
Oktubre 2022 pa lamang ngunit nakabili na ako ng 2023 planner ko. Paano, hindi ako nakatiis nang makita ko noong nakaraang linggo sa school and office supplies section ng SM Department Store sa Mall of Asia ang bulaklaking planner na ang nakalagay sa pabalat ay “The Flora and Fauna of the Philippines: 2023 Planner.”
Kadalasan bumibili ako ng planner para sa susunod na taon sa aking kaarawan tuwing Nobyembre 14. Ang palagi ko kasing regalo sa sarili ko ay ang pagbili ng mga librong gusto ko sa Fullybooked (Madalas sa Bonifacio High Street branch dahil ito ang pinakamalaki) at kasama na rito ang Paulo Coelho Planner na inilalathala ng Vintage International. Anim na taon ko nang binibili ang planner na ito na may tema at mga quotation mula sa mga akda ni Coelho. Napakaganda sa mata ang disenyo at makulay na mga likhang-sining dito na gawa ni Catalina Estrada na taga-Barcelona.

Nag-iisip na akong bumili ng Paulo Coelho Planner sa kaarawan ko sa susunod na buwan. Ngunit yun nga, nakita ko itong planner na disenyo at may mga likhang sining ni Raxenne Maniquiz. Paano ko madededma ang isang planner o notebook na may mga bulaklak, ibon, at paruparo sa cover? Lalo na’t mga lokal na flora at fauna ito?
Siguro kapag may makakita sa akin na nagbubuklat ng planner ang nasa thought bubble niya ay, “Kailangan pa bang magsulat sa papel na planner sa panahon ng Google Calendar?” Baka palihim o harap-harapan akong pagtawanan. Kapag makita nga ng mga kaibigan ko ang mga photo album ko ng mga printed na larawan, pinagtatawanan nila ako dahil sa panahon daw ng Facebook at Instagram, kailangan pa ba talagang may hardcopy na album?


Old fashioned lang talaga ako. Ang dayari ko, hardbound notebook pa rin kahit na may dalawang blog naman akong mini-maintain. Hindi pa rin ako kumportable sa pagbabasa ng mga e-book. Kapag mag-order ako sa Amazon, mas gusto ko pa rin ang hardbound edition maliban na lamang kung sobrang mahal na talaga kumpara sa softbound edition. Never akong nag-order ng e-books na di hamak na mas mura sana at matatanggap mo agad.
Oh well, sabi nga ni Mario Vargas Llosa, kailanman ay hindi mapapalitan ng computer screen ang pahinang papel. Oo nga naman. Kakaiba pa rin ang kasiyahan kapag naaamoy at nahahaplos mo ang papel.
Napakaganda ng larawan ng mga painting ni Maniquiz. May mga impormasyon din ito na makakapagpalawak sa kaalaman hinggil sa mga tanim at hayop ng mga gumagamit nito. Halimbawa sa bahaging November. Sa separator nito ay may larawan ng orkidyas sa kanang pahina. Nakalagay ang scientific name nito na Paphiopedilum acmodontum. Sa kaliwang pahina nito, may impormasyon hinggil sa orkidyas na ito. Kung anong family at species ito. May tala rin kung saan ito matatagpuan sa bansa at kung ano ang mga katangiang pisikal nito. May maliit pa ngang mapa ng ating arkipelago at makikita na P. acmodontum ay matatagpuan sa Isla Negros.

Ang masaya pa, may kasamang stickers ng mga bulaklak at paruparo ang planner na nakalagay sa parang pouch sa inside back cover! Magagamit ko itong pandikit ng kung ano-ano tulad ng mga resibo at larawan sa aking dayari.

Pagdating sa presyo mas mura din ito. Kung di ako nagkakamali, ang Coelho Planner ay mga PhP900. Itong Maniquiz Planner ay PhP599 lamang. Nakatipid ako.
Tamang-tama rin ang pagkadiskubre ko nitong “The Flora and Fauna of the Philippines: 2023 Planner” ni Raxenne Maniquiz dahil ang lagi kong iniisip ngayon ay ang permaculture farm na gagawin ko sa Antique. Tungkol sa mga tanim at punongkahoy na indigenous sa Filipinas ang binabasa ko ngayon. Sana sa magkaroon uli ng ganitong planner sa 2024.