NAGING modereytor ako kanina ng talakayan namin dito sa De La Salle University hinggil sa halaga ng humanidades sa mga unibersidad. Marami ang naniniwala na nasa krisis ngayon ang humanidades.
Ang talakayang ito ay ang una sa seryeng Berde-han: Huntahan sa CLA na napagkasunduang organisahin ng mga departamento sa ilalim ng College of Liberal Arts. Buwanang talakayan ito ng mga napapanahong isyu at ngayong Oktubre kami sa Departamento ng Literatura ang nakatokang manguna. Ang klase ko sa Literature of the Visayas ang naatasang dumalo sa pagtitipon.
Ang mga naimbitahang magsalita ay sina Dr. Jeremy De Chavez ng Departamento ng Literatura, Prop. Naty Manawat ng Departamento ng Pilosopiya, at Dr. David San Juan ng Departamento ng Filipino. Kalaunan ay aktibo na ring nakisali sa talakayan si Dr. Cheryll Soriano na siyang tagapangulo ng Departameto ng Komunikasyon. Bukod sa mga estudyante ko, naroon din ang mga opisyal at kasapi ng Kultura, ang samahan ng mga estudyanteng undergrad na nagpapakadalubhasa sa literatura. Kapag ganito ang lupon ng mga magsasalita, malaki ang “panganib” na magiging nakaka-nosebleed ang usapan. Pero hindi ito ang nangyari. Naging masaya ang talakayan na puno ng tawanan kahit na mabigat ang paksang pinag-uusapan. Binigyan ng labinlimang minuto ang bawat tagapagsalita upang ilatag ang kanilang mga idea hinggil sa paksa.
Ayon kay Dr. De Chavez may panganib na magkaroon ng kompetisyon sa pagitan ng mga departamento ng humanidades dahil sa krisis na ito upang igiit kung anong departamento ba talaga ang mananatiling mahalaga sa panahon ng paghina ng humanidades sa unibersidad. Halimbawa kahit sa dami lamang ng mga kurso sa humanidades na ituturo. Ang mungkahi niya, dapat magkaroon ng “single utterance” ng mga halagahan ang mga departamento sa pagsulong halimbawa ng pagtuturo ng kritikal na pag-iisip o pagpapalawak ng kaalaman sa ating pagiging tao. Dapat ipaunawa sa mga magulang, estudyante, at mga administrador ng unibersidad ang praktikal na halaga ng huminadades.
Masyado raw pragmatic ang ganitong pananaw sabi ni Prop. Manawat. Sa kanila raw kasi sa Pilosopiya, “our heads are always high up there in the air” na umani ng tawanan sa mga nakikinig. May binanggit siyang isang departamento ng pilosopiya ng isang kolehiyo na isinara at nawalan ng trabaho ang mga propesor. Maaaring ang tinutukoy niya ay ang epekto ng pagbabago sa sistemang edukasyon tulad ng K to 12 at sa pagrebisa sa general education curriculum sa tersiyarya na sanhi ng pagiging kaunti ng mga GE na kurso. Ang humanidades ang unang tinamaan nito. Mahalaga umano ang humanidades dahil dito piang-aaralan ang pagpapakatao. Sinabi niya na hindi sapat ang matutuhan lamang ang mga teorya sa pilosopiya kundi pag-aralan dito kung paano magamit ang kaalaman sa pagbago ng daigdig tungo sa isang lipunang makatarungan at makatao. Kailangan daw makisangkot sa pagtataguyod ng social justice dahil ito lamang ang laban natin sa “dystopia” na isang realidad.
Ayon naman kay Dr. San Juan, ang humanidades kasama ng agham panlipunan ang magliligtas sa mundo. Hindi lamang daw sa Filipinas nanganganib ang humanidades kundi sa buong mundo na rin. Binanggit din niya ang malungkot na epekto ng K to 12 na maraming guro ng humanidades ang nawalan ng trabaho. Pati ang pagtuturo ng wikang Filipino ay nanganib na mawala at salamat na lamang sa TRO na ipinalabas ng Korte Suprema bunsod ng isinampang reklamo ng grupong Tanggol Wika na kinabibilangan niya. Dahil modereytor ako, pinigilan ko ang aking sarili na sumabat at sabihing ako ang Eksibit A ng guro ng Filipino na natanggal sa trabaho.
Maganda ang panukala ni Dr. San Juan. Mahalaga ang humanidades dahil dito natin matutuhan kung paano magkuwento dahil ito ang kailangan. Halimbawa pagdating sa pagbabago ng klima. Marami ang walang pakialam hinggil dito dahil wala naman, o kakaunti lamang, ang mga kuwento tungkol sa permanenteng epekto nito sa buhay ng mga tao. May binanggit din siyang mga brand ng damit na tinatangkilik ng marami (lalo na siguro ng mga estudyante at guro ng La Salle) dahil hindi naman nasusulat ang kuwento ng mga aping manggagawa sa Bangladesh at iba pang mahihirap na bansa na gumagawa ng mga damit na ito.
Pagkatapos magsalita ng tatlo, naging masaya ang palitan ng mga kurokuro. Napunta ang usapan hinggil sa social media lalo na sa panahon ngayon na marami ang nagmumurahan sa Facebook at Twitter dahil sa sitwasyong politikal ng bansa ngayon. Kapansin-pansin din na tila marami ang hindi nag-iisip na mga netizen. Marami ring mga maling impormasyon sa Internet.
Nagsalita si Dr. Soriano hinggil dito. Aniya sa kanila sa Komunikasyon, pinag-uusapan nila sa kanilang mga klase ang “essence of social media.” Bakit ba naririyan ang social media? Para saan ba ito? Paano ba ito gagamitin? Ano etiketa ba mayroon ang social media? Kailangan daw ng interrogation hinggil sa gamit at halaga ng social media na maaaring humanting sa responsableng paggamit nito.
Nagkasundo naman ang lahat na mahalaga ang social media kahit na ayon kay Dr. De Chavez ay binago nito ang sistema at istuktura ng pag-iisip natin. Halimbawa, apektado na raw ang kakayahan nating magmemorya dahil nandiyan naman ang kompiyuter na nagsisilbi nating memorya. Kung may gusto kang maalala, i-Google mo lang. Pero sabi naman ni Prop. Manawat, naging malaki at maganda rin naman ang papel ng social media sa Arab Spring at pati na rin sa Yellow Protest sa Hong Kong.
Bilang paglalagom, sinabi ko ang natutuhan ko sa isang oras at kalahati naming talakayan. Ganito ang halaga ng humanidades kahit na sasabihin pang nasa krisis ito ngayon: sa humanidades natin matutuhan ang pagkuwento ng mga karanasan at nararanasan nating mga tao. Sa humanidades natin matutuhan ang kritikal na pag-iisip na magigiya sa atin sa katotohanan at katarungan upang maging makatotohanan at makatarungan ang mga kuwento natin. At upang mapalaganap ang ating mga kuwento, magandang maging kasangkapan ang Internet. Sa ginitong paraan, maisusulong natin ang pagkakatao at pagiging tao na siyang esensiya ng humanidades.
[5 Oktubre 2016
De La Salle University]