May Dalawang Anak na Bading si Rio Alma sa Jakarta!

NAKAKALOKA ang ganda ng mga sarikulay na lampara na iba’t iba ang hugis. Mukha silang mga antigo. Nasa Jalan Surabaya kami sa Gitnang Jakarta kung saan makikita sa isang tabi ng kalsada ang mahabang hilera ng mga tindahan ng mga tradisyonal na Indonesian handicraft—maskarang cirebon, ukit na petrok, estatwang punakawan, mga puppet na golek, klitik, at kulit, at marami pang ibang mga likhang sining na yari sa kahoy, bato, goma, at metal mula sa Kalimantan, Surabaya, Java, Papua, Lombok, at Bali. Nakalalasing sa ganda ang kanilang mga kulay at disenyo.

Pumunta kami roon sa Jalan Surabaya matapos kaming mananghalian noong Miyerkoles, ikatlong araw namin dito sa Jakarta. Dahil mainit, parang kami lang ang namimili roon kung kaya nasa amin ang antensiyon ng mga nagtitinda roon. Hindi nila kami nilulubayan.

Nandito kami sa Jakarta, Indonesia nina Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario at Kristian Sendon Cordero bilang mga opisyal na delegado mula sa Filipinas sa ASEAN Literary Festival 2015 na ginaganap ngayong Marso 15-22. Salamat sa Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining sa pagpapadala sa amin dito at sa Embahada ng Filipinas sa Indonesia sa pag-aasikaso sa amin. Pagdating pa lang namin dito noong Lunes, nilibre na kami ng dinner ni Embahador Maria Lumen B. Isleta sa isang napakandang restawran na parang nagdala sa akin pabalik sa Ubud, Bali na ang ngalan ay Bebek Bengil na sa Ingles ay Dirty Duck Diner. Ang sarap ng piniritong bibi nila!

Malapit lamang ang Jalan Surabaya sa hotel kung saan kami nakatira sa Jalan Cikini. Itinuro ito sa amin ni Remee Alcazar, ang ating cultural attaché dito sa Indonesia, nang papunta kami sa Bebek Bengil. Sabi ni Remee, tawaran namin ng 50% palagi kapag bumili kami roon. Atat na atat na kami ni Kristian na bumili ng puppet.

Hindi talaga ako magaling tumawad. Hindi sa dahil mayaman ako kundi dahil parang naaawa kasi ako sa nagtitinda. Pero si Kristian ang galing-galing. May isang maliit na peynting ng mga payyo ng Bali akong gustong bilhin. Sabi sa akin ng bata at guwapong (kaya mas mahirap tumawad!) tindero, tig-350,000 rupiah daw. Ganiyan talaga rito sa Indonesia, libo-libo palagi ang usapan. Ang isang bote ng mineral water ay tig-4,000 rupiah.

Medyo namahalan ako kung kaya sabi ko kay Pogi balikan ko na lang. Habang papaalis ako, sumigaw siya na 300,000 rupiah na lang daw. Pero sabi ko babalik na lang ako. Matapos naming makapamili ng mga puppet at makapagpahinga sa isang restawran, binalikan namin ang peynting. Gusto ko talagang bilhin at mukhang puwede ko itong gamiting cover artwork ng susunod kong libro ng mga tula sa Kinaray-a na kasama ang mga tulang-Bali ko. Si Kristian ang tumawad. Sabi ni Kristian, “100,000 only!” Ayaw pumayag ni Pogi. Lugi raw siya. Sabi ni Kristian sa akin, “Ateng, huwag mong bilhin!” Isinalin pa niya sa Ingles para maintindihan ni Pogi. Mabilis na nag-isip at nagtanong si Pogi, “What is your good price?” Sabi ko, “200,000.” Sumigaw si Kristian, “No! Only 100,000!” Naiiyak na si Pogi. Sabi niya, “175,000” na lang daw. Sagot ko, “150,000.” Sabat ni Kristian na pasigaw, “Yes, 150,000!” Nakasimangot na umuo si Pogi at kinuha mula sa estante ang peynting, binalot ito sa papel at plastic bag at ibinigay sa akin. Tuwang-tuwa akong binayaran ito at feeling waging-wagi naman si Kristian. Nagpapiktyur pa kami kay Pogi na sa tingin ko ay luging-lugi na. Pero gaya nga ng sabi ng lola ko, wala namang nagpapatawad na tindera na nalulugi na. May kinita pa rin iyon.

