
Dahil hindi ko naman siya talaga nanay at hindi ko siya magiging nanay. Ang gusto ko maging presidente siya ng ating bansa. Yung totoong presidente na disente at masipag. Yung magtatrabaho talaga nang husto at hindi lang magtatrabaho once a week saka magtatalak lang on national TV sa oras na tulog na ako dahil hindi talaga ako nagpupuyat. Gusto ko siya maging presidente na pangangalagaan ang aking mga interes bilang mamamayan dahil ayaw ko namang masayang ang mahigit kalahating milyon pisong buwis na binabayaran ko taon-taon.
Para sa akin ito ang mga mahusay na katangian ng isang nanay (biological man, stepmother, mother figure na kamag-anak o kaibigan, o nanay-nanayan) na igagalang at mamahalin ko: 1. Mapagbigay. Yung sinasabi nila na “isusubo na lang ay ibibigay pa sa anak.” Kayang ibigay lahat sa mga anak na hindi naman mapupunta sa pagso-spoil. Hindi aagawan ang mga anak ng mamanahin o pag-interesan ang mamanahin ng mga anak; 2. Matalino. Alam kung kailan didisiplinahin ang mga anak at sa pagdidisiplina ay laging kapakanan ng mga anak ang isinaalang-alang. 3. Makakatarungan. Pantay-pantay ang tingin sa mga anak, walang pinapaboran. Hindi sinungaling. Hindi siya magsisinungaling para pagtakpan ang mga anak o para ipahamak ang mga anak.
Ang totoong nanay (o tatay) ay hindi ka niya i-EJK. Papakinggan ka muna niya bago ka niya pagalitan o parusahan. Ang totoong nanay (o tatay) ay hindi ka niya lolokohin. Yung pangangakuan ng kung ano-ano pero wala namang balak na tuparin. Magsisinungaling siya sa ‘yo para makuha niya ang tiwala mo para mapatuloy ka niyang maloloko. Ang totoong nanay (o tatay) ay hindi niya hahayaang kukunin ng kapitbahay ninyo ang inyong hardin o bahagi ng inyong balkonahe. Ipaglalaban niya ang inyong bakuran at bahay sa mga ligal na paraan at hindi niya kailangang tapunan ng granada ang kapitbahay na bully at suwapang. Ang totoong nanay (o tatay) ay hindi ka niya pagkakaitan ng mga karapatan na talagang nararapat para sa ‘yo. Hindi ka niya nanakawan. Ang tunay na nanay (o tatay) ay pagsisilbihan ka at hinding-hindi niya ito ipamumukha sa ‘yo dahil mahal ka niya at alam niyang responsabilidad niya ito at lubos na kaligayahan para sa kaniya ang gawin ito.
Bilang Bise Presidente kitang-kita ang mga mahusay na katangian ng isang tunay na nanay (o magulang) kay Leni Robredo. Gayun pa man ayaw ko pa rin siyang maging nanay. Gusto ko siyang maging mahusay na presidente.

Klaro sa akin na tuluyan nang babagsak ang bansa kung magkamali pa tayo sa pagpili ng presidente sa eleksiyon sa 2022. Pinaghahandaan ko na ito. Mapalad ako at may kakayahan akong paghandaan ang posibilidad ng tuluyang pagbagsak ng Filipinas. Mas maraming Filipino ang walang magagawa kundi magtiis na lamang sa kahirapan dala ng incompetent at korap na pamahalaan.
Tulad ni Leni naniniwala ako na hindi na dapat magpatuloy ang bobo, tamad, bastos, at korap na pamamahala ni Duterte at hinding-hindi dapat makabalik ang magnanakaw na pamilyang Marcos sa Malakanyang.
Kayâ si Leni ang sinusuportahan ko ngayon. Naniniwala akong siya ang aahon sa ating bansa dahil isa siyang mahusay na ina ng bayan na mapagbigay, matalino, at makakatarungan. Pero hindi ko pa rin siya tatawaging nanay.

Sa Hunyo 2022, tatawagin ko si Leni na President Leni Robredo o Presidente Leni. Kapag mabuwisit ako sa kaniya tatawagin ko lang siyang Leni. Kapag galít na ako sa kaniya dahil lalabas din pala na korap din siya tulad nina Erap, Gloria, at Duterte, tatawagin ko siyang Robredo para madamay ang magandang alaala ng kaniyang yumaong bana at hindi na maaaring ipagmalaki ng kaniyang totoong mga anak ang apelyido nila. I mean, kung Marcos ba o Duterte ang apelyido mo maipagmamalaki mo ba talaga ito? I mean, honestly speaking. Yung kaharap mo ang sarili mo sa salamin na hindi ka lasing o nakadroga?
Pero naniniwala ako, base sa mga ginawa at ipinakita ni Bise Presidente Leni Robredo ngayong panahon ng pandemya, magiging mahusay siyang presidente ng Filipinas at bilang mahusay na nanay rin ng bayan. Pero hindi ko pa rin siya tatawaging nanay dahil gusto kong tawagin siyang Presidente Leni Robredo. Ang presidenteng igagalang at pagkakatiwalaan ko. Ang presidenteng ipagmamalaki ko.