Burnham Park

SA unang gabi namin sa Lungsod Baguio, kinukulit na niya akong pumunta kami ng Burnham Park. Maganda raw ito. Maraming punongkahoy. Maraming bulaklak. Puwede rin daw magrenta ng bisekleta at magbangka sa lawa sa gitna. Masaya raw doon. Maraming tao. Ang linis pa ng malamig na hangin. Isang sakay lang daw ito sa dyip mula sa hotel na tinutuluyan namin.

Natawa lang ako. Unang akyat kasi niya ng Lungsod Baguio.

“Bakit ka natatawa?” tanong niya.

“Kasi, ilang beses na akong nakapunta sa Burnham Park,” sagot ko.

“Maraming beses? Ilang beses?”

“Hindi ko na mabilang.”

“Bakit?”

“Anong bakit?”

“Bakit maraming beses ka nang nakapunta sa Burnham Park?”

“Dahil Baguio ito. At pabalik-balik ako rito.”

“A basta. Punta tayo doon bukas,” sabi niya habang tinitingnan niya ang mga larawan ng Burnham Park sa kaniyang cellphone.

Nasa Lungsod Baguio kami noong nakaraang linggo. Naimbitahan akong magbigay ng panayam sa mga guro hinggil sa kung paano ituro ang 21st Century Philippine Literature. Nitong nakaraang tag-araw, nakatatlong paglalakbay din ako dahil sa mga panayam na ganito. Itong sa Baguio ang pinakahuli.

Sanay naman ako sa ganitong uri ng paglalakbay. May mag-iimbita na magbibigay ako ng panayam o umupo bilang panelist sa mga palihan saka susulitin ko na rin ang pagkakataon na magbakasyon. Subalit napapansin ko nitong mga nakaraang taon na masyado na akong nalulungkot na magbiyahe mag-isa. Ngayon, kasama ko na siya.

Habang nagbibigay ako ng panayam sa unang araw namin doon, nagliwaliw naman siya. Sabi ko sa kaniya, tandaan lamang niya ang pangalan ng hotel namin. Kapag maligaw siya, mag-taxi na lamang siya pabalik.

Naabutan siya ng ulan sa kaniyang paglalagalag sa Baguio. Nag-uumpisa na kasi ang tag-ulan. Hapon-hapon habang nandoon kami, umuulan. Malakas pa naman.

Pagod na pagod at antok na antok ako sa unang gabi namin sa Baguio dahil madaling araw kami nagbiyahe mula Maynila at buong hapon ako nagbigay ng lektura. Medyo malapad ang kama para sa aming dalawa. Ang sarap na lamig. Gusto ko ang init ng kaniyang braso sa aking tagiliran.

Natatawa ako dahil tuwang-tuwa siya sa Burnham Park. Magrerenta na raw sana siya ng bisekleta subalit biglang umulan.

“Alam mo ba, may piktyur ang Nanay at Tatay ko sa kanilang honeymoon sa Burnham Park? Pareho pa nga ang kulay narangha nilang polo na may disenyo ng mga bulaklak. Bell bottom pa ang kanilang pantalon,” kuwento ko sa kaniya.

“Talaga?”

“Oo. Baka nga dito pa ako ginawa sa Baguio.”

Tumagilid siya at yumakap sa akin. Napahikab naman ako.

“Antok ka na ba?”

“Oo. Antok na antok.”

Ang sarap pala talaga kapag may kayakap sa Baguio, naisip ko.

“Maraming tula rin akong nasulat tungkol sa Burnham Park. Para kay Shirley na minsan pumasyal kami doon habang umuulan, at para kay Luisa na nagsagwan nang sumakay kami sa bangka. Ang nanay pa yata niya ang may-ari ng ilang bangka na pinarerentahan doon,” kuwento ko sa kaniya.

“Wow,” mahinang sabi niya.

Gusto ko rin sanang ikuwento pa sa kaniya ang tungkol kay R.L. Nainlab ako sa lokong iyon sa Burnham Park. O doon nag-umpisa sa Burnham Park. Bata pa kasi ako noon. Marami pang mga ilusyon. May pinasyalan kami noong hardin ng mga dilaw na dalya. Kumain din kami ng istroberi habang naglalakad sa Session Road. Kaya akong si gaga ay nainlab.

Subalit tinatamad na ako. Antok at pagod ako. Isa pa, matagal na iyon. Dalawang dekada na. Ikukuwento ko pa ba?

Naisip ko, baka kinabukasan habang namamasyal kami sa Burnham Park ay ikukuwento ko ito sa kaniya. Pero baka hindi na rin. May mga alaalang mas mainam na ibulong na lamang sa mga bulaklak.

[3 Hunyo 2017
De La Salle University]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s