Sa Puntod ni Wisława Szymborska

SUMULAT ako ng tula sa Kinaray-a sa harap ng puntod ni Wisława Szymborska sa Cmentarz Rakowicki sa Kraków, Poland. Matapos ko itong sulatin sa aking iPad mini, agad kong binasa nang malakas doon isang tanghaling-tapat na maalwan ang sikat ng araw at malamig ang ihip ng hangin. Walang naman kasing katao-tao sa bahaging iyon ng sementeryo. Ang mga bulaklak lamang ng begonya at ng mga milflores ang nakikinig kayâ keri na. Hindi na ako nahiya.

Bakit sa Kinaray-a? Ewan ko ba. Habang nagbabakasyon ako noong 2016 sa Europa, kapag sumulat ako ng tula, awtomatikong nasa Kinaray-a ito. Ang biro ko nga, talagang international language ang wika namin sa Antique! Pero naisip ko rin, ngayong nasa kabilang buhay na si Szymborska, siguro naman hindi na sari-sari at sanga-sanga ang mga wika roon. Tiyak akong naiintindihan na niya ang Kinaray-a.

Walking distance lang ang sementeryo mula sa Zuliani Aparthotel, isang luma ngunit eleganteng hotel na noong 1906 pa itinayo ayon sa nakalagay sa hagdanan nila. Nasa Kalye Dluga ito na malapit sa isang geyt ng Old Town ng Kraków kung nasaan ang palasyo at ang pinakalumang unibersidad sa Poland na Jagiellonian University kung saan nag-aral si Nicolaus Copernicus (nadaanan ko ang estatwa niya sa campus!) at si Szymborska. Itong Old Town ay parang Intramuros na napapalibutan din ng mga adobeng pader.

Dahil mag-isa lang ako pupunta at maglalakad lang, bigla akong natutong gumamit ng Google map. At ayon sa mapang ito, mula sa Zuliani ay 1.8 kilometro ang layo ng Cmentarz Rakowicki. Kung sasakay ako ng kotse ay aabutin lamang ng apat na minuto. Kung magbisekleta ay 11 minuto. Kung maglakad, at ito talaga ang gagawin ko, ay 23 minutos. Ang masaya pa, may detalyadong listahan ng mga dadaanang kalye na sasabihin pa sa ‘yo kung sa kanan o kaliwa ka liliko. Pero inabot ako ng mga isang oras sa paglalakad. May kasama pa kasing sight seeing. Maraming magagandang gusali akong nadaanan at pakuha-kuha pa ng mga litrato.

Nasa sentro ng Kraków ang antigong sementeryong ito na may lawak na 5.6 ektarya at binuksan ito noong 1803 pa. Ito yata ang pinakamagandang sementeryo na napuntahan ko. Literal na parkeng pasyalan ito kapag naiisip ko at naikukumpara ang mga memorial park natin dito sa Filipinas. Bukod kay Szymborska, marami pang mga makata, pintor, siyentista, at mga politikong sikat sa Poland ang nakalibing dito. Sa geyt kung saan ako pumasok, may billboard ng mga pangalan at numero ng mga puntod o seksiyon ng mga puntod ng mga sikat na nakalibing dito. Pang numero 37 si Szymborska. Nasa Polish ang nakalagay sa tabi ng pangalan niya pero gets ko naman ang ibig sabihin dahil may hawig sa Ingles: “Poetka, laureatka Literackiej Nagrody Nobla (1996) – kwatera Gd-10-10.” Hindi ko alam basahin ang mapa nila. Pero hahanapin ko, sabi ko sa aking sarili gayung hindi ko makita ang mga hangganan ng sementeryo.

Bago pumasok ng tarangkahan, bumili muna ako ng bulaklak para kay Szymborska sa isang tindahan ng mga bulaklak doon. Isang pumpong ng mga puti at lilang bulaklak ang binili ko. Nang mag-iisang oras na akong paikot-ikot sa sementeryo at hindi ko pa rin nakikita ang puntod ni Szymborska, nag-aalala na ako na baka malanta na ang dala kong bulaklak ay hindi ko pa rin siya mahanap. Kayâ naghanap na ako ng mapagtatanungan.

May nadaanan akong dalawang lalaki na gumagawa ng nitso. Ang pogi at sexy nila! Ang mind bubble ko—sa kanilang ko na lang kaya ibigay ang mga bulaklak kong dala? Char lang. Lumapit na ako at nagpakilala bilang isang bisita mula sa Filipinas at hinahanap ang puntod ni Wislawa Szymborska. Sa Ingles ako nagsalita at halatang hindi sila marunong mag-Ingles base sa ekspresyon ng mukha nila. Pero nang marinig nila ang pangalan ni Szymborska, lumiwanag ang guwapo nilang mukha at halos sabay silang nagsabi ng, “Poetka!” Nabuhayan ako ng loob! Kilala nila si Szymborska. May sinasabi sila pero hindi ko maintindihan. Ang isa, umalis. May taong sinundo sa unahan. Pagbalik niya, may kasama din siyang cute na parang batang version ni St. Pope John Paul II na alam kong isang Polish. Nasa sementeryo ngang ito nakalibing ang kaniyang mga kamag-anak ayon sa isang brochure na nabasa ko. Bilog na guwapo at sexy ang mukha. Ngumingiti ito sa akin at nang makalapit ay nagsalita sa Ingles! “How may I help you, Sir?” sabi niya. Sinabi kong kanina ko pa hinahanap ang puntod ni Szymborska. “No problem, I will bring you there. Please follow me,” sabi niya. Nag-thank you na may kasamang bow ako sa dalawang poging construction worker na nagpatuloy sa kanilang paghuhukay nang umalis kami.

