Pag-aayos ng Hardin

Alas-diyes pa lamang ng umaga basang-basa na ng balhas ang t-shirt ko. Dahil walang online classes sapagkat Araw ng mga Bayani, matapos mag-agahan ng pandesal from the neighborhood panaderya at pinyang ibinebenta ng isang matandang lalaki sa tabing kalsada dito sa amin sa Pasig, agad akong pumunta rito sa likod ng bahay namin upang ayusin ang aking maliit na hardin. Tag-ulan kasi kayâ award-winning ang paglago ng mga tanim at damo. Ang lila kong bogambilya ay nagpinagusto sa pagrabong at kailangan kong putulin ang maraming sanga. Exempted siyempre ang mga sanga na may bulaklak.

Ang ganda ng pagtubo ng mga fern na itinanim ko noong tag-araw. Mula pa ito sa fern na dala ni Tita Neneng mula sa bakuran namin sa Antique. Si Tita ang master ng plant smuggling noong mga panahong hindi pa uso ang mga plant tita. Kahit sabihan ko na huwag magdala ng mga tangkay ng halaman mula sa hardin namin sa Maybato dahil baka masita kami ng plant quarantine officers sa airport, ibabalot pa rin niya ang mga tangkay sa mga damit niya sa maleta. Malalaman ko na lamang kapag dumating na kami rito sa bahay sa Pasig at ilalabas niya ang mga tangkay at agad niyang itatanim.

Kayâ mas lalo kong inaalagaan ang mga tanim niya. Pinaparami ko sapagkat nagsisilbing handëmanan niya. At parang extented metaphor ang peg, dahil maraming halaman namin dito sa Pasig ang galing Antique, parang magkaugnay na rin ang bahay namin dito sa Pasig at ang bahay namin sa Maybato.

Masaya ako at lumalago rin at walang tigil sa pamumulaklak ang dilaw at pulang rosas sa tabi ng garden bench na regalo sa akin ni Mimi. Ginaya ko ang pinuntahan namin noon na hardin sa Växjö, ang greenest city sa Sweden, na may isang bench na napapaligiran ng mga rosas at nakalalasing ang kanilang bango.

Sobrang taba ng carabao grass na inorder namin ni Sunshine online noong Abril. Bongga ang pagtubo ng mga ito na para bang ilang taon na silang tumutubo rito sa hardin. Nakakapagod gupitin. Kahit pa ang malaking panggupit ang gamit ko. Nakakahingal yumuko at tumuwad. Ang biro ko nga, maghanap kaya ako ng gardener na may abs na bakunado!

Naiisip ko tuloy si Ove, ang robot na grass cutter nina Mimi sa Sweden. Malawak kasi ang bakuran nina Mimi at tinatamad silang gumamit ng land mower. Sa Sweden pa naman parang barbaric ang dating kung uncut ang mga hilamon sa bakuran ninyo. Hayan, bumili sila ng robot na non-stop sa pag-cut ng grass. Matalinong robot dahil kusa itong pupunta sa charging station niya kung maramdaman na niyang malo-low bat siya. Kung fully charged na, cut galore uli ito. Sa mga larawang ipinapadala ni Mimi sa Messenger, laging well cut ang damo sa paligid ng aking Sirenahus. OA naman kung may robot grass cutter ako rito sa Pasig assuming na ma-afford kong bilhin ito. Mas mura pa rin ang gardener na may abs!

Pero siyempre iba pa rin na ako ang magka-cut ng grass at maghawan ng mga halaman. Garden ko ito kayâ dapat pagpawisan ko. After all, ang isa sa mga rason kung bakit inayos ko ang hardin na ito ay para makapag-exercise ako habang naka-lockdown.

Kahit maliit na hardin parang nature sanctuary ko na rin ito rito sa Metro Manila. Dahil maraming halaman at bulaklak, may namamasyal na mga paruparo kung minsan, at may isang ibon din na pabalik-balik. Sabi nga ni Henry David Thoreau sa kaniyang librong Walden, “We need the tonic of wildness” at “In wildness is the preservation of the world.” Siyempre ang totoong wildness ang tinutukoy ni Thoreau at charot wildness lang itong kakarampot kong hardin sa Pasig. But I have to start somewhere at magandang umpisa sa paghahardin itong ginagawa ko. Magandang preparasyon ito para sa isang hardin sa isang wild na location na uumpisahan kong gagawin soon. Ngayong linggo, ipa-finalize ko na ang pagbili ng isang 1.5 acre na lupa sa Antique para sa pangarap kong hardin.

Actually, kinokontra ng mga kapatid ko ang gagawin kong ito lalo na si Mimi. May mga lupa naman daw kaming minana mula sa aming mga magulang at kay Tita Neneng. May pandemya pa at bakit ako bibili ng lupa?

Ewan ko. Gusto ko ng lupang sariling akin. Gusto ko ng sariling Walden. Ang mga minana naming lupa ay hindi wild enough sa pamantayan ni Thoreau. Hindi ko iniisip na kahibangan ang bumili ng lupa sa bundok sa panahon ng pandemya para mag-permaculture. Sa katunayan, ito ang dapat gawin ng lahat, at least ng mga may kakayahang gawin ito, sa panahon ng pandemya.

Hayan, kailangan ko nang pumasok ng bahay. Dumidilim na naman ang kalangitan. Tiyak uulan na naman at ngayon pa lang, tila naghahagikhikan na ang pagkaluntian ng aking munting hardin dito sa Pasig.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s