Bása Tayo (2) : Mga Tulay sa Libo-libong Pulô

Magandang metapora ito para sa pagsasalin na ginagawa ni Joaquin Sy sa mga tula ng mga Tsinoy na makata mula Mandarin tungong Filipino. Muli niyang ipinakita ang pagtutulay na ito sa pinakabagong antolohiyang kaniyang inedit at isinalin, ang Mga Tula sa Libong Pulô na inilathala ng Philippine Cheng Bio Eng Foundation dito sa Manila ngayong 2021. Kasama ni Sy bilang mga editor ng libro ay sina Eilene Narvaez, Sze Manchi, at Wesley Chua.

Bago ang librong ito, mayroon na akong kopya ng tatlong kalipunan ng mga tula ng mga Tsinoy na makata na nasa orihinal na Mandarin at may salin ni Sy: Ilaw sa Mata (Kaisa Para sa Kaunlaran, 2011) ni Benito Tan, Halo-Halo: Poems of the Philippines (Philippine Chinese Literary Arts Association, 2015) ni Grace Hsieh-Hsing, at Selected Poems (Hongkong Fung Nga Publishing, 2016) ni Jameson Ong. Silang tatlo, at kasama na si Sy, ay pawang ginawaran ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) na ako ang sekretaryo heneral ngayon. Ang mga tula nina Hsieh-Hsing at Ong ay ginagamit ko sa mga klase ko sa Philippine Literature at Creative Writing.

Kinagigiliwan kong binabasa nang paulit-ulit ang tatlong librong ito at ngayon ay nadagdagan pa ng isa. Sa katunayan, mas mahalaga itong Mga Tula sa Libong Pulô dahil tinipon nito sa isang volume ang mga piling tula ng mga pinakamagaling na makatang Chinese-Filipino o Intsik. Bukod kina Tan, Hsieh-Hsing, at Ong, kasama sa librong ito ang mga tula nina James Na, Bartolome Chua, Sze Manchi, Ben Ching, Charles Sy Ching Tek, at Charlie Go. Ito na talaga ang “THE Tsinoy Poetry Anthology!”

Ang totoo niyan, noon pa mang nag-aaral ako ng MFA sa La Salle noong dekada 90, alam ko na na mayroong mga makatang Tsinoy. Halimbawa una kong narinig ang tungkol sa mga tula ni Hsieh-Hsing sa isang professorial lecture ng guro naming si Isagani R. Cruz. Unang pagkarinig ko pa lang ng “La Generala” sa salin sa Filipino ni Dr. Cruz, naging idolo ko na agad sa pagsulat ng tula si Hsieh-Hsing. Naaalala ko pa nang minsan pumunta ako sa Solidaridad, may nakita akong libro ng mga tula ni Hsieh-Hsing na may salin sa Ingles ni John Shih. Wala pa akong pambili ng libro noon kung kaya’t umalis ako ng sikat na bookstore na ito sa Padre Faura na mabigat ang loob.

Alam ko rin noon ang disertasyon ng kaibigan kong si Shirley Lua ay tungkol sa mga makatang Tsinoy. Dragon Becoming Shrimp: Chinese-Filipino Poetics yata ang pamagat at hanggang ngayon kinukulit ko si Shirley na ilathala na ito para mabasa ko na. Mabuti na lang at maraming kalipunan ng mga tulang Tsinoy na may salin niya ang inilathala ni Sy. Hindi makukumpleto ang “kanon” ng panulaang Filipino kung hindi makakasama ang akda ng mga Filipinong nagsusulat sa Mandarin.

Nasa writing table ko lang itong Mga Tula sa Libong Pulô. Ito ang tipo ng libro na hindi ko kailangang basahin from cover to cover. Nandiyan lang ito sa mesa ko, katabi ng librong Daily Stoic (Portfolio/Penguin, 2016) nina Ryan Holiday at Stephen Hanselman at 35 Day for Travelers: Wisdom from Chinese Literary and Buddhist Classics (2015) ng Venerable Master Hsing Yun Public Education Trust Fund na binabasa ko tuwing paggising ko sa umaga.

Kaninang umaga, ang pahina ng isang tula ni Benito Tan ang aking nabuksan. May pamagat itong “Sa mga Bahay ng Opisyal.” Heto ang maikling tulang ito: “May mga taong / Nagtatapon / Ng maruruming bagay. // Walang taong / Nagtatapon / Ng maruruming asal. // Iyan ang sabi ng basurahan.” Napahalakhak ako. Panahon na ng eleksiyon at kitang-kita naman sa mass media ngayon na walang balak magtapon ng maruruming asal ang mga politiko natin. Naisip ko, ito ang pambungad na tula para sa mga klase ko sa Philippine Literature sa pagbubukas ng klase ngayong Oktubre. Maikling tula lang, napapanahon, at magandang gamiting halimbawa upang ipaliwanag ang konsepto ng imahen, metaphorical language, at ng persona. Bongga dahil nagsasalita ang basurahan ito. Quoted ng persona!

