NOONG hapon ng Oktubre 24, 2017 naimbitahan ako na magsalita sa isang klase sa Theology hinggil sa same-sex marriage. May tatlong linggo na yata ang nakararaan nang kinumbida ako ni Tiffany Ko, isang advertising major, na estudyante ko sa creative writing. Dahil hindi ko mahindian ang paksa, agad kong tiningnan ang aking Paulo Coelho Planner at umuo nang makita kong wala pa akong nakaiskedyul na gagawin sa araw na iyon. Day off ko sana kapag Martes pero hindi ko pa rin palalampasin ang pagkakataong magsalita hinggil sa isang paksa na malapit sa aking puso. Salamat sa grupo ni Tiffany sa pag-imbita sa akin at sa kanilang guro na si Bb. Mylene Icamina ng Theology and Religious Studies Department na nang mag-usapa kami ay nadiskubre kong taga-Aklan pala ang mga magulang niya. Malapit ito sa Antique. Salamat sa buong klase na mukhang nakinig naman lahat sa akin. Ito ang binasa kong sanaysay nang hapong iyon.
***
LUMAKI ako na nakikita ang bestfriend ng Nanay ko na si Mama P. na may kinakasamang tomboy, si Tita S. May bahay silang yari sa kawayan at nipa sa lilim ng niyugan sa tabingdagat ng barangay namin sa Maybato sa Antique. Tambayan iyon ng ina ko lalo na’t pagkatapos ng pananghalian. Pag-uwi ko mula sa eskuwelahan, sa Assumption mind you, kapag wala si Nanay dali-dali akong bibihis at magpapahatid sa kasambahay namin papunta kina Mama P.
Nagluluto si Mama P. ng maruya o kaya ng ginataan na itinitinda niya sa isang tolda sa harap ng kaniyang bahay. Nadadatnan ko sila palagi doon ni Nanay na nag-uusap ng tungkol sa kung ano-ano at kahit ganoon sila sa lahat ng araw ng ginawa ng Diyos, tila hindi sila nauubusan ng pinag-uusapan. Siyempre, nakikinig ako sa tsismisan nila habang nilalantakan ang maruya o ginataan, dapende kung ano ang niluto ni Mama P. nang araw na iyon.
Second cousin ng tatay ko si Mama P. Sa baryo naman namin sa Maybato, halos magkakamag-anak ang mga tao. Ang nanay ko taga-Davao del Sur. Dayo siya roon at ang naging matalik niyang kaibigan ay si Mama P. Kapitan ng barko ang ama namin at palaging nasa biyahe abrod. Sa tingin ko palaging nalulungkot si Nanay kung kayâ doon siya palagi nagtatambay kina Mama P.
Parehong maingay sina Nanay at Mama P. Parang kanyon ang mga bunganga. Ang tataray at tatapang nila. Kawawa ang kung sino man ang aawayin nila.
Tahimik naman ang tomboy na si Tita S. Tagakabilang baryo ang pamilya nila at malayong kamag-anak din namin. Isa siyang magsasaka. Maliit siya kung tutuusin kaysa kay Mama P. na medyo tabain. Buong araw ay nasa palayan siya kung kayâ sunog sa araw ang kaniyang balat. Siya ang nagsasaka ng palayan ng kanilang pamilya. Takipsilim na kapag umuuwi siya akay-akay ang kaniyang kalabaw na itinatali niya sa isang puno ng niyog malapit sa kanilang kusina. Kadalasan papalubog na araw kung uuwi kami ni Nanay. Bilang paalam ay nagmamano ako sa kanilang dalawa.
Alam ng buong baryo na nagsasama sina Mama P. at Tita S. bilang mag-asawa. Alam din namin itong magpipinsan. Pero parang hindi ito naging isyu sa pagkakaalam ko. Awtomatikong tanggap namin lahat na ang bána, Bisaya para sa husband, ni Mama P. ay tomboy o ang tawag namin sa Kinaray-a, lakin-ën o “babae na parang lalaki.” Wala naman kaming narinig na masamang sinabi tungkol sa relasyon nila mula sa mga nakakatanda sa amin. Lalo na sa Nanay ko. Parang wala lang na ang asawa ng bestfriend niya ay tomboy.