Sa unahan, may nakaparadang puting golf cart. Sumakay dito ang lalaking batang St. Pope John Paul II. Pag-upo niya sa harap ng manibela pinagpag niya ang upuan sa tabi niya at sinabihan ako ng, “Sit here.” Parang gusto ko na siyang sabihan ng, “Oh forget about Wislawa Szymborska. You may bring me anywhere you like.” Siyempre, palihim kong tinadyakan ang sarili ko sabay sabi ng, “Mahiya ka naman konti. Kamukha siya ng Santo Papa at nandito ka sa sementeryo. Bawasan ang pagiging malandi!”

Naloka ako kasi malayo pala ang hinahanapan ko. Nasa kabilang bahagi ang puntod na hinahanap ko. Mga limang minuto rin siguro ang takbo ng golf cart. Ibinaba niya ako sa harap ng puntod ni Szymborska. Matapos kong magpasalamat at agad naman siyang umalis. Bago niya pinaharurot ang golf cart sinabihan niya ako ng, “Enjoy the grave!” At naiwan akong mag-isa. Literal na mag-isa dahil walang tao sa bahaging iyon ng sementeryo.

Payak ang puntod ni Szymborska. Dilaw ito na marmol at may dalawang granite na lapidang itim. Ang isa sa mga magulang niya. Sa lapida niya ang tanging nakalagay ay, “Wisława Szymborska: 1923-2012.” Walang krus ang kaniyang puntod. Siguro dahil komunista siya. Mas maraming puntod kasi ang may mga krus, at estatwa ni Mother Mary at mga kerubin dahil Katoliko ang Kraków. May dalawang masetera na may halamang hitik sa mga pula at puting bulaklak. May isa ring preskang tangkay ng puting Malaysiam mums. Mukhang may nauna sa aking bumisita nang araw na iyon.

Inilapag ko sa puntod niya ang dala kong bulaklak at nagdasal. Pagkatapos naupo ako sa katabing nitso at ninamnam ang kagandahan at katahimikan ng luntian at makulay paligid. May binalaybay na gustong kumawala sa aking puso’t isipan. Muli kong binuksan ang iPad mini ko na ilang saglit pa lamang ang nakalilipas ay ginamit kong mag-selfie kasama ang puntod ng hinahangaang makata. At heto ang bersiyon ko sa Filipino ng tulang Kinaray-a na nasulat ko. Una itong nalathala sa libro kong Sommarblommor: Poems written in Europe na inilathala ng University of Santo Tomas Publishing House noong 2019.

Sinulat sa Harap ng Puntod
ni Wisława Szymborska

Nakarating din ang isang bigkis
ng mga bulaklak na puti at lila
na preska at nakangiti pa.
Binili ko ito kanina dyan sa geyt.
Malawak pa itong Cmentarz Rakowicki.
May mapanna malaki at nakalagay na
numero 37 ang iyong nitsi. Piniktyuran
ko pa ito ng iPad ko. Pero isang oras na
akong paikot-ikot di ko pa rin ikaw
mahanap. Mabuti na lang may binatang
bersiyon ni Santo Juan Paulo II ang
ngumit
sa akin at dinala ako rito sa ‘yo. Abaw!
napakalayo pala ng hinahanapan ko.
Ang mapa, sani mo nga sa isang tula,
di talaha mapagkakatiwalaan dahil di
nagsasabi
ng totoo. Pero nandito na ako sa marmol
mong
nitso. Namumulaklak ang pula at puti
na begonya. May pangalan mo sa lapida.
Pero sa kasingkasing ko, buhay gid ikaw
Wisława Szymborska!

Binasa ko roon nang malakas ang orihinal na Kinaray-a ng tulang ito. Naniniwala akong narinig iyon ni Szymborska. At kung hindi man, masaya pa rin ako na sa simple kong paraan naparangalan ko siya.

Bago ako umalis doon, nakasulat ako ng isa pang tula. At isang linggo matapos noon, nakasulat uli ako ng isa pa tungkol sa pagbisita kong iyon sa Cmentarz Rakowicki. Mahigit isang oras pa kasi akong namasyal sa sementeryo matapos kong lisanin ang puntod ni Szymborska. May nadaanan akong isang lalaking naka-Americanang itim na tumutugtog ng saxophone sa harap ng isang puntod. Kahit may silencer ito, dinig na dinig ko pa rin sa di-kalayuan. Mag-isa lang siya at ang lungkot-lungkot ang tinutugtog niya. Siguro wala pa siyang tatlumpong taong gulang. Tall, white, and handsome! Pa-discreet akong lumapit, mga tatlong nitso ang layo. Nahihiya akong lumapit talaga dahil baka makaistorbo ako.

Naisip ko, ano kayâ ang relasyon niya sa namatay? Magulang kayâ o kapatid? Kung straight siya, baka asawa na namatay sa sakit o sakuna, o baka anak? Kung hindi naman straight, baka mangingibig na namatay sa sakuna o AIDS o kanser? Naisip ko rin, baka guro niya sa musika? Tagos haggang kaluluwa ko ang kaniyang lumbay.

Habang tinitingnan ko ang mga eskultura doon at ang marikit na arkitektura ng mga musoleo, kapansin-pansin ang namumulaklak na mga lila at puting milflores sa sementeryo. Naalala ko si Tita Neneng na may ilang buwan pa lang namatay. Dapat kasama ko siya sa biyaheng ito sa Europa. Isa sa mga paborito niyang bulaklak ang milflores na tinatawag niyang “million flowers.”          

Nang hapong iyon ng tag-araw 2016 sa Europa, ang gaan-gaan ng aking pakiramdam. Ramdam na ramdam ko na buháy na buháy ako sa gitna ng isang sementeryo!

[Marso 4, 2023 / Malate, Maynila]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s