[Nais kong ibahagi rito ang aking Welcome Remarks kanina sa Graduate Forum ng Literature Department ng De La Salle University na nagtatampok ng lektura ng premyado at prolific na makatang si Dr. Mesandel Virtusio Arguelles na mas kilala sa kaniyang byline na Ayer Arguelles. “Para-Paraan: Pagsasalin Bilang Pagtatapat/Pagta-tapat” ang pamagatan ng kaniyang panayam.]

Nasa panahon na tayo na kailangang palakasin ang pagsasalin ng ating literatura: mula sa mga katutubo at rehiyonal na wika tungo sa wikang pambansang Filipino at Ingles na mga pangunahing midyum ng ating edukasyon, mula sa Filipino at Ingles patungo sa mga katutubo at rehiyonal na wika, mula sa isang katutubo o rehiyonal na wika patungo sa iba pang katutubo o rehiyonal na wika at mayroon tayong higit-kumulang sa 135 na wika. Isama na rin natin ang mga pagsasalin mula at patungo sa mga banyagang wikang ginagamit ng mga manunulat na Filipino tulad ng Madarin at Kastila.
Kailangan nating mga Filipino na mabasa ang akda ng isa’t isa. Sa ganitong paraan mas madali nating maunawaan ang isa’t isa. Sa panahon ng mga fake news, historical revisionism, at mga mapanlinlang na mga naratibong pampolitika, ngayon natin mas kailangang basahin ang isa’t isa upang mas maging klaro sa atin ang ating mga naratibo, mga naratibong nakasandig sa katotohanan at katarungan. Hindi lahat ng mga manunulat ay panig sa katotohanan at katarungan. Nakikita natin ngayon sa panahon ni Duterte, ang presidente na walang respeto sa wika, katotohanan, at katarungan ang maraming manunulat na tila nawalan na rin ng respeto sa wika, katotohanan, at katarungan. Siguro dahil nabulag sa pag-idolo sa isang sinungaling na politiko, o sadyang walang kakayahang mag-isip kaya pati fake news at mga cut and paste na post ng mga troll ay nire-repost sa Facebook, o sadyang nababayaran para lumikha at magpakalat ng kasinungalingan. Kailangan ding maisalin ang mga akda nila para mabasa nang mas marami ang kanilang kahangalan at kasamaan, o ang kontradiksiyon sa kanilang panulat at ang mga cognitive dissonance sa kanilang nga akda. Hindi immune ang mga katutubo at rehiyonal na wika sa cooptation ng korap na pamahalaan.
Gusto ko ang pamagat ng lektura ni Dr. Ayer Arguelles ngayong tanghali na “Para-paraan: Pagsasalin Bilang Pagtatapat/Pagtapat-tapat” dahil pinapaalala nito sa atin (at least sa pamagat pa lang) ang halaga ng gawaing pagsasalin na ito ay isang tiyak na pamamaraan ng pagtatapat at pagiging tapat. Tapat saan? Siguro una muna sa orihinal na teksto at sa tekstong salin nito. At siguro katapatan sa katotohanan para mawala ang masamang tunog na salitang para-paraan.
Binabasa ko ngayon ang pinakabagong libro ng mga salin ni Joaquin Sy, ang pangunahing tagasalin ng mga tulang Tsinoy mula Madarin patungong Filipino. Pinamagatan itong Mga Tula sa Libong Pulo na inilathala ngayong taon ng Philippine Cheng Bio Eng Foundation at naglalaman ng mga tula ng mga paborito kong makatang Tsinoy na sina Sze Machi, Benito Tan, Grace Hsieh-Hsing, at Jameson Ong na pawang nagawaran ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas o UMPIL na ang inyong lingkod ang Sekretaryo Heneral sa kasalukuyan. Ang introduksiyon bilang tagasalin ni Sy ay pinamagatan niyang “Kung Bakit Kami Nagsasalin: Pagtutulay at Pakikipagkaibigan.” Ipinapakita ni Sy na ang pagsasalin ay isang mahusay na paraan ng pakikipagkaibigan.
Dahil Graduate Forum ito, nais akong manawagan sa inyong mga gradwadong mag-aaral sa Departamento ng Literatura na ang pagsasalin ang isa sa mga maaari ninyong gawin sa inyong mga tesis at disertasyon dahil kailangang-kailangan ito sa ngayon. Kapag nag-ambag kayo sa gawaing pagsasalin, nag-ambag na rin kayo sa nation building. Oo, medyo OA pakinggan ang nation building. Pero ito talaga ang dapat na pangunahing layunin ng ating eduksyon. Ang maging tapat sa ating bansa, hindi sa ating mga personal na ambisyon.