ILANG oras ding mabigat ang aking dibdib matapos kong panoorin ang pelikulang High Tide na sinulat at dinirehe ni Tara Illenberger. Sobrang personal kasi sa akin ang dating ng pelikula.
Unang-una, nasa wikang Hiligaynon ang pelikula. Sa wikang ito ako nagpapakadalubhasa bilang kritiko ng literatura. Pangalawa, ang setting ay tabingdagat sa Iloilo. At pangatlo, ang hirap sa buhay na inilatag sa pelikula ay buhay na nasaksihan ko sa baybayin ng Maybato, ang baryo sa Antique na kinalakihan ko.
Personal din siyempre sa akin na ang bunsong kapatid naming si Sunshine ay isa sa mga bida sa pelikula. Kayâ nanood ako. Tamad kasi akong pumunta ng mall para manood ng sine. Kapag Linggo o holiday ay mas gusto kong nasa bahay lang ako upang magbasa at magsulat. Ni hindi ko nga napanood ang Beauty and the Beast at ang Wonderwoman kahit na nang mapanood ko ang mga trailer nito sa TV ay na-excite ako na manood.
Kayâ hindi ribyu itong sinulat ko. Noon pa mang nagreribyu ako ng mga pelikula para sa GMANEWS Online, as a rule hindi ko nireribyu ang mga pelikulang kasama ni Sunshine gaano man ka liit ang ginagampanan niyang papel. Subalit kagabi ko pa gustong sumulat tungkol sa High Tide. Parang nasa loob kasi ng aking dibdib ang pagtaas ng tubig-dagat.
“Táub” ang high tide sa Hiligaynon. Kayâ nagtataka nga ako kung bakit hindi ito ang ginawang pamagat ng pelikula at salin na lamang sa Ingles ang “high tide.”
Personal sa akin ang pelikula sapagkat ang kahirapan sa buhay ng mag-asawang Tibor (Arthur Solinap) at Ligaya (Dalin Sarmiento) at ng kanilang dalawang anak na sina Laila (Riena Christal) at Dayday (Mary Demaisip) ay ang kahirapang nasaksihan ko sa Maybato noong maliit pa ako. Siyempre hindi ako maláy noon sa kahirapang ito bilang bata. Marami akong mga kalaro ang tulad nina Laila at Dayday.
Habang nakaupo ako sa loob ng madilim na sinehan, bumalik sa akin ang tanawin, ang amoy, ang tunog, ang hagod ng kahirapang ito. Bigla akong napaisip. Sulat ako nang sulat tungkol sa kung ano-ano—inaayos ko ngayon ang dalawang libro ko ng mga sanaysay at isang libro ng mga tula tungkol sa Europa—subalit ang Maybato pala hindi ko pa naisusulat.
Personal sa akin ang kuwento ng karakter ni Mercy na ginagampanan ni Sunshine. Asawa siyang nag-iisa dahil ang bana ay nagtatrabaho sa light house sa isla na makikita mula sa bintana ng kanilang hayub-hayub sa tabi ng dagat. Gabi-gabi, pinagmamasdan niya ang patay-sindi na ilaw ng parola at sapat na iyon na tanda para sa kaniya na buháy pa at okey ang kaniyang bana.
Sobra-sobra ang hirap ni Mercy. Mahirap ang buhay, mahirap pa ang sitwasyon nilang mag-asawa na pinaghiwalay ng hanapbuhay. Ang tanging kasama niya ay ang pamangkin na si Unyok (Kyle Buscato) na naulila sa mga magulang na namatay dahil sa malakas na bagyo na dumaan sa kanilang isla. Dahil sa trauma hindi nagsasalita ni Unyok.
Naiiyak ako sa mga eksena nilang magtiya sa may bintana. Si Mercy kinakausap ang di nagsasalitang si Unyok habang pareho silang nakatitig sa dagat—si Mercy sa patay-sinding ilaw ng parola, si Unyok sa islang tahanan na naging libingan ng mga magulang. Parang táub na di mapigilan ang kanilang pangungulila.
