
Isang linggo bago ideklara ng PAGASA ang opisyal na pag-umpisa ng tag-init, nagbakasyon kaming tatlong magkaibigan sa isang maliit na resort na ang pangalan ay Paradiso Rito. Nasa isang dalampasigan ito sa Bataan Bay sa Mabini, Batangas.
Habang ngarag ako sa paggawa ng grades noong huling dalawang linggo ng Pebrero, nabanggit ko sa isang pag-uusap namin sa telepono kay R., ang BFF kong kaguro sa La Salle na ang tawag ko’y Ateng, na gusto kong maligo sa dagat para naman mabasâ muli ng maalat na tubig ang berde kong buntot. Simula kasi nang magkapandemya, hindi ako nakalabas ng Metro Manila, at hindi rin ako nakauwi ng Antique, kung kayâ dalawang taon nang hindi ako nakakaligo sa dagat.
Siyempre wishful thinking ko lang na makaligo ako sa dagat. Praning sa COVID-19 si Ateng at halos hindi siya lumalabas ng bahay. Kapag tinatawagan niya ako at magkataong nasa mall ako—Robinsons Place Manila, Greenbelt, o Mall of Asia—tinitilian niya ako ng, “Bakit ka labas nang labas!” Ang standard na sagot ko naman, “Ateng, mamili ka. BFF mong si John na may COVID o si John na nabaliw kasi hindi lumalabas ng bahay?” Saka siyempre ire-remind ko siya na nagbi-VCO naman ako. May panlaban sa COVID-19.
Kayâ pleasantly surprised ako nang tawagan niya ako end of February at tinanong kung saan ko gustong mag-beach. Sa Bataan daw ba o Batangas. Nasabihan na raw niya ang kaniyang high school BFF na isang doktor na magda-drive sa amin. Sa sobrang tuwa ko, Boracay, Palawan, at Maldives lang ang naiisip ko. Kayâ sabi ko sa kaniya, siya na bahala. Kahit saan basta may dagat at swimming pool go ako! Naisip ko—himala! Siya pa talaga ang nagyayâ na mag-beach kami. Kunsabagay, pareho na rin kaming boostered sa COVID vaccine. Sa katunayan, may ticket na sana kami ni Ateng papuntang Taiwan para mag-gay pride noong 2020. Naunsiyame dahil sa pandemic.
First time kong ma-meet si G., ang high school BFF ni Ateng. Pero matagal ko nang naririnig ang kaniyang pangalan. Alam kong dermatologist siya. “I’m sure you will like him,” sabi sa akin ni Ateng nang tawagan niya ako tungkol sa trip na ito. Ang dasal ko lang, sana hindi DDS at Marcos apologist. Dahil pareho silang taga-Caloocan area, dinaanan na lamang nila ako sa condo ko sa tabi ng La Salle sa Taft Avenue. Pagsakay ko ng kotse ni G., agad kong napansin ang relo niyang kulay pink. Bagamat natuwa ako, hindi ko agad pinaniwala ang sarili ko na kakampink si G. Alam mo naman, paboritong kulay ng mga bading ang pink! After ng maikling introduction at tulong-tulong kaming tinunton ang Skyway pa-south, tinanong ako ni G. kung sino ang presidente ko. “Hay naku, BBM ‘yan,” mabilis na sagot ni Ateng na nanunukso ang boses. “Talaga? Pareho pala tayo BBM din ako,” sagot ni G. na tumatawa. Natawa na rin ako. “Joke lang. I’m campaigning for Leni,” sabi ni G. “Oo naman. Napansin ko agad ang relo mo,” sabi ko. Nakahinga ako nang maluwag. At least hindi ko kailangang maging maingat sa mga sasabihin ko about politics sa bakasyong ito.
Bago kami dimiretso sa resort, dumaan muna kami sa bayan nga Bauan. Siyempre ang unang pinasyalan namin ay ang simbahan. Ayaw ni Ateng sa organized religion kahit na “God bless” ang paborito niyang bating pangwakas sa mga email at talumpati niya. Pero dahil alam niyang katolika serada ako, game naman siyang samahan ako sa loob ng simbahan. Nagpaparinig nga lang siya ng, “Naku, hindi ko alam na Marian pilgrimage pala itong lakad natin.” Doon na rin kami sa Bauan nananghalian.
Mula Bauan patungong Mabini, maganda ang tanawin na nadadaanan namin. Mga maliit na kalsada sa tabi ng dagat. Tuwang-tuwa kami ni G. dahil mukhang mga kakampink ang mga nandoon. Maraming LeniKiko posters sa mga gate at pader. May mga bahay pang may mga nakasabit na pink na parol. May nadaanan din kaming kalsada sa bundok at nagtanungan kami kung di ba kami nawawala? Hindi kasi madaldal ang Waze namin.
Walang ibang guest sa Paradiso Rito nang dumating kami roon. Hanggang sa pag-alis namin walang ibang dumating. Parang nirentahan namin ang buong beach house!