Bumili kami ni Kristian ng isang set ng wayang klitik na Rama at Sita, isang flat at may disenyong batik na puppet. Mula 400,000 natawaran ni Kristian ng 200,000. Pinilit din ako ni Kristian na bilhin ang estatwa ng mag-asawang sirena dahil nakatadhana raw iyon sa akin. Tig-300,000 ang pares ngunit natawaran ni Kristian at naging 150,000. Siyempre, ipinamukha sa akin ni Kristian na napakalaki ng utang na loob ko sa kaniya matapos ng aming pamimili.

Naisip ko tuloy ngayon na kaya pala noong nasa Bali ako noong 2012, kapag bumibili ako ng mga kuning-kuning ay kusa akong binibigyan ng mga tindera ng isa o dalawang item na libre kasi hindi ako tumatawad. Baka nakokonsensiya rin sila. O baka naaawa sila sa akin dahil ang tanga-tanga kong mamimili.

Si Sir Rio, cool lang. Ayaw niyang mamili dahil ilang beses na siyang nakapunta dito sa Jakarta. Saka wala na raw espasyo sa maleta niya. Patingin-tingin lamang siya sa mga tindahan.

May isang matandang lalaki na hinila ako pabalik sa kaniyang tindahan na nadaanan ko na. Nagpahila naman ako at nang makapasok ako sa kaniyang tindahan ng mga lilok sa kahoy at puppet, itinuro niya sa akin ang mag-asawang estatwa na siguro isang piye ang taas. “Your Daddy say beautiful. Buy! Buy!” sabi niya sa akin na parang sinisigawan ako. Ilang segundo rin akong na-jar. Natawa ako nang natanto kong ang tinutukoy niyang “daddy” ko ay si Sir Rio!

Habang kumakain kami ni Kristian ng haluhalo sa isang Vietnamese restaurant sa kabilang kalsada at nagkakape naman si Sir Rio, naikuwento ko kay Sir Rio na napagkamalan ako ng tindero na anak niya.

“Kaya pala tawa sila ng tawa,” sabi ni Kristian habang pinaglalaruan ang klitik puppet na binili niya. “Ikaw ang pinagtatawanan nila, Rio dahil siguro sinasabi nila, kawawa naman ang mamang ito, may dalawang anak na bading!” dugtong pa niya sabay halakhak. “At kinukunsinti pa niya ang hilig sa puppet ng mga anak niyang bading!” ang sabi ko sabay tawa na rin.

“Oo nga ano?” sagot ni Sir Rio at sumabay na rin sa amin sa pagtawa. Matapos niyang tumawa, sumipsip muli siya ng kaniyang kape at pangiti-ngiti habang nag-iisip. Siguro iniimadyin niya ang headline sa mga tabloid sa Manila na tumitili: “National Artist may Itinatagong 2 Anak na Bakla sa Jakarta!” Siguro mapapangiti pati puwet ni Carlo J. Caparas at mapapasindi ng pink na kandila sa Quiapo si J. Neil C. Garcia.

Habang nginunguya ang makid-ël na sanga ng seaweed mula sa aking haluhalo at ninanamnam ang mapusyaw na lasa ng dagat, naisip ko, ano nga kaya kung naging anak ako ni Rio Alma? Hindi ni Virgilio Almario ha kundi ni Rio Alma talaga. Makasusulat pa kaya ako ng tula sa Kinaray-a?

Habang tinitingnan ko si Kristian, na literal na mahaba ang buhok, na pinaglalaruan pa rin ang puppet ni Rama, siguro kung naging kapatid ko siya, araw-araw kaming magsasabunutan!

[20 Marso 2015 Biyernes / Jakarta, Indonesia]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s