HULING araw ko sa Jakarta, Indonesia nang marinig ko ang balitang nagtaliwan na si Lee Kuan Yew, and dating Punong Ministro ng Singapore, noong ika-23 ng Marso at umiyak ako. Isang bagay na hindi ko gagawin kung may mamamatay na presidente ng Filipinas.
Naging Punong Ministro ng Singapore si Lee Kuan Yew mula 1959 hanggang 1990. Ngayong 2015 ang ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng Singapore bilang isang bansa. Noong Bagong Taon, nasa ika-48 na palapag ako ng Marina Bay Sands at pinapanood ang fireworks. Sa Singapore River may higanteng lettering na yari sa mga lobong pula at puti na “SG@50.” Naisip ko, Diyos ko, ang Singapore 50 taong gulang pa lamang, ang Filipinas noong 1998 pa nagsentenaryo. Ano ang nangyari? Bakit ganito na kaulad ang Singapore? Bakit mahirap pa rin ang Filipinas?
Wala akong kongkretong sagot sa tanong kong iyon habang nagno-New Year sa Singapore. Ngayon, mayroon na. Si Lee Kuan Yew. Ilang araw ko nang pinapanood ang coverage ng Channel News Asia tungkol sa pagbuhos ng pakikiramay at pagdayaw sa dakilang lider na ito na Aseano. Bata at matanda, iniiyakan ang pagtaliwan niya. Walang reklamo silang pumipila hanggang sa walong oras makayukod lamang sa harap ng kabaong ng minamahal nilang lider.
Hindi kasi naging maganda sa imahinasyon ko ang Singapore. Noon kasing nasa kolehiyo ako, binitay si Flor Contemplacion. Isang domestic worker doon na pinagbintangang pumatay sa kaniyang alagang bata at kapuwa domestic worker. Maraming kuwento noon na na-set up lamang siya. Ang talagang pumatay raw ay ang amo niyang Singaporean. Habang binibitay sa Singapore si Contemplacion, sumabay ako sa pagsindi ng kandila sa bahay namin sa Maybato sa mga pagsinding pinangungunahan ng ABS-CBN at GMA7.
Mayroon din kaming ilang kamag-anak at kababaryo na DH sa Singapore.
Kinuwento ko ito kay Josephine Chia, isang Singaporean na manunulat na nakilala at naging kaibigan ko sa ASEAN Literary Festival sa Jakarta. Sabi ko sa kaniyan, kung alam ko lang na maganda pala ang Singapore at inaalagaan ng pamahalaan nila ang mga mamamayan nito, sana pala, noong bata pa ako nag-migrate na ako roon. Akala ko kasi ang Singapore, bansa ito kung saan binibitay ang mga Filipinong DH.
Tumawa lamang si Josephine at nagsabi, “Oh, they still hang a lot of people in Singapore. That’s why you should be careful when you are there.” Pero sa pag-uusap namin, alam kong masaya siya bilang Singaporean at ipinagmamalaki niya ito. Katatapos nga lang daw ng writing grant niya mula sa kanilang pamahalaan. Naging writer in residence siya sa Marina Bay Gardens—binigyan siya ng pera at pansamantalang tirahan si gitna ng mga tanim at bulaklak upang matiwasay na makapagsulat ng nobela. Ayaw man niyang ikuwento sa akin ang plot ng kaniyang katatapos na nobela subalit sinabi niyang magugustuhan ko ito dahil tungkol ito sa mga paruparo at bogambilya. Inaalagaan ng Singapore ang kanilang mga manunulat.
Unang beses kong nakapunta sa Singapore noong Disyembre at namangha ako sa kakaibang kalinisan at kaayusan nito. Bago umalis, pinaalalahanan ako ng ilang kaibigan na mag-ingat sa paninigarilyo at sa pagtatapon ng upos nito kung saan-saan dahil baka mamultahan o makulong ako. Kaya nagdesisyon ako na para maging safe, di na lang ako manigarilyo sa bakasyong iyon. Kaya ko namang tumigil sa paninigarilyo kahit anong oras na gustuhin ko. Bawal din daw dumura sa kalye sabi nila na hindi ko naman problema dahil hindi naman ako dumudura kung saan-saan. Biro nga nila, kung ang Lungsod Baguio ay “City of Pines,” ang Singapore naman daw ay “City of Fines.” Maraming bawal. Bahagi ng pagiging diktador ni Lee Kuan Yew. Pero naisip ko, ano naman ang masama kung huhulihin ka dahil nagtapon ka ng upos ng sigarilyo sa bangketa at dumura sa kalsada? Di ba dapat lang naman talaga?
