Kapag nagtuturo ako ng Philippine Literature, Regional Literature, o Literary History of the Philippines ang binabasa at tinatalakay namin ng mga estudyante ko sa unang linggo ng termino ay ang mga sanaysay ni Bienvenido Lumbera na “Harnessing Regional Literature for National Literature,” “Ang ‘Pambansa’ at ang ‘Pampanitikan’ sa Pambansang Panitikan,” at “Panitikang Panrehiyon, Panitikang Pambansa: Magkabukod at Magkarugtong” na mula sa kaniyang librong Writing the Nation/Pag-akda ng Bansa (UP Press, 2000); at ang klasiko niyang lektura na “The Rugged Terrain of Vernacular Literature” na mula sa kaniyang librong Revaluation: Essays on Philippine Literature, Cinema and Popular Culture (UST Publishing House, 1997). Ang batayang libro naman na nire-require ko sa mga estudyante ko ay ang dalawang “Lumbera Textbooks,” ang Philippine Literature: A History and Anthology (unang inilathala ng National Bookstore noong 1982) na kasama niyang awtor/editor ay ang kabiyak niyang si Cynthia Nograles-Lumbera at ang Filipinos Writing: Philippine Literature from the Regions (2001). Ang dalawang antolohiyang ito ay parehong inilathala ng Anvil Publishing.

Sa “Harnessing Regional Literature” maganda ang inilatag ni Lumbera na mga working definition ng mga konseptong “literatures of the Philippines,” “Filipino literature,” at “national literature. Ang tanong niya ay tinutukoy ba ng tatlong konseptong ito ang iisang lawas lamang ng mga akdang pampanitikan?
Ang “Literature of the Philippines” o ang Literatura ng Filipinas ay, “Refers to the totality of works found withing the territory called the Philippines.” May lubid na nagdudugtong sa mga akda sa teritoryong ito: “It could be that the unity derives from the race of people producing literary works in the Philippines. Another possibility is that a common experience of history binds the works of authors residing in the Philippines. It could also that the authors recognize a single central government.” Kung gayon, ang lahat ng mga akdang nasulat ng mga Filipino sa ating arkipelago ay pasók dito.
Ang “Filipino Literature” o Literaturang Filipino naman ay aniya, “First of all, the nationality of the authors is ‘Filipino.’ Secondly, that on the literary works taken together, nationality has left a mark that distinguishes them from the writing of authors found elsewhere in the world.” Kasama sa Literaturang Filipino ang akda ng lahat ng Filipino, natural man o naturalized.
Ang “National Literature” naman o Pambansang Literatura sabi ni Lumbera ay, “There is the assumption that the works are by authors who are part of the nation and are willing participants in the aspirations of that nation. This assumes that there exists a common concept of nation among the writers. Highlighted in the term ‘National Literature’ is the political character of literary production.” Basta sa imahinasyon (at quoted ni Lumbera si Benedict Anderson hinggil dito) ng manunulat ay bahagi siya ng “Filipino nation,” pasók ang kaniyang mga akda rito.
“Literaturang Filipino” ang ginagamit kong pantukoy sa pinaghalong “Literatura ng Filipinas,” “Literaturang Filipino,” at “Pambansang Literatura” ni Lumbera. Mas pambansa ang tunog ng “literatura” kaysa “panitikan” na masyadong Tagalog sa pandinig. Ang Filipino na tinutukoy ko ay lahi, nasyonalidad, at citizenship. Samakatwid, ang Literaturang Filipino para sa akin (ibinase ko kay Lumbera) ay ang lahat ng mga akdang pampanitikan sa kahit anong wika na sinulat ng mga Filipino—natural born man o naturalized—sa ating arkipelago at sa iba pang panig ng mundo.
