NAHULI sa pagdating ang ulan ngayong taon. Pansiyam na tag-araw na ngayong dito ko inaabangan sa Balay Kalinungan ang pagdating ng ulan tuwing IYAS National Writers Workshop bilang panelist. Isang linggong palihan ito at kung minsan, sa ikalawa o ikatlong araw pa lamang ay umuulan na. Ngayong taon, sa hapon ng huling araw dumating ang ulan. At tamang-tama lang naman dahil unang araw ng Mayo. Pinaniniwalaan na banal at makapangyarihan ang unang ulang ng Mayo. May nasulat pa nga akong dula tungkol dito noon.
Retreat house ng University of St. La Salle (USLS) sa Lungsod Bacolod ang Balay Kalinungan. Salitang Hiligaynon ito na ibig sabihin ay “Bahay Kapayapaan.” Magandang gusali ito. Ang arkitektura ay parang Spanish villa. Gustong-gusto ko ang sahig na mistulang Vigan tiles. Marami rin itong mga pinto, mga pasilyo, at mga hagdanan na konektado. May malaking veranda ito kung saan ginagawa ang mga poetry reading at paglulunsad ng aklat na ang eksena ay para kayong nasa pelikulang Oro Plata Mata ni Peque Gallaga. Isang iconic na direktor ng mga pelikula na minsan namangha ako habang binabasa niya sa verandang ito ang epikong Sunlight on Broken Stones ng guro kong si Cirilo F. Bautista.
Ang isa pang gusto ko rito sa Balay Kalinungan, napapaligiran ito ng mga hardin. Maraming mga halaman, bulaklak, at mga punongkahoy sa paligid. Sa harap nito ay isang malawak na parking space na naliliman ng matataas na punongkahoy. Sa tabi nitong parking space ang oval kung saan ako nagwo-walking sa umaga. Dito sa IYAS Workshop, kailangan mong mag-ehersisyo araw-araw dahil bumabaha ang pagkain dito. Bukod sa pagwo-workshop, kain kayo nang kain. Unang gabi pa lamang pagdating dito, doon na kaagad ang welcome dinner sa maganda at eleganteng bahay ni Doc Elsie Coscolluela sa Santa Clara Subdivision at palaging may lechon. Talagang sisikip ang mga damit mo kung hindi ka mag-effort mag-exercise.
Dalawang taon nang na-rubberized ang oval ng USLS. Green siyempre ang kulay. Sa bubong ng grand stand, nakalagay ang malaking pangalan na Bro. Rolando Dizon, FSC Sports Complex. Naging presidente kasi siya rito at alam kong taga-Negros siya. Si Bro. Rolly ang presidente ng De La Salle University-Manila noong 2001 nang naging managing editor ako ng DLSU Press. Minsan, habang abala ako sa pag-e-edit, nabigla akong may nakatayo na pala sa harap ng aking mesa at nagtanong sa masaya at malakas na boses na, “Who is this big man here?” Nang tiningnan ko ay siya pala. Tumayo ako at nakipagkamay sa kaniya at ipinakilala ko ang aking sarili. Bigla ba namang sumabat ang isang babaeng lay-out artist sa kalapit na mesa na, “Big girl ‘yan, Brother.” Nakisabay sa pagtawa si Bro. Rolly sa mga kaopisina ko at tinapik ako sa balikat at ipinagpatuloy ang sorpresang inspeksiyon sa lathalaan ng unibersidad.
Parang ilang buwan lang pagkatapos noon, nag-leave si Bro. Rolly at nabalitaan kong may sakit siya. Kanser yata. Nagtaliwan na siya. At dito sa USLS, habang nagwo-walking sa oval na ipinangalan sa kaniya, lagi kong naaalala ang biglaang pagbisita niyang iyon sa aming opisina, na siya rin namang una at huling pag-uusap namin.
Kahapon habang binabasa ko ang evaluation ng mga fellow na isusumite sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na nagbibigay ng pondo para sa IYAS, may tatlo na nagsabing nakakatakot daw na venue ng palihan ang Balay Kalinungan. Marami kasi talagang mga kuwento ng kababalaghan dito. Noong isang taon nga, nagrereklamo ang isang kawani ng NCCA na nagmo-monitor ng palihan na hindi siya makatulog dahil may yumuyugyog sa kaniyang kama gayung mag-isa lang naman siya sa kaniyang kuwarto. Karaniwang kuwento lamang ito tungkol sa Balay Kalinungan.
