Pagbisita kay Rizal sa Wilhelmsfeld

[Dahil Rizal Day ngayon nais kong ibahagi rito sa ng aking sanaysay ng paglalakbay tungkol sa pagbisita ko sa Heidelberg at Wilhelmsfeld sa Germany noong 2016 upang bisitahin ang mga lugar na pinuntahan ng ating minamahal na Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal. Unang nalathala ang sanaysay na ito sa magasing Liwayway noong Setyembre 16, 2016.]

KAPANSIN-PANSIN ang mga namumungang puno ng mansanas sa mga maliit na hardin ng mga bahay na puti na pulang tisa ang mga bubong. Bawat bahay ay may hardin na puno ng mga bulaklak—mga rosas na pula at puti, mga milflores na bughaw at lila, at marami pang ibang hindi ko kilala ang mga pangalan. Paliko-liko ang paakyat na kalsadang medyo may kakiputan. Sa likod ng mga bahay ay ang makapal at mataas na mga berdeng punong pino. Paakyat kami mula sa sentro ng Heidelberg sa timog Alemanya patungong bayan ng Wilhelmsfeld upang puntahan ang parkeng nakalaan sa ating Pambansang Bayani na si Gat Jose Rizal.

Ayon sa GPS ng aming sinasakyang kotse, mga 40 kilometro ang layo ng bayang ito mula sa sentro ng Heidelberg kung nasaan ang aming hotel. Mga alas-diyes ng umaga, matapos naming mag-agahan, ay umalis na kami. Ito ang gusto naming unahing puntahan upang makabalik kami kaagad para mananghalian at makapamasyal sa Kastilyo ng Heidelberg buong hapon hanggang gabi. Dahil tag-araw, alas-diyes pa naman ng gabi lumulubog ang araw.

Maingat sa pagmaneho si Jonas, ang aking Swedish na bayaw, dahil makipot ang kalsada at paliko-liko. Kaya mas lalo naming napagmasdan ang kagandahan ng lugar. “Parang Baguio,” sabi ko sa kanila sa Ingles. Kapag kasama namin si Jonas, nag-i-Ingles kami. “Siguro Baguio na kaunti ang tao, hindi siksikan ang mga bahay, walang trapiko, at hindi kinalbo ang mga pino.”

Apat kaming naglalakbay mula Sweden: ako, si Jonas, ang aking nakababatang kapatid na si Mimi, at ang pitong-taong gulang kong pamangkin na si Juliet. Anim na araw na kaming naglalakbay at nakadaan na kami sa Copenhagen sa Denmark, at sa mga lungsod ng Lübeck at Berlin sa Germany. Sinadya namin ang Heidelberg upang makapagbigay-pugay ako kay Rizal sa kaniyang parke si Wilhelmsfeld na akala ko malapit lang lungsod na ito. Ang paboritong tula ko ni Rizal ay ang tula niya tungkol sa mga bulaklak ng lungsod na ito na sinulat niya roon noong Abril 1886. Kaya noon pa man ay pangarap ko nang makapunta ng Heidelberg kung sakaling palarin akong makapagbakasyon sa Europa.

Ilang linggo pa man bago ako lumipad pa-Europa noong Hunyo ay idinikit ko na sa aking dayari ang print-out ng tulang “A Las Flores de Heidelberg” ni Jose Rizal—sa orihinal nitong Kastila, sa salin ni Nick Joaquin sa Ingles, at sa salin nito sa Tagalog mula sa librong inilathala ng National Historical Institute.

Malayo pala ang Wilhelmsfeld sa Heidelberg. Buti na lang may dala kaming sasakyan at may GPS pa. “Sino ba ang pupuntahan natin? Ang layo naman,” reklamo ni Juliet sa Kinaray-a. “Si Jose Rizal, Be. Pambansang bayani natin. Lolo mo,” pabiro kong sagot. “Ha? May lolo ako rito sa Germany?” tanong niya. Tumawa lamang kami ni Mimi. May sinabi siya kay Jonas sa Svenska, ang wika sa Sweden, na hindi ko na inalam pa kung ano. Siguro nagreport siya sa Papa niya na may lolo siya sa Alemanya.

Tumingin ako sa labas. Ang gaganda ng mga bahay. Ang linis ng paligid. Halos walang mga tao. Madalang din kaming may makasalubong na sasakyan. “Paano kaya nakaakyat si Rizal dito noong 1886? Sigurado ako hindi pa ganito ka ganda ang kalsada paakyat,” sabi ko kina Jonas at Mimi. “Ganun na ka tagal, Kuya?” tanong ni Jonas. Sinabi ko sa kaniya na ayon sa mga libro ng kasaysayan sa Filipinas, tatlong buwan na tumira si Rizal sa Wilhelmsfeld sa bahay ng isang kaibigan niyang pastor. Dito niya tinapos ang kaniyang nobelang Noli Me Tangere na nilimbag sa Berlin. Ang mga nobela ni Rizal ang naging inspirasyon ng mga Filipino upang magrebolusyon laban sa mga kolonyalistang Kastila. Napa-wow siya.

