Aningalan

Una kong narinig ang pangalang Aningalan mula kay Tatay. Kamamatay lamang ni Nanay noon at binubuhos niya ang panahon at lakas sa munting palayan namin sa Maybato. May mga alaga siyang baboy, baka, at mga bibi. Marami ring tilapya sa kaniyang maliit na palaisdaan. Mula roon, may makikitang kabundukan. Sabi niya sa akin habang nagkakape kami sa ilalim ng malabay na mangga, “Iyan ang Aningalan. Malamig doon. Parang Baguio. May mga pine tree din. Marami nga lang NPA.”

Nakapunta raw siya doon noong binata siya. Naglakad lang sila. Nagkakamping kung saan maabutan ng gabi. Doon daw makikita ang karagatan.

Pangalawang beses kong marinig ang pangalang Aningalan mula kay Manang Akay, ang yumaong makata sa Kinaray-a na si Felicia M. Flores. Marfil ang apelyido ng kaniyang ina na mula sa angkan ng isang malaking pamilya sa San Remegio. Sakop ng bayan ng San Remigio, Antique ang Aningalan.

Si Manang Akay ang walking dictionary ko ng Kinaray-a noon. Noong inihahanda ko para ilathala ang libro kong Mga Binalaybay kang Paghigugma (Imprenta Igbaong, 2008), kalipunan ko ng mga tula ng pag-ibig sa Kinaray-a, inupuan naming dalawa ang manuskrito upang i-proofread at i-edit. May ilang linya at saknong pa akong inayos noon dahil sa mga mungkahi niya. Kayâ alam ko pulido ang Kinaray-a ko sa librong ito dahil sa tulong niya.

Sabi ni Manang Akay, doon daw sa Aningalan ma-aningal mo ang tunog ng dagat, ang lagaslas ng alon. Ang “aningal” ay salitang Kinaray-a para sa tinig o tunog na naaalala mo o akala mo naririnig mo. Halimbawa, parang nairirinig mo ang boses ng yumao mong ina. Doon sa Aningalan, dahil siguro malayo ang dagat subalit natatanaw ito, para bang naririnig mo pa rin ang hampas ng alon sa dalampasigan.

Kasama naming umakyat ni Jay ng Aningalan noong Lunes ang pinsan kong si Nene Oliva, ang bana niyang si Nong Junior, at ang mga anak nila at isang apo. Sina Nang Nene ang nagbabantay ng bahay namin sa Maybato kung wala kami. Dinaanan din namin ang isa ko pang pinsan sa Barangay Supa, si Noli, at ang asawa niyang si Neneng. Gusto ko kasi ipakita sa kanila ang lokasyon ng binili kong lupa sa Aningalan. Gusto ko ring ipasyal sila at pakainin bilang Christmas treat ko sa kanila. Sampung adult at isang bata kami na kasyang-kasya sa van na inarkila ko.

Malapit lang ang Aningalan. Mga 40 kilometro lang ang layo nito sa bahay namin sa Maybato. Mga isang oras lang din ang biyahe. Paakyat kasi at simentado na sana ang kalsada ngunit may apat na bahagi itong sira dahil bumagsak ang lupa. Kaya pa rin naman ng mga sasakyan at medyo nasasayad lang kung minsan.

Bumaba kami saglit sa harap ng lupang binili ko. Sa Barangay Tubudan talaga ito at mga tatlong kilometro paakyat pa ang sentro ng Barangay Aningalan. Doon tanaw ang karagatan sa harap ng San Jose de Buenavista. Sabi ng binilhan ko ng lote, kapag gabi raw, makikita mula roon ang pulang ilaw ng malaking R sa facade ng Robinsons Place Antique. Wala pang isang kilometro ang layo ng mall na ito sa bahay namin sa Maybato.

Ito nga ang Aningalan ang kinukuwento noon ni Lolo Garâ, ang ama ni Tatay, na kabundukan kung nasaan ang palasyo nina Rapunzel at ng prinsipe nito. May edisyong Ladybird Series ako ng Rapunzel na pasalubong ni Tatay minsang pag-uwi niya sa biyahe bilang isang kapitan ng barko. Hindi pa ako marunong magbasa noon at si Lolo Garâ ang pinapabasa ko. Hindi niya ito binabasa sa Ingles kundi retelling sa Kinaray-a ang ginagawa niya. Sa larawan ng katapusan ng kuwento, gutay-gutay ang damit nina Rapunzel at ng prinsipe nito nang muli nilang matagpuan ang isa’t isa. Nabulag ang prinsipe dahil napuwing ng buhangin nang ihulog ito ng bruha mula sa tore at nagpagala-gala sa gubat. Nang mapatakan ng mga luha ni Rapunzel ang mga mata nito ay muling nakakita. Kayâ natunton nito ang pauwi sa kanilang kaharian at isinama si Rapunzel at pinakasalan. At siyempre, nabuhay silang maligaya habambuhay. Hindi dito nagtatapos ang bersiyon ni Lolo Garâ na buong akala ko talaga ay nasa libro. Sabi niya, inimbitahan siyang magluto ng pansit sa kasal nina Rapunzel at ng prinsipe nito! Doon daw sa ikapitong bundok na makikita sa likod ng bahay namin, nandoon ang palasyo nina Rapunzel. Doon daw siya nagluto ng pansit. Sa batang puso ko noon, namamangha at ipinagmamalaki ko ang Lolo ko. Kuruin mo, naging kusinero siya sa kasal ni Rapunzel! Si Lolo Garâ kasi ang tagaluto sa amin noon at talagang masarap ang kaniyang pansit gisado na inuulam ko sa kanin! Hanggang ngayon inuulam ko pa rin sa kanin ang pansit.