Tumanda sina Mama P. at Tita S. na mag-asawa. Hanggang ngayon, kahit na paulit-ulit nang naso-stroke si Tita P. ay magkasama pa rin sila. Ang nanay namin, noon pang 2007 pumanaw. Nang huli akong umuwi sa amin may dalawang taon na nakalilipas, medyo mabagal nang kumilos si Mama P. dahil nagpapagaling sa una niyang stroke. Parang nabawasan ang kaniyang tapang at katarayan. Naglambing pa nga siya sa akin at humingi ng electric fan at pambili ng maintenance medicine. Ngayon kapag nagkakasakit siya, ang mga pamangkin niya ang tulong-tulong sa pagpapagamot at pag-aalaga sa kaniya dahil wala naman siyang anak. Mayroon silang adopted na batang babae subalit ipinadala niya ito sa Maynila sa kaniyang kapatid nang palagi na siyang nagkakasakit. Mabuti at ang bahay nina Mama P. ay napapalibutan ng mga bahay ng mga pamangkin niya. Si Tita S. naman ay nagsasaka pa rin. Noong bumibisita pa ako sa farm namin, kung minsan nakakasalubong ko siya sa pilapil o nadadaanan na nakayuko at tinatanggal ang mga ligaw na damu sa tanim niyang palay.
Ngayong malaki na ako at bilang manunulat ay kilala nang “gay writer” at nagpapakadalubhasa rin sa panitikang gender-based, gusto ko sanang lalong mas maintindihan ang buhay mag-asawa, ang buhay pag-ibig, nina Mama P. at Tita S. Gusto ko sana silang interbyuhin pero di ko magawa. Hindi ko alam kung takot ba ako o nahihiya na tanungin si Mama P. tungkol sa kaniyang love life. Siguro wala lang talaga akong aesthetic distance para magawa ang proyektong ito. Iniisip ko, susulat na lamang ako ng nobela at doon maaari ko silang ilagay. Puwedeng isang tsapter o mahigit pa.
Ngayon nauuso na ang pag-uusap hinggil sa same-sex marriage lalo na kapag may mga bansang nagiging legal na ito tulad halimbawa nitong mga nakaraang taon tulad sa Ireland, Estados Unidos, at Germany. Dito nga sa atin sa Filipinas may pending na rin na bill sa Kongreso hinggil dito.
Para sa mga may gusto ng same-sex marriage, malaking balakid ang pagiging Katoliko at Islam ng karamihan sa ating mga Filipino. Kasalanan sa parehong relihiyon ang homoseksuwalidad. Kasalanang mortal na nga ang makipagtalik sa pareho mong lalaki o babae e ang pagpapakasal pa kayâ?
Naalala ko noong 1995 nang mag-aral ako ng MFA Creative Writing dito sa La Salle may isang lesbiyanang faculty sa Literature Department na nagpakasal sa isang lesbiyana ring faculty ng Physics Department. Iniimadyin ko, siguro nagkita sila sa CR isang araw at walang magawa si Kupido at pinana ang kanilang mga ano! Joke ito siyempre. Nang mga panahon kasing iyon, parehong nasa William Hall ang mga faculty room ng College of Liberal Arts at College of Science.
Sa Ilustrado Restaurant sa Intramuros ang kanilang kasal. Naging ninong pa yata ang mga guro kong sina Isagani R. Cruz at Cirilo F. Bautista. May isang matandang dalagang guro na prim ang proper ang nakita kong nag-blush nang matanggap ang wedding invitation. Sabi niya, “My God, this is the first time that I was invited to a lesbian wedding!” Sa pagkakaalam ko, umattend din siya.
