Na-Great Wall sa La Salle

KAYA masarap  magturo kasi natututo ka rin sa iyong mga estudyante. Lalo na kung dalawang dekada na ang tanda mo sa kanila. Marami na silang alam na hindi mo alam. Kaya siguro ang magaling kong mga guro ay kahit nagretiro na nagtuturo pa rin. Saan ka ba naman makakakita ng trabaho na kumikita ka na natututo ka pa at tawa ka pa nang tawa.

Noong nakaraang linggo, tinalakay namin ang ilang tula ni Cirilo F. Bautista sa klase ko sa creative writing. Kasama sa tinalakay namin ang tulang “Ang Pusang Itim” na mula sa librong Sugat ng Salita na paborito kong libro ni Papa (ang tawag namin ng mga kaibigan ko sa aming literary father na si Bautista).

May grupo ng limang estudyanteng babae na inatasan kong basahin sa paraang dramatiko ang tula at pangunahan ang pagtalakay rito magmula sa mga simpleng tanong na sino ang nagsasalita sa tula, sino ang kaniyang kinakausap, ano ang kaniyang sinasabi tungkol sa buhay, at kung paano niya ito sinabi.

Madali lang namang intindihin ang tulang ito. Ang persona ay isang taong bigo sa pag-ibig. Kababasted lang sa kaniya ng nililigawan niya at umuwi siya ng bahay na mag-isa at luhaan. Ang nag-iisang pirasong isda na sana’y pagkain niya ay tinangay pa ng isang pusang itim. Sa inis, pinatay niya ang pusa at itinapon sa putikang estero. Kay ganda ng linyang, “Ang pusa sa aking durungawan ay / payat at itim gaya / ng iyong pag-ibig / sa akin.”

Napunta siyempre ang usapan sa pag-ibig. Nagtanong ako kung sino sa kanila ang nakaranas na ng pag-ibig at kabiguan at kung talaga bang parang “pusang itim” ito. Gusto ko kasing mapag-usapan namin kung ano ang halaga at function ng imahen ng pusang itim sa nilalaman ng tula.

May isang babaeng estudyante na nagtaas ng kamay at madamdaming nagsalita na, “Oo, Sir ako. Ang sakit-sakit maloko sa pag-ibig!” Nagtawanan ang buong klase. “Wow, hugot agad?” sabi ko sabay dagdag ng, “Sa ganda mong iyan niloloko ka pa?”

“Ay, Sir, broken hearted pa ‘yan ngayon. Fresh na fresh,” sabi ng isang katabi niyang babae. Siguro BFF niya. Nagtawanan muli ang buong klase.

“Well, masakit talaga ang mabigo sa pag-ibig. Pero masarap din naman ang umibig. Maniwala kayo sa akin, magpo-43 na ako sa November,” sabi ko.

“Talaga, Sir? Nai-in love din kayo? May love life ba kayo ngayon?” tanong ng isang estudyante kong guwapo na matangkad at kamukha ng isang artista sa ABS-CBN.

“Oo naman. Akala mo sa akin bato ang puso? Hay naku, hindi kasama sa silabus ang lovelife ko,” sagot ko.

“Sir, ang hirap kasi na paaasahin ka sa wala,” sabi nung may fresh broken heart.

“Ay, Girls, alam ninyo sa experience ko ‘yang mga lalaki mga paasa talaga ‘yan,” pabiro kong sabi.

Sabay-sabay na nagprotesta ang mga lalaki sa loob ng klasrum. Tumatango-tango namang nakangiti ang mga babae.

“Oo, Sir. Mahilig silang mang-Great Wall,” mabilis na sagot ni broken hearted. Dumagundong ang tawanan ng lahat.

Medyo di ko na-gets ang kaniyang sinabi. “Anong Great Wall?”

“Sir, di ba maraming Intsik dito sa La Salle. Ang mga ‘yan liligawan ka, tapos mai-in love ka naman. ‘Pag in love ka na, iiwan ka na nila. Di ka na papansinin. Na-Great Wall ka na,” paliwanag ng isang estudyanteng babae.

Ako naman ngayon ang tumawa nang napakalakas at natahimik sila. “Oh my God!” sabi ko, “naganiyan ako dito sa La Salle 20 years ago!”

Tumatawa pa ang mga estudyante ko nang maalala kong may isang estudyante pala akong guwapong Intsik. “Teka,” sabi ko, “hindi ba racist naman yang label ninyo na ‘Great Wall’?” Hinarap ko yung guwapong Intsik at tinanong na, “Do you think racist yung sinasabi nilang ‘Great Wall’? Puwede kang umalma kung na-offend ka.”

Mahiyain lang siyang tumawa at naging isang guhit na lamang ang kaniyang cute na mga mata. “I don’t know, Sir,” sabi niyang umiiling na tumatawa pa rin.

Habang nasa elevator ako pababa, iniisip ko ang “Great Wall.” Naisip ko, nagsinungaling ako sa aking mga estudyante. Hindi naman talaga ako na-Great Wall noon. Hindi naman siya Intsik. Tunog Kastila naman ang kaniyang apelyido. Pero totoo ang sinabi kong nangyari iyon dito sa La Salle.

“Move on na, Kataw. Matagal na iyon utang na loob,” sabi ko sa aking sarili nang magbukas ang pinto ng elevator.

[2 Oktubre 2016
Rosario, Pasig]

One thought on “Na-Great Wall sa La Salle

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s