Batid ni Lumbera na hindi ganoon ka simple ang mga pagpapakahulugan at pagkaunawa sa tatlong konseptong binanggit niya. Maraming problema ang kaakibat ng pagbibigay depinisyon sa mga ito sapagkat dumaan tayo sa dalawang kolonisasyon. Binanggit niya ang sistemang edukasyon natin na itinatag ng mga Americano kung kaya’t, “The literary works that came into the Philippines via the educational system catered to the aspirations of the ilustrado class.” Kayâ kung titingnan raw natin ang ating “regional literature” o literaturang rehiyonal, ang mga nakasulat na akda sa Kastila at Ingles, kahit sinulat ng mga “regional writer” ay parang nagiging “national.” Batid niya ang malaking problema sa pagitan ng dikotomiyang “regional” at “national.”
Heto ang mga tanong at haka niya: “Who was it who decided that regional literature ought to consist only of works written in the vernacular? Who was it who relegated ‘regional literature’ as a mere sub-category of ‘national literature?’ The questions are raised not so much to identify individual culprits as to identify the structures that decreed certain literary works by Filipinos as ‘regional’ but others, for reasons that remain unclear, as ‘national.’ As far as we can tell, such a system arose from the same consciousness that set up the educational system, which in turn has been instrumental in spreading the notion that language determines the classification of regional literature.”
Sa sanaysay na ito sinabi niya na kailangang sinupin, pag-aralan, at isalin ang mga “literaturang rehiyonal” upang hindi na lamang mga akda sa Tagalog, Kastila, at Ingles ang mailalagay sa kanon ng “pambansang literatura.” Dapat din daw i-interrogate ang idea natin kung ano ang pambansang literatura. At dapat daw magkaroon ng “shake up” hinggil dito upang dadating ang araw na bagamat naririyan pa rin ang dalawang kategoriyang literaturang rehiyonal at literaturang pambansa, walang paghuhusga o paniniwala na mas angat ang pambansa kaysa rehiyonal.
Sa sanaysay niyang “Ang ‘Pambansa’ at ang ‘Pampanitikan,’” ipinagdiinan ni Lumbera ang halaga ng nasyonalismo sa ating literatura at sa lipunan sa kabuoan. Hindi raw dapat isantabi ang nasyonalismo sa harap ng globalisasyon. Nagtaray pa nga siya. Aniya, “Wala na halos pag-aatubili ang mga bayarang intelektuwal ng pamahalaang Ramos sa pagmumungkahing lipas na raw ang panahon ng nasyonalismo.” Bahagi ng idea niya ng nasyonalismo sa panitikan ay ang pag-aaral ng katutubong estetika.
Ani Lumbera, “Hindi na maipagpapaliban ang paglilinaw sa katutubong estetika. Naghihintay ang balorisasyon ng mga akda sa mga katutubong wika, na nasantabi sa pagpili ng mga akdang dapat pahalagahan ng mga Filipino dahil lamang hindi nakatutugon ang mga ito sa estetikang ipinamana sa mga iskolar at kritiko ng kolonyal na edukasyon.” Itong kolonyal na edukasyon ang dahilan kung bakit mababa ang tingin natin sa sariling literatura, lalo na sa mga akda natin sa mga rehiyonal at katutubong wika.
Sa sanaysay na “Panitikang Panrehiyon, Panitikang Pambansa,” muling ipinagdiinan ni Lumbera ang pagkaitsapuwera ng mga literatura sa mga rehiyonal na wika sa pagbuo ng kanon ng panitikan ng Filipinas. Tatlong panitikan lamang ang nakakapasok sa kanon na ito. Mga nakasulat sa Tagalog, Ingles, at Kastila. Aniya, “Ang lalong mahalagang tanong para sa okasyon ay kung bakit hindi nakapasok sa ‘kanon’ ang mga awtor na sa wikang rehiyonal nagsulat. Ang naiwang impresyon tuloy sa ilang henerasyon ng mga estudyante ay walang puwang sa ‘kanon’ para sa mga manunulat sa mga rehiyonal na wika.”
