The Manong I Never Had

Siya si Jigger S. Latoza. Ika-51 kaarawan sana niya ngayon subalit isa siya sa libo-libong kinuha ng COVID-19 ngayong taon dito sa ating bansa. Pumanaw siya noong Mayo 20, 2021.

Hanggang ngayon hindi pa rin ako nakaiyak. Parang hindi pa nga ako nakapagluksa para sa kaniya. Para kasing hindi totoong wala na siya. May pakiramdam pa rin ako na pagkatapos nitong pandemya, kung makakauwi na uli ako sa Antique at dadaan ako ng Iloilo, nandoon lang siya para pakainin ako at kung hindi siya masyadong busy susunduin o ihahatid pa niya ako sa airport.

Tanghali ng Mayo 20, tumawag sa akin si Mona, umiiyak. Wala na raw si Jigger. Napamura ako at namanhid na ang pakiramdam ko at hindi ko na narinig pa ang ibang sinabi ni Mona. Ang naintindihan ko lang, namatay si Jigger nang umagang iyon sa isang hospital sa Iloilo dahil sa COVID. Parang bombang sumabog ang masamang balita dahil tatlong araw pa lamang ang nakalilipas, nag-heart pa ako sa isang post ni Jigger na kumakain siya sa isang restawran sa Iloilo. Ni hindi ko man lang nabalitaan na nagkasakit siya. Kami nina Jigger at Mona ang mag-BFF sa University of San Agustin. Naging boss namin ni Mona si Jigger sa University Coordinating Center for Research and Publications (UCRP) sa San Agustin noon.

Matapos tumawag ni Mona, tumawag naman sa akin si Dr. Asuncion Faro, ang ina-inahan namin ni Jigger sa Iloilo. Umiiyak din si Ma’am. Sabi ko alam ko na dahil katatawag lang ni Mona. Almost hystirical ang iyak ni Ma’am at sinabihan ko siyang magpa-PCR test sila lahat sa bahay nila lalo na si Sir Art, ang husband ni Ma’am na isang stroke survivor. Naging room mate kami ni Jigger sa bahay ni Dr. Faro noong nag-aaral ako ng college at si Jigger ay bagong teacher. After graduation kung saan-saan na ako dinala ng tadhana—sa Manila, sa Palawan—pero si Jigger, nakatira pa rin kina Ma’am. Sabi ni Ma’am papunta na raw ang mga taga-Red Cross sa bahay nila na magsa-swab sa kanila. Sina Dr. Faro at Jigger ay board of directors ng Red Cross Iloilo Chapter.

Guro namin sa San Agustin si Dr. Faro (Na kalaunan ay Mommy Faro na ang tawag ko). Nang panahong iyon, nasa Estados Unidos ang dalawang anak ni Ma’am at doon pa rin nagtatrabaho ang bana niya na isang retiradong US Navy. Isang maid at dalawang pamangkin lang ang kasama niya sa bahay sa kalapit na Aurora Subdivision. Nang malaman ni Ma’am na naghahanap ako ng boarding house, sinabihan niya ako na sa kaniya na ako mag-board at makakasama ko raw si Jigger. Second year college na ako noon at si Jigger nasa unang taon ng kaniyang pagtuturo ng Political Science. Nang first year ako, editor in chief siya ng Augustinan Publications at staff writer naman ako. Pero hindi pa kami nag-uusap. Sa bahay kami ni Mommy Faro nagkakilala at agad ko siyang naging parang kuya. Dahil eldest ako sa apat na magkakapatid, naiinggit ako sa mga kalaro at kaibigan kong may kuya. Si Jigger ang naging kuya ko sa Iloilo. Kapag suweldo niya, nililibre niya ako ng hamburger sa Burger Junction sa gilid ng San Agustin. Kami rin ang bodyguard ni Mommy Faro kapag gusto niyang manood ng last full show sa sinehan sa downtown Iloilo. Wala pang SM City at Robinsons Place noon.

