Eleksiyon 2022 (1) : Unang Araw ng Filing of Candidacy

Bakit kayâ mas nirerespeto ko pa ang isang security guard na nag-file ng candidacy sa pagka-senador na ang plataporma ay ang pagkakaroon ng mas maraming benepisyo ang mga manggagawang tulad niya at isinusulong din niya ang libreng national ID? Nangako din siyang ibigay niya ang kalahati ng kaniyang suweldo sa mahihirap kapag manalo siya.

Minsan kasi may tumakbong presidente na nangakong i-solve ang problema sa droga, trapik sa Metro Manila, at rice cartel among others in 3 to 6 months, wala naman nangyari at maghahalalan na uli.

Mas nirerespeto ko rin ang isang nag-file para sa pagka-bise presidente na ang ipinapangakong gagawin kapag manalo ay magpapapagawa ng banyo at kasilyas sa lahat ng barangay at ang ihi ng mga lalaki ay gagawin niyang perfume at ang ihi ng mga babae ay gagawin niyang organic fertilizer. Gusto ko ang idea niya. Sexy ang dating sa akin ng ihi ng lalaki na gagawing perfume kahit na hindi naman talaga ako nagpi-perfume dahil hikain ako. Dahil ang plano ko naman talaga ay mag-retire nang maaga at uuwi ng Antique para mag-organic farming, why not kung magawan ng paraan na maging organic fertilizer ang ihi ng mga babae. Sina Nanay at Tita noong bata pa ako, pinapandilig talaga nila sa mga orkidyas nila ang kanilang ihi sa arinola kayâ matataba at namumulaklak ang mga tanim nila.

Kaysa naman tulad ng isang politiko na nangakong magpapatayo ng klasrum sa lahat ng barangay pero wala namang nangyari kasi nagnakaw lang.

Mas nirerespeto ko pa ang babaeng tatakbong senadora dahil siya ang magkokonekta sa atin sa mga puting duwende. Sana pati sa mga tamawo o elves na rin. I mean, hindi masama kung magawan ng paraan na magkausap kami ni Legolas!

Mas maganda na ito kaysa isang politiko na mura nang mura. Pati Diyos minumura na para bang may bumubulong sa kaniya na demonyo. At least ang isang ito, bulong lang ng duwende ang pinapakinggan at puting duwende pa. May paniniwala sa amin sa Antique na mabait ang mga puting duwende, kamâkamâ ang tawag namin. Matakot ka kapag itim ang kamâkamâ.

Mas may respeto pa ako sa mga nameless na nag-file ng candidacy ngayong araw na malamang idedeklarang nuisance candidate ng Comelec dahil walang kakayahan, ibig sabihin walang pera, na magkampanya sa buong bansa. Wala naman kasi silang nakaw na yaman o di kayâ wala namang mga unscrupulous na negosyante ang magdo-donate ng campaign fund para sa kanila para papaboran nila kapag nasa puwesto na sila.

Ang pinagtataasan ko ng kilay ay ang isang political butterfly na tatakbo uling senador after magpalipas ng isang termino bilang konggresista sa isang mahirap na probinsiya sa Kabisayaan kahit na taga-Metro Manila naman talaga siya. Nakatatlong termino kasi sa Senado kayâ itong purita kalaw na probinsiya ang naisip niya dahil wara’t pulos naman talaga ang mga politiko sa lalawigang ito. Ang saving grace lang ng trapong ito, supportive siya sa arts at in fairness, gusto ko ang TV show niya tungkol sa kultura at sining. Ginagamit ko pa mga sa mga klase ko.

Natatawa naman ako at naaawa sa isang nag-file ng candidacy para sa pagkapresidente. Bukod kasi sa inapi-api siya ng mga dating kaalyado sa kanilang partido at na-political veerus siya nang bongga, hindi ko alam kung saan siya kumukuha ng self-confidence o bilib sa sarili na isiping maging presidente ng bansa gayung nang maging kongresista at senador ay siya ang may pinakamaraming absent sa mga sesyon. I mean, ano ang plano niya kapag manalo siya? Matulog din palagi sa loob ng kulambo sa Mindanao habang nangungurakot ang mga tauhan niya sa Malakanyang by the Pasig River? Saka red flag kaninang umaga ang inasal ng fans niya ha. Bawal pa ang social gathering pero nag-gather pa rin sila sa Luneta at CCP Complex. At humagalpak talaga ako sa tawa nang makita ko ang ka-tandem niyang bise presidente. Siya, pro-death penalty at ang kapartner niya ay pro-life. Hindi ba sila nag-usap?

Ang pinakanakakadiri sa lahat na napanood ko sa TV ngayong araw ay ang tatlong magkapatid na tatakbo na para bang walang ibang alam ang pamilya nila na karera kundi maging politiko lamang. Kunsabagay, may mga magkakapatid na doktor sila lahat o pari sila lahat. Pero nakakahiya namang ikumpara natin ang mga doktor at pari sa mga politiko di ba?

Actually papabol silang tatlo. Ewan ko ba kung bakit type ko talaga ang mga Intsik at mga mukhang Intsik! Pero siyempre turn off ako sa mga trapo lalo na’t political dynasty rin ito. Diyos ko! Palítan lang ang dalawang poging magkapatid sa pagkameyor at pagkakongresista. Ang pogi nilang kapatid na senador ay hindi pa sure kung pagkasenador uli ang tatakbuhan dahil umaasa pang maging running mate ng anak ng isang nangakong i-solve ang problema sa droga in six months na hindi naman nangyari. Sa isang interview sa TV, proud pa sila na tatakbo silang un-opposed. Anong klaseng lungsod ito? Wala na bang ibang matalino at masipag sa lugar na ito?

Unang araw pa lamang ito ng filing of candidacy. Gaya ng dati, mukhang circus pa rin ito o isang malawakang reality TV comedy show. Hindi nga lang nakakatawa kasi patunay lamang ito na mahinang klase ang demokrasya na mayroon tayo. Mahina ang ating bansa dahil kadalasan mga itim na payaso ang pinipili nating mamuno sa atin.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s