Hindi pa siya ganap na doktor nang maging estudyante niya kami sa programang B.S. in Biology sa University of San Agustin (USA) sa Lungsod Iloilo. Nag-aaral pa lamang siya noon ng medisina sa West Visayan State University kayâ kung minsan nagkaklase siya sa amin na nakauniporme pa ng isang medical student.

Si Sir Tony (Sir Recodo talaga ang tawag namin sa kaniya) ang mukha ng isang terror na propesor. Siya ang nagtuturo ng mahihirap naming subject tulad ng Human Anatomy, Cell Biology, at Genetics. Kailangan mong magpamisa ng pasasalamat sa USA Chapel kapag makapasa ka sa mga subject na ito kung siya ang guro.
Hindi ko makalimutan ang final exam namin sa Genetics. Alam ko na sana kung paano ma-solve ang problem na ibinigay niya na gamit ang ANOVA na manual (Ngayon kasi may computer program na para sa ANOVA o analysis of variance!). Nang umpisahan ko nang gawin, biglang sumigaw si Sir at ang upuan ko ay nasa harap ng mesa niya. Kung sa Kinaray-a pa, natagban gid ako kang espiritu! Napatalon ang kaluluwa ko. Galit na galit si Sir. May nahuli pala siyang kaklase namin na may kodigo sa likod. Sinigawan niya ito na lumabas ng klasrum at nang lumabas ang kaklase namin, sinipa nito ang basurahan sa may pintuan at mabilis na tumayo si Sir at nilapitan ang nagwawalang kaklase namin at ang akala ko talaga ay magsusuntukan sila!
Sa gulat at takot, hindi ko na na-solve yung problem na iyon. Nainis ako sa kaklase naming iyon. Sa mga subject kasi namin kay Sir, marami kaming mga kaklase na hindi namin ka-batch. Mga overstaying na iyon sa kolehiyo dahil pangatlo o pang-apat na beses na nilang pagkuha ng Genetics ay hindi pa rin sila nakakapasa. Ngayong guro na rin ako, naiintindihan ko na kung bakit nag-breakdown ang kaklase naming iyon! Kayâ inis din ako kay Sir noon. Kasi alam ko na sanang sagutin yung problem. Ginulat niya lang ako kayâ nagblangko rin ang isipan ko!
Matapos nang mahigit isang dekada na nag-graduate ako sa San Agustin, bumalik ako doon para magturo ng literatura. Katatapos ko lang ng MFA Creative Writing noon sa La Salle. Minsan nadaanan ko si Sir Recodo na nagkaklase at laking gulat ko na nakangiti at patawa-tawa na siya habang nagtuturo. Siya na ang chair ng Biology Department nang panahong iyon. Nang makasalubong ko siya sa hallway tinanong ko siya: “Sir, bakit nakangiti na kayo magklase ngayon at hindi na parang si Incredible Hulk na galit palagi?” Tumawa siya at ang sagot niya sa Kinaray-a dahil taga-Guimbal siya ay, “Ay ti ano gid tana atën dya sa ibabaw kang kalibutan haw?” Ang ibig niyang sabihin, dumadaan lang tayo sa mundong ito at pointless maging terror na guro. Hindi ko napigilan ang sarili ko at talagang sinumbatan siya. Sabi ko, “Sir, naging stressful ang college life ko dahil sa ‘yo! Bakit ngayon ka lang naging mabait?” Malakas na halakhak lang ang isinagot niya sa akin.

