Pagmamahal sa Alin mang Wika

(Opening Remarks para sa SINAG@DLSU, Hulyo 14, 2023, De La Salle University)

Ang pagmamahal ay pagmamahal sa alin mang wika. Ito ang naiisip ko habang nagpapahid ako ng luha at binabasa ko ang librong Anim na Sabado ng Beyblade ni Ferdinand Pasigan Jarin at ang salin nitong Six Saturdays of Beyblade and Other Essays, lalo na ang title essay mismo. Gaya nga ng sinasabi isang linya sa pelikula ng paborito kong si Sharon Cuneta, “Kayâ tayo nasasaktan kasi nagmamahal tayo.” Wala nang mas bubusilak pa sa pagmamahalan sa pagitan ng mga magulang at anak, kung kayâ labis ang pagluluksa kapag mamamatayan ng magulang at lalo na kapag mamatayan ng anak. Sa sanaysay ni Ferdie, hubo’t hubad ang kaluluwa niyang ikinuwento sa isang tapat na lengguwahe ang pagkakasakit ng apat na taong gulang niyang anak, kung paano niya ito inalagaan at ipinaglaban bilang ama, hanggang sa tuluyan ginupo ng kanser ang munting katawan nito at pumanaw sa kaniyang mga bisig. Hindi pa yata ako nakakakita ng beyblade at hindi pa ako nakahawak nito, subalit matapos kong basahin ang sanaysay na ito, parang kilalang-kilala ko na ang beyblade at pati mismo si Ferdie na unang kong naging kaibigan sa Facebook lamang. Kunsabagay, maaari ngang magkadyowa online, kaibigan pa kaya? Katutuyo pa lamang ng mga luha ko, binasa ko naman ang salin nito sa Ingles ni John Toledo at muli akong napaluha. 

Pero dahil guro din ako ng malikhaing pagsulat at isang kritiko, nagpapahid man ng luha at napapasinga ng sipon sa tisyu ay umaandar pa rin ang utak ko at namamangha sa kapangyarihan ng pagsasalin. Naisip ko na ang kuwento ng pagmamahal kung maayos na naisalaysay at maayos na naisalin, tatagos ito sa puso at kaluluwa ng mambabasa kahit walang accesses sa orihinal. At naisip ko rin, hindi naman bago ang regalong ito ng pagsasalin. Kayâ nga naging paborito kong mga manunulat sina Franz Kafka at Thomas Mann kahit hindi naman ako nakakabasa ng Aleman dahil binasa ko ang mga akda nila sa Ingles. Gayundin ang mga akda ni Pramoedya Ananta Toer na nababasa ko rin lang sa salin sa Ingles at na-in love pa nga ako kay Minke, ang peryodistang bida sa Buru Quartet to Toer. Kaya nga paborito ko ring makata si Wislawa Szymborska kahit na hindi ko siya nababasa sa Polish kasi may salin naman sa Ingles. Ang pagkakaiba lang siguro nitong mga libro nina Ferdie at John Leihmar ay parehong accessible sa akin ang source language at ang target language nito. Doble iyak ako at ibig sabihin ay doble kasiyahang estetiko rin para sa akin bilang mambabasa.

Kayâ saludo ako kay John Leihmar sa gawaing pagsasaling ito. Sana ang mga magagaling nating manunulat sa Ingles sa bansa ay magsalin din. Kayâ nga masuwerte rin ako dahil nandiyan ang kaibigan kong si Alice Sun-Cua na nagsasalin sa aking mga akda mula Kinaray-a tungong Ingles at Kastila. Ang biro ko nga kay Alice, balang araw baka manalo ako ng Nobel Prize dahil sa kaniya! Saludo din ako sa Penguin Southeast Asia sa paglathala nitong Six Saturdays of Beyblade and Other Essays. Nagbibiro man ako tungkol doon sa future Nobel Prize ko, pero seryoso ako na ang magiging dahilan talaga ng pagkakaroon natin ng unang Filipinong Nobel Prize Winner for Literature ay ang mga proyektong pagsasalin tulad nito at ang paglalathala rito ng mga international publishing house tulad ng Penguin. Noong nakaraang linggo, may FB post si Ferdie na available na sa Sweden ang libro niyang ito sa Penguin. Na-excite ako, dahil bukod sa kung minsan feeling ko Swedish princess talaga ako na kinidnap lang mula sa ospital doon at dinala sa Antique, naisip ko—hayan! Lumalapit na sa Stockholm! Kunsabagay, literate naman talaga ang bansang Sweden. Ang mga librong Kinaray-a ko nga na walang salin ay nasa Stockholm City Library at hindi ko alam kung paano nakarating ang mga iyon doon dahil hindi naman ako nagbitbit ng mga libro ko sa Kinaray-a nang pumunta ako roon.

Bilang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center (BNSCWC), pinasasalamatan ko kayo sa pagdalo ninyo ngayong araw sa SINAG@DLSU dito sa De La Salle University. Lalo na sa mga kaibigan natin na hindi taga-La Salle. Alam namin na pagmamahal lang ang tanging dahilan para dayuhin ninyo kami rito sa Taft Avenue na kahit hindi umuulan at bumabaha ay mahirap talagang puntahan. Mahirap talagang mahalin ang Taft Avenue at ang bansang Filipinas sa kabuoan! Isang maalab na pag-abiabi sa inyong lahat! (Special shout out sa mga estudyante ko sa Art Appreciation na nandirito ngayon para sa extra work for extra credit nila basta magsubmit sila ng reaction paper na may kasamang selfie nila na nandito sila ngayon.)

Binabati ko si Prof. Victor Torres sa kaniyang book signing kaninang umaga para sa pinakabago niyang libro—ang Linya at Galaw (Mga Dula sa Filipino at Ingles). Si Vic ay Associate for Drama and History ng BNSCWC.

Pinasalamatan ko rin ang mga kapuwa kong University of Santo Tomas Publishing House poets na magbabasa mamaya ng aming mga tula mula sa mga libro naming inilathala ng USTPH: Paul Alcoseba Castillo, Arvin Abejo Mangohig, Babeth Lolarga, Raphael Atienza Coronel na MFA in Creative Writing graduate naming dito sa La Salle, King Lianza na MA Environmental Studies graduarte ng DLSU, ang kasing ganda kong si Mookie Katigbak-Lacuesta na dating Associate for Poetry ng BNSCWC, Adrian Crisostomo na Associate for Drama ngayon ng BNSCWC, at ni DLSU University Fellow Dinah Roma na dating BNSCWC Director.

Higit sa lahat salamat sa bumubuo ng University of Santo Tomas Publishing House—kina Director Ailil Alvarez at Deputy Director Ned Parfan—sa pagpili ng De La Salle University na maging isa sa mga venue ng kanilang bonggang SINAG Festival. Ang SINAG Festival ay serye ng book events upang F2F na mailunsad ang mga libro nilang inilathala noong panahon ng pandemya. Selebrasyon din ito ng 430 na taong paglalatlaha ng USTPH. Una itong naglathala ng mga libro noong 1593 bilang La Imprenta de Los Dominicanos de Manila.

Again, welcome to De La Salle University at let us enjoy the book launching and the poetry reading this rainy but blessed Friday afternoon. Magmahal po tayo sa alinmang wikang nanaisin natin dahil love in any language is love.

Duro gid nga salamat!

Mag-iwan ng puna