“Puwede pala iyon? Magpakasal ang mga tomboy?” tanong ko sa mga kaibigan kong batang baklang guro (Siyempre, dyonda na rin sila ngayon.) sa Literature Department. Fresh from the province kasi ako no’n, batam-bata pa, at para sa akin ay kamangha-mangha iyon. “Siyempre it is not legal. It’s just a ceremony, a celebration,” paliwanag ng isa sa akin.
Ang isa pang kinamamanghaan ko, pinapayagan ang ganoon dito sa La Salle. Kayâ masaya at proud ako na dito ako nag-graduate school sa La Salle. Masaya at proud din ako na dito na rin ako nagtuturo ngayon. Kahit Katolikong unibersidad tayo, hindi tayo parochial. Halimbawa noong 1995 din, itinuturo na rin ng Literature Department ang kursong GALELIT o Gay and Lesbian Literature. Sa buong Filipinas, University of the Philippines Diliman at DLSU lang ang gumagawa nito.
Noong una kong Holy Week dito sa La Salle, siguro April 1996 iyon, namangha rin ako nang mabasa ang poster ng Harlequin Theatre Guild. Holy Monday at Holy Tuesday ay tatlong gay one-act plays ang kanilang ipalalabas. Siyempre nanood ako at doon ko nakita si Wanggo Gallaga, na freshman pa lamang noon, na naliligo (na hubad siyempre) sa stage sa Willam Shaw Theater sa isang dula. Very progressive! Very radical! Yes, I’m in the right university! Sabi ko sa sarili ko. Ito ang panahon na si Br. Andrew Gonzalez, FSC and presidente ng DLSU. Malawak ang kaniyang pang-unawa dahil isa siyang lingguwist at mapagkalinga sa literatura at malalayang sining. Kung para sa inyo ngayon ang Andrew ay isang building na pila sa elevator, para sa akin ay boss siya namin noon sa De La Salle University Press na binibigyan lagi kami ng UAAP tiket kapag may laro ang Green Archer sa Araneta Coliseum.
Noong 2008, itinanghal din ng Harlequin Theatre Guild ang gay full-length play ko na Unang Ulan ng Mayo. Puno palagi ang mga palabas nila dahil maraming Lasallian ang gustong manood ng dalawang lalaking naghahalikan. Apat na taon na itinanghal ng Harlequin ang dula kong ito.
Ganito tayo sa La Salle. Malawak ang pananaw sa buhay, lalo na sa mga isyung LGBT. Halimbawa, kung titser ka rito at aminin mo na bading ka o lesbiyana, hindi ito magiging dahilan na matanggal ka sa trabaho. Ngunit hindi La Salle ang buong Filipinas. Konserbatibo pa rin ang karamihan sa ating mga Filipino. Ang mga arsobispo natin ay napapa-susmaryahusep pa rin kapag tinatanong tungkol sa posibilidad ng same-sex marriage.
Palagi ko ngang sinasabi, mas naging konserbatibo pa tayo kaysa mga taong nagdala ng Katolisismo dito sa atin. Huwag nating kalimutan na ang Katolisismo ay hindi katutubo sa atin. Dinala lamang ito ng mga Kastila sa atin, epekto ng kulang-kulang sa apat na siglong kolonyalismo na sinundan naman ng kolonyalismong Americano na nagdala ng mas koserbatibo na relihiyong Protestante. Ngayon tingnan natin, ang Espanya, noong 1995 pa may same-sex marriage sa kanila. Tingnan natin ang Estados Unidos, noong nakaraang taon pa nagsabi ang kanilang Korte Suprema na ang kasal ay karapatan ng lahat pati ng mga homoseksuwal. Tayo, naiwan sa kangkungan ng konserbatismo.
Iniisip ko lang, naging mas masaya, mas maganda, at mas maayos ba ang pagsasama nina Mama P. at Tita S. kung ikinasal sila? Mas nagtagal kayâ sina Ms. Literature at Ms. Physics kung ligal ang naging kasal nila? Mayroon ba talagang forever para sa mga nagsasamang parehong lalaki at parehong babae kung may blessing ng estado ang kanilang pagsasama? Siyempre ang sagot ng mga bitter na katulad ko, wala naman talagang forever!