Ang maganda sa istilo ng pagkukuwento ni Illenberger, hindi niya hinahayaang malunod ang manonood sa dagat ng lumbay at lungkot. Sa paulit-ulit kasing mga eksenang ito sa may bintana, biglang maalala ni Mercy ang pasalubong niyang tinapay sa pamangkin na palagi niyang nakakalimutang nakalagay sa bulsa niya sa puwet at nauupuan. Pinagsasaluhan nila ang naupuang tinapay.
Nadya-jar ako siyempre sa mga eksena ni Mercy. Mukha kasi ni Sunshine ang nakikita ko at boses niya ang naririnig ko. Pamilyar din sa akin ang mga damit na suot niya dahil ito ang kaniyang mga pambahay. Minsan nasabi ni Mercy kay Unyok na ang sitwasyon nila ng kaniyang bana ay parang sitwasyon ng mag-asawang magkahiwalay dahil nasa abrod ang bana, maliit nga lang daw ang suweldo. Madalang silang magkita at sabik siya sa pagdating ng Pasko upang magsama din silang mag-asawa kahit ilang araw lang.
Bigla kong naalala si Nanay. Magkamukha sila ni Sunshine. Ilang beses ko ring nakita noon ang Nanay ko na nangungulila sa aming Tatay na kapitan ng barko at minsan lang sa dalawang taon kung umuuwi sa Antique.
Maraming seaman, karpintero sa Saudi, at domestic helper sa Hong Kong at Singapore sa amin sa Maybato. Magkakakilala at halos magkakamag-anak kami lahat sa aming barangay. Ngayong malaki na ako, ngayon ko lang nakilala ang mga lungkot at pangungulilang nasaksihan ko noong bata pa ako.
Maraming Tibor sa amin sa Maybato. Mga tatay na sunog sa araw ang katawan at bugbog sa trabaho subalit kakarampot pa rin ang kita. Maraming mga Ligaya na nagkakasakit sa sobrang trabaho para din sa kakarampot na kita. Maraming Mercy na inaaliw ang sarili upang maibsan ang kalungkutan.
Ilang beses kong narinig ang mga kuwento tungkol sa pamumrublema ng pera na pambayad sa ospital. Marami ngang maysakit sa amin na tinitiis na lang kasi kahit pamasahe pa-ospital ay wala sila. May mga maysakit na hinihintay na lang na mamatay sa bahay dahil wala namang pangpagamot.
Maraming naghihirap at kaunti lamang ang maginhawa ang búhay. Kayâ hirap si Tibor dahil kahit nagkakandakuba na siya sa pagtatrabaho sa palaisdaan, kakarampot ang suweldo niya kahit na malaki ang kinikita ng amo. Masyadong makasarili ang mga panginoong maylupa at walang pakialam sa mahihirap ang pamahalaan.
Noong isang linggo lang, naimbitahan akong umupo sa isang workshop ng pagsulat ng maikling kuwento. Bilang preparasyon, binasa kong muli ang libro nina Laurence Perrine at Thomas Arp tungkol sa pagsulat ng kuwento. Aniya, may dalawang uri ng kuwento. Una, kuwentong pang-aliw upang takasan pansamantala ang buhay, at ang pangalawa, kuwento na lalong magpapaigting sa pagpadanas sa atin ng totoong buhay. Mahirap at masalimuot ang totoong buhay. Klarong nasa pangalawang uri ang High Tide.
Biglang dumilim sa eksenang matapos tumaob ang sirang bangka na sinasakyan ng tatlong bata sa gitna ng nangangalit na dagat. Pumunta kasi sila sa isla nina Unyok, na bawal nang puntahan dahil mapanganib, upang mamulot ng mga kabibeng ibebenta nila upang makatulong sa pambayad sa ospital nang inoperahan si Ligaya. Ilang segundo ring dumilim at takot na takot akong baka lalabas na ang credits ng pelikula. Kung mangyari iyon, sasampalin ko si Tara Illenberger kung magkita kami. Kung maging ganoon kasi ang katapusan, mukhang kailangan kong maghanap ng psychologist sa La Salle upang magpa-debriefing!
