KANINANG umaga pinanood ko sa TV ang live telecast ng pagdinig sa Senado hinggil sa pagpatay ng Criminal Investigation and Detection Group Region 8 (CIDG8) sa nakakulong na meyor ng Albuera, Leyte na si Rolando Espinosa, Sr. dahil sa kaso ng pagtutulak ng droga. Ngayong gabi naman, pinanood ko ang pelikulang Ma’ Rosa ni Brilliante Mendoza na ipinalabas dito sa Teresa Yuchengo Auditorium ng La Salle. Nahuli rin si Ma’ Rosa at ang kaniyang bana dahil nagtutulak sila ng droga.
Maraming bagay ang pareho sa kuwento nina Espinosa at Ma’ Rosa. Kung ang sabi ni Platon na ang sining ay imitasyon ng buhay, sa kaso nina Espinosa at Ma’ Rosa, mukhang ang buhay ang nangongopya sa sining dahil nauna naman talagang nagawa itong pelikula at noong nakaraang Sabado lamang pinatay ng mga pulis si Espinosa.
Mukhang tama nga ang guro kong si Isagani R. Cruz sa pagsabing sa Filipinas daw, ang literatura daw ay siyang katotohanan na mismo. Parehong sining ang literatura at pelikula. Kayâ kung ang pagbabasehan natin ay ang pelikulang Ma’ Rosa, mukhang totoo ngang extra-judicial killing na ginawa ng mga pulis ang nangyari kay Espinosa.
Nakakaloka di ba?
Kapag mapanood mo ang Ma’ Rosa, mauunawaan mo kung ano ang nangyari kay Espinosa sa loob ng Leyte Sub-Provincial Jail sa bayan ng Baybay at sa iba pang napapatay na mga adik at pusher na nanlaban umano sa mga pulis sa loob mismo ng mga kulungan at presinto katulad nang nangyari sa Pasay.
Mahirap ang pamilya nina Ma’ Rosa. May munti silang tindahan sa napakaliit nilang bahay at paraket-raket naman na elektrisyan ang kaniyang bana. May apat silang anak. Para siguro magkaroon ng dagdag na kita, nagbebenta sila ng droga. Kikita na sila at may libreng shabu pa ang adik niyang bana. Isang araw, may nanghudas kay Ma’ Rosa at na-raid ng pulis ang bahay nila at hinuli silang mag-asawa. Dinala sila sa presinto subalit sa likod sila dineretso at itinago sa isang silid kung saan tinakot-takot sila ng mga pulis sa mga kasong isasampa sa kanila at sinabihang magtulungan na lamang sila. Ibig sabihin, magbigay sila ng 200 libong piso para kalimutan na ang kanilang mga kaso. Siyempre wala silang perang ganoon. Sa konteksto pa rin ng “tulungan,” ikinanta na lamang ni Ma’ Rosa ang suplayer niya ng droga na agad namang hinuli. Buti na lang marami itong pera at drogang dala. Kayâ lang, kulang pa ng singkuwenta mil at sina Ma’ Rosa na ang dapat gumawa ng paraan para dito. Kayâ ang tatlong anak nila ang gumawa ng paraan. Ang pinakamatanda ay ibinenta ang lahat ng mga gamit sa bahay nila na maaaring ibenta. Ang dalagitang anak ay kinapalan ang mukha na humiram ng pera sa mga kamag-anak at tiniis ang mga panlalait sa kanila. Ang isa namang binatilyo ay ibinenta ang katawan sa isang bading.
Ito ang kuwento ng Ma’ Rosa at isa itong gasgas na kuwento dahil sobrang totoo.
