Ayon kay Seneca ang mga tao lamang na may panahon upang pagmunian ang pilosopiya ang tunay na nabubuhay. Maraming karunungan sa mga nagdaang panahon ang maaari nating paghugutan ng gabay para sa mas magandang buhay.

Ngayong unang araw ng 2021 nag-umpisa uli ang bagong siklo ng pagbasa ko araw-araw ng librong The Daily Stoic: 366 Meditations on Wisdom, Perseverance, and the Art of Living nina Ryan Holiday at Stephen Hanselman (London: Profile Books, 2016). Ang idea mula kay Seneca na nasa taas ay halaw ko sa isang talatang epigraph ng librong ito.
Ang Stoicism ay isang pilosopiyang sinimulan ni Zeno ng Citium sa lungsod ng Athens tatlong siglo bago ipinanganak si Hesus. Halaw ang pangalan nito sa salitang Griyego na “stoa” na ang ibig sabihin ay “porch” dahil sa beranda nagtuturo si Zeno. Ayon sa introduksiyon nina Holiday at Hanselman, “The philosophy asserts that virtue (meaning, chiefly, the four cardinal virtues of self-controll, courage, justice, and wisdom) is happiness, and it is our perceptions of things—rather than the things themselves—that cause most of our trouble. Stoicism teaches that we can’t control or rely on anything outside what Epictetus called our ‘reasoned choice’—our ability to use our reason to choose how we categorized, respond, and reorient ourselves to external events.”
Hitik ang librong ito ng mga sipi mula sa sinulat ng mga sinaunang pantas na Stoic na sina Seneca, Epectitus, at Marcus Aurelius na may mga maikling paliwanag at gabay sa pagmumuni-muni nina Holiday at Hanselman. Nabili ko ang librong ito noong Pebrero 2021 at araw-araw simula noon, paggising ko sa umaga, ito agad ang binabasa ko. Siyempre may mga araw na masyadong bisi kayâ kung minsan gabi ko na binabasa. Naging magandang gabay ito para sa akin para makontrol kahit papaano ang pagiging materialistic ko at pagiging ambisyoso. Sa mga pagkakataong naiinggit ako o masyadong feelingera, ang librong ito ang nagpapatahaw ng aking insecurities at humihila sa akin pabalik sa lupa.
Ngayong Enero 1 ang sipi ay mula kay Epictetus mula sa kaniyang librong Discourses hinggil sa pag-alam at pagtanggap sa mga bagay na hindi natin kontrolado at mga bagay na kontrolado natin. Sadyang may mga bagay na hindi natin kontrolado at huwag na tayong mag-struggle pa hinggil dito. Ang halimbawang binanggit sa libro ay ang nakanselang flight dahil sa bagyo. Kahit magtalak pa tayo sa ground crew ng airline o mag-tantrums sa airport, hindi naman hihinto ang bagyo para lamang makapagbiyahe tayo.
Maraming bagay sa buhay natin ang beyond our control. Lalo na ang mga bagay na labas sa atin at ang ibang tao. Ang kontrolado natin ay ang ating reaksiyon o kung paano natin tanggapin ito. Kapag may isang pangyayari na hindi naaayon sa ating kagustuhan, maaari tayong magalit at mag-tantrums, o di kaya’y huminga nang malalim, tanggapin ang katotohanan na hindi sa lahat ng oras ay ang gusto natin ang masusunod, kagatin ang matabil nating dila at himinahon, at pag-isipan kung anong mabuting gawin para maremedyuhan ang sitwasyon. Ang magalit at hindi magalit ay kontrolado natin. Hindi rin tataas ang ating presyon kung hindi tayo sisigaw at mag-tantrums.
