SiningSirena (1) : Ang Tropikal na Paraiso ni Maria Pureza Escaño

Detalye mula sa peynting na “The Magic Hour” ni Escaño.

Ang kuwadro ng peynting ay isang bintana na bumubukas sa isang mundo na nilikha ng artist at iniimbitahan tayong himutadan ito at pasukin gamit ang mahiwagang banig ng ating imahinasyon. Siyempre may mga larawan na ayaw nating kusang pasukin dahil masyadong mabigat—punô ng karahasan, kahirapan, at pighati. Gayunpaman, kapag nakita na natin ito, wala na tayong kawala. Ayaw man nating pasukin, nakapasok na ang ating kamalayan. Ang maganda sa mga peynting ni Maria Pureza Escaño sa kaniyang solo exhibit sa Christmas Mall-seum sa Resorts World Manila na pinamagatang Sylvan Tales na bukas mula Disyembre 22-28, 2021, nagtatanghal ito ng tropikal na paraiso na gusto nating pasyalan, lalo na ngayong panahon ng pandemya na ang karamihang taong naninirahan dito sa Metro Manila ay dalawang taon nang di nakakalabas sa masikip, maingay, at maruming metropolis ng ating mga pangarap at ambisyon.

Noong araw ng Pasko ay nag-lunch kami ng kapatid kong si Sunshine sa isang restawran sa Resorts World Manila. Sa malawak na hallway ng kainang ito ay may eksibisyon ng mga larawan. Mula sa kalayuan, makikita na agad ang malalaking larawan ng mga gubat na may mga ibon, lalo na ang malaking paboreal o peacock, at mga bulaklak.

Tamang-tama ang eksibit na ito sapagkat sa panahon ng pandemya maraming naging plant tita at plant tito rito sa Metro Manila. Agad makaka-relate ang mga pinupuno ang kanilang maliit ng condo ng mga halaman. May kaunting kirot din sa aking puso habang pinagmamasdan ang mga peynting dahil nakikita ko rin sa aking isipan ang mga nasirang pananim, hardin, at gubat na dinaanan ng Bagyong Odette. Halimbawa, ang mga gubat na napasyalan ko sa Cabayugan at Binduyan sa hilagang bahagi ng Lungsod Puerto Prinsesa sa Palawan ay lubhang napinsala ng bagyo. Gayundin sa timog na bahagi ng lalawigan naming Antique.

Nag-e-exist ba talaga ang tropikal na paraiso sa mga larawang likha ni Escaño? Malamang hindi. Produkto lamang ito ng kaniyang imahinasyon. Halimbawa, ang isang peynting na pinamagatang “The Magic Hour” (Oil on canvas, 7ft x 5ft, 2017), larawan ito na nasa loob ng isang gubat, na may maliit na lawa o danaw. Lumulusot ang bolang ilaw ng araw sa canopy ng mga kahoy, at binabanyusan ng banayad na liwanag nito ang mga dahon at sanga, at ang malakristal na balat ng tubig. Ang focus ng larawan ay isang malaking paboreal na tila naliligo sa lambing ng liwanag sa gitna ng mga dahon at bulaklak.

“The Magic Hour” ni Maria Pureza Escaño

Kung ang pagbabasehan ay ang mga ibon at halaman sa larawan, malalaman kaagad na likhang-isip lamang ang gubat na ito. Halimbawa ang dalawang paboreal. Ang isa ay malaki na kung dito sa Filipinas ay nakikita lamang sa mga zoo at farm-resort. Ngunit yung isa ay mas maliit at bakâ tandikan ito, ang Palawan peacock-pheasant o Polyplectron napoleonis na endemic sa Palawan.

Sa unang tingin sa mga halaman sa foreground at mga gilid, artipisyal ang mga puwesto at pagsama-sama nila. Mukhang mga tanim ito sa isang maliit na terasa ng isang plant tita at ang gubat, munting lawa, at paboreal ay nakikita lamang sa isipan habang inaalagaan ang mga tanim na malaking aliw ang hatid sa isang taong naka-lockdown sa lungsod.

Kinailangan kong kunsultahin ang A Pictorial Cyclopedia of Philippine Ornamental Plants (Second Edition) (Bookmark, 2000) ni Domingo Madulid upang tukuyin ang mga halaman at alamin ang pinanggalingan nila. Sa foregrowned ng “The Magic Hour” na nagsisilbing framing at mistulang bintana ang mga halaman na mas pang-garden kaysa gubat, o kung makikita man sa gubat ay hindi katulad ang pagkasalansan sa larawan. Nariyan ang sagisi (Heterospathe philippinensis), anahaw (Livistona rotundiflora), Guatemala rhubarb (Jatropha pandonrifolia), Sanseviera trifasciata “Laurentii,” silom (Philodendrom selloum), at Maranta leuconera. Ang ilan sa mga tanim na ito ay introduced species lamang dito sa Filipinas tulad ng Guatemala rhubarb na galing Central America. Naging posible lamang ang pagsama-sama ng nga halamang ito sa isang kuwadro dahil sa mistulang plant tita na imahinasyon at sining ng isang pintor.

Gustong-gusto ko ang mga peynting ni Escaño ng isang tropikal na gubat. Ito ang tipo ng likhang sining na isasabit ko sa aking sala at maging sa aking silid. Bukod sa oil on canvas may mga mixed media rin sa exhibit. Tulad na lamang nga “Morning” na relief sculpture ng mga bulaklak na rosas, lotus, at krisantimum. Dahil puti ito, mistula itong likha sa puting marmol.

“Morning” ni Maria Pureza Escaño

Ang tropikal na paraiso ni Escaño sa kaniyang mga peynting sa Sylvan Tales ay isang ideal na mundo. Kagaya ng lunan ng mga kuwentong bayan, kailanman ay hindi ito mararating ng ating katawan bagkus ay mabibisita lamang ng ating isipan.

Sa panahong sira na ang karamihan sa mga gubat sa ating bansa, at dahil sa climate change ay palakas nang palakas ang mga bagyo sa ating tropikal na arkipelago, magandang paalaala ang mga peynting na ito ni Escaño sa isang mundo na tuluyan nang maglalaho kung maging mapanira pa tayong mga tao sa ating kapaligiran, o isa itong vision ng malaparaisong kalibutan na maaari nating mapuntahan.

Pinatunayan ng maliit na eksibit na Sylvan Tales ang halaga ng sining na magbigay babala at magbigay ng pag-asa. May sinisira tayong paraiso ngunit may kakayahan din tayong muling ayusin ang ating ginagalawang mundo. Ito sa tingin ko ang ipinapahiwatig ng mga matingkad na larawan ng tropikal na paraisong naiimadyin at ipinipinta ni Maria Pureza Eacaño.

One thought on “SiningSirena (1) : Ang Tropikal na Paraiso ni Maria Pureza Escaño

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s