Pakikinig sa May-ari ng La Salle

“HABANG naghahayag lumalalim ang kaalaman. Habang nagpapaliwanag, lalong naliliwanagan. Habang nagbibigay-dunong, tumatanggap ng karunungan. Habang nagtuturo, lalong natututo.” Ito ang hiwaga ng pagtuturo ayon sa may-ari ng De La Salle University, ang ekonomistang si Dr. Tereso Tullao, Jr.

Noong Biyernes siya ang tagapagsalita namin sa pang-umagang sesyon ng aming ALDP (Academic Leadership Development Program) hinggil sa ministri ng pagtuturo.

Mahigit na apat na dekada nang nagtuturo si Dr. Tullao sa La Salle.

Noong 1996 habang nag-aaral ako ng MFA Creative Writing at nagtatrabaho bilang proofreader sa DLSU Press at research assistant ni Dr. Isagani R. Cruz, naririnig ko na ang pangalang Dr. Tullao na dekano na yata nang mga panahong iyon ng College of Business and Economics o tagapangulo ng Department of Economics. May mga libro na rin siya noon na inilalathala ng DLSU Press.

Kasama niya sa Society of Fellows ang mga guro kong sina Dr. Cruz, Dr. Cirilo Bautista, Dr. B.S. Medina Jr., at Dr. Marjorie Evasco. Ang mga sikat lamang, magaling, at respetadong propesor ang nagiging bahagi ng Society of Fellows sa La Salle.

Noon pa man, kilala ko na si Dr. Tullao bilang propesor sa La Salle na sumusulong sa paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo at wika ng pananaliksik. Masigasig siya sa pagsusulat ng mga libro sa ekonomiks sa Filipino tulad ng Tungo sa Patakarang Industriyal ng Pilipinas (DLSU Press, 1993). Noong 2012 sa kaniyang ika-60th na kaarawan inilunsad ng Opisina ng Presidente ng DLSU ang kaniyang ika-17 na libro, ang 25 Taon Tungo sa Intelektuwalisasyon ng Filipino: 25 Piling Sanaysay sa Ekonomiks na binubuo ng kaniyang mga propesoryal na panayam magmula noong 1987.

Kinuwento sa amin ni Dr. Tullao kung bakit sa wikang Filipino siya nagsusulat at nagtuturo, maliban na lamang kung nagtuturo o naglelektura siya sa ibang bansa. Kababalik pa lamang daw niya noon sa La Salle mula sa patuturo sa isang unibersidad sa China at nagkataong Linggo ng Wika. Napagkasunduan na ang gagamiting wikang panturo nang linggong iyon ay Filipino. May nagreklamo umano siyang estudyante kung bakit sa Filipino sila nagkaklase e nagbayad siya para sa Ingles. Nairita si Dr. Tullao at simula noon Filipino na ang ginamit niya sa klasrum lalo na sa kaniyang mga panayam propesoryal.

Nagsusulat at nagtuturo si Dr. Tullao sa Filipino kahit na magaling naman siyang mag-Ingles. Nag-aral siya sa Stanford University, The Fletcher School of Law and Diplomacy, at Tufts University sa Estados Unidos.

Sabi ni Dr. Tullao, gusto niya kasing makapag-ambag sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino. Impluwensiya umano ito ng mga mentor at kaibigan niyang lingguwist na sina Br. Andrew Gonzales, FSC at Dr. Bonifacio Sibayan. Kayâ sumulat siya ng textbuk na Unawain Natin ang Ekonomiks sa Wikang Filipino na sinundan pa ng maraming libong panturo.

Maraming ibinahagi sa amin si Dr. Tullao na mga karanasan at natutuhan niya tungkol sa pagtuturo, partikular sa pagiging guro sa La Salle. Halimbawa, sinabi niya na itinuturing niyang bilang mga “pamangkin” ang kaniyang mga estudyante. Agad niyang pabirong idinagdag na ngayong matanda na siya, baka “apo” na nga siguro.

Bilang gurong Lasalyano ito ang kaniyang mga hangarin para sa kaniyang mga estudyante: “Nais ko silang matuto. Ginagawa ko ang lahat upang sila ay matuto. Hinahamon ko sila upang matuto. Nagtuturo ako sa loob at labas ng silid-aralan. Tinutulungan ko silang makamit ang kanilang hangganan.”