May paborito akong pinsan na nawala sa dagat at hanggang ngayon ay wala kaming balita. May ninong akong di na nakauwi dahil inabutan ng bagyo sa laot ang bangkang pangisda. May kamag-anak kaming nalunod dahil inatake ng epilepsy habang nangunguha ng punaw na mag-isa upang ibenta sana para makabili ng bigas.
Nagtapos ang pelikula sa mass wedding na sinalihan nina Mercy at ng bana nito. Ang kasal ay nasa katihan at bahagi ng aktibidad ng kasalan ay ang pagtatanim ng bagong kasal ng mga gutok ng bakawan. Masaya sila. Masaya ang pamilya nina Tibor. Nagsasalita na muli si Unyok. Mahirap pa rin ang buhay nila pero kaya nilang ngumiti at tumawa at harapin ang mahirap na buhay.
Parang Maybato nga. Maraming kahirapan, maraming kalungkutan. May mga pag-aaway, may mga eskandalo. Pero mayroon ding piyesta na masaya basta wala lang magsaksaksan sa sayawan. Kapag eleksiyon, may nag-aaway na mga kamag-anak dahil sa pagkakaiba sa mga partidong politikal na sinusuportahan subalit agad na nagdadamayan kapag may namatayan. Kada Pasko, bumabaha ang pagkain at parang daluyong ang halakhakan sa mga korni na palaro.
Sa Robinson Galleria kami nanood ng mga kaibigan ko. Kaunti lang ang nanonood dahil kaunti naman talaga ang nanonood ng mga indie film. Pero laking tuwa namin na nang bumukas ang ilaw ay nandoon si Unyok—si Kyle Buscato—sa harap naming. Siyempre nagpakuha kami ng litrato kasama siya. Natsika ko ang nanay niya na kaklase pala sa kolehiyo ng kaklase ko noon sa elementarya. Nang sinabi ko sa kanila na kapatid ko si Sunshine, “Uy, magmano ka sa kapatid ni Nanay Mercy mo,” sabi ng kaniyang tatay. Ang sorpresang ito ay malaking kabawasan sa bigat sa dibdib na nararamdaman ko.
Nanalong Best Film ang High Tide sa The 2nd Tofarm Film Festival. Nanalo rin ito ng Best Cinematography, Best Editing, at Special Jury Prize para sa Best Ensemble ng tatlong batang artista. Si Sunshine nominado sa Best Supporting Actress. Maganda nga ang pelikula! Sayang at hindi ko ito maihahambing sa ibang pang entries dahil itong High Tide lang ang napanood ko.
May dalawang pelikulang Hiligaynon akong binabalikbalikan. Ang Wanted Border ni Ray Defante Gibraltar (tumulong ako sa pagsulat ng dulang pampelikula nito at si Illenberger din ang editor) at Yanggaw ni Richard Somes. Maidagdag ko na itong High Tide. Naisip ko nga, parang gusto ko nang mag-develop ng isang kurso para sa ELECLIT (literature elective) namin dito sa La Salle na Hiligaynon Films.
Ngayong dito na ako sa Metro Manila nagtatrabaho at pabakasyon-bakasyon na lamang ako sa Panay, ang mga pelikulang gaya ng High Tide ang nagbabalik ng kaluluwa ko sa islang kinagisnan. Naiisip ko ngayon na panahon na yatang sulatin ko na ang nobelang matagal ko nang iniisip gawin. Tungkol ito sa kabataan ko sa Antique, sa Maybato, sa mga kaibigan at kamag-anak na iniwan, sa isang masalimuot at masayang lumipas na kabataan ko. At oo, susulatin ko ito sa Kinaray-a. May pamagat na nga ako. Buti na lamang hindi ginamit ni Tara Illenberger ang “Táub.” Taëb kag Hënas ang pamagat ng susulatin kong nobela. Schwa ‘yan kaya “ë.”
Ang pagsulat ng nobelang ito ang tanging paraan para maibsan ang nararamdaman kong táub ng pangungulila sa aking kasingkasing sa baryong kinagisnan at iniwan.
[Hulyo 17, 2017
De La Salle University]