Magandang gabay sa pagbabasa ng antolohiyang ito ang introduksiyon ni National Artist Virgilio Alamario, a.k.a. Rio Alma, na may pamagat “Sampumpong Krisantemo at Banayad na Parikala.” Nagsimula ito tungkol sa impluwensiya ng panulaang Tsino sa panulaan Amerikano tulad ng mga tula ni Ezra Pound na bahagi ng kilusang imagism. Dahil si Sir Rio ito, muli niyang ipinapaalala sa atin na ang pagiging imagistic ng tula ay matagal nang nakikita sa mga katutubong panulaan natin at nagbigay siya ng ilang halimbawa mula sa mga tulang naipon noon ng  Kastilang si Fray Gaspar de San Agustin. “Ang katangian ng imaheng Imagist, at napitas ni E. Pound sa sinaunang pagtulang Chinese ay taglay rin ng sinaunang talinghaga sa pagtulang Filipino,” ani Almario. Kasama ng pagiging imagist na ito ay ang tinatawag niyang “banayad na parikalà” o ang matimping paggamit ng irony at paradox. Ang paliwanag pa ni Almario, “Banayad sapagkat isinadula ang nais sabihin sa tulong ng nagsasalungatang kulay at kilos, nagtutunggaling pang-uri at pandiwa sa nagtatagis ngaunit magkaagapay na mga pangungusap.” Kay gandang pagbasa sa mga katangian ng mga tula sa librong ito! Huwag natin siyempreng kalimutan na tulad ko at ng maraming pang mambabasang Filipino, ang salin lamang ni Sy ang nababasa namin. Kumbaga, tumutulay lang kami sa saling-tulay na ginawa ni Sy. Gayunpaman, maaari pa rin nating ma-enjoy ang mga akdang ito tulad din naman ng pagbasa natin ng world literature na kadalasang binabasa lamang natin sa salin sa Ingles.

Sa tulang “Pamumulaklak ng Punò” ni Ben Ching, makikita ang tinutukoy ni Almario na pagiging imagistic at ang banayad na parikalà. “Kung ayaw mamulaklak ng puno, / Maglaan ng panahon sa araw-araw / At subukang kausapin ito. / Kapag kinausap ang puno / Tiyak mamumulaklak. // Kung ano ang kulay ng bulaklak, / Depende sa kung ano’ng sinabi mo rito.” Ito ang tipo ng tula na pagkatapos mong basahin ay nanamnamin mo na lamang ang mga imahen at tahimik na pagmunihan ang kahulugan. Hindi mo na kailangang ipaliwanag pa.

Nais kong sipiin nang buo rito ang pahabol ni Sir Rio sa kaniyang introduksiyon dahil sapul nito ang proyektong pagsasalin bilang pagtutulay ni Joaquin Sy sa konteksto ng nangyayari ngayon sa pagitan ng ating bansa at ng China. “Nabanggit ko na ito minsan at nais kong ulitin. Ang proyektong ito ni Joaquin Sy bilang tagasalin at editor ng Mga Tula sa Libong Pulô ay napakahalagang tulay sa ugnayang pangkultura ng mga Filipino at mga Chinese. Hindi dapat maipit sa shabu, West Philippine Sea/South China Sea, POGO, at kahit sa bakuna, ang ating kasaysayan. Kailangan ang maraming Joaquin Sy upang maging makabuluhang sapin ng kamalayang Filipino ang kulturang  Chinese ng ating mga Singkit.” Lalong lumalala ngayon ang Sinophobia sa bansa dahil sa mga kontrobersiyal na isyu tulad ng Pharmally at ng smuggling ng carrots mula China na dahilan ng pagkalugi ng mga magsasakang Filipino.  Hindi ito dapat maging dahilan upang kamuhian natin ang ating kapuwa Filipino, o dedmahin ang literaturang Filipino na nakasulat sa wikang Tsino.

Bahagi ng Literaturang Filipino ang akda ng mga manunulat na Tsinoy sa wikang Mandarin. Filipino ang mga Tsinoy. Kayâ hindi ako nagsasawang i-correct ang mga kaibigan o estudyante na kapag minumura ang mga Chinese dahil sa pang-aagaw ng mga ito ng mga isla at bahura natin sa West Philippine Sea ay “Intsik” ang ginagamit nila. Sinasabi ko sa kanila na Chinese o Tsino ng bansang China ang kalaban natin at hindi ang mga Intsik. Filipino ang mga Intsik o mga Chinese-Filipino o Tsinoy. Isa itong halimbawa na kailangan ng pagtutulay sa mga konsepto at salita.

Sabi nga ni Joaquin Sy sa kaniyang tala bilang editor at tagasalin, “Ang pagsasalin ay pagtutulay at pakikipagkaibigan. Isang gawaing tunay na ‘kapaki-pakinabang.’” Masaya rin sila na maraming manunulat na Tsinoy na ang binigyang parangalan ng UMPIL. Aniya, “Ang pagtanggap ng wikang Tsino bilang mahalagang wika ng panitikan sa Filipinas ay kasingkahulugan ng pagkilala at pagtanggap sa mga Tsinoy bilang bahagi ng makulay na habi ng bansang Filipino. At iyon ang pinakamalaki at pinakamahalagang kunsuwelo naming sa pagsasalin sa nakalipas na tatlo’t kalahating dekada.”

Ang mga antolohiyang gaya nitong Mga Tula sa Libong Pulô ay ang magbibigay sa ating mga Filipino ng mga tulay upang kahit paunti-unti ay lubusan nating matutulayan ang ating libo-libong pulô, ang minamahal nating arkipelago.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s