Lihim ako na napaiyak sa galak at pasasalamat dahil ganito nga ang naranasan ko bilang estudyante sa La Salle. Hindi ako itinuring na iba ng aking mga guro sa MFA na sina Cirilo Bautista, Isagani R. Cruz, at Marjorie Evasco. Naalala ko nang minsang magkita ang aking ina at si Dr. Bautista sa isang simpleng awarding ceremony sa Bayview Hotel nang manalo ako sa Panorama Literary Awards. Sinabi ni Sir (Actually, “Papá” ang tawag namin sa kaniya ng mga kaibigan ko kapag wala siya.) kay Nanay na, “O, itong si John parang anak ko na ‘yan dito sa La Salle ha.”

Ginawa nitong mga guro ko ang lahat para matuto ako, hinamon nila ako, tinuruan nila ako hindi lamang sa loob ng klasrum kundi sa labas din. Naalala ko palagi akong dinadala ni Dr. Bautista noon sa Baguio kung saan siya nagsusulat. Si Dr. Cruz ginagawa akong assistant sa malalaking kumperensiyang kaniyang inoorganisa kayâ naging hiyang ako sa stress. Si Marj (Marj lang talaga ang tawag ko sa kaniya.) ginagawa akong panelist sa mga palihan na pinamumunuan niya tulad ng Iyas National Writers Workshop. Kahit na nitong nagpi-PhD ako at mga dating kaklase at mga kaibigan ko na ang naging guro na sina Dr. Ronald Baytan, Dr. Shirley Lua, at Dr. Genevieve Asenjo, nadarama ko pa rin ang mga ganitong pag-aalaga at panghahamon upang maging magaling ako. Ngayong guro na ako rito sa La Salle, sinisikap kong maging katulad ako ng mga naging guro ko.

Ang pinakagusto siyempre naming kuwento ni Dr. Tullao ay kung paano siya naging kilala bilang may-ari ng La Salle. Noon pa man ay kilala na ang pagiging istrikto ng mga guwardiya sa geyt na La Salle. (Subukan ninyong pumunta sa La Salle na wala kang DLSU ID, parang kang dumadaan sa immigration.) Kababalik lamang daw niya noon mula sa Estados Unidos. Naiinis siya dahil paulit-ulit siyang tinatanong ng guwardiya kung sino siya. Kayâ nang minsang tanungin uli siya, sinabi niya na siya si Tereso De La Salle! Sumagot pa yata ang guwardiya ng, “Ka-apelyido n’yo po si San Juan Bautista de La Salle?” Sagot naman daw ni Dr. Tullao, “Hindi mo ba nakikita na magkamukha kami? Lolo siya ng lolo ko!” Kung naniwala man ang guwardiyang iyon o hindi, di na alam ni Dr. Tullao. Basta simula noon, hindi na siya tinatanong ng mga guwardiya kung sino siya. Kumalat na rin ang tsismis na siya ang may-ari ng La Salle. Hanggang ngayon, kahit sa mga pahayagang Lasallian at Plaridel ay tinatawag na siyang “may-ari ng La Salle.”

Hindi lamang sa DLSU kilala si Dr. Tullao. Naging konsultant din siya ng World Bank, UNESCO, Opisina ng Pangulo ng Filipinas, at Board of Investments. World class siyang gurong Lasalyano at mapalad ako na matuto sa kaniya kahit sa loob ng isang umaga lamang.

Noong 2015 nakasama ko si Dr. Tullao bilang hurado sa Gawad Balmaceda ng Komisyon sa Wikang Filipino. Pumili kami ng pinakamagaling na panggradwadong tesis at disertasyon na nakasulat sa Filipino. Magaan na kasama bilang hurado si Dr. Tullao. Kahit siya ang pinaka-senior sa amin, hindi siya mayabang at dominante. Malumanay siyang nakikipagtalo. Ako ang nahirang na sumulat ng citation sa mga nanalo. Siyempre gin-email ko ito sa mga kasama kong hurado para sa mga puna nila. Baka kako mayroon silang gustong idagdag o ibawas sa sinulat ko. Mabilis na sumagot si Dr. Tullao. Aniya, “Magaling ang pagkasulat. Wala na akong ibabawas o idadagdag pa.” Ngumiti pati puwet ko pagkabasa nito.

Mapalad ako na dito na ako sa La Salle nagtuturo ngayon. Dito nagturo o dito pa rin nagtuturo ang mga gurong hinahangaan ko.

 

[Oktubre 22, 2017 Linggo
Tore kang Katáw]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s