

FRESH graduate ako ng B.S. in Biology sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo nang maging bahagi ako ng unang batch ng Master of Fine Arts in Creative Writing program natin dito sa De La Salle University noong 1995. Ayaw ko nang mag-medicine proper noon at gusto kong maging manunulat. Noong nasa kolehiyo ako binabasa ko kada linggo ang kolum nina Cirilo F. Bautista sa Philippine Panorama at ni Isagani R. Cruz sa Philippine Star. Gusto kong maging tulad nila—mga magaling at sikat na manunulat. Ang hindi ko naisip noon, ang maging guro din tulad nila.
Noong ginagawa akong side kick ni Dr. Cirilo Bautista at ginagawang aliping sagigilid ni Dr. Isagani Cruz sa mga proyekto niya sa CHED at Toyota Foundation dito sa La Salle, training ko na pala iyon upang maging guro, ang maging gurong Lasalyano. Bata pa ako noon kaya hindi iniinda ang pagod at stress, masaya lang ako sa idea na inuutus-utusan ako ng mga manunulat na binabasa ko lang noon.
May panahong halos kada weekend umaakyat kami ni Papá sa Baguio. Papá ang tawag naming magkakaibigan kay Dr. Bautista kapag not within hearing distance siya. Si Papá ang director ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center noon at pinapa-organize niya ako ng mga essay writing contest sa labas ng La Salle tulad sa Philippine Women’s University. Kapag may mga lecture siya sa labas ng La Salle at may dadaluhang literary event, isinasama niya ako. Palagi rin kami noon pumupunta sa opisina niya sa Manila Bulletin. Kapag Sabado noon, nire-require niya akong alas-sais ng umaga nasa La Salle na ako kahit na alas-otso pa ang klase namin dahil sasamahan ko siyang mag-breakfast sa cafeteria ni Mr. Zaide. To think na nasa Pasig ako nakatira noon. Siguro mukha akong needy nang mga panahong iyon dahil sinabihan ni Papa si Mr. Zaide at ang cashier nila na kung kumain ako roon ay ilista sa pangalan niya ang kakainin ko. Maraming Sabado ng umaga na kasama namin ni Papa sa breakfast ang ilang University Fellows. Kadalasang topic ng usapan nila ang kung ano ang ginawa ni Andrew at kung ano ang sinabi ni Andrew. Napapaisip ako, sinong kayang Andrew ito? At bigla kong mare-realize, OMG, si Br. Andrew Gonzalez pala ang pinag-uusapan nila na siyang presidente ng unibersidad noon.
Naalala ko rin na nang pangunahan ni Suharto (ang tawag namin ng kaibigan kong si Shirley Lua kay Dr. Cruz kapag not within hearing distance din siya pero minsan nahuli niya kaming iyon ang tawag namin sa kaniya) ang training ng mga dean at chair ng mga literature department sa buong bansa kung paano ituro ang Literatures of the Philippines at Literatures of the World. Feeling diva ang maraming participants kaya doble stress ang inabot namin. Sa opening day ng dalawang linggong training dito sa La Salle, nagbabakasyon pa sa China si Shirley at nag-shoot up naman ang blood pressure ni Dr. Cruz nang umagang iyon. Naiwan akong mag-isa. Ako ang pormal na nag-open ng training sa dalawang venue—opening remarks at introduction of the speaker ako sa Tereso Lara Conference Room, then takbo ako sa Ariston Estrada Seminar Room para mag-opening remarks at mag-introduction to the speaker uli. Ang nakakahiya, sa pag-introduce ko sa pangalawang speaker, dahil sa taranta, nakalimutan ko ang pangalan niya! Bata pa kasi ako noon at confident ako sa memory ko at wala akong hawak na kodigo.
Nang mga panahong iyon na director ng BNSCWC si Dr. Bautista, hindi ko talaga naisip even in my wildest imagination na balang araw magiging director ako ng BNSCWC. Nang estudyante ako ni Dr. Cruz, SEAWRITE Awardee na siya noon at ni sa hinagap, again even in my wildest dream, hindi ko naisip na balang araw magiging SEAWRITE Awardee din ako. Nang maging guro ko silang dalawa, mga full professor na sila. Hindi ko rin naisip noon na balang araw magiging full professor din ako dito sa La Salle. Mapalad ako at nagpapasalamat na maraming blessings akong natanggap mula sa Panginoon, mga biyayang hindi ko pinangarap noon dahil hindi ko lang naisip na kaya kong makamtam ang mga ito. At sa tingin ko, malaki ang kinalaman dito nina Dr. Bautista at Dr. Cruz na minentor ako the Lasallian way—touching minds and hearts talaga at transformative to the max.
Natatawa na lang ako ngayon kapag maalala ko na parang nagseselosan sina Dr. Bautista at Dr. Cruz pagdating sa akin. Noong kasagsagan ng preparasyon namin para sa CHED training na iyon, sinabihan ako ni Papá habang kumakain kami sa Aristocrats sa Malate ng, “John, parang ang busy mo ngayon a. Mukhang maraming pinapagawa si Gani sa ‘yo.” Sabi ko, sobrang laki kasi, Sir ng CHED training. “Binabayaran ka ba niya?” tanong uli ni Papa. Sagot ko, oo naman, Sir. Sabi niya, “Mabuti. Dahil kung hindi ka niya binabayaran sabihin mo lang sa akin. Aawayin ko si Gani.” Noong launching naman ng Believe and Betray ni Dr. Bautista, nasa Iloilo na ako nagtuturo noon at lumuwas talaga ako ng Maynila para mag-attend ng launching. Nang makita ako ni Dr. Cruz sabi niya, “Naku lumuwas talaga siya para sa book launching ni Cirilo. Pero kapag book launching ko, I’m sure hindi ‘yan pupunta rito sa Manila para umattend.”
