[Closing remarks sa research forum na “Out of the Rubble: Basey in 2013 and Beyond” featuring Dr. Dinah Roma noong Nobyembre 6, 2021 sa Zoom. Inorganisa ito ng Departamento ng Literatura at Forest Sustainability Lab ng De La Salle University.]

Nakapunta ako ng Basey sa Isla Samar ilang buwan bago nanalasa ang Bagyo Yolanda noong Nobyembre 2013. Kasama ko ang bunsong kapatid kong si Sunshine dahil nagkataong sabay kaming nagkaraket sa Lungsod Tacloban noon at naisipan naming mag-alkila ng taxi pa-Basey para mamili ng mga makulay na banig.
Siyempre hindi namin pinalampas ang pagpapakuha ng picture sa gitna ng San Juanico Bridge kahit na bawal sana huminto ang mga sasakyan doon. Pagtawid namin sa mahabang tulay biglang sinabi sa akin ni Sunshine na, “Kuya tingnan mo ang mga tao rito. Bakit parang kamukha ni Nanay?” Ilang taon nang nagtaliwan ang Nanay namin noon at oo nga, maraming kamukha si Nanay. Sagot ko, siyempre tagarito sa Samar si Lolo Candido at si Lola Isabel naman ay taga-Leyte. Sila ang mga magulang ni Nanay na taga-Digos, Davao del Sur na ako lang sa apat na magakakapatid ang nakakita at nakakilala sa kanila. Noong maliit kasi ako halos taon-taon kaming nagbabakasyon ni Nanay sa kanila sa Digos kayâ may mga snippet pa ako ng mga alaala sa kanila. Pero nang ipinanganak na ang mga kapatid ko, hindi na pinapayagan ni Tatay na magbakasyon sa Mindanao si Nanay dahil masyado nang magulo ang Mindanao noon.
Nagandahan kami sa Basey. Maliit lamang ang town proper nito at may mga lumang bahay. Sa isang kalye na may hilera ng mga nagbebenta ng mga produktong yari sa makulay na banig, may isang lumang bahay na kahoy na sa itaas ay tindahan ng mga banig. Para itong museo ng mga banig na mababait ang nagbabantay. Siyempre pictorials galore kami ni Sunshine. May isang pabilog na banig na makulay ang gustong-gusto ko. Hindi ko nga lang binili dahil wala naman kaming paglagyan sa bahay namin sa Pasig. Pero nakapagpakuha ako ng ng litrato sa banig na ito. Nakasabit ngayon ang isang wall decor na banig na may disenyony pulang zigzag sa kusina namin sa Pasig.
Matagal ko nang kakilala si Dinah nang mga panahong iyon at matagal na akong tagahanga ng kaniyang nga tula pero hindi ko pa alam noon na lumaki pala siya sa Basey.
Ilang buwan matapos ng pagbisita naming iyon nangyari nga ang Yolanda, ang pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng Filipinas. Kagaya ng iba pang mga lungsod at bayan sa Kabisayaan na dinaanan ng supertyphoon na ito, nadurog din ang Basey at daan-daan ang mga namatay. Siguradong nasira ang lumang bahay na iyon na pinuntahan namin at siguradong naanod ng baha ang mga magandang banig na nandoon. Nanalangin na lang ako na sana nakaligtas ang mga taong nakasalamuha namin doon.
Nagkakasundo ang maraming siyentista, lalo na ang mga makakalikasan, na ang abnornal na pag-init ng atmospera ng daigdig ay nagiging sanhi ng malalakas at napapadalas na mga bagyo tulad ng Yolanda. Ongoing ngayon sa Glasgow, Scotland sa United Kingdom ang 2021 United Nations Climate Change Conference o COP26 dahil ito ang ika-26 na United Nations Climate Change Conference. Napipikon na ang mga environmental activist tulad ng dalagitang Swedish na si Greta Thunberg sa lider ng mga bansa, lalo na ang mayayamang bansa na mga major polluter ng mundo, dahil parang ang bagal nilang kumilos at hirap na hirap silang magkasundo na umaksiyon na agad upang mahinto o maibsan ang mga carbon emission na nagpapainit sa mundo. Diktador man o hindi, komunista man o maka-demokrasya, kapitalista pa rin ang nananaig na mga interes na nananaig sa puso’t isipan ng mga politiko. Ang pag-iisip na ganito ang sumisira sa ating kapaligiran: pagkakalbo ng kagubatan, pagkasira ng kabundukan dahil sa pagmimina, ang polusyon sa hangin at tubig.
Mukhang wala masyadong maaasahan sa mga politiko pagdating sa kapakanan ng kapaligiran. Ano kayâ ang magagawa nating mula sa larangan ng panitikan? Bakâ kailangang isulat ang mga kuwento ng kasawiang hatid ng kalupitan ng kalikasan kasi pinagmalupitan natin ito?
Kayâ tuwang-tuwa ako nang malaman kong may sinusulat o nasulat na libro tungkol sa Basey si Dinah, ang ‘Weaving Basey: A Poet’s History of Home,” na ilalathala soon ng Ateneo de Naga University Press. Mapalad ako at naipakita niya sa akin ang manuskrito nito at nabasa ko nang mabilisan ang ilang bahagi noong pina-finalize pa niya ito. Pleasant surprise din sa akin na malaman na ipinanganak pala si Dinah sa Samar at sa Basey pa mismo. Malapit kasi sa puso ko ang Samar-Leyte dahil maliban sa nandoon nanggaling ang maternal grandparents ko, ayon sa kuwento ng Nanay at Tatay ko, ipinaglihi ako sa larawan ng isang sirena sa isang restawran sa piyer ng Tacloban. Noong hindi pa raw kasi masyadong malaki ang tiyan ni Nanay sa pagbubuntis niya sa akin, paminsan-minsan sumasama siya sa marinero kong Tatay sa barko ng Petron na sinasakyan nito noon. Mukha ngang ginawa talaga ako sa gitna ng dagat.
Kung gaano ka elegante at kaklaro ang boses ni Dinah bilang makata, ganito rin ka elegante at kaklaro ang boses niya bilang mananaysay. Buhày na buhày ang Basey sa kaniyang pagsasalaysay. Boses ito ng makatang nagkukuwento hinggil sa malagim na karanasan ng Basey. Mga kuwentong dapat sulatin kahit mabigat at masakit upang magsilbing alaala at maging aral para sa ating lahat.
Dahil sa librong ‘Weaving Basey: A Poet’s History of Home,’ ang Basey na Dinah Roma na Basey ko rin ay nagiging Basey natin lahat.
Pagbati at pasasalamat sa ‘yo Dinah sa libro mong ito.
Magandang hapon sa inyong lahat. Mag-ingat po tayo lagi.