Nakita niya na isa sa mga sanhi nito ay ginawang batayan ng wikang pambansang Filipino ang Tagalog. Dahil dito naging pambansa ang mga nakasulat sa Filipino/Tagalog. Ang panukala niya at “Ibalik sa rehiyon ang panitikang Tagalog” na pamagat ng isa niyang sanaysay. Sabi pa niya, “Sa loob ng panahong ang panitikang Tagalog ay halos naging katumbas ng panitikang pambansa, ang mga panitikang panrehiyon na pinangungunahan ng Sebuwano, Ilonggo at Iluko, ay nabuhay at umunlad nang may bahagyang kaugnayan lamang sa panitikang sinusulat sa sentro ng bansa.” Hindi man ginamit ni Lumbera ang salitang “Manisentrismo” sa pambansang literatura sa kaniyan sanaysay, klaro naman na sinasabi niya na isa ito sa mga dahilan kung bakit naitsapuwera ang mga rehiyonal na akda sa kanon na ini-insist niya ilagay muna sa loob ng panipi, “kanon,” dahil tentatibo pa lamang ito.
Marami pang trabaho ang kailangang gawin. Aniya, “Hangga’t ang mga panitikang panrehiyon ay hindi pa nasisinop ng mga iskolar at kritiko, nakabimbin ang pagbubuo ng tunay at awtentikong kanon, at hindi pa rin tayo handa para pag-usapan nang may bahagyang katiyakan ang tinatawag nating Pambansang Panitikan.”

Palagi kong sinasabi sa aking mga estudyanteng literature ang major sa undergrad man o graduate programs, marami silang maiaambag sa larangan ng Literaturang Filipino kung seseryosohin nila ang pagtrabaho. Kahit luma na ang sanaysay ni Lumbera na “The Rugged Terrain of Vernacular Literature,” noong 1977 pa ito unang nalathala at binasa sa isang kumperensiya sa University of San Carlos sa Cebu noong 1976, nananatili pa ring problema ang tatlong kakulangang inilatag niya: 1. Problema sa materials, 2. Problema sa tao, at 3. Problema sa metodolohiya.
Kailangang ipunin pa ang akda sa iba’t ibang wikang rehiyonal at katutubo. Kailangang pag-aralan at isalin ang mga ito. Kailangan ding ilathala. Kailangan ng mga taong gagawa nito: mga researcher na mangangalap at mag-document, mga kritiko, at mga tagasalin. Kailangan ding magkaroon ng sariling pamamaraang basahin at tasahin ang ating mga akda at hindi lamang aasa sa mga idea at teoryang kanluranin mula sa kolonyal na sistemang edukasyon natin.
Hanggang ngayon, nandiyan pa rin ang tatlong problema ni Lumbera. Ngayong wala na siya, kailangan na nating ipagpatuloy ang nasimulan niyang trabaho.

Halimbawa, sa katatapos pa lamang na traymester namin dito sa De La Salle University, nagturo ako ng Philippine Literatures from the Region sa mga literature major naming (tatlo lang naman sila sa special class na ito). Ang Filipinos Writing ang main textbook namin. Isa sa mga aktibidad namin ay usisain ang librong ito sa pamamagitan ng pagtingin sa Table of Contents lamang. Tinanong ko sila kung ano ang kakaiba na napansin nila. Ang clue, ang sabi ko sa kanila, ay tingnan ang mga chapters sa ilalim ng Luzon, Visayas, at Mindnao. Napansin ng mga estudyante ko na sa ilalim ng Luzon at Visayas, nahahati sa mga wika at rehiyon ang mga akda. Halimbawa sa Luzon ay may Cordillera Literature, Pangasinan Literature, hanggang Bicol Literature. Pagdating naman sa Visayas, represented ang lahat ng rehiyong ng Kabisayaan—Eastern, Central, at Western. Pero pagdating sa Mindanao, isang chapter lang. Naka-lump ang buong Kamindanawan sa ilalim lamang ng “Mindanao Literature.” Itong Filipinos Writing ang sa tingin ko ang pinakakumprehensibong at pinakarepresentatibo na antolohiya ng Literaturang Filipino. Pero kailangan nang i-update ito.
Marami pa tayong dapat gawin. Ang maganda lang, naumpisahan na ito ng dakilang si Bienvenido N. Lumbera na talagang isang tunay na Pambansang Alagad ng Sining. Napakalaki ng utang na loob natin sa kaniya.