In general mababa talaga ang paningin ko sa mga politiko. I mean, kapag sinabi mong kamag-anak mo ang isang gobernador, kaibigan mo ang isang kongresman, dyowa mo ang isang senador, tatay mo meyor, hindi ako nai-impress. Titingnan ko agad ang hawak mong i-phone, o LV na bag (yung hindi peke), o ang malaking diyamante sa iyong hikaw, o ang mamahalin mong relo at hindi ko talaga mapigilang isipin na, my God, ang mahigit kalahating milyon kong tax taon-taon.
In general kasi, magnanakaw ang mga politiko. Yung iba garapal, yung iba naman may finesse kayâ di halata agad-agad. Ang pinakanakakadiri sa lahat, yung buong pamilya may puwesto sa gobyerno. Wala na ba silang ibang alam na career bukod sa pagiging politiko? May mga pamilya na lahat sila nasa puwesto at ang yaman-yaman nila. Napapaisip tuloy ako, ganun ba talaga kalaki ang suweldo ng isang meyor o senador?
Bukod sa pagiging magnanakaw, in general din ang mga politiko ay sinungaling. Hindi rin naman talaga nakapagtataka ito dahil sabi nga nila, ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw. Naku kung minsan mag-asawa sila, mag-ama, magkakapatid, at yung iba buong pamilya. Kaloka! Exhibit A sa pagiging sinungaling ng mga politiko ang mga political ad sa telebisyon.
Hindi pa man nag-uumpisa ang campaign period, paraparaan na ang mga politiko sa pag-advertise ng sarili nila. Lahat sila pro-poor. Lahat sila may ginawa para sa kalusugan ng sambayanan, kaniya-kaniyang claim na author sila ng Universal Health Law. (Wow! Tayo may universal health law daw. Feel n’yo ba? Lalo na ng mga pamilya na may mga promisory note ng utang sa hospital?) Lahat sila concerned sa edukasyon at parang ang dali-dali maging doktor dito sa ating bansa.
Kung political ads lang ang pagbabasehan mo at paniniwalaan mo ang salita ng mga politikong ito, iisipin mo talaga wala nang mahirap na Filipino, lahat nakapag-aral, at walang namamatay sa bahay o ospital dahil sa walang pambili ng gamot o pampaospital.
Mayroong isang payaso na ang ad may talino daw siya. Weee… Bakit nag-plagiarize ng speech at ipinagtanggol pa ang sarili na hindi nag-plagiarized kasi isinalin naman into Tagalog from American English? So kapag manalo tuloy ang pangongopya at pangtsa-charot? Gagawing iskul bukol ang bansa? Kaloka!
Mayroong isang in fairness ay maganda, parang mariposa. Political butterfly you know at kongresista ng isang probinsiya na hindi naman siya tagaroon. Ipinagmamalaki niyang siya raw ang dahilan kung kayâ may bilyones na budget ang universal health law so covered na ang kalusugan ng bayan lalo na ngayong panahon ng pandemya. Talaga? So scammer pala lahat ng mga humihingi ng tulong sa Facebook para sa pambayad sa ospital ng mga kamag-anak na na-COVID plus iba pang sakit? Charotin mo pa kami, Madam!
May isang gustong maging senador na practically unknown bago naging enabler ang pamilya. Clue: ang nanay niya galit sa research at ang tatay niya lumalangoy sa basura noong kabataan niya subalit ngayon sila na ang pinakamayaman sa Kongreso at ilang push na lang, baka maging subdivision na nila ang lahat ng mga palayan sa ating minamahal na arkipelago. Ang tagline ng ad: Si Char tahimik lang… Tahimik? Matagal pa ang campaign period pero may ad na sa prime time TV sasabihin mong tahimik? Paano naging tahimik ang may ad sa TV? At dahil nga bilyonaryo ang magulang, may bagong ad na naman siya sa TV. Pro-mahirap ang positioning. Dahil daw sa kaniya nagkatrabaho ang mga construction worker at hindi na sila naghihirap. As if may pagkakataong makaahon sa hirap ang isang construction worker sa bansang ito. Charot!
Mayroon namang isang literally pinapanood ng buong bayan kung paano nag-transform, as in mahihiya ang The Metamorphosis ni Franz Kafka, mula sa pagiging maka-human rights na abogado tungo sa pagiging human rights abuser defender na patahol-tahol at any moment ay mangangagat. Sabi ng bangag niyang padron, pinakamagaling daw itong court jester sa buong mundo kayâ inggit sa kaniya ang oposisyon. Well, hindi ako oposisyon pero iniisip ko, nakakainggit ba talaga na halos araw-araw kailangan mong magsinungaling on national TV, i-reinterpret at i-sanitize ang puritikol ng boss mo, at kapag di ka na makalusot sa mga tanong ng midya, bebenggahin mo na lang ang mga walang kalaban-laban na reporter? Ito, ito ang pinakamalaking charot sa lahat tanungin mo pa ang mga kawawang dolphin!
May isa naman na nameke ng diploma at ang daming panggastos sa mga eleksiyon gayung wala namang totoong career, ang tagline sa campaign ay pababangunin daw ang bayan muli. Luh! Pataymalisya sa dahilan kung bakit nalugmok ang bayan in the first place kung kayâ kailangang pabangunin? As in gustong kalimutan na lang natin ang 20 taon na pagnanakaw ng mga magulang at ng mga crony ng mga magulang niya? E yung ginastos pa sa pag-aaral niya na di naman tinapos sa Inglatera? Charotin na lang ba talaga tayo palagi?
Heto tambling ako. Sabi ni Ate Girl candidate, ang turo daw ng mga magulang niya dapat pantay-pantay ang lahat. Sa estado sa buhay, etsetera, etsetera, at pati sa kasarian. Napahagalpak ako sa tawa! Sinong mga magulang ang tinutukoy niya? Siya na sinabihan ng tatay niya na hindi pangbabae ang pagiging presidente? Ang tatay niyang ipinangalandakan na hinihipuan ang maid nila? Charot talaga!
Hindi ba tayo nagtataka na kung ang lahat ng mga politiko ay kapakanan ng mahihirap ang iniisip at isinusulong palagi bakit marami pa rin ang naghihirap sa ating bansa? Bakit hindi pa rin tayo tulad ng Singapore kahit na may isang DDS na mahilig sa milyones na kaldero ang nagsabi na para na talaga tayong Singapore three years ago pa yata? Klaro ang rason. Sinungaling ang mga trapong ito, nangtsa-charot lang sila lalo na ngayong kailangan uli nila ang mga boto natin para manalo sila at tuloy ang ligaya sa kanilang pagpapayaman gamit ang kaban ng bayan.