Ang ‘Storya ni Lina Sagaral Reyes

[Unang nalathala noong Hulyo 9, 2018 sa Facebook account ko ang maikling ribyu na ito ng isang librong napaka-impluwensiyal sa sarili kong pagsusulat dahil binasa ko ang ‘Storya ni Lina Sagaral Reyes noong nag-uumpisa pa lamang akong magsulat.

Ngayong umaga nagising ako sa isang malungkot na balita. Nagtaliwan na si Lina. Nagulat lang ako dahil sa huling post niya sa FB na gin-care ko kahapon ay sabi niya okay na ang vital signs niya. May isang kaibigan na nagtanong sa akin ngayong umaga kung may link ako ng sinulat ko tungkol sa libro ni Lina. Hinanahap ko rito sa blog ko pero wala. Sa FB wall ko lang pala inilathala.

Bilang pagpupugay kay Lina Sagaral Reyes, nire-repost ko ngayon dito ang sanaysay na ito.

Rest in peace, Lina Sagaral Reyes! Daghang salamat sa iyong mga binalaybay! Maraming salamat sa iyong mga feature story. Kaawaan ka nawa ng Poong Maykapal.]

TAONG 1993 nang inilathala ng Babaylan Women’s Publishing ng Institute of Women’s Studies ng St. Scholastica’s College ang libro ng mga tula ni Lina Sagaral Reyes na ‘Storya. Ito ang taon na nagsimula akong maging seryoso sa pagsusulat. Isa ito sa mga unang libro ng tula na aking binili at binasa at naging impluwensiya ko sa pagsulat ng sariling mga binalaybay.

Kahapon habang namamasyal ako kasama ang kapatid na babae at isang kaibigan sa Intramuros at pumunta kami sa Silahis Arts and Artifacts sa General Luna St., dinala ko sila sa ikatlong palapag kung nasaan ang Tradewinds Bookshop. May mga lumang Filipiniana kasi na mabibili rito na hindi mo na mahanap sa mga bookstore. At ang nahanap ko kahapon ay ang ‘Istorya ni Reyes.

Tuwang-tuwa ako kasi nasa mint condition pa ito. Bagong-bago! At higit sa lahat, P100 lang ito. Nasa kuwarto ko kasi sa bahay namin sa Antique ang kopya ko ng librong ito. Ilang taon na akong hindi umuuwi kung kaya binili ko ang librong ito. Gusto ko uli itong mabasa. Kung minsan nababasa ko ito sa library. Pero gusto kong may sarili akong koya rito sa aking Tore.

Natutuwa ako sa cover pa lamang ng librong ito. Maliwanag na berde ang dominanteng kulay at may bulaklak na rosas o lila. Masayang dilaw ang mga teksto. Malamig sa mata na tagos hanggang damdamin. Hindi applicable sa librong ito ang kasabihang, “Don’t judge a book by its cover.”

Gusto ko ang tulang “Tree Without Leaves.” Pamatay ang unang linyang “How your leaving unleafed me.” Ang persona ay naging punongkahoy na nang iwanan ng mangingibig ay nalagas ang mga dahon. Minsang napagsabihan ng mangingibig ang persona ng, “You have strength I can’t name,” bagay na inaamin naman ng nagsasalita sa tula. Maraming kalakasan ng iniibig ang inaayawan ng mangingibig. Halimbawa, kung kayang mabuhay ng isang umiibig kahit na mawala ang taong iniibig, para anupa’t kailangang magsama sila? Marami ring mangingibig na iniibig lamang ang isang tao dahil mahina ito at kailangang ibigin. Marami ang hindi matanggap na hindi sila kailangan ng mga taong iniibig nila. Mas tumatagal ang pag-iibigan
kung kailangan ng nag-iibigan ang isa’t isa.

