Ang Salita ng Diyos Ayon kay Duterte

NGAYONG direkta nang kinausap ng diyos si Presidente Duterte, kailangan ko na talagang maniwala nang lubusan sa kaniya at kumapit sa kung ano man ang sasabihin niya. Ibinoto siya ng mahigit 16 milyong Filipino at dahil mahigit-kumulang sa 20% ito ng populasyon ng Filipinas at may 90+ na trust rating, hindi ko na maaaring pagdududahan ang kaniyang mga salita: VOX POPULI VOX DIE! Darna difuta esprekitik amen!

May direktang komunikasyon si Duterte sa langit. Ito ang banal na katotohanan. Kailangan ko nang magsamba. Kailangan kong maniwala. Ayaw kong kalabanin ang diyos.

Kayâ mga Yellowtard, humanda na kayo! Ang bagal ninyo kasing kumilos. Di ninyo agad pina-canonize si Cory. Ano pa bang hinihintay ninyo? Himala? Simula nang maluklok sa Malakanyang si Duterte, nakabibingi na ang katahimikan ni Kris Aquino. Sa tingin ko sapat na itong himala na katanggap-tanggap sa Vatican.

Nang mapanood ko sa GMA at Aljazeera ang footage ng pagkuwento ni Duterte kung paano siya kinausap ng diyos habang nasa eroplano siya galing Japan pauwi ng Davao, napaluhod ako sa aking kuwarto at napaiyak sa galak. Kinausap na ng diyos si Duterte! Isa siyang propeta! Kailangang sumama na ako sa pagsamba sa kaniya bago mahuli ang lahat at masunog ang aking kaluluwa sa impiyerno.

Mahalaga ang mensahe ng diyos. Huwag magmura. Huwag gumamit ng slang. Ngayon klaro na na ayaw ng diyos na nagmumura ang kaniyang mga nilikha. At pinagbantaan pa niya si Duterte na kung hindi sumunod, pababagsakin niya ang eroplanong sinasakyan nito.

Ganiyan ang diyos, mga kababayan ko. Ang sinuman na hindi sumunod sa kaniyang mga utos ay parurusahan. Kawawa nga naman ang mga kasama ni Duterte sa eroplano. Magiging COLLATERAL DAMAGE sila kung susuwayin niya ang diyos. Sayang naman ang mga politiko, negosyante, at mga gabinete niyang kasama. Ang kanilang pagmamahal sa Filipinas at lalo na sa mahihirap na Filipino ay mauuwi sa wala kung babagsak ang eroplanong sinasakyan nila. Huwag na nating banggitin pa ang mga piloto at estewardes na wala namang choice dahil nagtatrabaho lang naman sila at makakasama rin sa pagbagsak. May mga pamilya rin naman sila. Para din naman silang ibon na kung mamamatay ay may mga pipit na iiyak.

Maimadyin ba ninyo na makakasama sa pag-crash si Senador Allan Peter Cayetano? Sayang naman ang kaniyang TALINO at KATAPATAN sa pagsisilbi sa bayan. Mababawasan din ang mga guwapong politiko. At sino na lamang ang magiging dakilang arkanghel sa Senado na pupuksa sa nimpomanyak at demonyang si Leila De Lima kung mamamatay si Cayetano? Hahayaan ba nating magpatuloy sa pagsisinungaling itong si De5 tungkol sa extra-judicial killing at sa gawa-gawa niyang fictional work na Davao Death Squad? Hahayaan na lamang ba natin siyang gumawa ng mga kalaswaan at gumawa pa ng mga sex video sa kulungan kasama ang mga papang drug lord na kaniyang kinukotongan at inuutusang magbenta ng droga? Huwag! Dapat siyang mapigilan! Kaya kailangang sundin ang kalooban ng diyos upang manaig ang kabutihan laban sa kasamaan sa ating sawing arkipelago!

Ayon kay Duterte ang mensahe lamang ng diyos sa kaniya ay huwag na siyang magmura pero maaaring tawaging pangit on national tv ang mga taga-Human Rights Commission. Mahalagang i-underscore ang detalyeng walang binanggit ang diyos hinggil sa extra-judicial killing. Ibig sabihin, nagsisinungaling ang human rights commission at ang paring katulad ni Paring Bert. Walang EJK! Gawa-gawa lamang ito ng Demonyang De5! Siya na may sanga-sangang dila!

Iisa lang ang ibig sabihin nito, mga kababayan ko. May pahintulot ng diyos ang pagpatay sa mga adik at pusher! Kayâ dapat lamang patuloy ang mga patayan! Sa umaga, sa tanghali, sa hapon, sa gabi, sa madaling araw. Kayâ tama lamang na naliliitan si Duterte sa 7,000+ na namamatay. Dapat daw 30,000! YES! Magbunyi tayo, mga kapatid! Mauubos din ang mga adik at pusher! Maraming makadilaw ang pumupuna sa mga patayang ito! Hello! Mga engot sila. Wala naman silang suhestiyon kung paano lunasan ang pagiging drug state ng Filipinas!