Noong 2007, noong una akong naging panelist sa IYAS, may medyo weird din na nangyari sa kuwarto ko. Room 2001 iyon. Nauubos ang grapes ko sa kuwarto gayung hindi ko naman kinakain at araw-araw nauubos ang toilet paper sa aking banyo. Pero magmula noong 2008 hanggang ngayon, Room 2002 na palagi ang naka-assign sa akin at wala na akong nararamdamang kakaiba. At home na nga ako rito at ang pakiramdam ko ang kuwartong ito ay parang kuwarto ko na talaga rito sa Lungsod Bacolod. Balay Kalinungan na talaga ang bahay ko rito sa Negros Occidental.
Noong isang taon, mga ala-siyete ng umaga, habang papasok ko ng Balay Kalinungan mula sa aking pagwo-walking, sinalubong ako ni Ronald (Baytan) at sinabihang hinahanap ako ni Genevieve (Asenjo). Nang makita ko si Genevieve, parang nagpapanik siya at tinanong ako kung saan ako galing. Sabi ko nag-walking kanina pang ala-sais. Medyo natakot siya dahil may kumatok daw sa kaniyang pinto at narinig niya ang boses ko na tinawag ang kaniyang pangalan. Dali-dali siyang nagbihis at binuksan ang pinto at wala naman ako. Nasa unang palapag ang kaniyang kuwarto at umakyat pa siya sa ikalawang palapag at kinatok ako. Hindi naman daw ako sumasagot. Kasi nga, sabi ko, doon ako sa oval nagwo-walking at hindi ako kumatok sa ‘yo at lalong hindi kita tinawag.
May mga ganitong kawirduhan na nangyayari dito sa Balay Kalinungan. Mayroong nanggagaya sa akin. Subalit wala namang nagpaparamdam sa akin.
Siguro hindi ako minumulto rito dahil maraming tula na ang nasulat ko rito sa Balay Kalinungan. Mayroon na rin nga akong maikling kuwentong na ito ang setting. Ang mga taga-Kanlurang Bisayas ay may paniniwala tungkol sa “taglugar.” Isang nilalang ito na hindi nakikita na nagmamay-ari ng mga bagay-bagay sa kapaligiran tulad ng punongkahoy, ilog, batis, kuweba, bundok, at kahit isang tagong sulok sa bahay na madalang mabuksan o mapupuntahan. Maraming silid ang Balay Kalinungan at bilang isang retreat center, hindi araw-araw ay napupuno ito ng mga bisita. Karaniwan naman iyon sa mga silid na hindi palagi tinitirhan na tinitirhan na lamang ng mga espiritu.
Habang pinapanood ko ang ulan kahapon na nakaupo sa sopang kahoy na may lilok ng mga bulaklak sa isang maliit na pasilyo na nakaharap sa isang maliit na hardin na may estatwa ni Mother Mary, pakiramdam ko may nanonood sa akin na hindi ko nakikita. Ngunit hindi tumayo ang aking balahibo. Hindi ako natakot. Bagkus punong-puno ng pasasalamat ang aking kasingkasing. Malakas ang ulan at naiisip ko ang mga tanim na palay at tubo ng mga magsasaka. Naisip ko rin, kung isang kaluluwa ka mararamdaman mo pa ba ang mga tusok at haplos ng ulan?
May nakita akong matabang palaka na tumatalon-talon sa damuhan sa ilalim ng mga orkidyas na walang bulaklak. Napangiti ako. May ilang linya ng tula na sumasayaw-sayaw sa aking isipan: “Ang mga pangka / nga nagakinalakala / sa pag-abot kang una nga uran kang Mayo / mga anghel nga ginakanta / ang kaalwan kang Ginuo.”
Pagbalik ko sa Pasig, tatapusin ko ang tulang ito. Gagawin ko ito bilang bayad sa mga espiritu sa isang linggo kong pananahan sa Balay Kalinungan ngayong tag-araw at bilang pasasalamat na rin kay Mother Mary na siyang patron nito balay na palangga ko talaga rito sa Lungsod Bacolod.
[2 Mayo 2015 Sabado / 5:30 n.u. Balay Kalinungan]
Punong-puno rin ng pasasalamat ang aking kasingkasing. Salamat sa ulan, salamat kay Mother Mary, salamat sa IYAS, salamat sa iyo Crown Princess of Visayas. 🙂 See you soo, Sir John!
LikeLike