Pamamasyal sa Fort Santiago na Mag-isa

Tinanong ako ng guard na nakadamit-guardia civil sa entrance ng Rizal Shrine kung bakit ako nag-iisa. Magpapakuha kasi sana ako ng picture sa kaniya kaso bawal daw silang kumuha ng picture ng mga bisita. Hindi ko na sinagot ang tanong niya. Ngumiti na lamang ako. Diyahe naman kasing sumagot ng “kasi gusto kong magmumuni-muni” o “kasi gusto kong sumulat ng tula.”

Nakaalis na ako sa harap niya nang maisip kong sana pala ang sinagot ko sa kaniya ay, “Kasi gusto kong mag-Candida moment, Kuya. Yung ako lang. Yung wala si Paula. Baka sakaling makatisod ng Prinsipe ng Asturias. O ng kahit minor royalty lang mula sa Scandinavia. Char!”

Ang tanong, cute ba si kuyang guardia civil o hindi? Hindi ko alam. Naka-mask siya. Pero magalang naman siya kahit ayaw niya akong kunan ng larawan. At naisip ko rin, sana huwag niyang isipin na mag-isa ako dahil wala akong dyowa dahil meron. At meron talaga! Hindi ko lang akala! Meron! Meron! Semi-LDR nga lang kasi. Saka kahit wala akong dyowa, nandiyan naman si Pietros na walking buddy ko. Kaso, may mga panahon lang talagang gusto kong mag-isa na tinatawag kong pakikipag-date sa sarili.

Mapalad ako na bilang guro sa Manila ako nakatira. Medyo nasa laylayan ng capital ng bansa dahil nagrerenta ako ng isang condo unit sa isang lumang condominium building sa tabi ng De La Salle University na bahagi pa ng Malate. Pero isa o dalawang blocks lang ay Makati o Pasay na.

Gayunpaman mga dalawang kilometro lang ang layo ko sa Rizal Park, at ilang tambling pa mula sa Luneta, Intramuros na. Ang lumang walled city na ito ang paborito kong pasyalan dito sa metropolis lalo na ngayong panahon ng pandemya dahil kakaunti ang mga tao at sasakyan doon.

Kahapon, Sabado, pagkagising ko sa umaga naisipan kong mag-walking patungong Intamuros at naisip kong pasyalan ang Fort Santiago kung bukás na ito. Sa karanasan ko, isang oras hanggang isang oras at kalahating liesurely walk ito. May kasama pa kasing sight seeing at pagkuha ng piktyur dahil maraming mga lumang bahay at gusali sa Malate at Ermita. Papunta lang ng Intramuros nakaka-8,000 steps na ako. Medyo mas natagalan ako bago nakarating ng Intramuros kahapon dahil dumaan pa ako sa Booksale sa Pedro Gil at nanghalukay ng mga libro.

Bukás na nga ang Fort Santiago! Kailangan lang mag-scan ng QR code ng tracing form nila. PhP75 ang entrance fee ng adult at PhP50 naman para sa mga bata. Hindi na rin masama dahil well-maintained ang pasyalang ito at may maayos at malinis pang CR. Sa mga pasyalan, mahalaga talaga ang maayos at malinis na palikuran.

Hindi ganoon kadami ang mga namamasyal. Siguro dahil mga alas-diyes ng umaga ako pumasok. Nakakatuwa rin na may mga batang namamasyal na. May nanghahabol ng mga kalapati, may naglalaro sa may fountain. Ang di ko lang gusto masyado ay may mga nagbibisikleta. Baka kasi makasagasa sila lalo na ng mga bata! Hindi ko napansin noon na pinapayagan pala ang pagbibisikleta roon.

Hindi na rin ako pumasok ng Rizal Shrine. Ilang beses na rin kasi akong nakapasok doon. Mas gusto kong igugol ang oras ko sa paglalakad at pag-enjoy sa panonood ng mga punongkahoy, halaman, at mga bulaklak. Kapag napapagod ako nauupo ako sa isang simentong bench sa lilim ng kahoy at magbasa. Ang ganda kasi ng kabibili kong libro sa Booksale na sinulat ng isang Swedish na entomologist. Tungkol ito sa mga bubuyog sa isang liblib na isla sa Stockholm.

Wala akong napansin na bubuyog doon sa Fort Santiago kahit na maraming bulaklak. Baka hindi kinakaya ng mga bubuyog ang polusyon sa hangin at polusyon sa ingay ng lungsod?

Sa lilim ng isang malabay na punong mangga malapit sa dungeon kung saan natagpuan ang mga 600 na katawan ng mga pinatay ng mga sundalong Hapon noong World War 2, naupo ako sa isang simentong bench upang sumulat ng tula. May kabaliwan kasi akong proyektong inumpisahan ngayong 2022. Ang sumulat ng tula araw-araw katulad ng ginagawa ng kaibigan at iniidolo kong makatang si Luisa Igloria na mahigit isang dekada na niyang gawain. May ilang attempt na akong gawin ito noon at inaabot naman nang ilang buwan pero natitigil din. Susubukan ko uli ngayong taon at hayan, naka-50 na araw at tula na ako kahapon. Ang mga tulang ito ay pino-post ko rin araw-araw sa blog kong <kuonkangkataw.wordpress.com>. Ang modest kong ambisyon ay gawin ito buong 2022. Saka na ako magde-decide kung itutuloy ko o hindi.

Henewey, nakasulat ako ng tula sa Fort Santiago kahapon. Nakaharap kasi ako sa magandang gusali ng Rizal Shrine na bahay na bato inspired. Sa tabi nito ang dalawang puno ng kalatsutsi na ang taas nito ay nakukumutan ng mga dilaw na bulaklak! Siyempre naalala ko sina Candida at Paula.

Masarap din ang aking pananghalian at parang healthy pa. Malapit sa entrance, sa kanang pader ng Intramuros, may hilera ng mga souvenir shop at restaurant. Sa Tesoro’s ako kumain dahil sila lang ang tumatanggap ng bayad sa GCash. Sinubukan kong orderin ang ginisang monggo na may laing at tuyong isda. Masarap! At mura pa. Sabi ng waitress, lutong Ilonggo daw iyon dahil Ilonggo ang cook nila. Naisip ko lang, bakit hindi namin ito ginagawa sa bahay sa Maybato? Normally kasi, baboy ang sahog ng monggo namin. Saka walang laing sa Antique. May ginataang dagmay kami pero hindi laing na lutong Bicolano. Pero naisip ko rin, kung ang ginataang dagmay namin ay lalagyan ng mga piraso ng pinakas at monggo, iyon na yun!

Tinanong ko rin sila kung si Patis Tesoro ba ang may-ari ng restawran na iyon dahil elegante ang mga mesa at batibot chairs, at ang mga capiz na chandelier sa may cashier at mukhang well selected ang mga binibenta nilang souvenirs, hindi raw. Pero pamilya raw ng biyenan ni Patis Tesoro. Mukhang babalik uli ako sa susunod na buwan doon para mananghalian. May gusto rin akong bilhin na libro tungkol sa Intramuros na naka-display roon.

Pasado alauna na ako nag-book ng GRAB pauwi rito sa condo. Nang i-tsek ko sa iPhone kung nakailang hakbang ako, 11,548. Not bad, not baaad… Pagbalik ko roon, isasama ko na ang dyowa ko para hindi na ako tatanungin ni kuyang guardia civil kung bakit ako nag-iisa sa pamamasyal sa Fort Santiago. Na para bang bawal mamasyal mag-isa sa Intramuros.

One thought on “Pamamasyal sa Fort Santiago na Mag-isa

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s