Noong nakaraang araw lang, bago kami umalis ng Berlin, dumaan pa kami sa gusali kung saan tumira si Rizal doon. Nalaman kasi ni Jonas sa Google Map na mga sampung minutong pagmaneho lamang ito mula sa aming hotel. Dumaan kami roon upang magpapiktyur bago kami nagbiyahe ng walaong oras pa-Heidelberg. Tuwang-tuwa si Jonas na malamang may isang dakilang Filipino palang nanirahan sa Europa. Sa Europa kasi mataas ang tingin ng mga tao sa mga manunulat.

Matapos ng mga 20 minutong biyahe, narating namin ang Wilhelmsfeld. Bumungad sa amin ang isang maliit na hotel, gasolinahan, at linya ng mga kongkretong gusaling may dalawang palapag lamang na yari pa rin sa tisa ang mga bubong. Napakaraming bulaklak sa paligid! Para silang nag-aawitan. May nadaanan kaming isang maliit na gusaling may hardin ng mga dilaw at pulang bulaklak na may nakalagay “Bücherie.” Alam kong ang ibig sabihin ng “bücher” ay mga libro dahil ito ang nakalagay sa isang bookstore na pinuntahan ko sa Berlin. Akala ko bookstore din ito kaya sabi ko kay Jonas daan kami mamaya pag-uwi namin. Sanay na si Jonas na pumupunta ako sa mga tindahan ng libro saang lungsod man kami mapadpad.

Pagliko namin sa isang maliit na kalye, nakilala ko agad ang estatwa ni Rizal. “May bandila ng Filipinas,” sigaw ni Mimi sa Ingles. “Dito na ba tayo, Mommy?” tanong ni Juliet sa Kinaray-a. Nakatulog pala siya at kagigising lang niya. Sa unahan, may nakahilerang limang bandila at isa roon ay ang bandila ng Filipinas. Nakakataba ng puso na may makitang bandilang Filipino sa isang liblib na lugar sa Europa.

Humimpil kami sa harap ng isang bahay na ang nagsisilbing bakod ay ang mga tanim na may bulaklak na lila. Hindi naman kasi uso ang mga pader sa Europa lalo na sa mga probinsiya. Tirik na tirik ang sikat ng araw subalit malamig ang ihip ng hangin. Parang Disyembre sa Baguio.

Maliit lang naman ang plasa. Nasa tabi ito ng isang paaralan. Mas matangkad kaysa akin ang bronseng estatwa na Rizal na likha ng eskultor na si Anastacio Caedo. May pagkaseryoso ang mukha ni Rizal. Writer na writer. May hawak na pluma at mukhang malalim ang iniisip. Nakatayo ito sa harap ng isang maliit na fishpond na walang isda.

Ang pamangkin kong si Juliet na tuwang-tuwang malaman na may lolo siya sa Germany.

Si Juliet, patakbo-takbo na. Nagpakuha na kami ng mga retrato. Hindi namin ramdam ang mainit na sikat ng araw dahil malamig ang simoy ng hangin. Nasa isang lambak ang Wilhelmsfeld na napapalibutan ng lungtiang kabundukan. Ang mga punong pino ay parang malalaking krismas tri na walang nakasabit. Kay tahimik na lugar! Siguro mas tahimik ito noong pagpunta ni Rizal.

Sa isang sulok malapit sa bandila ay may nakatayong maliit na pader na simento na may nakasulat na mga impormasyon hinggil sa parke na nasa Aleman at Ingles. May pangalan ito ni Jose Rizal at mga taon ng kaniyang kapanganakan at kamatayan. Sa kaliwa ay may selyo ng Republika ng Filipinas at sa kanan naman ay may selyo ng Order of the Knights of Rizal. Ang Wilhelmsfesd-Heidelberg na tsapter ng Knights of Rizal ang nangangalaga sa parke na pinasinayaan noong Hunyo 19, 2003, kaarawan ni Rizal.

Dito sa Wilhelmsfeld ipinagdiriwang ni Rizal ang kaniyang ika-25 na kaarawan noon. Namamangha akong isipin na sa batang edad ay marami na siyang nagawa para sa ating bansa.

Sa dalawang sulok pa ng parke ay may mga busto ng apat na kaibigan ni Rizal sa Alemanya. Sina Pastor Karl Ullmer na siyang tinirhan ni Rizal sa Wilhelmsfeld, Ferdinand Blumentritt na isang iskolar, Otto Becker na naging guro ni Rizal sa optalmolohiya sa Heidelberg, at si Dr. Rudolf Virchow na siyang nagpamiyembro kay Rizal sa Berlin Society for Anthropology, Ehtnlology and Prehistory.

