UNANG araw ito na ako’y 43 taong gulang na. Hindi pa rin matanda subalit hindi na rin bata. Kung totoo ang sinasabi nilang “life begins at 40,” tatlong taon na akong dapat nabubuhay. Pero parang hindi naman dahil buhay na buhay naman ang aking pakiramdam noon pa man. Simula nang magkamalay ako sa mundong, naging roller coaster na ang aking buhay, at ngayon lamang, nitong mga nakaraang buwan lamang naging parang nagsimulang maging mapayapa ang aking buhay.
Nagkaroon tuloy ng kakaibang kahulugan para sa akin ang idiomatic expression na “paglagay sa tahimik.”
Hindi ko na matandaan ngayon kung paano ko ipinagdiwang ang ika-40 kong kaarawan. Pero ang natatandaan ko lang, namamangha ako sa aking sarili noong dahil kahit 40 na ako parang 20 pa rin ang aking pakiramdam. Kahit na nag-uumpisa na ang aking hypertension at diabetes pakiramdam ko batambata pa rin ako. Ang napapansin ko lamang, hindi ko na kayang magpuyat na siyempre ay kayang-kayang gawin ng isang 20 taong gulang.
Nang mag-41 naman ako, naroon ako sa isang maliit na isla sa gitna ng Luzon at Visayas kasama ang dalawang kaibigang makata upang magbigay ng workshop sa pagsusulat ng kuwento at tula sa mga guro doon. Unang punta ko iyon sa Northern Samar at lalo na sa Isla Capul na di kilala subalit isang makasaysayang isla. Doon ko naisip na dapat kapag birthday ko, nasa isang lugar ako na hindi ko pa napupunahan.
Kayâ nang mag-42 ako noong nakaraang taon, plinano namin ng isang kaibigan na magbakasyon sa Hong Kong ng isang linggo. Pero dahil sa mga iskedyul sa trabaho at ng misteryo sa mga paglipad ng eroplano, Nobyembre 15 na kami lumipad pa-Hong Kong. Sa bahay namin sa Pasig ako nag-birthday. Kayâ lang, maysakit na si Tita Neneng noong panahong iyon. Parang ayaw ko ngang umalis na. Kaso sabi ni Sunshine, sayang naman ang tiket ko kung di pa ako aalis. Isang linggo lang naman. Nang magpaalam ako kay Tita, hirap na hirap na siya sa kaniyang nararamdaman. Pero pumayag siya. Ilang araw lang akong nakabalik galing Hong Kong nang pumanaw si Tita dahil sa kanser sa atay. Si Tita na kailanman ay hindi uminom ng alak.
Kayâ kahapon, nagtrabaho ako. Dito lang ako sa La Salle. Nagklase ako. Kinalimutan ko na ang pangako ko na sa isang lugar akong di ko pa napupuntahan magbi-birthday taon-taon. Sadyang may mga balak at mga pangakong di natutupad dahil sa iba’t ibang dahilan.
Ngayong 43 na ako, maraming bagay na hindi ko natatanggap noon ang natatanggap ko na. Tanggap ko na ngayon na limitado lamang ang kaya kong kontrolin sa buhay na ito. Kayâ lalong tumibay ang paniniwala ko sa Diyos, sa Diyos ng Kabutihan, sa Diyos ng Katotohanan, sa Diyos ng Katarungan.
Hindi ko na ini-equate ang Diyos sa Diyos ng Simbahang Katolika, ang relihiyong minana ko sa aking mga ninuno. Katoliko pa rin naman ako at ito lamang sa tingin ko ang aking magiging relihiyon. Deboto pa rin ako ni Mother Mary, isang debosyon na minana ko sa aking Nanay.
Ang nagbago lamang, mas mulat na ako sa aking mga paniniwala. Hindi na lamang ako sumusunod basta-basta sa sinasabi ng mga pari, obispo, at Santo Papa bagamat may ilan akong minamahal at nirerespetong mga pari at obispo. Si Pope Francis ngayon ay gustong-gusto ko at siyempre matagal na akong walang tiwala sa mga arsobispo rito sa Filipinas maliban kay Cardinal Tagle na isa sa mga pinakikinggan ko dahil dama ko ang kaniyang pagkamakadiyos at pagkamakatao.
