines (1993) ni Margarita Go Singco Holmes. Kayâ siguro masyadong personal at masyadong bakla kapag ang mga sanaysay ko hanggang sa ngayon.

Klasiko na rin sa Philippine Literature ang textbook na Philippine Literature: A History and Anthology (1997) nina Bienvenido Lumbera at Cynthia Nograles Lumbera. Gayundin ang Filipinos Writing: Philippine Literature from the Regions (2001) ni Bienvenido Lumbera na siyang general editor. Mga mahalagang textbook ito na inilathala ng Anvil sa pamumuno ni Karina.

Makata talaga ang una kong pagkakilala kay Karina. Nagustuhan ko ang tula niya sa antolohiyang Kung Ibig Mo: Love Poetry by Women (1993) na inedit nina Marjorie Evasco at Benilda Santos. (Hindi ako sigurado hinggil dito dahil nasa Antique ang kopya ko ng librong ito. Nakabase lamang ito sa memorya ko. Baka ibanh antolohiya kasi ang tinutukoy ko.) Kayâ alam ko na manunulat din si Karina. Maaaring ito ang dahilan kung bakit bilang publisher ng Anvil noon parang pinapaboran niya ang mga creative writer.

Kahit na hindi masyadong ngumingiti si Karina, very inspiring pa rin siya. Naalala ko na noong pinablis ng Anvil ang libro ng mga sanaysay ng paglalakbay ng kaibigan kong si Alice M. Sun-Cua na Riding Towards the Sunrise and Other Tales (2001), nang inilunsad ito sa Powerbooks sa Pasay Road sa Makati binasa ko ang salin ko sa Filipino ng isang bahagi ng isang sanaysay ni Alice. Pagkatapos kong magbasa ay nilapitan ako ni Karina at sinabihang ang galing ng salin ko at kung kailangan daw niya ng tagasalin ay sasabihan niya ako. Mahalaga sa akin ang papuring iyon dahil nagmula sa kaniya na sa tingin ko ay hindi naman masyadong matsika.

Si Karina ang tipo babae (o tao) na gusto kong maging. Yung tipong poised palagi at mukhang hindi matitinag. Yung cool lang ang temperament at kontrolado palagi ang emosyon. Hindi tulad ko na kapag masaya kitang-kita sa mukha at hahalakhak, at kapag maimbiyerna ay may tendency na manigaw o magwala.

Ilang taon ko ring nakasama sa Board ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Nakakatakot at nakakahawa ang kaniyang pagiging seryoso sa trabaho. Nang una akong maging kasapi ng UMPIL Board noong 2013, si Karina ang chair. Sa Anvil pa siya noon. Asiwa man ako noong una pero lihim ako na natutuwa at feeling privileged na “Karina” lang ang tawag ko sa kaniya.

Bilang Secretary General ng UMPIL, si Karina palagi ang maaasahan kong mag-edit ng mga citation at brief bio ng mga Gawad Balagtas awardee na inilalagay sa souvenir program. Kahit Linggo, maaari siyang i-email ng mga tekstong i-edit niya at kahit madaliang ang deadline.

Lalong naging bongga ang Ateneo de Manila University Press nang siya na ang maging direktor nito. Sa katunayan, sila na naman ang nanalong Publisher of the Year sa National Book Awards sa taong ito.

Nitong mga nakaraang taon, aktibo na rin si Karina sa pagmentor sa mga baguhang pabliser, lalo ang mga independent publisher sa tulong ng NBDB. Malaking bagay ito sa publishing industry ng bansa.

Kung tutuusin, dahil sa mga ginawa at ginagawa niya sa larangan ng paglalatha, bahagi talaga si Karina sa edukasyon ko bilang manunulat. Namulat ako bilang manunulat at guro sa husay ng mga akdang pampanitikan dahil sa mga librong inilathala niya. Malaking bahagi siya sa pagpanday sa aking taste bilang mambabasa, manunulat, at guro. At natitiyak kong hindi lamang ako ang ganito ang pakiramdam at paniniwala. Kayâ dapat lang na sa kaniyang pagreretiro ay pararangalan siya ng sambayanang Filipino.

Maraming salamat at mabuhay ka, Karina!

[Mayo 15, 2023 / Manila]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s