Sa paliparan pauwi, may ibinibentang t–shirt na ang nakalagay, “I was fined in Singapore.” Na awa ng Diyos, dahil nag-behave ako, di naman ako namultahan. Sa Singapore, basta sundin mo lamang ang mga batas, wala namang mangyayari sa ‘yo.
Sabi ng dating estudyante ko sa San Agustin Iloilo na nagtatrabaho sa embahada natin sa Singapore, mahal daw masyado ang tax ng sasakyan at ng gasolina sa Singapore. Kaya kaunti ang may kotse, yung mga mayaman lang talaga. Kaya walang traffic sa Singapore. Sa tingin ko, okey lang. Maayos kasi ang sistema ng pampublikong tren nila. Hindi tulad ng MRT at LRT natin na sisiksikan palagi at palaging nasisira. Maayos din ang mga bus nila. Ang mga taxi drayber doon, hindi mandurugas. Hindi sila namimili ng pasahero, hindi nangongontrata, at hindi nanghoholdap. Kasi nga kung gagawa sila ng kabulastugan ay mahuhuli at maparurusahan agas sila. Kaya okey lang mag-commute. Hindi ka mase-stress masyado.
Noong Enero, may napanood akong serye ng dokumentaryo sa Channel News Asia tungkol sa kahirapan sa Singapore. Pinamagatan itong “Don’t Call Us Poor: Being Poor in Singapore.” Mayroon palang publikong kondominyum sa Bukit Merah kung saan nakatira ang mga mahirap—yung mga walang pambili o pangrenta ng bahay. Mahal kasi bumili at magrenta ng bahay sa Singapore. Sa unang palapag ng gusali, may opisina ang parang Department of Social Welfare and Development nila. Ito ang dahilan kung bakit walang Singaporean nakatira sa kariton o natutulog sa bangketa, o kaya may tagpi-tagping bahay sa mga ilalim ng tulay. Hindi pinababayaan ng kanilang pamahalaan na may mga kababayan silang maninirahan sa kalye. Hindi tulad dito sa atin na ang DSWD pa mismo ang naghakot sa mga pulubi sa kalye upang itago sa isang resort para hindi makita ng Santo Papa sa kaniyang pagbisita. Samakatwid, ang Singaporean counterpart ni Dinky Soliman ay talagang seryoso at sinsero sa kaniyang trabaho. Hindi nagpoporma lamang. Hindi sila nakikita sa TV na paiyak-iyak kapag may mga kalamidad at makikitang namimigay ng mga plastic bag ng relief goods at pagkatapos mababalita, marami ang hindi nakatanggap at may mga nakatanggap ng mga inuuod na de-lata at bigas.
Halos sabay na naging diktador sina Lee Kuan Yew at Ferdinand Marcos. Pero tingnan natin ang nangyari. Naging maunlad at respetadong bansa ang Singapore at ang Filipinas naman mahirap pa rin ngayon at wala pa rin tayong maipagmamalaki maliban na sa lamang sa larangan ng boxing at beauty contest. Vaket? Dahil si Marcos at ang kaniyang mga kaibigan ay nagpayaman lamang at inilibing sa utang ang ating bansa. Si Lee, nagtrabaho nang husto at ibinuhos ang buhay upang pagsilbihan ang lahat ng Singaporean. Pareho silang diktador subalit si Marcos ay makasarili samantalang makatao naman si Lee.