Marami din naman ang dahilan ng paghihiwalay ng dalawang taong nagmamahalan. Namamatay nang kusa ang pagmamahal o may makikita ang nagmamahal ng isa pang mas mahal. At sa paghihiwalay, pansamantalang nalalagas ang ating mga dahon tulad ng mga punongkahoy sa taglagas na naghahanda sa mahabang taglamig.

“On the rough nodes of my evening / Fireflies nestle, / Blooming,” ang sabi sa huling saknong. Sa pag-iisa ay may liwanag pa rin at ganda. Sa pagkalagas ng mga dahon, habang hinihintay ang muling pagpanaringsing, maaaring mamulaklak
muna ng mga bibisitang alitaptap.

“What won’t kill you will make you stronger,” ‘ika nga nila. Sa paglisan ng mangingibig o ng iniibig, hayaang malagas ang iyong mga dahon. Tiisin ang mga mahabang gabi ng taglamig na mag-isa. Yakapin ito at tanggapin nang buong puso. Sa pagdating ng tagsibol, abangan ang mga bagong dahon na busilak ang pagkalungtian. Maging bukas sa pagdating ng bagong pag-ibig kapiling ang mga bulaklak ng tag-araw.

Ang paborito ko talagang tula sa librong ito ay ang “Central.” Ang persona, malamang ay si Reyes mismo, ay nagkukuwento diretso sa addressee na si Jovita Zarate na isa ring manunulat. Sigurado tayong siya talaga ang kinakausap persona ng tula dahil naka-dedicate sa kaniya itong tula at binanggit pa ang kaniyang pangalan sa huling saknong.

Gusto ko ang tulang ito sapagkat simple ang wikang ginamit. Ang tono ay isang simpleng pagkukuwento lang ng isang kabataan sa bayan ng Villalimpia sa islang lalawigan ng Bohol. Ang persona ay isang taong nagsasalita–“Poetry is human speech,” ayon kay Merlie Alunan–at ang kausap ay isang tao rin at tayong mga mambabasa ay nagiging mas tao rin matapos basahin ang tula. Lahat naman kasi tao ay may kabataang binabalikbalikan natin kung minsan tulad ng persona nitong tula na si Lina Sagaral Reyes naman talaga.

Kinukuwento ni Reyes na sa kanila sa Villalimpia ang “central” ay isang sakayang may apat na gulong na nagtitinda ng mga tinapay tulad ng pandesal at bagumbayan. “In Villalimpia of long ago, that / We do not leave the house to buy bread, / That our pan de sal and bagumbayan / Come to us right at our yard….”

Halimbawa ito ng isang simpleng pagtutula. Walang “verbal calesthenics” kung si Cirilo F. Bautista pa. Bagkus ang “calisthenics” ay nangyayari sa puso’t isipan ng mambabasa na triggered ng pagsasabwatan ng mga simpleng salita at matingkad na mga imahen ng nakaraan. Ang mga tulang ganito ay nagmumukhang simple subalit hindi simple ang dating nito kapag pagmunian nang maigi.

Hindi kailangang maging pretensiyosa sa ating pagtutula.

Sa aming baryo sa Maybato, bumibili kami ng aming tinapay sa isang mamang nakamotorsiklo na ang nakaangkas sa kaniya ay ang dalawang malaking kaing ng mga tinapay na iba’t iba ang mga hugis at kulay. Ang pinakagusto ko ay ang matigas na tinapay na hiniwa mula sa nirolyong puti ay pink na dough. Masarap itong isawsaw sa mainit na sarasara, ang tawag namin sa rice coffee. Sarasara na pinatamis ng moscuvado na hindi pa sikat o sosyal na asukal noon.

Ang tinapay na ito, ang lasa ng sarasara, ang Maybato, ang mga iniisip ko ngayong umaga matapos muling mabasa ang tulang “Central” ni Lina Sagaral Reyes. Ganito ang epekto sa akin ng birtud ng kaniyang mga ‘storyang tula.

Mag-iwan ng puna