Pambungad na Pananalita sa Closing Program ng 11th KRITIKA Workshop (Marso 24, 2023)

Nais kong bigyang parangal ngayong gabi ang Lasalyanong kritikong si Isagani R. Cruz na siyang tagapagtatag nitong KRITIKA La Salle National Workshop on Art and Cultural Criticism. Hindi lamang siya isang dakilang kritiko kundi dakilang manunulat at dakilang guro din. Isa lamang itong KRITIKA sa napakaraming gawaing pinangunahan niya upang palakasin at palaganapin ang literaturang Filipino at ang kritikang Filipino na magkaugnay naman talaga.

Matalas ang isip at madulas ang wika ni Isagani R. Cruz bilang kritiko. Sa kaniya ko unang narinig na malikhaing pagsulat din ang kritikal na panulat. Ang mga kritikal na akda niya ang halimbawa ni Horace sa pagtukoy sa halaga ng literatura bilang “dulce et utile.” May tamis at kabuluhan. May aliw at aral.

Halimbawa sa sanaysay niyang “Ang Papel ng Kritiko’t Kritika sa Ating Lipunan” na nasa libro niyang Bukod na Bukod: Mga Piling Sanaysay (UP Press, 2003), nagtapos ito sa maikling talata na, “Buwisit ang isang kritiko at kabuwisitan ang kritika. Iyan ang papel ng kritiko’t kritika sa ating lipunan ngayon.”

Ang sabi kasi ni Dr. Cruz, dapat daw buwisit tayo on three fronts: Una, dapat daw buwisit tayo sa buhay ng mga titser ng literatura at kulitin natin sila kung hindi binibigyang-diin ang ating sariling literatura. Pangalawa, dapat buwisit tayo sa buhay ng ating mga manunulat at dapat daw kantiyawan natin sila kung nagpapagamit sila sa mga mapang-aping mayayaman at mga may-ari ng lupa na mga kapitalista. At pangatlo, na sa tingin ko ito ang pinakamahalaga, dapat buwisit din daw tayo sa ating mga sarili. Huwag daw tayo maging kampante dahil nabasa na natin ang mga akda nina Derrida o Foucault o Jameson at ang iba pang mga kritikong kanluranin dahil huwag nating kalimutan marami tayong hindi pa nababasa. At higit sa lahat, huwag tayong pumayag na hanggang pagbabasa lamang tayo o may-I-quote-to-death sa mga kritikong nabanggit sa taas. Dahil sabi ni Dr. Cruz, “Kung hindi tayo magkakaroon ng sarili nating mga palagay ay mabuti pang huwag na tayong maging kritiko.”

Original contribution. Orihinal na idea. Ito ang dapat maging goal nating mga kritikong Filipino sa loob man o labas ng bayan nating lagi na lang nasasawi dahil gahaman ang mga kurap nating politiko, negosyante, at mga obispo (at hindi lang ang simbahang Katoliko ang tinutukoy ko rito) at mga self-proclaimed na anak ng diyos.

Marami nang nauna sa atin tulad ni Dr. Cruz na nagsabing bilang mga Filipinong kritiko o/at manunulat, tayo at “bukod na bukod” na isang reimbensiyon ng konsepto ng othering. The other other o bukod na bukod tayo dahil backstroke na nga tayo sa larangan ng world literature at world criticism, back stroke pa rin tayo rito sa atin sa Filipinas dahil hindi naman tayo binabasa ng kapuwa nating mga Filipino dahil kanluranin ang kanilang taste at ang pangilan-ngilang intelektuwal natin ay nabibighani naman sa “kanluraning neo-universalismo.”

Naririyan din ang paborito kong “gitnang uring fantasya” ng ating workshop director na si Rolando Tolentino. Lagi kong naiisip ito lalo na kapag kumakain ako sa Manila Hotel. Kahit na prestige card holder ako ng hotel na ito para may discount, hindi kakayanin ng suweldo ko rito sa La Salle kung linggo-linggo ako kakain sa Cafe Ilang-Ilang. Baka maubusan ako ng pambili ng maintenance medicine ko o pambayad ng koryente sa tatlong bahay ko—sa condo ko rito sa Taft, sa Pasig, at sa Antique. Samakatwid, nakikipantasya lang ako sa mga tunay mayaman sa bansa kapag kumakain ako sa Manila Hotel.

Siyempre nandiyan din ang sinasabi ni Bienvenido Lumbera na “pag-akda sa bansa.” Ang mga ginagawa nating mga manunulat, guro, at kritiko ng literatura ay mga gawaing nagkokontribyut sa nation building. Kayâ dapat maingat tayo at mag-isip bago sumulat dahil dito nakasalalay ang pag-akda natin sa minamahal nating bayang Filipinas gaano man kahitap mahalin ang buwisit na bayang ito.

Bilang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center, masayang-masaya ako na matagumpay nating naisakatuparan ang 11th KRITIKA La Salle National Workshop on Art and Cultural Criticism simula noong Lunes hanggang ngayong Biyernes. Naging malawak, malalim, at makabuluhan ang mga talakayan na punô rin ng mga tuksuhan at tawanan. Nag-shoot up man siguro ang blood sugar, blood pressure, at timbang ng iba sa atin nitong linggo, hopefully nabalanse ito ng mga happy hormones na na-generate ng ating mga tawanan.

Binabati ko at pinasasalamatan ang ating labindalawang 11th KRITIKA fellows na nagmula sa iba’t ibang sulok at sentro ng ating arkipelago: Mary Anne Mallari, Elsie Albis, Justin Andrew Cruzana, Karl Albais, Marvin Pableo, Rey Mart Lapiña, Roda Tajon, Kevin Armingol, Sara Mae San Juan-Robin, Paul Jeffrey Peñaflor, Hannah Leceña, at Mae Caralde.

Binabati ko rin at pinasasalamatan ang mga kasama kong panelists: Workshop Director Roland Tolentino, Workshop Deputy Director Caloy Piocos, Jazmin Llana, Shirley Lua, Gary Devilles, Frances Sangil, Lisa Ito-Tapang, Vic Torres, at Ronald Baytan na siyang katuwang ko bilang project director.

Salamat din sa BNSCWC staff na sina May Raquepo at Hannah Pabalan.

Higit sa lahat, maraming salamat kay Vice President for Research and Innovation Prof. Raymond Tan na mula noon hanggang ngayon ay suportado ang KRITIKA. Nakikita ko pa nga siya noon sa University of St. La Salle, Bacolod na binibisita ang KRITIKA noong doon pa

ito isinasagawa. Salamat din sa kaniyang secretary na si Liza Pajo na siyang takbuhan namin ni May kapag may problema kami sa BNSCWC.

Maraming maraming salamat din kay Prof. Rhod Nuncio, dekano ng Kolehiyo ng Malalayang Sining, unang-una para sa kaniyang video message noong Opening Program na naglatag ng halaga ng papel ng kritika sa ating lipunan, at pangalawa, sa pagbigay ng badyet mula sa kaniyang opisina para sa pagkain natin ngayong gabi.

Padayon tayo sa pagsulat—kritikal man o maikhain. Mabuhay ang kaaram na Filipino!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s