Ngayon kung tatanungin ninyo ako kung for o against ba ako sa same-sex marriage, na siyempre dahil bading ako, for ang aking awtomatikong sagot at siguro ito rin ang inaasahan ninyong sagot ko.
Pero ang talagang sagot ko ay ayaw ko sa same-sex marriage. Lalo na ngayong pinagmumuni-munian ko na ito. Ayoko ng kasal. Naniniwala ako na para lamang ito sa pagitan ng babae at lalaki. Isa itong sakramento sa konteksto ng isang relihiyon. Napakaheteroseksuwal nitong ritral. Ang gusto ko, domestic partnership na legal.
Ganito kasi iyon. Noong tag-araw ng nakaraang taon binisita ko sa Sweden ang kapatid ko at ang pamangkin kong si Juliet. Dalawang taon din siyang iniwan sa akin ng kaniyang ina sa bahay ko sa Pasig. Anim na taong gulang siya nang kunin at dalhin sa Sweden kung saan nakapangasawa ng isang Swede ang kaniyang nanay. Magpipitong taong gulang na siya last year nang bisitahin ko.
Isang hapon, habang naglalakad kami sa loob ng gubat ng mga pino at paminsan-minsan ay namumulot ng mga bluberi na agad kinakain namin, nag-usap kami ni Juliet.
“John, may sasabihin ako sa ‘yo pero sana huwag kang magalit.” John lang talaga ang tawag niya sa akin. Dalawa pa lamang ang mga pamangkin ko at iyon ang gusto kong itawag nila sa akin. Take note na sa Kinaray-a kami nag-uusap ni Juliet.
Tinanong ko siya kung ano ‘yon. Natawa ako na kinabahan. “John, puwede bang hindi ka na lang bakla,” sabi niya.
“Ha? Ang hirap naman niyang hinihingi mo, Be. Bakit naman iyan ang naisip mo? Sa Pasig pa lang tayo established na rin naman natin na bakla ako. Wala namang problema. Okey naman sa ‘yo,” sabi ko na medyo nagulat sa sinabi niya.
“Gusto ko sana kasi magkaroon ng tito na lalaki at hindi bakla,” sabi pa niya.
“Ha? Nandiyan naman si Tito Gary mo at si Tito Eric mo? Lalaki naman sila. Sila na lang. Bakit ako? Mako-confuse ako, Be kung bigla akong maging lalaki at hindi na ako bakla,” sabi ko. Si Gary ang nakababata kong kapatid at si Eric naman ang nakababatang kapatid ng Swedish niyang ama.
“Sige na nga, okey na lang din,” sabi niya na medyo malungkot. Niyakap niya ako at sinabihan ng, “I love you, John.”
Siyempre ang sagot ko, “I love you too, Bebe ko.”
“Sabagay,” sabi ni Juliet matapos niyang makapag-isip, “yung teacher nga naming babae, babae rin ang asawa niya.”
“Paano mo nalaman na babae rin ang asawa niya?” tanong ko at natawa ako bigla.
“Nakikita namin. Kapag hinahatid siya sa school sa umaga, naghahalikan sila—lips to lips—bago siya bumaba ng kotse,” sabi niya na hininaan ang boses na para namang may makakarinig sa amin sa gitna ng gubat. Maliban na lamang kung may tainga ang mga punong pino sa Sweden?
“Bongga,” sagot ko at patuloy na kaming naglakad ni Juliet na magkahawak-kamay.