Siyempre, easier said than done ito. Lalo na para sa akin na masyadong mataray at kapag kinanti ay talagang tatahol at mangangagat. Sirenang nagiging aso kapag mabuwisit o binuwisit! Kahit na 48 na ako, may tendency pa rin akong mag-tantrums. Pero padalang naman nang padalang na. Noong 2021, parang once lang ako nag-tantrums. Sa isang bangko sa Taft Avenue. Nag-text sa akin ang insurance agent ko hinggil sa reimbursement sa sobrang binayad ko. Mga 2K lang naman. Pero kailangan kong puntahan sa isang branch nila. May malapit sa Tore ko na doon naman ako madalas magbayad ng quarterly premium ko. Pero mas sanay yata ang mga bangko na tumanggap lang ng pera at hirap sila magpalabas nito kahit na pera ko naman talaga ito. Una, ang cashier ang tinanong ko. Hindi niya alam kung papaano. Ni-refer ako sa isang girl sa katabing mesa. May pangit na form (yung one fourth na naka-stencil lang yata) na pina-fill in sa akin. Kinuha rin ang ID at ang reference number na gin-text sa akin ng agent ko. Then twice pumunta si girl sa isang room na dala ang form at ID ko. Medyo matagal akong naghintay. Siyempre naka-aircon ang bangko at iniisip ko hindi dapat ako magtagal doon ng 30 minutes. Aalialigid lang si COVID. Then finally sabi ni girl punta ako kay guy sa kabilang table. In fairness, tall, dark and handsome si guy. Papabol. Pero busy pa siya sa pagbibilang ng makapal na pad ng dolyares. Since 2K lang naman ang sadya ko at magandang tanawin naman si guy kahit na may plastic sa pagitan namin, pasensiyosa akong naghintay. After 30 years, natapos din magbilang ng dolyares si guy. At parang biglang na-realise na nandoon ako sa harap niya. May kinuha siyang form sa drawer niya at sinabing pil-apan ko raw. Hayan na, naging aso—as in literal na bitch—ang Sirena. Binulyawan ko si tall, dark and handsome. Sinigawan ko siya na siya mag-fill in ng form o kunin niya kay girl ang form na nagawa ko na. “Puro kayo form! Parang hindi n’yo alam ang ginagawa n’yo! Kanina pa ako dito! Pera ko ang 2K na yan! Ang bagal n’yo! Buwisit!” Nasindak si guy at nagsabi na, “Sige po ako na lang po.” Pasigaw ko namang sinagot na, “Good! Kasi buwising-buwisit na ako!”
Hayun, bigla lumabas si bank manager mula sa kaniyang lungga at nag-a-apologise. Pinagalitan ko siya. Pinagalitan ko silang lahat. Paulit-ulit kong sinasabi na bakit parang hindi nila alam ang gagawin para sa isang simpleng transaction. Sorry nang sorry si manager. Wala pang 2 minutes, nakuha ko na ang 2K ko.
Habang naglalakad ako pauwi sa Tore ko, naramdaman kong nag-shoot up ang aking BP. Nakita ko ang mukhang ni tall, dark and handsome bago ako lumabas na mangiyak-ngiyak siya. Pati ang dalawang guard, stunned yata sa award-winning performance ko. At nakaramdam ako ng kaunting hiya at pagsisisi. Dapat hindi na ako nag-tantrums. Dapat nagpasensiya ako. Puwede naman akong magreklamo sa mahinahong paraan. Naalala ko siyempre ang mga nabasa ko sa The Daily Stoic. Malayong-malayo sa asal ng mga Stoic ang inasal ko. Inisip ko na lang, work in progress pa naman ako.
Nahahati sa tatlong bahagi ang libro. Ang Part 1 ay “The Discipline of Perception.” Ang Part 2 ay “The Discipline of Action.” At ang Part 3 ay “The Discipline of Will.” Hindi madali ang maging Stoic o sundin ang mga payo nila lalo na kung basagulera ka tulad ko. Kailangan kasing i-conquer mo ang iyong isipan, kontrolin ang iyong mga galaw, at tibayan ang iyong loob. Gayunpaman, maganda pa ring subukan. Kayâ okey lang sa akin maging trying hard na Stoic.
Ang huling sipi ng libro para sa Disyembre 31 ay mula kay Marcus Aurelius mula sa kaniyang Meditations: “You aren’t likely to read your own notebooks, or ancient histories, or the anthologies you’ve collected to enjoy in your old age. Get busy with life’s purpose, toss aside empty hopes, get active in your own rescue—if you care for yourself at all—and do it while you can.”
Huwag lang tayong basa nang basa hinggil sa kung paanong mabuhay nang mabuti. Kailangan nating gawin ito at umpisahan na agad natin. Sinasabi ko sa aking sarili, huwag lang basa nang basa tungkol sa Stoicism. Isabuhay ito. Now na! Siyempre muli, hindi madali. Pero kailangang umpisahang gawin.
May mga libro talagang huhubugin ang ating buhay. Isa na rito itong The Daily Stoic. Hindi nakapagtataka na international bestseller ito. Ito ang Christmas gift ko sa kapatid kong si Sunshine. Maganda talagang panregalo ito sa mga mahal natin sa buhay dahil worth it talagang maging trying hard na Stoic para mas maging makahulugan ang buhay natin dito sa daigdig. Minsan lang tayo mabubuhay at kung hindi pa maayos, sayang naman.