Hotel Del Rio

Kahit marami na ang mga bagong hotel sa Iloilo City ngayon, lagi ko pa ring pinipiling tumira sa Hotel Del Rio kapag nandoon ako. Sa unahan sa Megaworld Iloilo Business Park, na dáting airport ng Iloilo, ay may Marriot, Richmonde, at Belmont na. May Seda rin at iba pang bagong hotel sa kalapit din na Smallville at Atria. Sa Hotel Del Rio pa rin ako dahil marami akong masasayang alaala sa hotel na ito.

Noong nagkokolehiyo pa ako sa University of San Agustin, tatlo lang ang hotel sa lungsod: Amigo Terrace Hotel sa Iznart Street, Sarabia Manor Hotel sa General Luna Street na nasa bahaging City Proper pa, at itong Hotel Del Rio na nasa General Luna Street din pero nasa distrito na ng Molo. Itinayo ang Del Rio noong 1965. Natirhan naming magpamilya ang tatlong hotel na ito lalo na kung bagong babâ ang tatay namin mula sa biyahe bilang kapitan ng barko. Sinusundo kasi namin siya sa dating Iloilo Airport sa distrito ng Mandurriao.

Dito sa Hotel Del Rio ang Baccalaureate Breakfast namin nang mag-graduate ako noong college. Dito na kami nag-check in at naalala ko pa may mga dala kaming kaserola ng kanin at adobong baboy. Dala-dala naming magpamilya mula Antique! Nang panahong iyon wala akong nakitang mali sa ideang iyon ni Nanay, ang walang poise na pagtitipid. To think graduation ko naman. Kung sa ngayon may isang pamilya na makikita akong magtse-check in sa hotel na may dala-dalang kaserola ay maloloka ako! Kunsabagay, nang panahong iyon wala pang SM City at Robinsons Place. Wala pang Mang Inasal. Nag-iisa pa lang ang Jollibee na nasa maliit na SM Delgado, ang pinakaunang SM sa Western Visayas. Wala pa ring MacDo.

Ang hall ngayon sa Hotel Del Rio kung saan idinaos ang Baccalaureate Breakfast namin ay isa nang bayad center para sa electric company sa Iloilo. Dahil dito medyo na-cheapen ang hotel. Pero kapag nadadaanan ko ito, bumabalik pa rin sa akin ang masayang alaala nang umagang iyon. Sariwang-sariwa pa rin sa aking isipan na sa kada lagay ni Nanay ng medalya sa aking leeg ay tumatawa siyang umiiyak sa galak. Ultimate stage mother si Nanay at may tendency maging superdramatic in public. Noong bata ako, parang ikinahihiya ko siya dahil dito. Kada graduation, sinasabihan ko siya sa bahay pa lang na huwag siyang umiyak. Pero siyempre iiyak talaga siya sa bahagi pa lang ng graduation march. Ngayon, kapag uma-attend ako ng commencement exercises bilang propesor, entrance march pa lang sa PICC Plenary Hall, pinipigilan ko nang umiyak. At agad kong maalala si Nanay. Anak nga niya talaga ako!

Dumaan muli kami ni Jay sa Iloilo noong Enero 9 hanggang 11 bago lumipad pabalik ng Manila. Noong Hulyo ang huli naming pag-stay dito. Minsan lang naming napabuksan ang geyt palabas ng Esplanade dahil ulan nang ulan sa loob ng tatlong araw. Mahinang ulan lang sana pero walang tigil at ayaw naming mabasâ ang aming rubber shoes. Baka mangamoy sa eroplano.

Maganda ang lokasyon ng Hotel Del Rio. Via Esplanade, maaari nang lakarin ang Riverside Boardwalk kung nasaan ang paborito naming restawran, ang Punot. Mabuti at napa-reserve nang maaga ng mga kaibigan namin ang mesa sa terrace sa ikalawang palapag kung kayâ habang kumakain, natatanaw ko ang aming hotel sa kabilang pampang ng Iloilo Esplanade.

Mula Boardwalk maaari nang lakarin ang Smallville at Atria. Kung mahilig kayo maglakad tulad namin ni Jay, maaari na ring lakarin ang Plazuela de Iloilo at SM City, at maging hanggang Megaworld kung nasaan ang Iloilo Museum of Contemporary Arts o ILOMOCA. Habang naglalakad kami minsan ni Jay sa area na iyon, sinabi ko sa kaniya na noong estudyante pa ako sa University of San Agustin magmulang 1991 hanggang 1994, mga palaisdaan at asinan pa ang lugar na iyon. Ang Megaworld ang runway ng lumang Iloilo Airport na bahagi ng distrito ng Mandurriao. Kapag sumasakay ka sa nagta-taxi na eroplano, mga asinan ang makikita mo. Ngayon, puno na ng matataas at magagandang gusali ang nasabing lugar.

Ang pinakamaganda sa lahat sa lokasyon ng Hotel Del Rio, maaaring lakarin ang bahay ni Leoncio P. Deriada, ang aking Tito Leo. Kapag maglakad kami papunta roon, sa Esplanade kami dumadaan. Maraming bulaklak at mga halaman na madadaanan, at may ilang lumang mansiyon pa na maaaring silipin tulad ng mansiyon ng pamilyang Pison. Mga dalawampung minutong leisurely walk mararating na ang bahay ni Tito Leo sa San Jose, Molo sa likod ng Iloilo Supermart. Pero nitong huling pagbisita nga namin, nakakatamad na magpabukas ng geyt sa likod dahil umuulan kayâ sa highway na kami dumadaan. Madadaanan pa namin ang Molo Church, Molo Plaza, at ang sikat sa mga turista ngayon na Molo Mansiyon. Dalawang gabi rin kaming nakikain doon kina Dulce Deriada, na halos magkapatid na ang turingan namin lalo na ngayong wala na si Tito Leo.

Sa huling umaga namin doon sa Hotel Del Rio, sinadya naming tanghali nang bumaba para sa buffet breakfast. Alas-otso y medya kami kumain hanggang alas-diyes. Ilang beses binanggit ni Jay na nanghihinayang talaga siya na hindi kami nakaligo sa swimming pool ng hotel. Binusog na lamang namin ang mga sarili para hindi na mananghalian sa airport. Siyempre, ang ginawa ko talagang panghimagas ay ang malapot na tsokolate de batirol.

Ang tsokolateng ito talaga ang sumisimbolo sa memorya ko ng Hotel Del Rio. Malapot na matamis. Malasa mula dila hanggang kaluluwa. Ito ang kananam ng lahat ng mga masasayang alaala sa hotel na ito. Hindi na siguro kalabisang sabihin pa na ang bahay ko sa Lungsod Iloilo ay ang Hotel Del Rio.

[Enero 15, 2023 / Malate, Manila]

📷 Panay Viaje

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s