Sa Sweden may tinatawag silang “sambo” na ang ibig sabihin ay “domestic partnership” o puwede ring simpleng pagli-live in lamang. Puwede i-formalize ang pagsa-sambo. Halimbawa sa pagpaparehistro ng sambo upang maging “registered partnership” required na pareho kayo ng address ng bahay na tinitirhan kasi nga sa iisang bahay kayo nakatira dapat. Maaari itong maging legally binding pagdating sa monogamy at mga property. Ang sambo ay maaaring sa pagitan ng babae at lalaki o sa pagitan ng lalaki at lalaki, at babae at babae. Noong 1994 ito inaprobahan ng kanilang Parlamento. Iba ito sa kasal. Klaro kasi sa Sweden ang separation of state and church. Noong 2009 lamang naging “gender neutral” ang kasal doon. Sweden ang pampitong bansa na legal ang same-sex na kasal. Ang mga nasa registered partnership ay maaaring magpakasal sa huwes man o sa simbahan kung nanaisin nila. Pero hindi na masyadong big deal sa mga taga-Sweden ang kasal.
Bilang isang bading, itong gender neutral na domestic partnership lamang ang gusto ko. Hindi para sa sarili ko sapagkat, well, I’m not the marrying type, kundi para sa mga may gusto nito. Legalidad kasi ang pinag-uusapan dito.
Halimbawa, may isang magdyowang bading—kunwari isang engineer at isang accountant—na magdadalawampung taon nang may relasyon. Siyempre magka-live in lang sila. Hindi legally binding. Si Engineer biglang nagkasakit. May AIDS. Siyempre nang malaman ng pamilya, shakelya sila. Hindi nila matanggap. Malala na ang sakit ni Engineer at nasa hospital na. Mukhang wala na ring pag-asa sabi ng mga doktor. Ngayon, nagdesisyon ang mga magulang at kapatid ni Engineer na kung wala na rin lang namang pag-asa na gumaling pa, ititigil na nila ang pagbibigay ng gamot dahil gagastos pa sila. Hintayin na lamang kung ano talaga ang kalooban ng Diyos. Ngayon, may pera naman si Accountant. Gusto pa ring ipagpatuloy ang pagbibigay ng gamot kay Engineer na parang asawa na talaga niya. Gusto niyang bigyan ng laban pa. Baka sakaling may himala. Sino ang susundin ng mga doktor sa hospital? Siyempre ang mga magulang at kapatid ni Engineer. Wala namang legal na relasyon sina Engineer at Accountant. Kahit sa pagkuha ng bangkay ni Engineer kalaunan sa morge ng hospital at ang paglilibing sa kaniya at ang pagmana ng kung ano mang ari-arian ang mayroon siya ay sa mga magulang at kapatid pa rin ang legal na karapatan. Backstroke si Accountant.
Samakatwid, walang legal na laban si Accountant dahil hindi naman sila kasal ni Engineer at wala ring legal na domestic partnership. Kahit na parang mag-asawa sila ay wala pa rin siyang legal na karapatan dahil parang mag-asawa nga lang sila.
Sa librong Same Sex Intimacies: Families of Choice and Other Life Expectations (New York: Routledge, 2001) nina Jeffrey Weeks, Brian Heaphy, at Catherine Donovan sinabi ng isang gin-interbyu nilang lesbiyana na si Martina na:
It’s about being a citizen. It’s about having full rights as a citizen really, and other citizens—every citizen has the right to certain things you know. It feels like, as lesbians, we haven’t got the right to, you know, publicly declare or have a state sanction for a relationship. So it feels like it’s almost depriving me of an aspect of my citizenship, really.
Ang operative concept dito ay “equal citizenship.” Kaya ayaw ko sa same-sex marriage dahil may bagahe ito ng usaping moralidad, ng relihiyon. Kaya ang gusto ko ay same-sex domestic or registered partnership dahil usaping legal ito at ang saligan nito ay pagkakapantay-pantay nating mga Filipino sa batas ng ating estado.
Hanggang dito na lamang muna ang pagmumuni ko hinggil sa isyung ito ng same-sex marriage. Isa itong masalimuot na paksa lalo na sa ating mga Filipino. Ang mahalaga, iba-iba man ang paniniwala natin hinggil dito, kailangang handa tayong makinig sa isa’t isa at laging bukas ang puso natin at isipan upang sa pagdating ng panahon, mapagkasunduan natin kung ano ang makabubuti para sa ating lahat.
[Oktubre 24, 2017 Martes
Tore kang Katáw]