May lambing na ligamgam na dulot sa damdamin ang mga puting gusali na may mga asul na pinto at bintana sa gitna ng lunti ng mga punongkahoy at halaman kahit na maya’t maya ay umuulan—may malakas, may mahina—dahil may bagyo pa sa katimugang bahagi ng bansa. Kay busilak na tanawin at nabibigyan nito ng masuyong kapayapaan ang aking katawan at isipan.

Alam kong nasa Tagaytay ako ngunit kapag tinititigan ko ang matatayog na punong pino naiisip kong para akong nasa Baguio. Ang gusali ng aming botique hotel, ang condotel sa tabi nito, at ang mga restawran sa kabilang kalsada ay Griyego-Mediteranyo ang disenyo at napapatanong ako sa sarili ko, nasa Santorini na ba ako?
La Bella Tagaytay ang pangalan ng aming tinuluyan at tunay ngang maganda ito. May mga halaman sa loob ng lobby at napapalibutan din ito ng hardin. Puno rin ng mga katutubong likhang-sining tulad ng bul-ol ang receiving area. Sabi ko nga sa front desk, parang Pinto Museum ang lugar nila.
May maliit ding swimming pool doon. May bahaging itong parang akwaryum na maaari kang piktyuran mula sa labas. Ang problema, kahit may limang tao lang ang nagsi-swimming doon, parang masikip na ang pool.
Umuulan nang dumating kami sa Tagaytay. Dumiretso kami sa Balay Daku para mananghalian. Dahil kalagitnaan ng linggo akala namin konti ang tao. Punô ang malaking restawran. Pumila kami online at hinintay sa sasakyan na tawahin kami. Siguro dahil tatlo lang kami, agad nahanapan kami ng bakanteng mesa.
Tuwang-tuwa ako dahil may vegetarian karekare. Ang sarap. Ang karekare ang isa sa mga paborito kong ulam. Kumain pa rin ako ng bagoong na hindi vegetarian. Bawas ganda ito sa akin dahil kumain ako ng mga pinatay na hipon. Maghahanap na talaga ako ng mushroom bagoong.

Sa Bag of Beans naman kami naghapunan. Ito kasi ang paborito kong restawran sa Tagaytay. Lalo na ang main branch nila na nasa Nasugbu Highway. Gustong-gusto ko kasi ang old Manila na ambiance nito. Ang masaklap, walang halos makain na ulam ang isang vegetarian doon. Nag-order na lamang ako ng kape barako at apple pie. Natuwa naman ako dahil masarap talaga ang kape at dessert nila sa Bag of Beans.
Bago kami bumalik sa La Bella dumaan muna kami sa Sky Ranch. Dahil nga umuulan, hindi ganoon ka rami ang tao. May food bazaar at rides doon. Nagpa-picture muna kami sa harap ng malaking ferris wheel. Saka sumakay kami ni R, ang bff ko sa La Salle na tinatawag kong Ateng, sa carousel. Natatawa kami sa aming sarili dahil kung kelan kami nasa edad 50 na saka lang kami nakasakay sa merry-go-round.

Nang matulog ako nang gabing iyon sa kuwarto ko sa La Bella, binuksan ko ang bintana. Ayaw ko kasing gumamit ng aircon. Malamig ang simoy ng sariwang hangin na pumupasok sa kuwarto at mahimbing na mahimbing ang tulog ko.
Naisip ko, dapat magkaroon ako ng ganitong lugar sa Antique. Sa Iguhag man o sa Aninglan. O sa Maybato. Pag-uwi ko sa Agosto, magtatanim na talaga ako ng mga pine tree!
Kinaumagahan paggising ko, pinanood ko ang pagliwanag sa labas at ang pagsayaw ng manipis na puting kortina. Maalwan pa rin ang pagsikat ng araw kahit umaambon na lalong nagpatingkad sa pagkaluntian ng mga dahon ng pino sa labas at sa maliit puting gusali na parang nasa Santorini sa kabilang kalsada. Ito ang restawran kung saan kami kumain ng agahan.

Bago kami umuwi sa Manila dumaan muna kami sa Sonia’s Garden na nasa bahaging Alfonso, Cavite na subalit hindi naman masyadong malayo mula sa Tagaytay. Sikat ang Sonia’s Garden sa kanilang vegetable salad na may mga bulaklak at kakainin mo ito sa isang restawran na napapalibutan ng hardin. Matagal ko nang gustong pumunta rito at natupad nga ito.
Ang kaso umuulan kayâ hindi ko na nakita ang kanilang hardin. Medyo hindi ko rin inaasahan na malaki pala ang kanilang restawran na ang disenyo parang malaking tent. Ang iniimadyin ko kasi, restawran na yari sa kawayan at nipa na nasa gitna ng hardin ng nga gulay at bulaklak.
Gayunpaman gaya ng inaasahan ko, masarap ang malusog nilang pagkain dahil plant based ito. Perpekto para sa isang katulad kong tatlong linggo palang naging vegetarian. Kasama sa buffet lunch nila ang mga sumusunod na pagkain na paisaisa nilang sini-serve na parang lauriat style: yummy na pumpkin soup na kasamang French bread na may iba’t ibang puwede ipahid tulad ng pesto, cheese, pate, at tatlong iba pa; green salad with flowers; spaghetti pasta na may dalawang uri ng sauce—sun dried tomato sauce na gusto ko at carbonara; baked chicken na hindi ko kinain; at ang panghimagas ay turon at manipis na hiwa ng chocolate cake. Para sa inumin, dalandan juice at tubig. Nagbigay din ng lemongrass tea sa katapusan. Dahil nga buffet, maaaring humingi ng dagdag sa lahat ng pagkain. Sa pumpkin soup lang ako nagpadagdag. Unang servings pa lang nila busog na busog na kami ng mga kasama ko.

May mga organic na gulay, mga nakaboteng produkto, at mga halaman na mabibili sa labas ng restawran. Bumili ako ng sitaw at okra. Bumili rin ako calamansi juice concentrate na zero sugar daw at vinaigrette na strawberry at passion fruit. May isang halamang may pink na bulaklak sana akong gustong bilhin subalit hindi ko naman ito madadala pauwi ng Antique.
Makulimlim at maulan pa rin ang Tagaytay habang nilalakbay namin ang kalsada papuntang CALAX. Pero pagdating namin sa SLEX hindi na umuulan. Mukhang microclimate lang talaga sa Tagaytay ang pag-ulan.
Maganda ang Tagaytay para sa isang quick vacation kung taga-Manila ka. Hindi ganoon ka layo. Maraming mga maganda at masarap na restawran doon, at tamang-tama ang lamig ng klima.
[Hunyo 8, 2023 / Manila]