Sa pelikula lider ng mga sangganong pulis si Mark Anthony Fernandez na nanghuhulidap ng mga tulak ng droga. Sa realidad, nakakulong ngayon si Mark Anthony Fernandez dahil nahulihan ng isang kilong mariwana. Sabi noon ni Mark noong kakakulong pa lamang sa kaniya, noong hinuhuli raw siya ay may nagtapon ng mariwana sa loob ng kaniyang kotse. May dala raw talaga siyang mariwana subalit hindi ganoon karami. Inamin naman niyang nagmamariwana siya dahil ginagamit niya itong gamot at para na rin di siya matulad sa tatay niyang nagkaroon ng kanser. Naniniwala kasi siyang gamot ang mariwana. May ilan bansa na rin naman kasi talagang ligal na ang mariwana at ginagamit nga itong gamot. Pero dito sa atin sa Filipinas, iligal pa rin ito at ikukulong ka pa rin kapag mahuli kang mayroon nito.
Ang nangyayari ngayon kay Mark Anthony Fernandez ay isang patunay lamang na dito sa Filipinas ang buhay ay parang pelikula at ang pelikula ay parang buhay. Laban ka?
Maganda ang katapusan ng pelikulang Ma’ Rosa dahil wala itong klarong katapusan. Dahil nga si Ma’ Rosa ay hindi lamang isang likhang-isip kundi totoong mga tao. Oo, hindi iisa si Ma’ Rosa. Milyon-milyon sila. Baka kasingdami ng 16+ milyon na bumoto kay Presidente Duterte. Nagsasalimbayan ang mga tanong sa aking isipan habang pinapanood ang credits ng pelikula. Makakabalik ba siya sa presinto upang tubusin ang kaniyang bana at mga anak? Ano na ang mangyayari sa pamilya nila pagkatapos nito? May matatakbuhan ba ang mga katulad niya?
Siyempre alam natin na mato-tokhang sina Ma’ Rosa at bana niya. Dalawa ang ang posibleng magiging paraan ng kanilang kamatayan: Una, papatayin sila ng riding in tandem sa tabingkalsada o sa loob ng bahay nila at lalagyan ng karatula ang kanilang bangkay na may nakasulat na, “Pusher, huwag tularan;” o di kaya muling mari-raid ng pulis ang bahay nila at papatayin sila dahil nanlaban umano at saka tataniman ng baril at droga ang mga bangkay nila.
Wala dapat puwang sa isang sibilisadong lipunan ang EJK. At lalong hindi ito dapat ini-encourage ng mga lider ng bansa. Mabuti nga ngayon at sinasabi na ni Gen. Bato dela Rosa na silang mga pulis daw ay dapat propesyonal at sumunod dapat sa batas. Medyo malayo na ito kung tutuusin sa kayabangan at kahibangan niya noong mga nakaraang buwan nang pagsabihan niya ang mga adik sa Negros na sunugin ang mga bahay ng mga pusher.
Ang pagpatay kay Espinosa at ang Ma’ Rosa ay dalawa lamang sa mga patunay na malala ang problema sa droga ng bansa. Kayâ kahanga-hanga ang passion ni Duterte sa pakikipaggiyera laban dito para umano sa mga susunod na henerasyon ng mga Filipino. Ang problema, simula nang manalo si Duterte, araw-araw ay may pinapatay na mga adik at pusher. Kung hindi sa tabingkalsada ay loob mismo ng bahay nila, at ang nakahihindik sa lahat, sa loob ng kulungan at presinto ng pulisya. May dalawang grupo ang pumapatay: ang mga riding in tandem at ang mga pulis mismo. Tatlong libo na ang namamatay at sabi ni Duterte kulang na kulang pa ito. Dapat daw tatlumpong libo. Sinabi pa niya minsan na handa siyang pumatay ng tatlong milyong mga adik at pusher tulad ng ginawa ni Hitler sa mga Hudyo.