Naniniwala na kasi ako na ang isang organisadong relihiyon o kulto ay para lamang sa mga taong walang kakayahang pangalagaan ang sariling mga paniniwala kung kayâ kailangan nila ng relihiyon at kulto upang kanilang maging opyo dahil mahirap nga naman at masalimuot ang buhay at kung mahina ang utak mo ay mas marami kang di maiintindihan at kailangan mong may kapítan.
Ang Diyos na pinaniniwalaan ko ngayon siguro parang ang The Force sa Star Wars o ang The Light sa The Lord of the Rings. O baka nga mas ang Mahal na Makaaku ng mga sinaunang Karay-a.
Tanggap ko na rin na hindi perpekto ang mundo. Naalala ko noong treynta pa lamang ako at nag-away kami ni Nanay. Di ko na maalala kung ano ang pinag-awayan namin (Marami kasi kaming pinag-aawayan palagi) basta ang natatandaan ko lang ang sinabi niya na, “Ang problema kasi sa ‘yong bakla ka gusto mo palaging perfect ang lahat! Ito ang tandaan mo, walang perpekto sa mundo! Ang yabang mo nakapag-aral ka lang akala mo kung sino ka.”
Ngayong 43 na ako, inaamin kong tama ang aking minamahal na Nanay. Siguro kung buhay pa siya ngayon, tiyak mas magugustuhan niya ang ugali ko at siguro hindi na kami palaging mag-aaway.
Kayâ siguro maganda ring pagkakataon na ngayong taon ko rin natapos ang Ph.D. ko. Bagamat marami akong nadiskubre at natutuhan sa aking pag-aaral at sa pagsulat ng disertasyon hinggil sa literatura, nalaman ko rin na kakaunti pala talaga ang aking alam. At dahil 43 na nga ako, imbes na magpanik o madepres na kakaunti lang ang aking alam, naging masaya ako dahil nakita ko ang pagkakataon na mas marami pa pala akong madidiskubre at malalaman. Ang pagiging “doktor” ko pala ay simula pa lang ng aking edukasyon!
Kayâ ngayong 43 na ako, natatawa na ako sa mga taong mayayabang na akala mo alam nila lahat. May mga tao na kung umasta ay sure na sure sa sarili kung kayâ halata tuloy na insecure sila. Lalo akong nayuyugit ngayon sa mga manunulat at iskolar ng literatura na kung umasta at magsalita ay parang sila lamang ang tama. Ang maganda lamang ngayon ay di na ako nagagalit sa mga taong ganito. Kaya ko pa nga silang kaibiganin at mahalin. Natatawa lamang ako dahil na-a-amuse sa kanilang katangahan. Ngayong 43 na ako, tanggap ko na ang kahangalan ng maraming tao.
Dahil tanggap ko na na hindi perpekto ang mundo, sabik tuloy ako na madiskubre ang mundong ito. Mas may pasensiya na ako ngayon. Hindi na ako basta-basta nagagalit. Nakakapag-isip pa rin ako kahit nililibugan at umiibig. Káya ko nang makipaghalikan na dilat ang mga mata. Kaya ko nang suriin ang sarili kong mga pagpapasya. Alam ko na kung ano ang mga gusto ko at ang mga di ko gusto. Mas kilala ko na ang aking sarili.
Dahil dito alam kong maaari akong maging mapanganib sa aking kapuwa. Ngayon kasi mas alam ko na kung paano ipagtanggol ang aking sarili at protektahan ang aking mga interes. Kayâ mahalaga na lalo kong tibayan ang paniniwala sa Diyos ng Kabutihan, Katotohanan, at Katarungan. Kayâ kailangan kong manatili sa tabi ng Liwanag palagi. Kailangan kong isumite ang sarili sa Mahal nga Makaaku. Ito lamang ang magtitiyak na hindi ako magiging masamang tao. Hindi naman ako anghel o santo, pero sana, huwag naman maging demonyo.
Ang pakiramdam ko tuloy ngayon parang life begins at 43. Baka ito ang sinasabi nilang “adulting.” Nagiging adult na nga siguro ang Sirena.
[15 Nobyembre 2016
De La Salle University-Manila]