At tulad ng isang totoong kuya, kung minsan ipinapahamak din niya ang mga nakababatang kapatid. Minsan pag-uwi niya may dala siyang typwritten na mga tula. Mga tula ng isang kaibigan niya na crush ko na hindi niya siyempre alam na crush ko. Ibinigay niya sa akin at sinabihan akong laitin ko raw ang mga tula. Lagyan ko ng notes. Sabi niya, “Suyai poems niya. Libre ta ka hamburger karon.” Ako namang si uto-uto, nilagyan ko ng pangit na comments ang mga tula tulad ng “cliche,” “prosaic,” “redundant,” “purple lines,” at kung ano-ano pang panlalait na narinig ko sa mga workshop ni Leoncio P. Deriada, ang una kong guro sa pagsulat na taga-UPV Iloilo. Hindi ko naman talaga pinag-isipan ang comments ko. Ang iniisip ko lang ang suhol mula kay Jigger na hamburger. Nakuha ko nga ang hamburger ko pero ibinalik pala ni Jigger sa kaibigan niya na crush ko ang poems nito na may mga panlalait ko! Nagalit sa akin ang kaibigan niya at sinulatan ako ng isang nasty letter. Tuwang-tuwa naman si Jigger habang pinapanood ako na binabasa ang galit na sulat ng kaibigan niya sa akin. Nang magkita kami ni Dr. Deriada pinagalitan niya ako. Nakita raw niya ang notes ko sa mga poem ni ___. Nagsumbong pala sa kaniya. “Next time if you cannot offer any good suggestions for revision, don’t make those kinds of comments. His poems are good,” sabi sa akin na nanlalaki ang mga mata. Mangiyak-ngiyak ako at sinabi ko sa kaniya na ginawa ko lang iyon dahil inutusan ako ni Jigger. “Kag ginsunod mo man!” sabi ni Deriada. Siyempre hindi ko na sinabi sa kaniya ang tungkol sa suhol na hamburger.

Sayang ang kaibigang na iyon ni Jigger na crush ko. Guwapo pa naman sana. Pero kapag magkita kami, dinidedma ako. Hindi yata ako napatawad kahit kailan dahil sa ginawa ko sa mga tula niya. Kapag kino-confront ko si Jigger tungkol dito dahil paminsan-minsan naaalala ko pa rin ito, halakhak lang ang sagot niya!

Sa lahat ng trabahong pinasukan ko, ang sa UCRP ang pinakamasaya. Nang panahong iyon percieved na ang UCRP bilang pinaka-powerful na opisina sa buong unibersidad. Malakas pa nga ang bulung-bulungan na kung gusto mo maging chair o dean, mag-UCRP ka muna. Si Jigger kasi ang UCRP director at Executive Assistant to the University President noon.

Mukhang may katotohanan nga ang tsismis na ito dahil ang mga kasama kong Associates sa UCRP ay naging dean nga tulad ni Isidoro Cruz na naging dean ng College of Arts and Sciences at Graduate School, ni Nenelyn dela Fuente na dean ngayon ng College of Liberal Arts, Sciences, and Education (CLASE), at ni Aileen Vergara na naging dean din ng CLASE at ngayon ay ang kasalukuyang Vice President for Academic Affairs, ang kauna-unahang lay person na VPA ng aming Alma Mater. May kinalaman man si Jigger o wala sa mga nangyari sa kanilang career, consistent ito sa legend na kapag nag-UCRP ka magiging chair o dean ka. Kahit na matagal nang nabuwag ang opisinang ito.

Sa loob ng pitong taong pagtatrabaho ko sa San Agustin, marami akong nagawa dahil kay Jigger. At ito hindi ito legend kundi nangyari talaga. Nang minsang papuntahin ako ni Dr. Cirilo F. Bautista sa IYAS National Writers Workshop ng University of St. La Salle sa Lungsod Bacolod, nainggit ako. Pagbalik ko sa San Agustin sinabi ko ito kay Jigger at bakâ puwede rin naming gawin.