Sa bokabularyo ni Duterte at ng mga tagasunod niya (16+ milyon ang bumoto sa kaniya! Paulit-ulit na paaalala nila.), naging bad words na ang “human rights.” Tinawag pa nga na mga pangit ni Duterte ang mga taga-Commission on Human Rights. Marami ang nagbubunyi dahil naging safe na raw ang mga lungsod nila dahil pinapatay na ang mga adik. Ang paboritong argumento ng mga explainer at tagapagtanggol ni Duterte ay ang bagal daw ng sistema ng hustisya ng bansa kung kakasuhan pa ang mga adik at pusher upang igalang ang kanilang karapatan na marinig at ipagtanggol ang sarili kung kayâ dapat patayin na lang agad. Kapag adik o pusher, patayin na agad. Hindi naman sila tao, mga hayop naman daw sila, mga walang silbi sa lipunan.
Ang problema sa ganitong kalakaran, sino ang superhuman na magdedesisyon kung sino ang dapat manatiling buháy o patay? Kaninong salita ang susundin natin na pampalit sa ating mga batas? Desisyon ba ni Duterte dahil binoto siya ng 16+ milyon? Salita ba ni Duterte dahil +64 ang kaniyang satisfaction rating ayon sa Social Weather Station? Napakadelikado nito. Maraming pangyayari sa kasaysayan ng mundo na magsisilbing halimbawa sa isang madugo at madilim na kanahinatnan dahil hinayaan ng isang lipunan na maging batas ang salita ng iisang tao lamang.
Panandalian lamang ang huwad na kapayapaang hatid ng pananakot dala ng mga iligal na paraan sa pagsasaayos ng mga problemang iligal. Kung iligal ang paggamit at pagbebenta ng shabu, iligal din naman ang EJK para lamang mabura sa balat ng lupa ang mga adik at pusher. Palagi ko pa ring binabalikbalikan ang isang lumang kasabihan na kailanman “hindi maitutuwid ang isang pagkakakamali ng isa pang pagkakamali.” Ayon naman sa isang kasabihan sa Ingles, “The end does not justify the means.”
Siguro kung hindi binawi ni Duterte ang kuwento niya tungkol sa direktang pag-uusap nila ng Diyos baka tatanggapin ko ngang batas ang kaniyang mga salita dahil isa siyang propeta. Kaso sabi niya joke lang daw iyon. At ang tatanga raw ng mga katulad kong naniwala roon. Oh my, so the joke is on me! Napakaliteral kong mag-isip at wala akong creative imagination.
Ang dasal ko lang ngayon, sana joke lang talaga ang nangayayari sa bansa natin ngayon. At least kung joke, kahit korni at gasgas na, maaari pa rin tayong tumawa o magkunwaring tumatawa.
Heto ang di nakakatawa. Puro grandstanding ang mga senador sa pagdinig sa Senado. Kapansin-pansin ang bilis ni Senador Manny Pacquiao na matuto sa mga batikang senador ng bayan na magaling mag-grandstanding at magaling din maglipat ng allegiance sino man ang presidente. Sana may bumulong naman kay Pacquiao na hinay-hinay sa pag-trying hard sa pagtatanong. More words, more mistakes kasi. Bukod sa parang obvious na Bibliya lang talaga ang tanging librong binabasa niya, lalo lang nahahalatang tuta siya ni Duterte. Bilib ako kay Pacquiao sa pagiging boksingero niya. Tunay siyang world class at walang duda roon. Pero kung gaano siya kabilis sumuntok sa loob ng ring, ganoon naman kabilis ang pagiging trapo niya sa loob ng august hall ng Kongreso. Paano, kung sino-sinong trapo kasi ang dinidikitan niya at dumidikit sa kaniya kahit noong kongresista pa siya. Sana mas maaga niya itong mahalata para naman hindi siya masayang. Hindi pa naman huli ang lahat. Puwede siyang mag-aral ng batas tutal gusto naman niyang maging mambabatas. Maaari siyang kumuha ng tutor na magtuturo sa kaniya kung paano magsalita, magtanong at makipag-argumento na may porma, laman at lohika. Sa ngayon kasi, mukhang pagiging trapo lamang ang natutuhan niya mula sa mga kaibigan niyang politiko.
