Bása Tayo (5): Salin sa Filipino ng Paborito Kong mga Kuwentong Ingles

Nag-aaral na ako ng MFA in Creative Writing sa De La Salle University nang seryoso akong magsimulamagsulat ng maikling kuwento. May dalawang subject din kasi kaming Fiction Writing Techniques at Fiction Writing Workshop na kahit pumasok ka sa programa bilang makata, kailangan mo pa ring sumulat ng katha, dula, at sanaysay. Nang mga panahong ding iyon nadiskubre ko ang mga libro ni Cristina Pantoja Hidalgo. Una muna ang kaniyang mga sanaysay ng paglalakbay at agad akong nahalina sa elegante niyang prosa.

Nadiskubre ko ang Tales for a Rainy Night (DLSU Press, 1993) nang maging proofreader ako sa De La Salle University Press (Ang pinakauna kong trabaho). Agad akong nahalina sa kinathang mundo sa mga kuwentong sa librong ito na naisip ko, ganito dapat ang maikling kuwento—dinadala ako bilang mambabasa sa isang matingkad at magical na daigdig. Nang sinabi ko ito sa kaklase at kaibigan kong si Roel Hoang Manipon, sinabi niya sa akin ang tungkol sa Where Only the Moon Rages (Anvil, 1994).

Ang mga kuwentong “The Most Beautiful Woman in the Island” at “The Ghost of La Casa Grande” ang pinakapaborito kong kuwento ni Ma’am Jing na hindi ako nagsasawang paulit-ulit na basahin. Ang “The Ghost” ang nire-require kong basahin ng mga estudyante ko kapag nagtuturo ako ng Philippine Literature. Una kong nabasa sa Philippine Graphic ang akdang ito na ang unang pamagat ay “Esperanza” dahil ito ang pangalan ng pangunahing bidang babae sa kuwento.

Kayâ labis ang aking tuwa nang makita ko ang librong Mga Kuwentong Bayan para sa Gabing Maulan (University of Santo Tomas Publishing House, 2023) na salin ni Chuckberry J. Pascual ng Tales for a Rainy Night. Kuhang-kuha sa saling Filipino ang pagka-elegante ng wika ng orihinal sa Ingles.

Mahalaga ang pagsasalin sa panitikang Filipino dahil may 135 na mga katutubo at rehiyonal na wika sa ating bansa at naririyan din ang mga banyagang wika tulad ng Ingles, Kastila, at Mandarin na ginagamit ng maraming manunulat na Filipino.

Bagamat sa unang tingin ay mas praktikal ang pagsalin ng isang akda mula sa rehiyonal o katutubong wika patungong Ingles, mahalaga ring maisalin ang mga akda natin sa Ingles patungong Filipino at iba pang wika sa Filipinas dahil maraming Filipino na ang hirap magbasa at mag-intindi ng Ingles. Mas marami ang nakakaunawa sa target language ni Chuck na Filipino.

Magaan ang Filipino ni Chuck. Filipino na talaga ito at hindi Tagalog dahil ginagamit niya ang Bisayang salita na “bana” para sa husband. Masakit kasi sa tenga, at magastos rin sa letra, ang “asawang lalaki.”

Ang dalawa pang dahilan kung bakit kailangan nating isalin sa Filipino at iba pang katutubo o rehiyonal na wika ang mga akdang pamapanitikan (at maging mula pa sa ibang mga disiplina) natin sa Ingles ay para, una, makapag-ambag ito sa intelektuwalisasyon ng ating mga wika sa pamamagitan ng pagpapayaman sa bokabularyo at nilalaman ng mga ito. At pangalawa, maiuwi natin sa pungsod ng wikang sarili ang sensibilidad ng mga Filipinong manunulat na nagsusulat sa banyagang wika.

Mayroon lang akong isang ayaw sa librong ito ng salin ng Tales for a Rainy Night. Wala ang mga likhang-sining ni Manuel Baldemor! Mga black and white drowing na mistulang rubber cut ang estilo. Sa original na libro kasi, napakalaki ng ambag nito sa pagiging misteryoso at magical ng mga mundong likha ng mga kuwento.

Kapansin-pansin din ang isang pagkakamali sa salin sa huling talata ng “Ang Pinakamagandang Babae sa Isla” partikular sa pangungusap na, “Pagkuwa’y kinuha niya ang kanyang jacket at gitara, at sinamahan si Eric patungo sa bundok, kung saan naghihintay ang Tania….(28)” Ang Tania ay ang barko ng bidang si Alejandro at sa may piyer sa dagat ito naghihintay at hindi sa bundok. Heto ang original na nasa Tales for a Rainy Night: “Then he picked up his jacket and his guitar, and led Eric down the mountain, to where the Tania waited…. (19)” Naisip ko rin, mas magical nga siguro kung ang Tania ay nasa bundok talaga at sa ulap ito naglalayag!

Nang huli akong bumisita kay Ma’am Jing sa University of Santo Tomas Center for Creative Writing and Literary Studies bago magpandemya, kinuwento nila sa akin ni Ralph Semino Galan (isa ring palangga na higala) na isinasalin daw ni Chuck sa Filipino ang Tales for a Rainy Night. Binanggit ko kasi sa kanila na ito talaga ang paborito ko na libro ng mga maikling kuwento sa Ingles. Nakasabit kasi sa opisina ni Ma’am Jing ang ilang black and white drowings ni Baldemor na naging dibuho ng mga kuwento sa libro.

Nag-volunteer ako kay Ma’am Jing na isasalin ko rin ito sa Hiligaynon. Hiligaynon ang naisip ko noon kasi nababagay ito sa eleganteng wika ng Tales for a Rainy Night. Pero habang binabasa ko ang salin ni Chuck, naisip ko, sa Kinaray-a ko na ito isasalin.

Kailangan ko nang umpisahan ang pagsasaling ito—

Pebrero kato kag tag-irinit rën gid sa siyudad. Pero sa bahël nga balay, nga naharunan kang mga kahoy kang mga prutas kag napalibutan kang taramnanan kang paray, baskëg man gihapon ang hëyëp kang mabugnaw nga hangin halin sa Sierra Madre. Amihan. Mahinay nga ginsambit ni Soledad ang dyang tinaga, ginasipalan sa anang dila ang mga letra, ginasimhutan ang andang kahamot…

[Mayo 19, 2023 / Manila]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s