Ang mga Tula ni Jameson Ong

NAGING matulain ang pagdiriwang ko ng Chinese New Year ngayong 2017. Dumalo kasi ako ng paglulunsad ng librong Selected Poems of Jameson Ong in Trilingual (Hongkong Fung Nga Publishing, 2017) sa Solidaridad Bookshop ngayong hapon ng Enero 28. Mga piling tula ito mula sa mga naunang librong nalathala ni Ong sa wikang Mandarin. Sa edisyong ito may kasamang salin sa Ingles at Filipino ang mga tula na ginawa nina Lourdes Lim Wang at Joaquin Sy. Si National Artist Virgilio Almario naman ang nagsulat ng introduksiyon.

Ngayon dalawa na ang gusto kong makatang Chinoy na nagsusulat sa Mandarin—sina Ong at ang matagal ko nang hinahangaang si Grace Hsieh-Hsing. Gusto ko ang hinahon sa kanilang mga tula at damang-dama ko pa rin ito kahit na mga salin lamang ang aking kayang basahin. Gusto ko rin ang sensibilidad nila bilang mga Filipino na Chino ang etnisidad. Walang dudang Filipino ito kahit na banyaga pa rin ang turing ng karamihan sa mga Chinoy.

Ipinanganak si Ong sa China subalit dito na sa Filipinas nagbinata at nagkapamilya. Nagsimula siyang sumulat ng tula nang 16 taong gulang pa lamang siya noong 1983. Naging literary editor siya ng ilang mga diyaryong Chinoy at kolumnista siya ng World News, ang nangungunang pahayagang Chino ng Filipinas. Itinuturing siyang isa sa mga pangunahing makatang Chinoy sa bansa ngayon.

Noong nakaraang taon ko unang nabasa ang ilang tula ni Ong sa Facebook na pinopost ni Joaquin Sy na kasama kong board of director sa UMPIL at nagugustuhan ko ang mga ito. Kaya nang mabasa ko sa email ang imbitasyon sa paglulunsad ng librong ito, hindi ko ito pinalampas. Sabik akong mabasa ang iba pang tula ni Ong at gusto kong marinig na basahin niya ang kaniyang mga tula sa orihinal nitong Mandarin.

Hindi nga ako nabigo. Nagbasa nga siya sa paglulunsad ng kaniyang aklat. Binasa naman ng kaniyang tagasalin na si Lim Wang, na kaniya ring maybahay, ang mga bersiyon sa Ingles at Filipino.

Ang unang tulang binasa ay ang “Ilaw ng Puso,” isang tulang tigib ng pag-asa. Napapanahon ang tula sapagkat tungkol ito sa pagsindi ng ilaw sa puso sa panahon ng kadiliman, at ang liwanag ng ilaw na ito ay isang paggigiit may makakita man o wala. Aniya sa huling bahagi ng tula: “Sa gitna ng dilim / Magsindi ng ilaw / Tanglawan ang bawa’t sulok ng puso / Paggising ng araw sa umaga / Hindi na mahalaga / Kung ang ilaw   Nakasindi pa / Dahil   Iyon din ay sariling / paggigiit.”

Binasa rin ang maikling tulang “Sayaw ng Leon.” Maikli lamang ang tula subalit kay lawak ang sinakop ng talinghaga nito. Sa anim na linya lamang naisatinig ni Ong ang mahikang nag-uugnay ng hininga ng mga Chino sa Filipinas na mula sa iba’t ibang lugar sa China. Walang ibang nag-uugnay sa dalawang mundong ito ng mga Chinoy kundi ang tulay ng Ongpin sa Chinatown, na wala sa China kundi nasa Filipinas.

Narito ang buong tula ni Ong: “Ako ay Leong-Timog / Ikaw ay Leong-Hilaga / Nagkatagpo / sa tulay ng Ongpin // Nang mag-usap / ay sa wikang Filipino.” Ano pa ba ang mas hihigit pang pruweba na ang mga Chinoy ay Pinoy kundi ang wikang pambansa? Hindi aksidente na ang librong ito ni Ong ay may salin sa Filipino at ang mga nagsalin ay mga Chinoy rin.

Naalala ko tuloy ang tulang “Kalye Ongpin” ni Hsieh-Hsing na nagsimula sa saknong na: “Nasa Chinatown ang Kalye Ongpin. / Tuwing naiisip ko ang Tsina / Sa Ongpin nagpupunta” at nagtapos sa saknong na: “Ang Chinatown ay hindi nasa Tsina, / Ang Chinatown ay hindi Tsina.” Si Sy rin ang nagsalin ng mga tula ni Hsieh-Hsing sa Filipino.

Habang binabasa ko ang aklat ni Ong, masayang-masaya ako dahil gusto ko yata ang lahat ng tula sa libro ito. Sa muli pagturo ko ng creative writing, gagamitin ko ang kaniyang mga tula bilang halimbawa. Marami pa naman kaming mga estudyanteng Chinoy sa La Salle. Na-master kasi ni Ong ang istilong matimpi ang tono at matipid sa salita subalit matingkad ang imahen kung kaya tumatatak sa puso at utak ang kaniyang mga tula.

Tulad halimbawa ng kaniyang tulang “Niyog” na gustong-gusto ko. Masiste ang tono ng unang saknong na, “Kung ito ang bumagsak / sa ulo ni Newton / Ano ang maiisip niya?” Natawa ako dahil napakatingkad ng litratong sa utak na nilikha ng saknong. Naiimadyin ko si Newton na nakaupo sa ilalim ng niyugan sa baryo ng aking kabataan sa Antique. Kung nabagsakan siya ng niyog sa ulo, tiyak walang Newton’s Law of Gravity!

Hindi ako handa sa ikalawang saknong nitong tula. Pakiramdam ko ako si Newton na nabagsakan ng niyog sa ulo sa mga linyang ito: “Kung ako, makikita ko / ang mga mata ni Ina / sa kalangitan.” Naiyak ako. Bigla kong naalala ang aking yumaong ina. At naisip ko, kailan pa ba ang huling pagtingala ko sa kalangitan upang panoorin ang mga bituin?

Ganito ang gusto kong mga tula. Tagos sa puso’t kaluluwa. Sana maraming kabataang Filipino ang makakabasa ng mga tula ni Jameson Ong, isang tunay na makatang Chinoy na Pinoy na Pinoy.

[28 Enero 2017
De La Salle University-Manila]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s