Mahigit isang oras din kaming nanatili roon. Bago bumalik sa Heidelberg, dumaan muna kami sa Bücherie Wilhelmsfeld. Napansin namin ang isang maliit na bandilang Filipino malapit sa pintuan. May nakabilad na mga libro sa dalawang mahabang bangkong kahoy sa labas. Sinalubong kami ng isang matandang lalaki, at dalawang babaeng medyo may edad na. Nagmagandang umaga kami at tuloy-tuloy akong pumasok sa inakala kong tindahan ng libro. Pinuntahan ko ang estante ng mga libro sa pilosopiya sa dulo. Habang tinitingnan ko ang mga libro na pawang nasa Aleman ang mga pamagat, bigla kong napansin na may mga call number ang libro. At noon ko lang natanto na hindi pala iyon tindahan ng libro kundi isang aklatan!

Agad akong lumapit sa babaeng nasa mesa sa pintuan. “Naku pasensiya na po akala ko bookstore kayo kaya dire-diretso po akong pumasok. Aklatan pala kayo,” sabi ko sa Ingles na hiyang-hiya. “Okey lang, welcome kayo rito. Community library kami,” sagot ng babaeng nakangiti na mahusay ang Ingles. “Nagbebenta kami ng post card dito,” dugtong niya. Mga post card ng parke ni Rizal ang ibinebenta nila.

Nang malaman ng matandang lalaki kina Mimi at Jonas na mga Pinoy kami, masaya niya kaming tinanong kung napuntahan na raw ba namin ang parke ni Rizal sa ibaba. Sabi namin doon kami galing. May bilog na mesa sa labas at pinaupo niya kami roon. Sa mesa ay may dalawang mangkok—sang isa ay puno ng malalaking cherry at raspberry naman ang sa isa. Inalok nila kaming kumain at tinanong kung gusto namin ng kape o tsaa. Libre daw. Nagpasalamat kami at sabi namin ni Mimi, gusto lang naming manigarilyo. May ashtray kasi sa mesa na may ilang upos na ng sigarilyo. Agad niya kaming binigyan ng posporo.

Sabi ng lalaki, maraming Filipino raw talaga ang pumupunta sa parke ni Rizal. Ipinagmamalaki daw nila na minsan ay nanirahan si Rizal sa kanilang lugar kung kaya kahit nasa liblib na kabundukan ay pinupuntahan. Silang tatlo raw na naroon sa aklatan ay mga boluntaryo. Salitan daw silang mga taga-Wilhelmsfeld sa pagtao sa kanilang aklatan.

Tinanong ko kung ibinebenta ba nila ang mga librong nakabilad sa labas. Oo raw kung kaya tumayo ako at tiningnan. Sabi niya mga donasyon lang daw ito kung kaya mura nilang ibinebenta. May isang coffee table book tungkol sa Stockholm, ang kapital ng Sweden. Binuklat ko ito at masaya akong malaman na nasa Ingles ito. Ang ganda ng mga larawan ng Stockholm. Naisip ko baka mahal. Tinanong ko ang babaeng bantay kung magkano. Muntik na akong lumundag sa saya sa aking narinig—3 Euros daw. Mabilis akong nagkuwenta sa aking isipan. Mga 150 pesos lang ito. Agad ko itong binili. “Imadyin, naglakbay tayo nang ganito ka layo para lamang makabili ng libro tungkol sa Stockholm?” sabi ko kay Jonas. Natawa lang siya.

Habang nandoon kami, may isang nanay na napadaan na may akay-akay na maliit na batang lalaki. Siguro mga dalawang taong gulang. Nakipaglaro ito kay Juliet. Pilit niyang binibigyan ng batong pinulot sa tabingkalsada at bulaklak na pinitas sa hardin si Juliet.

Sobra-sobra ang pasasalamat namin sa kanila nang paalis kami. “Maraming salamat po! Napakabait ninyo,” sabi ko sa Ingles. Matamis na ngiti naman ang pabaon nila sa amin.

Habang pababa kami pabalik ng Heidelberg at yakap-yakap ang librong binili ko, pinagmamasdan ko pa rin ang mga punong mansanas at mga bulaklak sa hardin ng mga bahay na may tisang bubong, at ang mga naglalakihang punong pino sa paligid. Ang ganda. Ang babait ng mga Aleman. Hindi ito ang impresyong nakukuha ko sa mga pelikulang Hollywood na palaging kontrabida ang mga Aleman.

Hindi na ako nagtataka kung bakit nawili si Jose Rizal sa pagbakasyon niya roon sa Wilhelmsfeld mahigit isang siglo na ang nakararaan. Tiningnan ko si Juliet at pinisil ang isang kamay niya. Nginitian niya ako. Ang ngiti niya ay parang nahihinog na mansanas sa gitna ng tag-araw sa Europa.

Ang matanawing bayan ng Wilhelmsfed

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s