Alam ng mga senador na ipinapalabas nang live sa TV at napapakinggan sa radyo ang hearing nila kayâ wagas sila kung mag-grandstanding. Kaya tulad ng iba pang mga pagdinig sa dalawang sangay ng Kongreso na ginagamit lamang ng mga politiko para magpa-pogi at ganda points at isulong ang kanilang pagiging kontra o sipsip sa Malakanyang, wala itong magiging kahihinatnan. Ang mangyayari niyan, parang dalawang beses pinatay si Espinosa.
Kapansin-pansin din ang mabilis na pagpapalit ng ihip ng hangin sa Senado at ang pagpapalit-palit nila ng mga sinasabi at tono ng pagsasalita. Iba’t ibang puwet ang hinihimod nila at naging batikan na sila sa gawaing ito. Ang tanging goal kasi—manatili sa puwesto at maipagpatuloy ang pagyaman kayâ marami sa kanila tumanda na walang kinatandaan. Kapag ikumpara mo ang mga naka-televise na pagdinig sa Senado nitong nakaraang mga buwan, mapapaisip ka, bakit umiba ang tono ni ganito? Bakit biglang natahimik si ganito? Bakit nag-mellow si ganito? Gumagalaw na kayâ ang CIA at may mga bayád na?
Pakiramdam ko nasa Golden Age tayo ngayon ng pagiging lima-singko ng mga ideolohiya, teorya, at paninindigang politika. O kayâ baka ganito talaga tayo noon pa man kayâ ganito tayo ngayon.
Pasado na alas-diyes subalit di pa rin ako inaantok. Hindi kasi mabura-bura ang mukha ni Jacklyn Jose na gumaganap bilang Ma’ Rosa sa huling eksena ng pelikula. Napagod siya at ginutom sa kahahanap ng pera na pambayad sa mga pulis para kalimutan na ang mga isasampang kaso sa kaniya at sa kaniyang bana. Bago bumalik sa presinto upang ibigay ang kulang na apat na libo sa limampung libong pisong hinihingi ng mga pulis, bumili muna siya ng fishball sa tabingkalsada. Habang kinakain niya ito at halatang gutom na gutom siya, tumutulo ang kaniyang mga luha.
Halo-halo ang larawang nakapinta sa kaniyang mukha. (Hindi nakapagtataka na nanalo siyang best actress sa Cannes Film Festival para sa kaniyang pagganap.) Nariyan ang matinding pagod at gutom, ang takot para sa kaniyang bana at mga anak na naiwan sa presinto, ang lalong paghirap ng buhay dahil sa pangongotong ng mga pulis, ang paglaho ng pangarap ng maalwan at tahimik na buhay para sa kaniyang pamilya habang pinanonood ang mag-asawang tindero sa tabingkalsada na maliliit pa ang mga anak. Parang naiisip niya na sa lipunang ito, walang kalaban-laban ang kanilang mag-anak.
Saka biglang dumilim ang iskrin. Tapos na ang pelikula at balik ako bilang manonood sa katotohanan ng araw-araw na patayan dahil sa giyera sa droga. Para ngang walang bawnderi ang mundo ng pelikula at ang totoong buhay.
Habang nagga-grandstanding ang mga politiko at lasing sa kapangyarihan ang mga namumuno ng bansa, at walang pakialam (o ayaw makialam dahil para que?) ang mga edukado at elit sapagkat ang laging iniisip ay mapanatili ang kumportableng lifestyle, at palaging ngarag sa paghahanapbuhay ang mga gitnang-uri na tanging fantasya lamang ang pinanghahawakan, patuloy na masasadlak sa lusak ng kahirapan na parang mga ipis ng lipunan ang mga katulad ni Ma’ Rosa.
[10 Nobyembre 2016
De La Salle University-Manila]