Pangalawang pinuntahan namin ang Igbaclag Cave. Hindi na ako sumama sa pag-akyat at paggapang papasok ng kuwebang bato. Naupo lang kami ni Nang Nene kasama ang apo namin sa isang kubong kawayan at ninamnam ang malamig at malinis na simoy ng hangin. Naligo rin kami sa katahimikan at kaluntian ng paligid habang kumakain ng nilagang itlog na baon nila.

Pagkatapos sa kuweba, idinaan muna namin ang mga gamit namin ni Jay sa container van na cottage namin sa bagong-bagong resort na ang pangalan ay Aningalanja. Pag-aari ito ni Dr. Robler Pechueco, isang dentista at kaklase ko noong prep sa Assumption Antique.

Mula Aningalanja ay pumunta kami sa D’Alejos Nature Park. Isa itong maliit na hardin na may mga eskultura simento. Gusto ko ang mga bulaklak doon subalit medyo masakit sa mga mata ko ang mga estatwa ng elepante at mga Ita. Hindi ko rin alam kong gusto ko o hindi ang simentong Noah’s Ark nila na puwede talagang pasukin at akyatin. Patok ito sa ng dumadayo roon at marami ang nagpapakuha ng litrato dahil Instagramable ito. Hindi ito ang idea ko ng isang hardin pero masaya ako dahil masaya roon ang mga kasama ko lalo na ang mga bata.

Pagkatapos nito ay pumunta naman kami ng Highland Park Strawberry Garden. Medyo malawak na hardin ito na punô rin ng mga bulaklak. May greenhouse sila ng mga istroberi. Mas Instagramable ito kaysa D’Alejos subalit masakit din sa mga mata ko ang mga kulay doon. Nato-tolerate ko kasi ang ganda ng mga kulay lila nilang San Francisco at nag-selfie nga kami ni Jay doon. May playground din para sa mga bata at ang saya-saya doon ng kasama naming apo. Mistulang view deck din ang kanilang restawran at doon na kami nananghalian. Ang pinakagusto ko roon, may signal ang LTE ko! Hindi stable pero makapag-post ako sa FB at makapagpadala ng mensahe sa Messenger. Sa ibang bahagi ng Aningalan, walang silbi ang aking LTE.

Dahil sa internet signal na ito, bumalik kami ni Jay doon para mananghalian sa ikalawang araw namin sa Aningalan. Masarap din magtambay sa restawran nila. Hindi na kami siningil ng entrance fee dahil kakain lang naman kami. Pag-alis namin, may tindang istroberi sa kiosko sa may tarangkahan. Isang daan lang ang 1/4 kilo. Yung medyo malalaki, PhP150. Maliliit ang istroberi nila. Pero sabi ng nagtitinda, organic ito. Ito ang pinulutan namin sa redwine habang naghihintay ng paglubog ng araw sa balkonahe ng container van naming cottage. Nagkasundo kami ni Jay na bagamat di hamak na maliliit ang istroberi sa Aningalan kumpara ng istroberi sa Baguio, mas masarap ito. Mas matamis at mas malasa.

Halos alas-tres na ng hapon nang hinatid kami ng van sa Aningalanja mula sa strawberry farm. Pagbaba namin doon, nagpaalam na kami ni Jay sa kanila. Ihahatid na kasi sila ng van pauwi sa Supa at sa Maybato.

Sa pangalawang araw, pagkatapos naming mag-agahan sa Banglid Dos, resort din na pagmamay-ari ni Robler na nasa katabi lang ng D’Alejos, naglakad kami ni Jay pababa ng lote namin sa Tubudan. Mga 30 minuto ring lakaran ito kung dirediretso. Nagsa-sight seeing at nagpi-picture taking pa kasi kami kayâ inabot kami ng isang oras. Ang ganda kasi dumadaan kami sa kalsada sa gitna ng gubat ng mga punong pino. Ang struggle ay ang pabalik paakyat. Nakakahingal para sa akin na medyo kulang sa ehersisyo at may kabigatan! Pagdating ng tanghali, nangitim na kami dahil sa sikat ng araw na halos hindi namin nararamdaman dahil malamig ang simoy ng hangin.

