NASA pangalawang taon na ngayon ang “Proyektong Manunggul Jar” ng De La Salle University. Isa itong programa ng pagtuturo ng wika at kultura sa mga batang Filipino na ipinanganak o lumaki sa Italya dahil nandoon nagtatrabaho ang kanilang mga magulang. Isa itong proyektong naisasakatuparan sa pagtutulungan ng Departamento ng Filipino ng La Salle at ng Filipino Community sa Venezia, Italya.
Ito ang naging paksa ng Panayam Propesoryal Remedios Bosch Jimenez Chair in Music Studies noong Biyernes, Oktubre 7, ni Dr. Ernesto V. Carandang II, sa Faculty Center na pinamagatang “Ang Paglalayag ng/sa Manunggul Jar: Isang Case Study ng Proyektong Pangkomunidad ng Departamento ng Filipino, Pamantasang De La Salle.” Si Nonon (Ang tawag ko kay Dr. Carandang) ay siyang tagapangulo ng Departamento ng Filipino at tagapamahala ng proyektong ito. Nitong Agosto ay kasama niya sina Dr. Rowell Madula, Prop. Lilibeth Oblena-Quiore at Prop. Efren Domingo na nagturo sa Venezia. Pagbabahagi ng kanilang karanasan ang panayam na ito.
May limang layunin ang programa: 1. Maipakilala ang kulturang Filipino sa mga kabataan sa Italya; 2. Mabigyan sila ng kasanayan sa paggamit ng wikang Filipino; 3. Magkaroon ng pagkakaisa, mapanatili ang identidad, at ipagmalaki ang pagiging Filipino; 4. Magkaroon ng interes upang makabalik sa Filipinas at kilalanin ang kulturang Filipino; at 5. Mabigyan sila ng mga pagpapahalagang Lasalyano bilang bahagi ng isang Filipinong mag-anak at komunidad.
Sa unang tingin masyadong ambisyoso ang limang layunin na ito kung iisipin na may tatlong linggo lamang ang mga gurong Lasalista na isagawa ito. Subalit sa pangalawang tingin ay makikitang magkakarugtong naman talaga ang hininga ng mga layuning ito. Maaari itong ibuod sa: Maipakilala ang pagka-Filipino sa mga batang Pinoy sa Italya.
Gaya ng iba pang mga batang Pinoy na ipinanganak o lumaki sa labas ng bansa, nakakalimutan na o hindi na talaga alam ng mga batang ito ang kulturang Filipino–kasama na rito ang mga tradisyonal na kaugalian at wika. Mayroong humigit-kumulang sa 150,000 mga Filipino ang naninirahan sa Italya, ligal man iligal. Sabi nga ni Nonon, Italyano na talaga ang wika ng mga ito at kung may alam mang wikang katutubo ay ang mga wika ng kanilang magulang tulad ng Bisaya at Ilokano. Hindi na raw alam ng mga ito ang Filipino. Naisip ko naman, mas mapalad pa rin ang may alam na wikang Bisaya at iba pang wikang katutubo. Bahagi naman ng wikang Filipino ang mga rehiyonal na wikang ito.
Naalala ko tuloy si Juliet. Unti-unti na niyang nakakalimutan ang Filipino. Natutuhan lang kasi niya ito sa mga teleserye at pelikula. Sa Antique kasi siya unang natutong magsalita at matatas ang kaniyang Kinaray-a. Kahit na lumipat na siya sa akin sa Pasig, Kinaray-a pa rin naman ang salita namin sa bahay. Bago siyang umalis pa-Sweden noong Enero 2014, tatlong wika ang alam niya: Kinaray-a, Filipino, at Ingles. Itong dalawang huling wika ay sa telebisyon niya lamang natutuhan.
Mabilis siyang natuto ng Svenska nang makarating siya ng Sweden. Wala pang anim na buwan ay matatas na siya. Noong Hunyo nga pagdating ko roon, napansin kong madaldal na siyang mag-Svenska at madalas pa niyang winawasto ang pagbigkas at gramar ng nanay niya, si Mimi, ang kapatid ko. Sabi ng brother in law kong si Jonas, mas magaling pa raw si Juliet mag-Svenska kaysa kaniya. May tendency raw kasi siyang gumamit ng diyalekto samantalang ang Svenska raw ni Juliet ay “standard” at “pang-university.” “Flawless” daw ang grammar at pronunciation ni Juliet.