Kaya hayan! May implicit na pahintulot na ang diyos! Hindi niya ipinagbabawal ito! Kayâ patayin ang mga adik at pusher! I-salvage sila! Hindi sila mga tao! Mga salot sila sa lipunan. Mga anak sila ng demonyo! Puksain silang parang germs!

Kaunting tiis na lang, mga minamahal kong kababayan. Tiyak kong naibulong na ng diyos kay Duterte kung paano ayusin ang ating bansa. Kapag may mamatay na mga adik at pusher dahil lumaban sa pulis, magbunyi tayo! Kalooban ito ng diyos.

Kapag patay na ang lahat ng mga adik at pusher, hindi na masisira ang LRT at MRT. Mawawala na rin ang trapik sa Metro Manila (at sana pati na rin sa Cebu at Iloilo, mga paborito kong lungsod). Gaganda ang ekonomiya. Wala nang magugutom. Hindi na magnanakaw ang mga politiko. Wala nang air traffic sa NAIA. Tatantanan na ng China ang ating mga isla. Gaganda na ang sistemang edukasyon na walang gurong mawawalan ng trabaho tulad ng nangyari sa akin. Lahat may trabaho. Libre na ospital at gamot kaya magsasara na ang Mercury Drug Store. Wala nang mga batang aakyat sa sinasakyan nating dyip upang pahiran ng marumi nilang basahan ang mga sapatos natin at maglalagay ng nanlilimahid na mga sobre sa ating kandungan. Ito ang kalooban ng diyos. In god’s time, brothers and sisters, EYMEN!

Ka-level na ni Duterte si St. Joan of Arc na direkta ring kinausap ng diyos. Sa wakas magkakaroon na rin ng santo ang Mindanao. Kung susundan kasi natin ang game plan ng Vatican sa pagdedeklara ng mga santo, nariyan na sina San Lorenzo Ruiz de Manila para sa Luzon at San Pedro Calungsod de Cebu para sa Visayas. Ito na ang panahon ng Mindanao! SAN RODRIGO DU30 DE DAVAO! Kaluy-an nimo kami!

Ngunit napapaisip ako. Bakit kaya si Duterte lamang ang kinakausap ng diyos? Bakit si Pope Francis walang ganitong kinukuwento? Akala ko ba ang Santo Papa ang prinsipe ng langit sa lupa? Naisip ko tuloy, baka pekeng Papa si Pope Francis? Isang impostor sa Vatican? O baka hindi talaga tunay na relihiyon ang Simbahang Katolika? Kayâ buti nga, minura siya ni Duterte!

Kaya may suhestiyon ako. Panahon na upang tumiwalag ang Filipinas sa Vatican! Tandaan natin na panahon pa ni Padre Damaso nakikialam na ang Simbahang Katolika sa gobyerno sa ating arkipelago. Ang Vatican, kahit na maliit na estado, ay lubhang makapangyarihan. Kung tutuusin ang impluwensiya nito ay mas malawak kaysa Estados Unidos at European Union. Kayâ nga kung makialam ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa programa sa Reproductive Health ay wagas.

Panahon na upang muli nating angkinin at yakapin ang babaylanismo! Ang babaylanismo ang tunay at taal na relihiyon ng ating arkipelago bago pa man dumating ang Islam at Kristiyanismo sa ating mga dalampasigan. Hindi pa naman huli ang lahat, sa amin lang sa Antique ay buhay na buhay pa ito. The Great Maaram Tradition! Bumalik-loob na tayo rito.

Ang pagbabalik sa babaylanismo ay napaka-consistent sa independent foreign policy. Foreign ang Kristiyanismo at Islam, puwes, kalimutan ang mga ito at balikan ang sarling atin. Mabuhay ang nativism! Sa panahon ng globalisasyon at internationalization, ang ideolohiyang nativism ang magsasalba sa atin. Kalooban ito ng diyos, ng diyos na direktang kumausap kay Duterte.

Si Duterte na ang magiging punong babaylan. Babaylan siyang busalian sapagkat siya lamang sa kasaysayan ng Filipinas ang direktang kinakausap ng diyos. Si Angelita ay pinapahiram lamang ni Mama Mary ng kaniyang mga mata. Si Mama Mary, kahit siya ang ina ng diyos, babae pa rin siya tulad ni De Lima kung kayâ mas makapangyarihan pa rin ang lalaking diyos! Si Angelita ay babae. Si Duterte ay lalaki. Ergo mas makapangyarihan si Duterte.

Kapag si Duterte na ang Busaliang Babaylan, tiyak tuloy-tuloy na ang pagyaman ng Filipinas! Makikita ng buong daigdig—eat your heart out US and EU!—kung paano magiging world PAWER ang FILIPINAS! Game na game ka na ba?

Ngayong kinausap na ng diyos si Duterte, lubos na ang aking kagalakan. Kapag ipinipikit ko ang aking mga mata at iniimadyin ang maamong mukha ng ating pinakamamahal na presidente, naririnig ko ang mga trumpeta ng Bagong Herusalem!

Bagong Herusalem? Mali, gagah! Babaylanismo na nga.

Okey take 2: Kapag ipinipikit ko ang aking mga mata, naaamoy ko ang usok ng sahing at naririnig ko ang mga gong at tambor ng banal na Bundok Madia-as!

 

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s