Mabait din naman sa amin Sir kahit na terror siya. Nag-aaral siya ng medicine noon kayâ siguro stressed din palagi kapag nagtuturo sa amin. Saka bata pa siya noon. Kababalik lang niya noon sa San Agustin matapos niyang mag-masters ng Biology sa UP Diliman. Ito ang panahon na kakaunti pa sa mga guro namin ang may master’s degree. E siya bongga dahil UP Diliman pa. Noong bata pa akong guro parang terror din ako, or may tendency maging terror.
May soft side din naman si Sir. Dahil medical student nga siya kapag may nararamdaman kami nagpapakunsulta kami sa kaniya. Minsan, dahil sa kapupuyat ng kame-memorize ng makapal naming textbook para sa klase niya, nagkatrangkaso kami ng BFF kong si Ooy (na isa nang nueroanesthesiologist ngayon). Pinasalat namin sa kaniya ang leeg namin para malaman niyang may sakit kami at baka may ipainom siyang gamot. Ang sagot niya, “Naku, 24 hours flu lang ‘yan. Self-limiting na sakit. Uminom kayo ng maraming tubig at magpahinga.” Sa isip ko, pahinga? May exam kami sa ‘yo!
Kayâ halos hindi ako makapaniwala na nang mag-graduate kami noong Abril 1994 at nagkayayaan ang batch namin na magbakasyon sa Boracay ay sumama siya. Parang wala sa karakter niya na sasama siyang magbakasyon sa amin. Alam kasi namin na after graduation maghiwa-hiwalay na kami kung kayâ magbabakasyon kaming magkasama. Ang isang kaklase naming si Merell Joy, may resort sa Boracay ang tiya niya. Pinahiram sa amin ang isang malaking cottage na kawayan at nipa (Yes, wala pang mga pangit na konkretong building sa Boracay noon) sa resort nilang Mona Lisa.
Sa Boracay, parang naging kuya namin si Sir Recodo. Parang agad kong nakalimutan na terror prof namin siya sa loob ng apat na taon! Siya ang nagsasaing at nagluluto. Purita kami noon at pumunta kami sa Boracay na may dalang bigas, daing, at sardinas. Kayâ madali lang din naman ang pagluluto. Ang saya-saya pa rin namin kahit na sa world famous na isla kami at pangmahirap ang pagkain namin! Hindi kasi namin kayang kumain sa mga restawran doon.

Hindi ko na gusto ang Boracay ngayon. Nasisikipan na ako at naiingayan. Ngayon sana may pera na ako at kaya ko nang magbakasyon palagi sa Boracay pero hindi ko ginagawa. Magsasayang lang ako ng oras at pera. Ang idea ko pa rin ng Boracay ay ang Boracay namin nina Sir Recodo noon. Magkakalayo ang mga resort at environment friendly ang mga materyales ng mga kubo. Sa likod ng Boracay, may gubat pa at hindi siksikan ang mga traysikel at mga tao. Sa mga ilang beses kong pagpunta ng Boracay para magsalita sa mga kumperensiya o magsulat ng artikulo sa Mabuhay magazine, hinahanap ko pa rin ang dating Boracay.
May sense of humor din si Sir. Noong nagtuturo na ako sa San Agustin, kada graduation march, kahit na nakatoga na kami lahat, kapag makita niya akong nagmamartsa kasama ang mga kaguro sa English Department, sinisigawan niya ako ng, “John Iremil! Bakit nandiyan ka sa English Department? Dito ka sa amin sa Biology!”
Naging guro din ng bunsong kapatid namin si Sunshine si Sir Recodo. Mas close sila ni Sunshine dahil hindi na terror prof si Sir noon. Sa mga larawan nila nina Sunshine sa mga pag-a-attend nila ng mga kumperensiya tulad ng sa Buguio, ang saya-saya nila sa mga larawan. Nang magturo si Sir sa isang medical school sa Antigua (at kung di ako nagkakamali ay naging dean pa yata siya doon), nagtsa-chat sila ni Sunshine sa Facebook at Messenger.
Wala na akong balita masyado kay Sir Recodo nang umalis ako sa San Agustin noong 2008 at lumipat na si Miriam College at hanggang dito na sa La Salle. Kahapon, nakita ko na lamang sa FB posts ng ilang kailala sa San Agustin na namatay si Sir. Nang tingnan ko ang kaniyang FB, ni hindi pala kami friends. Nalaman kong nag-retire na pala siya sa San Agustin at naging doktor sa bayan ng Tubungan, Iloilo para sa Department of Health.
Labis akong nalungkot sa balita at hinanap ko ang photo album ko ng pagbakasyon naming iyon sa Boracay. Wala pa akong detalye kung ano ang sanhi ng kaniyang pagpanaw. Labis akong nalulungkot. Nitong nakaraang halos tatlong taon ng pandemya, marami akong mga kaibigan at kakilala na namatay. Hindi nakakasanayan ang mawalan ng mga kaibigan, kakilala, at kamag-anak.
Sumalangit nawa ang kaluluwa ng minamahal naming guro at kaibigan na si Dr. Antonio Recodo.