Gustong-gusto ko ang maliit na swimming pool dahil naririnig ko mula roon ang hampas ng mga alon sa mabatong dalampasigan. Hindi naman ako ang tipong nagla-lap swimming. Masaya na ako nakababad lang sa tubig tulad ng isang sirena. Dahil nga kami lang ang guests, dinadala ni G. sa lanai ang kaniyang speaker at nakikinig kami sa mga lumang awitin ni Sharon Cuneta. Bukod sa pareho kaming kakampink, pareho rin kaming Sharonian. Pansamantalang tumitigil ang musika kapag may tumatawag sa kaniya na doktor mula sa isang klinika o ospital sa Manila at humihingi ng advise sa kaniya kung ano ang gagawin sa paa ng isang pasyente na may makapal na bun-i o may makati na balat sa hita. Siguro kung may isa pang linggo na ganoon, alam ko na kung paano gamutin ang mga kati-kati ko sa balat—anong lab test ang ipapagawa, anong gamot ang bibilhin at pati ang tamang dosage!
Si Ateng naman, cool lang na nakaupo sa may mesa sa tabi ng pool. Mga lumang pelikula at mga awitin ang pinag-uusapan namin, at ang mga pagbakasyon nilang dalawa sa Bangkok. Kapag nawawala siya sa aking paningin, suspetsa ko tinatawagan lang niya ang kaniyang sekretarya kasi may naiisip na naman siyang ipagawa. Kung ginagawa kasi niya ito sa harap ko, pinapagalitan ko siya. Sinasabihan ko ng, “Akala ko ba nagbabakasyon tayo?” na may kasamang pagro-roll ng eyeballs.
Maliit lang ang Paradiso Rito. Isang malaking beach house ito. Walong kuwarto lang yata ang pinaparentahan nila. Sa kabilang kalsada, sa taas ng isang burol ay may cottage din sila. Mayroon ding tree house na halos sa taas na ng kalsada at overlooking sa Bataan Bay. Pero sarado ito at mukhang abandonado nang pasyalan namin ni G. at inusisa ala Maritess. Buti hindi kami minulto o minaligno!
Mabato ang dalampasigan. Sa unang umaga namin doon, may napansin akong babaeng nagso-snorkel na mag-isa. Dahil nasa travelling bag ko lang ang aking snorkel at mask, agad ko itong kinuha. Mabato talaga ang dalampasigan pero nang silipin ko ito na naka-snorkel, nadiskubre kong maraming mga isda roon! Lalo na ang mga mulmol o parrotfish. May mga bugaong din. Nawili ako sa pagso-snorkel dahil hindi mailap ang mga isda. Hindi sila lumalayo sa akin. Alam ba agad nila na sirena ako? Sa medyo malalim banda, maraming kolonya ng itim at puti na tayong o sea urchin. Hindi talaga puwedeng paliguan iyon. Nang makasalubong ko ang babaeng nagso-snorkel, nalaman kong hindi pala siya naliligo lang o isang bakasyunista. Mangingisda pala siya at may hinahanap siya sa ilalim ng mga bato. In fairness, halos buong umaga siyang nakababad sa tubig.
Ang isa pang nakakaaliw sa Paradiso Rito, punô ito ng mga peynting. May orihinal na Juvenal Sansó sa may hagdanan. Sa malawak na hallway sa itaas, may limang peynting si Fil Delacruz na bahagi ng kaniyang Diwata Series. Sa lobby sa baba, may myural din siya ng isang eksena sa Venice. Sa kainan sa babâ may peynting din ang anak niyang si Janos Delacruz.

Kay Janos ang paborito kong peynting doon. Isang abstract-surrelist na acrylic painting na may mga imahen ng mga mata at mga ibon. Parang mga mukha itong pinagtagpi-tagpi. Mga mukhang punô ng iba’t ibang imahen ng mga malabangungot na panaginip. Pero dahil nga hindi naman museum ang Paradiso Rito, walang label na nagtataglay ng pamagat, pangalan ng pintor, sukat, at medium ang peynting na ito. Tanging pirma lamang ng pintor ang nakita ko.

Tatlong araw at dalawang gabi rin kami roon. Pabalik ng Manila, dumaan muna kami sa Taal, Batangas para bumili ng estatwa ni Mother Mary para sa aking grotto sa Pasig, at mananghalian sa isang restawran sa antigong bayan ng Taal. Dumaan din kami siyempre sa Basilika ng Taal, ang pinakamalaking simbahang Katoliko sa Timog-Silangang Asya. Mahalaga sa akin ang basilika na ito dahil ang nag-iisang family photo namin ay kinunan sa labas ng simbahang ito. Nasa high school pa lamang ako noon. Nag-drydock ang barko ng tatay namin sa Batangas Port. Nagbakasyon kaming buong mag-anak sa barko nina Tatay at namasyal din kami sa Batangas.
Mula Taal ay tumungo rin kami sa Lungsod Tagaytay upang doon maghapunan. Pero bago kami maghapunan sa Ming’s Garden, nagkape muna kami sa main branch ng Bag of Beans. Ang ganda roon! Europeo ang peg ng lugar. Dahil papalubog na ang araw, malamig na ang ihip ng hangin. Sa Ming’s Garden, panalo sa panlasa ko ang karekare nila. Gusto kong bumalik doon para lang sa karekare.

Maghahatinggabi na nang ibaba ako nina G. at Ateng sa condo building namin sa tabi ng La Salle. Ang dami kong bitbit! Bukod sa travelling bag, may isang malaking bag ako ng mga pagkain na binili sa Taal at Tagaytay. May isang box din ng tig-20 inches na estatwa nina Mother Mary at St. Joseph, at isang piye na estatwa ni St. Francis of Asisi. Pagawaan kasi ng mga santo ang pinuntahan namin sa Taal at mura ang tinda nila. Nakatatlong estatwa tuloy ako.
Ang pagbakasyon na iyon sa Mabini, Batangas ang unang pagkakataong makalabas ako ng Metro Manila. Tatlong araw lang pero malaking ambag para mapanatili ko ang aking katinuan sa panahon ng pandemya. Lalo na’t masaya ang aking mga kasama. Nagkaroon pa ako ng bagong kaibigan na hindi lamang kakampink kundi kapareho ko pang Sharonian. Needless to say, kakampink din namin si Sharon Cuneta. Saan ka pa?