Mensahe sa Leoncio P. Deriada Literary Prize 2021 Awarding Ceremonies

MAAYAD-AYAD gid nga hapon kaninyo nga tanan!

Nang makita ko ang imbitasyon na magbibigay ako ng mensahe para sa awarding ceremonies ng kaunaunahang Leoncio P. Deriada Literary Prize bilang “donor,” naisip ko na maganda kapag uumpishan ko ang aking talumpati sa ganito:

“Nag-donate ako ng five million pesos para sa Leoncio P. Deriada Literary Prize upang maibahagi ko ang aking kayamanan sa mga naghihikahos na mga manunulat at mapaparangalan ko ang aking ama sa panulatan.”

Kayâ lang, hindi totoong may limang milyon akong pang-donate. Pero totoo na gusto kong parangalan ang aking literary father bilang pasasalamat hindi lamang sa mga nagawa niya para sa akin bilang unang guro ko sa pagsulat kundi para na rin sa nagawa niya para sa literatura ng Kanlurang Bisayas at ng buong bansa. At oo, kung mayaman lang sana ako—halimbawa anak ako ng isang diktador na mandarambong o korap na politiko o matapobreng pangit na senadora na ginawang subdivision ang mga palayan kung kaya galit siya sa unli-rice o ganid na negosyante o drug lord na bahagi ng Triad—hindi lamang limang milyon ang ido-donate ko sa opisina ni Eliod upang gamitin sa pagpapalaganap ng legacy ni Dr. Deriada. Baka bilhin ko pa ang paborito kong Hotel Del Rio at gawing The Leoncio P. Deriada Creative Writing Center. ‘Ika nga nila, libre ang mangarap.

Dahil isa lamang akong mahirap na manunulat, magkukuwento na lamang ako. Sa kuwento, bilyonaryo ako at sigurado ako rito. Sabi ni Dulce, na siyang “real daughter” at ako naman ang “favorite daughter,” puwede raw akong magkuwento sa loob ng tatlong oras at kayang-kaya ko yan. Mana yata ako kay Leoncio!

Rëgya sa kampus nga dya kang UPV ako tinudluan ni Leoncio P. Deriada kon paano magsulat kang binalaybay kag mga sugidanën. Bëkët pa amo ka dya kanami ang kampus kang tiyempo nga to—1991 asta 1994, kang estudyante pa ako sa University of San Agustin.

Ang mga nagwagi (L-R): Orland Solis, Jhio Jan Navarro, Jessa Payofelin, Liane Carlo Suelan, Domingo Aguillon III, at Rodmar Arduo

Estudyante ako kang B.S. in Biology kato. Naga-escape ako sa laboratory classes namën kag mag-agto kay Tito Leo sa campus nga dya. Nagapadara abi ako kay Dr. Deriada kang mga poems ko para HomeLife magazine nga tana ang literary editor. May poem gani ako nga gin-feature na sa anang regular column nga “Poetry Workshop with Tito Leo.” Sa marginal notes niya sa isang tula kong ni-reject niya, sinabihan niya akong bisitahin siya sa kaniyang opisina sa UPV upang i-one on one workshop niya ako. Hindi ko pinalampas ang pagkakataon. Parang inabuso ko pa nga. Kada may bagong tula ako, punta agad ako sa opisina niya para ipabasa ito sa kaniya. Ni minsan hindi ko naramdaman na nakakaistorbo ako sa kaniya. To think na sumusugod ako sa opisina niya na walang appointment.

Noong una kong punta, ang bagsik ng sekrekrta niya. Si Mommy Sidna na kalaunan ay naging kaibigan ko na. Sabi ko sa kaniya, “Ma’am ara si Tito Leo?” Gin-akigan niya ako dayon. Siling ‘ya, “Ano nga Tito Leo? Indi ini opisina sang HomeLife magazine. UP ini. Dr. Deriada ina siya diri!” Nang magsimula akong manalo ng awards, dinadalhan ko na si Mommy Sidna ng cake kayâ naging close kami at Mommy Sidna na nga ang tawag ko sa kaniya.

Marami akong quotable quotes ni Dr. Deriada. Karamihan matataray. Bukod sa sikat na “You, idiot!” kapag hindi niya nagustuhan ang sinabi o ginawa mo. Pero in fairness, hindi niya ako natawag nang ganiyan!