“We can start small. Perhaps a regional writers workshop?” sabi niya. Bilang coordinator ng Fray Luis de Leon Creative Writing Institute sa ilalim ng UCRP, pinagawa niya agad ako ng one page proposal ng San Agustin Writers Workshop. Agad niya itong binasa at inedit. Nang maayos ko na sinabihan niya akong i-present ko agad kay Fr. President Rodolfo Arreza, O.S.A. Mag-isa akong pumasok sa office ni Fr. Arreza at ipinaliwanag ko ang konsepto ko ng annual creative writing workshop. Ngumingiting nakikinig sa akin ang prayle at nang bored na siya, sumenyas siyang tumigil na ako. “What did Jigger say?” tanong niya. Sagot ko naman, “Jigger approved my proposal, Father. He likes the idea and he wants me to do it.” Biglang lumiwanag ang mukha ng matandang prayle at nagsabing, “Very good, very good, Iremil! Go, go! Do it!” sabay kumpas na pinapaalis na ako sa kaniyang harapan. Halos sumasayaw ako pabalik sa opisina ni Jigger. Nang tinanong niya ako kung ano ang sabi ni Father, tumawa siya nang sinabi kong isa lang ang tanong sa akin: What did Jigger say? Then approved na. Gawin ko na raw.

Ngayong Nobyembre, gagawin na namin ang 18th San Agustin Writers Workshop at kahit na matagal na akong wala sa San Agustin, ako pa rin ang naiimbitahang maging workshop director nito. Idea siyempre ni Jigger. At noong 2019, sa 17th workshop namin, kahit nag-resign na rin si Jigger sa San Agustin dahil ibinuhos nito ang panahon sa kaniyang mga negosyo, ay siya pa rin ang naghahanap ng pera para sa Leoncio P. Deriada Awards ng workshop. Isa kasi si Dr. Deriada sa mga regular panelist namin na talagang nagpapakontes ng pagsulat ng tula sa fellows at ang papremyo niya ay lollipop. Nang wala na siya, ipinangalan na namin sa kaniya ang kontest na ito at si Jigger ang nagpo-provide ng premyong pera. Tinamad na kasi kaming bumili ng malalaki at makukulay na lollipop sa Iloilo Central Market.

Dahil din sa suporta at tiwala ni Jigger, naumpisahan ko ring i-edit at ilathala ang SanAg Literary Journal. Gayundin ang Libro Agustino na kalaunan ay naging University of San Agustin Publishing House sa ilalim ng presidency ni Fr. Manuel Vergara, O.S.A. at sa tulong din Fr. Jose Rene Delariarte, O.S.A. na masigasig maghanap ng mga sponsor para sa printing.

Kahit na stressful ang buhay namin sa UCRP dahil ang dami naming ginagawa, masaya kami. Halimbawa ang mga miting namin na puwede namang gawing isa o dalawang oras lang ay nagiging buong araw dahil mas marami pang kuwentuhan, tsismisan, at kantiyawan. Bumabaha rin ang pagkain. Siguro kung may CCTV at may nagmomonitor sa mga miting namin, iisipin nilang nagpipiknik kami! Mahilig si Jigger magpanggap na autistic siya at kahit nagmimiting kami ay in character siya. Siyempre kasama ang batuhan ng pagkain at kutsara! Para mawalan kami ng gana ni Mona na kumain, paghahaluin niya ang Coke, Sprite, at Royal Tru Orange mula sa mga baso sa mesa sa kaniyang baso at iinumin ito na parang sarap na sarap siya!

Mahilig kami kumain sa opisina. Minsan habang nagkaklase ako, pinuntahan ako ng isang working student namin. Sabi, “Sir John, ginapatawag ka ni Sir Jigger. May emergency meeting kuno.” Siyempre kinabahan ako. Ano kaya ang nangyari? Bakit may emergency meeting? Dali-dali kong dinismis ang klase ko at umakyat sa aming opisina. Pagpasok ko, nasa pantry sila lahat at kumakain. Naamoy ko agad ang paborito naming pancit bihon na palagi naming inoorder sa Quorum, isang restawran sa gilid ng unibersidad. Perfect ito na palaman sa pandesal ng Tibiao Bakery. Sabi ko, “Anong nangyari, Jigs? Bakit may emergency meeting?” Ang sagot niya, “Wala, Day a. Nag-order ako sang favorite bihon mo. Indi kami makabatas magkaon nga wala ka.” Hindi raw nila maatim na kumain na wala ako! Hindi ko alam kung maiinis ako o masisiyahan. “Latoza may klase ako!” sigaw ko sa kaniya. Pinagtawanan lang niya ako. Kapag mainis kami ni Mona sa kaniya ay Latoza lang tawag namin sa kaniya. Sa mga pagkakataong ganito, laging nananaig ang sarap ng pancit bihon ng Quorum!

