NAGSUSULAT si Juliet ng tula!
Nang minsang maglinis si Mimi ng kuwarto ni Juliet, may nakita siyang mga piraso ng papel na may nakasulat ng tula. Marami daw. Nasa Svenska. Natuwa man ako ay nalungkot ako nang kaunti bigla. Di ko pala mababasa. Kailangan ko nang seryosohin ang pag-aaral ko ng wikang ito.
Tuwang-tuwa si Miming ibinalita sa amin ito. Agad siyang nag-PM ng larawan ng mga obra maestra ni Juliet. Ang ilang pahina, may kasama pang mga drowing.
“Ang ganda ng mga tula niya. Gagawin ko itong libro!” ang sabi ni Mimi. Stage mother na agad-agad? Masyadong excited?
“Relax,” sabi ko. “Magwawalong taon pa lang si Juliet ngayong taon. Hindi kailangang magmadali. Di kailangang manalo agad ng Nobel Prize next year. Sa Stockholm lang naman ‘yan ibinibigay.”
Siyempre, tuwang-tuwa rin ako. Kung magiging makata nga si Juliet, magiging proud talaga ako. Kung si Mimi, naiisip agad na ipalibro ang mga tula ni Juliet, ako nagpaplano na na isasalin ang mga ito sa Kinaray-a at Filipino. Stage tita rin yata ako.
Kung magiging manunulat si Juliet sa Sweden, mapalad siya. Talagang pinapahalagahan sa Sweden at sa buong Europa ang mga manunulat nila.
Naalala ko tuloy nang pumunta kami sa Krakow sa Poland tag-araw noong nakaraaang taon. Binisita ko ang puntod ni Wislawa Szymborska sa Cmentarz Rakowicki upang magbigay-pugay sa hinahangaang makata. Dinalhan ko siya ng bulaklak. Pag-uwi ko sa hotel kinagabihan, ipinakita ko kina Mimi at Jonas ang larawan ko ng puntod ni Szymborska. Inagaw ni Juliet ang iPad ko at tiningnan ang mga larawan.
“John, sino siya? Yang nakalibing dyan? Bakit mo siya dinalhan ng bulaklak?” tanong niya. Nagki-Kinaray-a siya.
“Lola mo, Be dito sa Krakow. Kaya dinalhan ko ng bulaklak,” seryosong sagot ko.
“Ha? May lola ako rito sa Krakow?”
“Oo naman.”
“E bakit di mo ako isinama? Sana nakabisita rin ako sa lola ko?”
“E di ba gusto mong mag-shopping ng laruan? Saka naglakad lang ako papuntang sementeryo. Medyo malayo. Nagrereklamo ka kapag malayo ang nilalakad.”
“A, may lola pala ako dito sa Krakow,” sabi niya at nahiga sa malaking kama habang tinitingnan pa rin ang mga larawang kuha ko sa sementeryo.
Lihim kaming tumatawa ni Mimi. Kuya, mamaya maniwala ‘yan ha, sabi ni Mimi. Hayaan mo, sagot ko.
Habang nakahiga na kami sa sarili naming kuwarto sa hotel, tinanong ako ni Juliet. “John, ano nga uli ang pangalan ng lola ko dito sa Krakow?”
“Wislawa Szymborska.” Siyempre, binigkas kong “v” ang “w.”
“John, bakit ang pangit ng pangalan niya?” Mapaklang-mapakla ang kaniyang itsura nang lingunin ko siya.
Hindi ko na mapigilan ang pagtawa. Tumaas ang kilay ni Juliet habang tinitingnan akong tumatawa. Kaso, antok na antok na siya para makahirit pa.
Ang pag-uusap naming ito ang unang naalala ko nang makita ko ang larawan ng mga tula ni Juliet na nakita sa kuwarto niya ng kaniyang nanay. Naisip ko, ganiyan ang budding poet. Nanlalait ng mga Nobel Prize winner.
[13 Hunyo 2017
De La Salle University]