Ang favorite ko na lagi kong naaalala kapag nagdidirek ako ng San Agustin Writers Workshop ay hindi siya makatiis at talagang magba-butt in kapag may fellow na magpapakilala nang ganito: “Ako gali si…” Agad sasabat si Dr. Deriada ng, “Anong ako gali? Ngaa nalipat ka sa ngalan mo?”

Minsan nataranta kami ni Isidoro Cruz sa San Agustin nang may inorganisa kaming conference. May isang may edad nang guro ang nagsalita sa open forum at nagtanong kung ano ang gagawin niya dahil ang mga estudyante niya ay hindi nakakaintindi kapag ang binabasang teksto ay Hiligaynon. Ang sagot ni Dr. Deriada, “I find the question rather dumb. Don’t try to impress by saying that your students can understand English but not Hiligaynon.” Talagang kinausap namin ang teacher na ‘yun at kami na ang humingi ng dispensa!

Ilang beses ding nag-usap ang nanay ko at si Dr. Deriada. Minsan yata nagkita sila sa airport. Hindi ko maimadyin kung paaano mag-usap ang dalawang madaldal! They share a language—Sebwano. Tubong-Davao del Sur kasi ang nanay ko.

Minsan, noong hindi pa sila magkakilala, nagsabi ako kay Nanay na bilhan niya ako ng round trip ticket to Manila kasi mag-a-attend ako ng workshop sa National Arts Center. Pinagalitan ako ng nanay ko kasi puro daw gasto ang naiisip ko. Biga raw ako nang biga.

“Nay, bëkët biga. Writing workshop!” sabi ko.

“Hay amo man ria gihapon. Ang workshop-workshop ko nga ria, biga man ria gihapon!” hambal ni nanay. “Mabiga ikaw kag ako ang magastuhan.”

“Nay, hambal ni Dr. Deriada, that’s what parents are for,” sabat ko.

“E kon ibunggo ko ang ulo n’yo ni Deriada nga ria?” sagot ni Nanay. Matapos siyang magtalak, binilhan naman niya ako ticket.

Nang ikuwento ko ito kay Dr. Deriada, tawa siya nang tawa. Ikinukuwento pa nga niya ito sa iba.

Nasa kolehiyo ako nang mag-umpisa ako manalo ng mga award at malathala sa mga magasin. Kapag ipakita ko ito kay Nanay, agad niya itong kukunin sa akin at iikutin niya ang bahay ng mga kamag-anak at kakilala namin sa Maybato at ipakita ang mga ito-“Bag-o nga award ni Junjun! Na-publish liwan si Junjun!”

Kapag ganito hiyang-hiya ako. E kung pigilan ko naman si Nanay, sisigawan niya ako. Pabayaan ko raw siya. E di sana raw hindi ko na ipinakita sa kaniya kung nahihiya lang din naman ako.

Minsan pagbisita ko kay Dr. Deriada, kinuwento ko ito sa kaniya at sinabi kong hiyang-hiya ako sa ginagawa ng nanay ko at kung ano ang gagawin ko. Pinagtawanan lang ako ni Dr. Deriada at sinabihang, “Oh, give those little privileges to mothers.”

Hindi ako nag-aral sa UPV pero bilang isang manunulat, pakiramdam ko produkto ako ng UP. Dahil ito sa kaalwan ni Dr. Deriada.

Darayawon gid dyang buruhatën sa pagpasidëngëg kay Deriada. Nagadayaw kag nagapasalamat gid ako sa UPV, kapin pa gid sa UPV Sentro ng Wikang Filipino, sa pagpatigayon kadyang Leoncio P. Deriada Prize.

Hiling sa UPV Sentro ng Wikang Filipino—gawing annual ang Leoncio P. Deriada Literary Prize at gawin itong regional in scope.

Duro gid nga salamat kag sa liwat maayad-ayad nga hapon kanatën tanan.

[Binigkas noong 19 Agosto 2022 sa UPV Sentro ng Wikang Filipino, University of the Philippines Visayas, Iloilo City Campus.]

Ang “favorite daughter” at ang “real daughter ni Leoncio.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s