Alam ko I broke his heart nang biglaan akong mag-resign sa San Agustin noong 2008. Pero alam ko rin namang naiintindihan niya ang dahilan ko kung bakit. Bumalik ako sa Manila at nagturo sa Miriam College. Kapag nagbabakasyon ako sa Iloilo, sa opisina niya ako nagtatambay. Palagi pa rin niya ako pinapakain. At kahit na wala na rin siya sa San Agustin, palagi pa rin niya akong tini-treat ng lunch o dinner kapag nasa Iloilo ako. Alam kong super busy siya pero palagi siyang may time para sa akin. Isinisingit talaga niya. Nasanay na talaga siya na nililibre ako palagi kahit na sinasabihan ko siyang sa La Salle na ako nagtuturo at malaki na ang suweldo ko. Ayaw niyang ako ang magbabayad ng bill namin. Isa ito sa mga mami-miss ko kapag makauwi uli ako sa Iloilo at hindi ko na nga makikita si Jigger.

Mabait na anak at kapatid si Jigger. Siya ang nagpaaral sa mga kapatid. Inalagaan din niyang mabuti ang mga magulang hanggang sa pumanaw ang mga ito. Mabait din siyang kaibigan. Magaling na guro at manunulat at marami siyang mga estudyante na idol siya. Marami siyang natulungan. Aktibo siya sa Rotary at Red Cross. Walang duda na nasa langit na siya ngayon.

Minsan naging biruan namin ang Litany of the Saints matapos naming dumalo sa ordinasyon ng mga kaibigan naming prayleng Agustino. Ito yung part na nakadapa sa sahig sa harap ng altar ang mga inoordinahan at inaawit ng choir ang pangalan ng mga santo. Pagbalik namin sa office kanta kami nang kanta ng “St. Jigger of Victorias! (Taga-Victorias, Negros Occidental sina Jigger), St. Mona of Badiangan! (Taga-Badiangan, Iloilo sina Mona), at St. John of Maybato! (Maybato ang pangalan ng baryo namin sa Antique.) Sabi nga nila, ang ibig sabihin lang naman ng pagiging santo ay nasa langit na ang kaluluwa mo. Ang mga idinideklarang santo ng Vatican ay yaong mga kaluluwang sigurado ang Santo Papa na nasa langit sila at maaari nang mag-intercede para sa atin sa Diyos. Kayâ kanonisasyon ang tawag dahil idinadagdag na ang pangalan ng santo sa listahan o canon ng mga santo ng Simbahang Katolika.

Mukhang nagkatotoo na nga ang biruan naming “St. Jigger of Victorias.” Wala mang kanonisasyon pero magkakaisa ang napakaraming natulungan at napasaya ni Jigger noong nabubuhay pa siya sa paniniwala na isa na nga siyang santo. Ito ang paniniwala ko bilang kaibigan niya.

Si Jigger ang manong o kuya that I never had. Mapalad ako na naging bahagi siya ng personal kong buhay at ng buhay propesyonal ko. Birthday niya ngayon pero sa paniniwalang Katoliko naman, hindi na masyadong importanteng ipagdiwang ang kapanganakan natin sa mundo. Mas mahalaga nang ipagdiwang ang araw ng pagkamatay dahil ito ang araw ng pagsilang sa atin sa piling ng Panginoon sa langit. Kayâ kadalasan ang mga pista ng mga santo ay ang petsa ng kanilang kamatayan.

Walang kamatayan ang alaala ng kabutihan ni Jigger S. Latoza!

[Oktubre 20, 2021 Miyerkoles/ 9:00 n.g. Malate]

One thought on “The Manong I Never Had

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s