Sa gabi, talagang malamig. Alas-kuwatro ng hapon ay nagsisimula nang bumaba ang mga ulap sa kabundukan at lumalamig na ang ihip ng hangin. Pagkagat ng dilim nagiging 18 degrees na ang temperatura! Umakyat si Robler na nakamotorsiklo sa Aningalan sa ikalawang araw namin doon. Nakasalubong namin siya ni Jay sa kalsada habang pababa kami ng Tubudan. Kami raw ang unang bisita sa Aningalanja at tinanong niya kami kung kumportable ba kami sa container van at kung hindi raw ba mainit. Tuwang-tuwa siya nang sinabi kong gusto ko dahil spacious ito. Buong araw din itong malamig. May view rin ito ng mga pine tree sa katapat na lote sa kabilang kalsada.

Sa huling araw namin doon, bago bumaba ng Banglid Dos para sa aming agahan, naglakad muna pa-Lake Danaw. Nasa unahan lang ng Aningalanja ang dirt road papunta roon. Nadiskubre namin, mga isang kilometro din pala papasok ito. Pero natuwa kami dahil ang kalsada papunta roon ay talagang nasa gubat na. May nadaanan din kaming pangmayaman na private resort at mga vegetable farm na may mga namumungang kamatis. Pasado alas-otso pa lang at walang tao sa isang kamalig sa bungad ng hardin na ito na may lawa. Tig-PhP20 ang entrance fee na nakalagay sa karatula. Nag-tao po kami pero walang sumagot. Pumasok pa rin kami dahil wala namang bakod at inisip na baka nasa loob ang bantay. May tatlong turistang tin-edyer kaming nakasalubong. Paalis na sila. Tinanong ako ng isang guwapo na naghi-Hiligaynon kung may tao na raw ba sa entrance. Sabi namin wala pa. Sabat naman ni Jay, baka libre talaga! At nagtawanan kami. Wala ngang tao roon. Dalawa lang kami ni Jay sa isang maliit na hardin na napapalibutan ng mga palaisdaan. Maraming pusa ang nandoon na antok na antok pa yata. Tinanong ko sila kung sila ba ang bantay. Dedma sila. Ayaw magising. Isa lang ang gising na gising na hinahabol ang drone ni Jay. Umalis na lamang kami subalit wala pa ring bantay na dumating.

Sa pangalawang hapon namin doon, habang umiinom kami ng red wine at nakikinig sa mga awitin ng ABBA, at hinihintay ang takipsilim habang ninanamnam ang lalong paglamig ng ihip ng hangin at pinapanod ang pababa ng mga ulap sa kabundukan, naiisip ko sina Tatay, Manang Akay, at Lolo Garâ.

Alam kong tuwang-tuwa si Tatay na malamang may binili akong lupa sa Aningalan at magkakaroon ng bahay at hardin doon ilang taon mula ngayon. Tatawagin ko itong Hardin Milagros o Garden of Miracles. Nakapangalan sa babaeng kaniyang pinakamamahal. Ako ang kanilang panganay at patunay sa kanilang pagmamahalan ang ibinigay nilang pangalan sa akin—Iremil. Pinag-isa nilang pangalan. Mula sa Ireneo at Milagros.

Matutuwa rin siguro si Tatay kapag sinabi kong parang wala na rin namang mga NPA doon. Siyempre, hindi ko rin naman talaga alam kung meron o wala. Basta noong nasa elementarya at hayskul ako, may mga kaklase na akong taga-San Remegio at hindi kami pumupunta sa kanila dahil marami nga raw mga NPA doon.

Alam ko ring tuwang-tuwa si Manang Akay na nandoon ako sa Aningalan, sa bayan na pinag-ugatan ng kaniyang malutong na Kinaray-a na hindi niya ipinagdamot sa akin. Nalulungkot lang ako dahil kung buháy pa sana siya tiyak sasamahan niya ako roon at sasabihin sa akin ang mga pangalan sa Kinaray-a ng mga bulaklak at punongkahoy roon. Gayunpaman, alam ko na natutuwa si Manang Akay na nakasulat ako ng apat na binalaybay doon sa Aningalan.

At si Lolo Garâ, tiyak na humahalakhak ngayon sa labis na tuwa at pagpalangga sa akin dahil napuntuhan ko na ang ikapitong bundok na ang sabi niya sa akin ay nandoon ang palasyo nina Rapunzel at ng prinsipe nito. Wala man akong natagpuang palasyo roon, magkakaroon naman ako ng maliit na bahay na napapalibutan ng hardin. Hindi man kasing haba ng buhok ni Rapunzel ang buhok ko at hindi naman talaga prinsipe ang kasama ko roon, pero masaya ako, masaya kami na kasama ang isa’t isa sa isang napakagandang lugar.

Mga dalawang taon na lang, iyon na ang magiging tahanan namin. O sisimulan na naming ipasad ang maliit na bahay at malawak na hardin namin doon.

Aningalan, ang pook kung nasaan maririnig ang alaala ng isang tinig o tunog. Tinig ng mga taong nagmamahal sa akin ang maaalala ko roon. Tinig ng mga taong minamahal ko at minamahal ako ang maririnig ko doon sa Aningalan.

[Disyembre 29, 2022 / Maybato]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s