Mabuti na lang kapag sila ni Mimi ang nag-uusap ay nagki-Kinaray-a sila. Gayundin kapag kami ni Sunshine ang kausap niya sa Facetime kada Sabado at Linggo. Nag-i-Ingles naman sila ni Jonas. Kaya matatas pa ring mag-Kinaray-a si Juliet at magaling din mag-Ingles. Ang nakakalimutan niya ngayon ay ang Filipino na Tagalog-based. Hindi na niya masyadong naiintindihan kung diretsong mag-Filipino ang kausap. Palibhasa ang dalawang Pinay na kaibigan ni Mimi sa Sweden na palaging nakakausap ni Juliet ay isang Sebwana at isang taga-Bacolod. Mga Bisaya rin.
Kuwento ni Nonon, mukhang uhaw daw ang maraming bata sa pag-aaral ng wika at kulturang Filipino. Noong 2015, 35 na bata lamang ang sumali sa programa. Ngayong 2016, naging 86 ito! Sa simbahang Katoliko idinaraos ang mga klase. Noong 2015 sa oratorio ng simbahan ng Fava ito ginanap. Ngayong taon naman, inilipat ito sa simbahan ng Santa Elena. Mas malaki ang venyu na ito. Ipinakita pa sa akin si Lilibeth ang larawan ng kabaong ni Reyna Elena (Oo, yung nasa Santa Cruzan) na nadoon sa simbahan. Masaya ang mga pari sa mga simbahang ito dahil nagagamit ang mga pasilidad ng simbahan. Nanganganib na kasing maisara ang mga simbahan sa Italya dahil kakaunti na lamang ang mga nagsisimba.
Maraming kaaya-ayang estratehiya silang ginagamit sa pagtuturo katulad ng mga laro, pagkanta, at paglikha ng sining tulad ng pagpipinta. Naiimadyin ko ang saya at gulo sa klasrum. Dito magaling si Lilibeth na naging kasama kong guro sa Miriam College noon. Si Lilibeth ang paboritong guro ng mga estudyanteng Koreana sa kolehiyo at ng mga bata sa Language Center.
Maganda ng ibinigay na reaksiyon ni Dr. Dolores Taylan sa panayam na iyon ni Nonon. Ibinahagi niya na may dalawa pang naunang mga proyekto ang La Salle sa Manunggul Jar sa pagtuturo ng wika at kulturang Filipino sa mga Pinoy sa labas ng bansa. Ginawa na rin ito sa mga Pinoy na estudyante sa kolehiyo sa Hawaii sa Estados Unidos at sa Singapore. Yung mga taga-Singapore daw ay pinapunta pa rito sa Filipinas upang maging ganap ang kanilang exposure.
Ipinaliwanag din ni Lhai (ang tawag ko kay Dr. Taylan) ang halaga ng simbolismo ng Manunggul. Ito ang banga na natagpuan sa mga kuwebang Tabon sa Palawan na naglalaman ng buto ng mga sinaunang Filipino. Naging simbolo ito ng Pambansang Museo. Ang takip nito ay may disenyo ng isang bangka na may dalawang nakaupong sakay. Ang nasa hulihan ay tagasagwan. Ang pasahero sa unahan ay isang kaluluwa na itinatawid sa kabilang buhay, ang buhay na walang hanggan.
Ang pagkatao umano ng mga batang Pinoy sa Italya ay isinasakay sa bangkang mag-uuwi sa kanila sa sariling wika at kultura, sa kanilang identidad bilang Filipino kahit na matagal na silang nawalay sa bansang Filipinas. Isang paghihiwalay na hindi nila pinili kung kaya di dapat silang pinababayaan.
Naisip kong muli si Juliet. Naalala ko ang paliligo namin sa malamig na tubig ng Lake Lenhovda. Balang araw, gusto ko ring gawin itong Proyektong Manunggul Jar sa Sweden.
[9 Oktubre 2016 Sabado
De La Salle University]