Ngayong guro na in ako, pakiramdam ko may reputation na ako na mataas magbigay ng grades. Hindi ko man tinitingnan ang mga naka-post tungkol sa akin sa Prof to Pick, nahahalata ko na maraming varsity players ang nag-e-enrol sa klase ko, lalo na noong bago mag-pandemic. Siguro narinig nila madaling pumasa sa klase ko at mataas ako magbigay ng grades. Bakit hindi ako madamot sa grades? Kasi sina Dr. Bautista at Dr. Cruz hindi naging madamot sa akin sa grades. 4.0 lagi ako sa kanila kahit na alam kong hindi naman ako worthy sa 4.0 na binibigay nila. Marami akong hindi naiintindihan sa pagsulat ng tula at sa literary criticism noon pero 4.0 ang grade ko sa kanila. Nang mag-enrol ako sa The Teaching of Literature kay Dr. Cruz, zero teaching experience ako. Requirement sa klase mag-teaching demo. Unang teaching demo pa lang sa klase namin, chair yata iyon ng English Department, ang galing-galing ng teaching demo niya. Na-insecure ako nang sobra. After ng klaseng iyon hinabol ko si Dr. Cruz sa hallway at sinabihang, “Sir, hindi ko kaya ang ginawa niya!” Nilingon ako ni Dr. Cruz na nakangiti at ang sabi, “Kayanin mo.” Sobrang stressful ang term na iyon at naisip ko sana pala nag-medicine proper na lang ako. Tinulungan ako ni Shirley na gawin ang Kilgore lesson plan ko (take note, gamit ang typewriter) at alam kong hindi ganun ka bongga ang teaching demo ko pero ang final grade ko sa klaseng iyon mula kay Dr. Cruz ay 4.0.
Ilang beses na akong nakatanggap ng email sa mga graduate student na nagpapasalamat sa grade na binigay ko at ang laging sabi, “I know I’m not worthy of the 4.0, Sir but it will surely inspire me to do better.” Kapag perfect attendance kasi at nagawa naman lahat ng tasks kahit hindi perfect, napakadali sa akin ang magbigay ng 4.0. Siguro ang mga tunay na guro tulad nina Dr. Bautista at Dr. Cruz ay talagang visionary. Nakikita nila ang potential ng mga estudyante. Baka ang 4.0 na grade na ibinigay nila sa akin noon ay grade ko talaga iyon para sa ngayon. Ngayon hindi na ako masyadong insecure sa pagiging manunulat at guro ko. Ngayon alam kong magaling ako. At malaking bagay ang kabaitan nina Dr. Bautista at Dr. Cruz sa akin noon kaya ngayon sinisikap ko ring maging mabuti sa mga estudyante ko na kahit ang iba sa kanila hindi ganoon ka galing ngayon. Ipinapanalangin ko n asana ma-inspire ko sila na maging magaling balang araw dahil naging mabait ako sa kanila.
Maraming-maraming salamat po sa inyong pagdalo ngayong hapon. Maraming salamat sa De La Salle University Publishing House sa pangunguna ni Dr. David Bayot, executive publisher, sa pag-publish nitong Kaming mga Lasalyanong Guro at We Lasallian Teachers. Maraming salamat kina Dr. Laurene Chua-Garcia at sa kabiyak niyang si Mr. Edmund Garcia sa publication grant ng dalawang libro. Maraming salamat at pagbati sa mga kaibigan kong editor na sina Nonon Carandang at Vince Groyon, at sa lahat ng contributors. Salamat Caloy Piocos para sa magandang cover at book design. Maraming salamat sa mga nagbasa ng kanilang akda ngayong hapon: Dr. Doy Del Mundo, Dr. Jun Tullao, Dr. Marjorie Evasco, Dr. Lhai Taylan, at Dr. Frances Sangil. Salamat din kay Dr. Clark Militante sa pag-stand in para kay Vince. Salamat din kina BNSCWC staff May, Hannah, at CC. Salamat din siyempre sa DLSU Libraries, kina Director Christine Abrigo at staff, para sa venue na ito. Higit sa lahat, salamat kay Dr. Ronald Baytan, ang aking Ateng, sa pag-conceptualize ng proyektong ito noong BNSCWC director pa siya, at kahit on sabbatical leave siya ngayon ay tinulungan pa rin niya ako upang mai-launch ito ngayong hapon.


Maraming salamat sa inyong pagdalo at mga mensahe Br. President Bernard Oca, FSC at Vice President for Research and Innovation Dr. Raymond Tan. Maraming salamat kina Dr. Cruz at Ma’am Medy Cruz. Maraming salamat din kina Ma’am Rose Marie Bautista at Laura Bautista Jensen sa inyong pagdalo. Gayundin kina Dr. Alice Sun-Cua at Alex Cua. Labis po ninyo kaming pinasaya.
Mabuhay ang mga Lasalyanong guro! Mabuhay ang edukasyong Lasalyano! Animo La Salle!
