KBL

WALA itong kinalaman sa politika lalo na sa mga Marcos. Tungkol ito sa isa sa mga paborito naming pagkain–ang Kadyos, Baboy, kag Langka na ang pampaasim ay ang mahiwang batwan. It’s an Ilonggo thing. This comfort food called KBL.

Simula nang magturo ako sa De La Salle University-Manila nitong Setyembre at magrenta ng kondo sa harap ng Taft Avenue, kapag Sabado at Linggo na lamang ako nakakauwi rito sa bahay namin sa Pasig. Kapag nandito ako, cheat day to the max. Dedma ang diyeta, mag-astang parang walang diabetes at walang hinahabol na waist line para bakasakaling makahabol pa sa pagsali sa Miss World.

Dahil may hinahabol akong deadline para sa isang tsapter ng isang textbook hinggil sa halaga ng sining, wala akong panahon at lakas na magluto ng aking adobong baboy na sikat sa mga kaibigan at estudyante kong nakatikim. Di rin iilang lalaki ang nainlab sa akin dahil sa adobo kong ito.  Hindi naman ako madamot sa resipi nito. Ilang tao na rin ang tinuruan kong magluto nito subalit hindi talaga nila makukuha ang lasa ng aking adobo. Wala kasi silang mapagkukunan ng berdeng kaliskis na pinipitik ko sa kaldero kapag walang nakatingin.

Sina Sunshine at Che ang namalengke. Sabi ko gusto kong bumili sila ng malaking tuna upang ihawin na buo na nilagyan ng mga hiniwang kamatis ang sibuyas ang tiyan dyan sa hardin. Kagabi pa lang, nangangarap na si Sunshine ng KBL ang nagdasal siya na sana may kadyos at batwan sa talipapa malapit sa aming bahay. Sigurado naman kasing may baboy at parang ever present naman ang hiniwang hilaw na langka.

Siguro dahil Linggo, meron nga! Kapag Linggo kasi, tila nagiging mahiwaga ang talipapa na kung ano man ang naisip kong bilhin ay bigla mo na lamang makikita sa mga mesa at sakong nakalatag sa bangketa at sa mga kariton. Halimbawa kapag gusto kong magpa-healthy at naglalaway ako sa fern salad, bigla na lamang magpapakita ang isang kariton ng mga preskang berdeng paku na galing sa Sierra Madre. Kung nahihidlaw naman ako sa preskang sugpo, bigla na lamang may ngingiti sa aking guwapo at maskuladong tindero ng isda na parang hindi amoy isda. At kung nangangarap naman ako ng piniritong chicken wings, may kikindat sa aking tinderong may dimples katulad ng mga dimples ni Alden Richards. Minsan nga nang miss na miss ko na ang paborito kong prutas na hinog na langka, muntik ko nang nabangga ang malaking kariton na tinutulak ng isang maitim na lalaki subalit kamukha ni Piolo Pascual. Walang duda ang naamoy kong masarap na matamis na kulay ginto na kaniyang inilalako.

Noong malakas pa si Tita at siya pa ang nag-aalaga kay Juliet at silang dalawa ang namamalengke, namamangha ako sa mga dala nilang damit ni Juliet na binili nila ng PhP50 lamang sa talipapa na kung itatabi sa mga damit ni Juliet na binili sa Baby Gap at H&M ay mukhang di naman pahuhuli. Nang ipakita sa akin ni Juliet ang dalawang malaking plastik na kahon ng mga laruan niyang Lego sa bahay nila sa Sweden, naisip ko, naku, marami niyan sa talipapa namin. Baka nga lang may lason dahil mga galing sa China.

Sa maikling sabi, naging ganap ang cheat day ko ngayong araw. Ang sarap ng aming KBL na niluto ni Sunshine. Ang baboy na mahigit isang oras na nilaga kasama ang kadyos, langka, at batwan ay nagiging pagkaing pandatu at pandayang. Ang tabang nanginginig sa kutsara at nalulusaw sa dila ay rurok ng ligaya ang handog. Ang mga hiwa ng langkang hilaw ay tila may gatas. At sa paghigop ng maasim na sabaw–asim na walang gaspang ng suka o sampalok–ay halos mapapaihi ka sa sarap! Namit gid!

Buti na lang wala akong lutuan sa aking condo dahil ayaw kong mag-amoy mahirap ang aking unit gaya ng mga katabi kong unit na naaamoy ko kapag nagluluto sila ng ulam na may bagoong at kung nagpiprito sila ng daing. Hindi pang-La Salle. Kapag binuksan mo kasi ang aking doble-door na ref na ang ibabaw na pinto ay puno ng mga ref magnet na dinekwat ko sa Europa, aakalain mong ref ito sa isang bahay sa Stockholm o Copenhagen. Hindi maaaring maliitin ang mga sosyal na pagkaing mabibili sa matagal nang lusyang na Harrison Plaza. Healthy eating ang Sirena sa Taft.

Saka dahil sosyal na unibersidad ang La Salle, may isang building ito na nakalaan para sa aking pag-e-ehersisyo. Tatlong beses sa isang linggo, isang oras akong nagwo-walking sa umaga sa isang berdeng oval sa 8th floor ng Razon Hall. Yes, indoor na oval kaya rain or shine, megawalk ang Sirena. Ganiyan ang pangmayaman.

Trying hard sa pag-exercse ang Sirena. Tiis-ganda kumbaga para magkaroon ng karapatang lumamon ng mga masarap ngunit nakamamatay na pagkain tulad ng KBL kapag umuuwi dito sa Pasig kung weekend.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s