Tatlong Van Gogh sa Ny Carlsberg Glyptotek, Copenhagen

MAY tatlong European na artist akong paborito: Edvard Munch ng Norway, Vilhelm Hammershøi ng Denmark, at Vincent van Gogh ng The Netherlands. Si Van Gogh talaga ang pinakapaborito ko pero noong unang biyahe ko rito sa Europa noong 2016, wala akong nakitang orihinal na mga peynting niya sa mga museong nabisita ko. Marami akong nakitang peynting ni Munch sa mga museo sa Lübeck sa Germany at sa Stockholm sa Sweden. Noon ko rin nadiskubre ang mga gawa ni Hammershøi sa isang museo sa labas ng Copenhagen sa Denmark.

Kayâ laking saya ko na nitong trip ko ngayon dito sa Europa ay nakakita ako ng tatlong orihinal na Van Gogh. Pagdating ko sa kasi noong nakaraang linggo sa Copenhagen, nag-overnight muna kami doon ng kapatid kong si Mimi at ng dalwang pamangkin ko na sina Juliet at Evert John. Nang sumunod na araw na kami umuwi dito sa Sweden. Nagkaroon ako ng panahon na bisitahin ang Ny Carlsberg Glyptotek na alam kong may koleksiyon din ng mga impressionst at post-impressionist na peynting.

Ang tatlong peynting ni Van Gogh na nakita ko roon sa Glyptotek ay ang “Pink Roses (1890),” “Landscape from Saint-Rémy (1889),” at “Portrait of Julien Tanguy (1887).” Mga oil on canvas lahat.

Kasama ang tatlong peynting na ito sa espesyal na exhibit ngayon na pinamagatang “Efter Naturen / After Nature: A New Reading of Glyptotek’s Paintings by Writer Josefine Klougart.” Ang mga likhang kalahok sa eksibit na ito ay mula sa mid-19th hanggang mid-20th centuries na panahon ng industriyalisasyon na nagbago ng kapaligiran at nakaapekto sa kalikasan. Sumulat si Klougart, na isang nobelista at mananaysay na taga-Copenhagen, ng isang isang sanaysay hinggil dito na naging basehan ng eksibisyon.

Ang pinakabuod ng idea nitong eksibisyon ayon sa kaniyang welcome note: “Art as a practice of creation of matter does not draw a line between humans and nature, but instead inscribes and reveals us as part of nature, part of luminous network of life.” Kayâ siguro tatlong uri pagdating sa tema ang mga likha ni Van Gogh sa eksibit: still life, landscape, at portrait. Ang rosas, ang taniman ng trigo, at larawan ng art dealer ay mga subject na magkakasama, nagsasalimbayan, sa puso at isipan ni Van Gogh. Mga bagay na mahalaga o makabuluhan para sa kaniya at kailangan niyang ipinta.

Maganda rin ang sipi ni Klougart mula sa liham ni Edward Weie, isang modernist painter na Danish na kasama rin ang painting sa eksibit, tungkol sa relasyon ng sining at kalikasan. Ani Weie sa liham na sinulat niya noong 1924, “The fundamental note in all perception of art rests on the appreciation of nature, and having a feeling for nature is a spiritual strand one either possesses or does not. Hence, if one ought instead to go the opposite way: first teach them to be fond of nature and in the end show them pictures that are, or should be, a subtle and poetic rewriting of nature.” Napakagandang idea: Ang sining ay isang matulaing muling-pagsulat sa kalikasan! At ganito talaga ang sining ni Van Gogh kayâ siguro gustong-gusto ko.

Nasa eksibisyon din ang mga French peynting na kadalasang tampok sa mga art appreciation textbook tulad ng “Vahine no te Tirre: The Woman with the Flower (1891)” ni Paul Gaugin, “The Lemon Grove in Bordinghera (1884)” ni Claude Monet, at “Still Life with Apples in a Bowl (1874-1882)” ni Paul Cézanne.

Kung pamilyar man ang tunog ng pangalan ng Ny Carlsberg Glyptotek ito ay dahil ang nagtatag nito ay ang Danish na tagagawa ng beer na si Carl Jacobsen (1842-1914) at ang asawa niyang si Ottilia. Si Jacobsen ay mula sa pamilya na ang negosyo ay brewery at brand nga ng pamilya nila ang Carlsberg.

Ang Glyptotek ay sikat din sa kanilang Egyptian Collection at mga eskutura mula sa Greek and Roman antiquities. May mga eskultura din sila ni Auguste Rodin tulad ng “The Kiss” at “The Thinker.”

Ang pinakagusto ko sa lahat ng bahagi ng museo na ito ay ang The Winter Garden, isang malaking courtyard na may glass dome kung kaya’t may tropical na hardin. May koleksiyon ito ng exotic Mediterranean plants tulad ng sari-saring palma na ang lalakí. May mga rubber tree din, pothos, gumamela, dapu, at iba pang halaman. May mga upuan din doon at masarap magtambay para ipahinga ang mga paa at utak dahil sa paggalugad at pagmasid sa mga silid na punô ng mga likhang-sining.

[Hunyo 15, 2024 / Sirenahus, Lenhovda, Sweden]

Mag-iwan ng puna