
Isang mainit na pagbati at pasasalamat kay Miss Tanya Katrina Sevilla Simon, Bienvenido N. Santos Creative Writing Center Writing Fellow for A.Y. 2023-2024, sa kaniyang lektura ngayong araw na kinapupulutan natin ng maraming kaalaman hinggil sa pagsulat ng sanaysay ng paglalakbay.
Sa “Preface” ng kaniyang librong ‘Riding Towards the Sunrise and Other Travel Tales,’ sinabi ni Alice Sun-Cua na, “Nothing ever stands still. Everyday there are roads to be travelled, journeys within a bigger journey to be traversed, a mapping out of a life that is always in a state of flux. And there are travels not necessarily physical; there are distances traveled by the mind and heart.” Isang meditasyon ang pagsulat ng sanaysay ng paglalakbay sa buhay natin dito sa daigdig bilang manlalakbay.
Ano-ano ang mga natutuhan natin mula kay Tanya hinggil sa pagsusulat ng travel essay?

(1) Sa ating paglalakbay dapat para tayong camera. Dapat maging matalas ang ating pandama para maging sensitibo at alerto sa mga detalye.
(2) Magbasa tayo tungkol sa mga lugar na pupuntahan at napuntahan natin. Mahalaga ang pananaliksik sa pagsusulat dahil pinayayaman at pinapalalim nito ang kaalaman natin tungkol sa lugar na pinupuntahan natin.
(3) Kailangan nating magdala ng tuwalya sa ating paglalakbay. Puwede itong pansapin sa higaan, sa buhangin man o sa sahig. Puwedeng pamunas, puwedeng armas, puwedeng pangsenyas kung kailangan natin ng tulong. Samakatwid, pinaghahandaan ang paglalakbay at pinag-iisipan kung ano ang dapat nating ilagay sa ating maleta o backpack.
(4) May maisusulat pa rin tayong bago hinggil sa mga lugar na marami na ang nagsulat tungkol dito. Halimbawa, iisipin natin na halos lahat ay nasulat na tungkol sa Baguio City. Naisip ko tuloy ang narinig kong mga sabi-sabi tungkol sa lungsod na ito sa bundok na may angking kabalintunaan: Sikat na honeymoon destination pero may paniniwala rin na kapag dinala mo ang dyowa mo sa Baguio ay maghihiwalay kayo (At nangyari ito sa akin!). May maisusulat pa rin tayo dahil ang bawat isa sa atin ay may sariling karanasan at pananaw. May kaniya-kaniya tayong insight at perspektiba na maaaring ibahagi sa mambabasa. Sabi ni Tanya, “Perspective is important.”
(5) Kailangan din nating maging masipag at masinop: Revise and polish our drafts. Huwag maging burara sa wika.
(6)Make your reader a fellow traveller. Kapag binabasa ng ating mambabasa ang sanaysay natin tungkol sa isang lugar, dapat magkaroon siya ng pakiramdam na para na ring nakapunta siya sa napuntahan natin.
(7) Ani Tanya, “The heart of travel writing is telling story very well.” Umaalingawngaw dito ang pagpapakahulugan ni Alejandro Abadilla sa sanaysay: “Pagsasalaysay ng isang sanay o nakasulat na karanasan ng isang sanay sa pagsasalaysay.”
(8) Ang rason kung bakit tayo naglalakbay ay para magsulat o magsulat ng sanaysay ng paglalakabay upang maramdaman nating bahagi tayo ng mundong maganda kahit sugatan. Maganda pa rin ang mundo sa kabila ng mga kapangitang nagaganap sa ating daigdig.
Ilan lamang ito sa mga napulot kong aral sa mga ibinahagi ni Tanya at sumasang-ayon ako sa lahat ng ito. Nais kong ibahagi ito sa aking mga estudyante sa creative nonfiction at sa iba pang mga interesadong matutong magsulat ng sanaysay ng paglalakbay at ng sanaysay sa kabuoan sa alinmang wika.
Sa pagsulat ng sanaysay ng paglalakbay napapalawak natin ang teritoryong ginagalawan at pinananahanan ng ating isipan, alaala, at kaluluwa. Tinutulungan din tayo nito na tanggapin at maunawaan na nananahan tayo sa maraming lunan. Sabi ng ni Sun-Cua, “I hold these places and events close to me, not only it expand the spaces wherein we write, but also because by doing so, the self can continously embark in these mapped movements, always feeling that although one is here, one is also there and elswhere. A journey unending.”

Hanggat nabubuhay tayo, tayo ay naglalakbay—sa pisikal man na mundo o sa mundo ng ating imahinasyon. Ang mga paglalakbay na ito ay lalong napapayaman at napapalalim ng pagsulat at pagbasa ng mga sanaysay ng paglalakbay.