May nagsabi na sa ilalim ng pamamahala ni Lee Kuan Yew, walang kalayaan sa pamamahayag. Hindi mo raw pupuwedeng punahin ang pamahalaan nang ganun-ganun lamang. Naisip ko naman, kung wala ka namang irereklamo, bakit ka magrereklamo. Halimbawa, hindi mo naman lalaitin ang gobyerno ng Singapore dahil sa walang kuwentang MRT dahil napakagaling ng MRT nila. Hindi tulad dito sa atin na araw-araw na nasisira kundi mumurahin mo talaga ang mga inutil na mga tao sa gobyerno na dapat nagtityak na magiging maayos palagi ang MRT.
Ang kaibigan kong makatang Singaporean na si Alvin Pang ay may tulang “Merlign” sa antolohiyang Writing Singapore. Nilalait niya ang Merlion dahil artipisyal lamang ito at wala naman talagang kinalaman sa kanilang kultura kundi gawa-gawa lamang ng industriya ng turismo. Matagal ko nang nabasa ang maikling kuwento ni Catherine Lim na “The Taximan’s Story” na tungkol sa isang taxi drayber na nagkukuwento tungkol sa mga pagbabago ng halagahan ng kabataan sa Singapore dala ng paglago ng kanilang ekonomiya. Malaya pa rin naman ang mga manunulat nilang magsulat tungkol sa mga di kanais-nais na katotohanan sa Singapore.
Ngunit ito ang pamatay sa lahat. Krimen ang mga gawaing homoseksuwal sa Singapore. Sabi ni Alvin, isang lumang batas ito sa ilalim pa ng kolonyalismong British na hindi na-repeal. Sinubukan daw itong ipawalang-bisa ng mga grupong LGBT sampung taon na ang nakararaan ngunit hindi sila nagtagumpay. Hindi naman raw talaga istriktong ipinatutupad ang batas na ito subalit maaari pa ring gamitin laban sa isang homoseksuwal kung magkataon. Pero may libro akong nabili sa Bali, Indonesia noong 2012, ang Imagining Gay Paradise: Bali, Bangkok, and Cyber-Singapore ni Gary L. Atkins. Mayroon pa rin mga malayang espasyo ang mga kafatid kong bading sa Singapore.
Sa isang talumpati ni Lee Kuan Yew na paulit-ulit na pinalalabas sa Channel News Asia ngayong linggo, sinabi na kailangan niyang maging istrikto upang mapaunlad ang Singapore. Kailangan umano ng kakaibang disiplina ng mga Singaporean dahil ang liit na kanilang lupain at tanging talino at sipag lamang nila ang maaari nilang gamitin upang umunlad. At umunlad nga sila.
Kaya siniguro ni Lee Kuan Yew na maging maayos ang sistemang edukasyon ng Singapore—mula elementarya hanggang kolehiyo. Ang National University of Singaore at ang Nanyang Technological University ay ang dalawa sa nangungunang mga unibersidad sa Asya ngayon.
Bakit ba iniiyakan ko ang pagkamatay ni Lee Kuan Yew? Hindi naman ako Singaporean at hindi ko naman talaga siya kilala.
Ang talagang iniiyakan ko ay ang Filipinas. Iniiyakan ko tayong mga Filipino. Nakakaiyak dahil wala tayong naging presidente na ang inisip ay ang kapakanan nating mga Filipino. Mas matanda tayo di hamak kaysa Singapore ngunit bakit ang yaman-yaman nila at dukha naman tayo. Kasi ang mga naging presidente ng bansa at ang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan lamang nila ang yumaman. Naiwan ang karamihan sa atin sa lusak ng kahirapan. Kasi ninakawan lamang tayo ng mga politikong nangakong pagsilbihan tayo. Ito ang totoong rason kung bakit ako naiiyak.
Ang mga luha ko ay para sa pagsaludo sa isang dakilang Aseanong lider na si Lee Kuan Yew. Ang mga luha ko ay para sa inggit ko sa mga Singaporean sa pagkakaroon nila ng mga lider na hindi magnanakaw at talagang pinahahalagahan silang lahat. Ang mga luha ko ay para sa galit ko sa mga politiko nating walang hiya!
[27 Marso 2015 Biyernes
Rosario, Pasig]