Number. As in. Simula kasi sa linggong ito, sa De La Salle University-Manila na muli ako magtuturo. Muli dahil pangatlong balik ko na ito sa La Salle. Actually parang pag-uwi sa La Salle ito para sa akin. Magmula kasi nang mag-aral ako sa La Salle ng Master of Fine Arts in Creative Writing noong Hunyo 1995, naging literary home ko na ang unibersidad na ito sa Taft Avenue. At noong Enero 1997, nagturo ako sa Departamento ng Literatura. Dalawampu’t apat na taong gulang pa lamang ako noon at hanggang ngayon naaalala ko pa kung gaano ako ka basa ng pawis sa unang araw ng pagharap ko sa mga estudyante kahit na malamig na malamig ang ercon na klasrum.
Matapos noon, naging peryodista ako sa Palawan. Noong 2000, bumalik muli ako sa La Salle at naging managing editor sa DLSU Press. Pagkatapos noong 2001, umuwi ako ng Lungsod Iloilo at nagturo sa University of San Agustin. Noong 2008, may hindi magandang nangyari sa akin sa San Agustin. Nag-full time writer muna ako sa baryo namin sa Antique ng isang taon. Ibig sabihin, naging palamunin sa bahay ng mga magulang. At noong Hunyo 2009, nagturo ako sa Miriam College sa Katipunan Avenue sa Lungsod Quezon at nagturo ng part-time sa La Salle sa loob ng isang trimester. At nitong 2016, may hindi uli magandang nangyari (at understatement ito) sa akin sa Miriam kung kaya simula noong Hunyo ay wala uli akong trabaho.
Dahil sosyal ako, nagbakasyon muna ako Europa magmula ng huling linggo ng Hunyo hanggang sa unang linggo ng Agosto. Ganiyan talaga kapag sosyal ka dito sa Filipinas, pumupunta ka ng Europa o America kapag nade-depress ka o may problema. Lalo na kapag corrupt politician ka o yumaman kayo dahil sa mga negosyo ninyong underpaid at endo ang mga empleado, o kaya’y artista kang nabuntis o nakabuntis. Sabi ko nga sa mga kaibigan kong nangangamusta sa akin matapos nilang mabalitaan sa Facebook na nawalan ako ng trabaho, “Oh, I have to go to Europe to recover.” Char na malaki! Press release. Dahil ang totoo, hindi kakayanin ng kapiranggot na hininga ng nakuha kong separation pay ang pagbakasyon sa Europa sa loob ng isang buwan at kalahati. Salamat sa aking kapatid na si Mimi, sa aking brother in law na si Jonas, at sa aking maganda at madaldal na pamangkin na si Juliet. Nagkaroon ako ng writing cabin sa Lenhovda sa Sweden. Isa itong log cabin na napapalibutan ng mga bulaklak at sa unahan ay may lawa na maaaring paliguan (kung kaya mong maligo sa tubig na parang galing sa ref tulad ni Juliet) at jogging path sa gitna ng gubat ng pino na may blueberries sa tabi-tabi.
Kagaya ng isang prodigal daughter, maluwag akong tinanggap ng Departamento ng Literatura nang muli akong mag-apply sa kanila. Kumakain ako ng isang malaking mangkok (kasi depress-depressan nga) ng preskang-preskang strawberry at raspberry nang makuha ko ang balita sa Facebook na tanggap na ako sa La Salle. Oo, sa panahon ngayon, ang mga importanteng balita ay malalaman lamang sa Facebook. At oo uli, gusto ko lang magyabang nang kaunti, may mga raspberry sa likod ng writing cabin ko sa Sweden.
Henewey, balik na ako rito sa madugo subalit magandang Metro Manila. Masaya ako dahil may bagong trabaho na at sa La Salle pa. Nag-attend ako sa Orientation for the New Faculty noong Biyernes sa isang kristal na silid sa gitna ng hardin sa tuktok ng Henry Sy Hall. Habang nakikinig sa mga nagsasalita, di ko maiwasang tumitig sa mga namumulaklak na lilang pandanggera sa labas. Naisip ko siyempre ang aking Sirenahus, ang pangalan ng aking writing cabin, sa Lenhovda kahit na wala naman talagang pandanggera doon.
Pagkatapos ng isang araw na orientation, medyo disoriented ako sa dami ng mga bagong impormasyon. May isang kasama akong propesor na galing sa UP Diliman. Sabi niya, lumipat daw siya na La Salle dahil may nagsabi sa kaniya na, “The grass is a lot greener in DLSU.” At hindi ang Green Archer ang tinutukoy niya o ang mga punongkahoy sa Diliman. At nang malaman nga namin kung gaano ka-green, nahilo ako. Lalo na sa larangan ng pananaliksik.
Siyempre nagsalita rin ang isang taga-Accounting Office. May form na ibinigay. Maraming impormasyon ang kailangan bukod sa bagong 2×2 picture na dahil pakiramdam ko pumapayat na ako ay excited na akong magpa-picture uli. Kailangang isumite ang mga sumusunod: SSS number, Philhealth number, TIN, at PAG-IBIG number. Naloka ako. Ang SSS ID ko lamang ang nasa pitaka ko. Dahil nga jobless ako nang magbiyahe pa-Europa, itong ID lang ang dala-dala ko bukod sa aking pasaporte. Sabi ng taga-Accounting, hindi mapo-proseso ang aming unang suweldo kung hindi namin masusumite ang mga numerong ito. Mas maigi raw kung samahan namin xerox copy ng mga naturang ID.
Kay layo pa pala ng green grass na sinasabi nila. At kung ilang buwan ka nang walang trabaho at nakapag-shopping ka pa ng mga libro at ref magnet sa limang bansa sa Europa, kailangang-kailangan mo na talagang magharab ng lungtiang damo!
Kaya nandito ako sa Pasig ngayon. Kahapon pa ako nanghahalukay dito sa aking kuwarto. Salamat sa Diyos at nahanap ko ang aking Philhealth ID. Di ko maalala kung may TIN ID ako. Parang meron na parang wala. Buti na lang nakita ko ang kopya ng aking BIR 2316 form. Ito na lang ang isusumite ko. Ang malaking problema ko ngayon, di ko mahanap ang aking PAG-IBIG ID. Ang nahanap ko lang ay ang liham mula sa PAG-IBIG Cubao noong nakaraang taon na nagsasabing maaari akong mag-loan ng PhP12,000. Wala namang PAG-IBIG number ko na nakalagay. Ang tiyak lang, mayroon akong PAG-IBIG account. Ito na lamang ang ibibigay ko sa Accounting Office sa Martes.
Sasabihin ko na lamang sa kanila na hindi ko alam ang aking PAG-IBIG number. Ang alam ko lang ay ang numero ng aking mga sawing pag-ibig. And come to think of it, sa La Salle pala ako unang umibig nang bongga noong 1996. Sasabihin ko sa Accounting, “Miss, hindi ko po alam ang aking PAG-IBIG number. Hindi ko rin po alam kung paano pa ang umibig muli.” Sa mga pagkakataong ganito, wala ka naman talagang magagawa pa kundi ang humugot.
(11 Setyembre 2016 / Rosario, Pasig)